Hinggil sa kasalukuyang katangian ng lipunang Pilipino

,

Hinggil sa kasalukuyang katangian ng lipunang Pilipino

Panayam kay Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas at
May-akda, Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Introduksyon: Ang usapin ng katangian ng lipunang Pilipino ay isang susing usapin sa ideolohiya sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Sa nakalipas na mga buwan, may natatanging pagsigla sa intelektwal at pampulitikang diskurso hinggil sa paksang ito laluna sa hanay ng kabataang Pilipino.

Natural na sisibol ang gayong interes dahil sa sumisidhing kahingian para sa pundamental na mga solusyon sa lalong litaw na krisis ng naghaharing sistema. Kasabay nito, nagsimulang patindihin ng mga elementong anti-Partido, kabilang ang mga Trotskyista, sosyal demokrata at iba pa, ang kanilang anti-Partidong diskurso upang kwestiyunin ang batayang pagsusuring panlipunan ng PKP sa layuning pigilan ang pagdami ng sumasapi sa Partido.

Patuloy na lumulubha ang sosyo-ekonomikong kalagayan ng mamamayan dahil sa mahigit tatlong dekada nang mga patakarang neoliberal. Lalo pang tumindi ang mga ito kamakailan dahil sa malawakang pagkawasak ng produktibong mga pwersa na resulta ng mga lockdown kaugnay ng pandemyang Covid-19.

Upang talakayin ang usaping ito, nagpasya kaming kapanayamin si Prof. Jose Maria Sison, ang tagapangulong tagapagtatag ng Partido, at bilang si Amado Guerrero, ang nagsulat ng “Lipunan at Rebolusyong Pilipino.” Sa espesyal na isyung ito, inihahapag ng Ang Bayan ang ilang kritikal na mga tanong kaugnay ng pagsusuri ng Partido sa sistemang panlipunan ng Pilipinas bilang malakolonyal at malapyudal.

Umaasa kami na makatutulong ang panayam na ito sa ibayong pagpapatalas ng paggagap ng ating kasapian sa mga usapin, at makatulong sa pag-aaral at mga pagsisikap sa pananaliksik upang palalimin ang ating pagkaunawa sa moda ng produksyon. Inaanyayahan namin ang mambabasa na magpadala ng kanilang mga komento. Maaari ring isumite ang mga karagdagang katanungan, gayundin ang mga impormasyon, dahil makatutulong ang mga ito sa mga panayam at artikulo sa hinaharap.


Ang Bayan (AB): Nang isulat mo ang “Lipunan at Rebolusyong Pilipino” noong 1969, inilarawan mo ang lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal. Ano ang ibig mong sabihin noon?

Jose Maria Sison (JMS): Sa pagsabing malakolonyalismo, ibig kong sabihin na ang Pilipinas ay naging malaya sa ngalan mula nang pormal na tinapos ng US ang kolonyal na paghahari nito at pormal na ipinagkaloob ang kalayaan sa Pilipinas noong 1946. Sa halip na kolonyal na mga upisyal ng US ang nagpapatakbo sa gubyerno mula sa pambansang antas pababa, ang mga pulitikong nagsisilbi sa monopolyo kapitalismong US at kumakatawan sa uring malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa ang nagpatakbo sa buong gubyerno ng Pilipinas.

Pero tiniyak ng US, sa pamamagitan ng US-RP Treaty of General Relations of 1946 at sumunod pang mga tratado, kasunduan at kaayusan, na patuloy itong makapangingibabaw sa Pilipinas sa usapin ng ekonomya, lipunan, pulitika at militar. Pinanatili ng US ang kanyang mga karapatan sa pag-aari, mga baseng militar, kontrol sa ekonomya at militar at iba pang paraan para pagharian ang Pilipinas. Ibig sabihin ng malakolonyalismo, ang Pilipinas ay hindi lubos na malaya ngunit sa halip ay nakapailalim sa dikta ng isang imperyalistang kapangyarihan.

Sa pagsabing malapyudalismo, ibig kong sabihin, ang Pilipinas ay hindi na lubusang pyudal at hindi na pinaghaharian pangunahin ng uring panginoong maylupa, sa halip ay ng malaking burgesyang kumprador bilang nangungunang ahente sa kalakalan at pinansya ng dayuhang monopolyong kapitalismo na nagmamay-ari ng malalawak na lupain at mapandambong na mga empresa upang magsilbing base para sa pagluluwas ng hilaw na materyales kapalit ng mga kagamitan at iba pang inaangkat na manupaktura.

Nagsimulang humina ang natural na ekonomya ng pyudalismo nang magsimulang mangibabaw ang produksyon ng kalakal at paggamit ng salapi sa pakikipagpalitan, dahil sa makabuluhang pag-unlad ng produksyon ng mga tanim na pang-eksport noong unang hati ng ika-19 siglo, laluna nang magbukas ang Suez Canal, at nang umusbong ang hatian kung saan ang ilang rehiyon ay nakatuon sa mga pananim na pang-eksport at ang iba nama’y sa mga pagkaing tanim para sa konsumong lokal.

Pero noong panahon na ng kolonyalismong US naging dominante ang malapyudal na sistemang sa ekonomya sa Pilipinas nang binuksan ng mga mananakop na Amerikano ang mga minahan, nagbigay ng mga konsesyon sa pagtotroso, at pinalawak ang mga plantasyon para sa produksyon ng mga pang-eksport na hilaw na materyales kapalit ng mas malalaking pag-angkat ng mga kagamitan at iba pang manupaktura. Umusbong ang malaking burgesyang kumprador nang maging mas makapangyarihan ang katutubo at mestisong naghaharing uri na nakatira sa mga syudad kaysa sa uring panginoong maylupa sa mga prubinsya. Sa panahon ng kolonyal na paghaharing Espanyol, ang malalaking kumprador ay yaong mga kolonyal na upisyal, mga mangangalakal na Espanyol at mga ordeng relihiyoso.

AB: Tumpak pa ba ang mga terminong malakolonyal at malapyudal? Hindi ba natin pwedeng gamitin ang mga terminong neokolonyal sa halip na malakolonyal at kapitalista sa halip na malapyudal?

JMS: Tumpak pa rin ang mga terminong malakolonyal at malapyudal para isalarawan ang lipunang Pilipino. Ang malakolonyalismo ay natatanging pampulitikang terminong tumutukoy sa kawalan ng ganap na kalayaan ng Pilipinas at sa nagpapatuloy ng kontrol sa Pilipinas ng US at mga imperyalistang alyado nito. Tanggap ang terminong ito at hindi naging target ng pagkwestyon o pagtutol. Isa itong pangmatagalang termino mula kay Lenin na tumukoy sa mga kolonya, malakolonya at mga bansang dependyente na nakapailalim sa mga imperyalistang kapangyarihan.

Tulad ng iba, ginagamit ko minsan ang terminong neokolonya sa pagtukoy sa Pilipinas upang ipakita na ang Pilipinas ngayon ay nasa ilalim ng bagong porma ng pampulitikang kontrol sa pamamagitan ng mga kontrol sa ekonomya at pinansya sa halip na sa direktang burukratiko at militar na kontrol ng isang kapangyarihang kolonyal. Sina Sukarno at Zhou En-lai ang mga pinakakilala sa paggamit ng terminong ito sa Bandung Conference ng mamamayang African at Asian laban sa imperyalismo, neokolonyalismo at kolonyalismo. Wala akong nakikitang mali sa paggamit ng neokolonya bilang katumbas ng malakolonya.

Tulad ng terminong malakolonyalismo, ang malapyudalismo ay mula sa Marxista-Leninistang literatura na naglarawan sa ekonomya ng China bago ang tagumpay doon ng rebolusyon noong 1949. Ginagamit ito sa paglarawan sa mga ekonomyang matagal nang dominado ng sistemang kalakal ng produksyon at hindi na sa pamamagitan ng natural na ekonomya ng pyudalismo. Subalit burgesya sa kalakalan at hindi burgesya sa industriya ang siyang pangunahing naghaharing uri batay sa pagmamay-ari ng lupa o sa pakikisosyo sa uring panginoong maylupa.

Eksaktong termino ang malapyudalismo na may tiyak na kahulugan. Ito ay malaking kumprador na tipo ng kapitalismo na nakabatay sa kalagayang pyudal at malapyudal at nabubuhay sa tagibang na palitang kolonyal ng mga hilaw na materyales at inaangkat na manupaktura. Isa itong termino para sa ekonomyang di-industriyal o pre-industriyal at agraryo kung saan ang malaking burgesyang kumprador ay umusbong na pinakamayaman at pinakamakapangyarihang uring mapagsamantala mula sa mga pyudal na asyenda na pinagkukunan ng pang-eksport at kakumbina ng uring panginoong maylupa. Dahil impluwensyado ng mga ekonomistang burges, mga Kanang sosyal demokrata at mga Trotskyista, iniisip ng ilan na ang terminong ito’y hindi kailanman naging tumpak o kaya ngayo’y lipas na.

Sa isip nila, dapat pyudal lang o kapitalista lang ang isang ekonomya. Hindi nila inuunawa na sa kasaysayan ng kapitalismo sa mundo, umusbong ito mula sa sinapupunan ng pyudalismo, una sa porma ng mga negosyong yaring-kamay, ilang magagaang manupaktura at palitan ng kalakal sa pagitan ng sentrong bayan at kanayunan bago pa man sumulong ang kapitalismo sa industriya bilang dominanteng porma ng kapitalismo sa pag-usbong ng makinang steam (singaw) at paglao’y mga makinang elektro-mekanikal para sa maramihang produksyon at malawakang distribusyon ng mga kalakal.

Tumutukoy ang terminong malapyudalismo sa tipo ng ekonomyang lumitaw mula sa pyudalismo at lalong lumitaw sa Pilipinas noong ika-20 siglo sa pag-usbong ng malaking burgesyang kumprador bilang pangunahing mapagsamantalang uri kakutsaba ang uring panginoong maylupa. Matagal nang malalaking panginoong maylupa ang mga malalaking kumprador dahil ibinabase nila ang mga sarili sa malalawak na lupain na gamit para sa produksyon ng mga tanim na pang-eksport kapalit ng pag-angkat ng mga yaring produkto mula sa labas ng bansa. Bago sumibol ang katutubo at mestisong malaking burgesyang kumprador sa ilalim ng kolonyalismong US, ang mga kolonyal na burukratang Espanyol, mga mangangalakal at ordeng relihiyoso ang nagsilbing malalaking kumprador sa kalakalang Manila-Acapulco, at pagkatapos, sa mas direktang kalakalang Manila-Europe noong ika-19 siglo.

Ang malaking kumprador na pamilyang Ayala at mga kamag-anak ay nagmamay-ari ng mga bangko at kumpanya sa kalakal ngunit nagmamay-ari rin o namamahala sa malalawak na lupain sa Calatagan at Nasugbu, Batangas at kung saan-saan pa mula pagpasok ng ika-20 siglo. Nito lamang nagdaang mga taon sa ika-21 siglo, ang kapapanaw pa lamang na si Eduardo Cojuangco ay nagmay-ari ng United Coconut Planters Bank at naging may-ari ng dambuhalang empresang malaking kumprador na San Miguel Corporation, pero nagmay-ari din ng may 20 asyenda sa iba’t ibang prubinsya sa Pilipinas (Tarlac, Pangasinan, Isabela, Negros, Palawan, Agusan, Albay at iba pa).

AB: Paano mo ipapaliwanag ang kasalukuyang ekonomya ng Pilipinas bilang malapyudal?

JMS: Pinaghaharian pa rin ang ekonomya ng Pilipinas ng malalaking burgesyang kumprador kakumbina ang uring panginoong maylupa. Wala itong sariling pundasyong industriyal. Hindi ito lumilikha ng mga kagamitang pang-industriya, at sa halip ay nag-aangkat ng mga ito pangunahin mula sa kita sa pagluluwas ng mga produktong agrikultural at mga batong mineral. Wala itong nagsasariling industriya sa asero. Wala itong industriya sa paglikha ng makina o di kaya’y kakayahang lumikha ng kasangkapan para sa makina, sasakyan, kompyuter, batayang kemikal, medisina at iba pang pangunahing produkto at mayor na manupaktura.

Nakasalalay ang lokal na manupaktura sa mga inaangkat na makina at mga hilaw na materyales. Ang itinuturing na mga export processing zone ng mga negosyong multinasyunal ay hiwalay sa lokal na ekonomya at imbwelto sa bahaging pagpoproseso at pag-aasembol. Buntot o bahagi lamang sila ng internasyunal na linya sa pag-aasembol ng mga negosyong multinasyunal.

Ang tinaguriang mga industriya sa serbisyo ay nagsisilbing karugtong, hindi ng nagsasariling industriya sa bansa, kundi ng mga operasyon na tipong-kumprador sa pag-eeksport at lokal na pakyawang kalakalan, pinansya, turismo at paglalakbay, at ang buong sakop ng midya, komunikasyon at mga negosyong nakabase sa info-tech, na sumasapaw lamang ng kita sa mga perasyon nito na sa esensya’y pangkomersyo na may ilang katangiang globalisado. Sa unang tingin, maningning at mukhang kapitalista ang gayong mga industriya, pero pawang di-sustenableng mga usbong ng ekonomyang malapyudal.

Sa kabila ng o dahil sa matagal nang tumatakbong pekeng programa sa lupa ng agraryong estado, nananatiling mayor na base ng ekonomya ang agrikultura pero ito ay pangunahing nakasadlak sa tradisyunal na mga relasyong pyudal sa produksyon, atrasado, di-mekanisado, walang-irigasyon at may mababang ani. Gayunman, may kapuna-punang penomenon ng kalat-kalat na gamit ng mga makinang harvester at thresher mula sa China at Japan sa maliliit at katamtamang-laking lupain, na nag-aalis sa mga manggagawang bukid. Ang malakihang produksyong agrikultural na may bahaging mekanisado at pana-panahong nag-eempleyo ng mga manggagawang bukid ay makikita sa mga plantasyong may pananim na pang-eksport at pagmamay-ari ng mga dayuhan at malaking kumprador.

AB: Pwede mo bang ipaliwanag ang epekto ng mga pagpihit sa mga patakaran ng US at ng pandaigdigang sistemang kapitalista mula dekada 1950? Ang mga pihit bang ito sa mga patakaran, na pawang sinunod ng gubyerno ng Pilipinas, ay nakapagtulak ng industriyalisasyon ng Pilipinas?

JMS: Nagkaroon ng kapuna-puna at paimbabaw na mga penomenon sa Pilipinas kaakibat ng mga pagpihit sa patakaran sa ekonomya ng imperyalismong US at lokal na mga reaksyunaryo. Hanggang dekada 1950, bumuhos sa Pilipinas ang mga surplas na produktong pangkonsumo para sairin ang bayad-pinsala ng Japan sa gera at mga pautang mula sa US Export-Import Bank. Pagsapit ng dekada 1970 matapos ang rehabilitasyon ng Japan, dinagsa ang Pilipinas ng kung anu-anong produkto ng Japan at pinasok ni Marcos ang mga pakitang-gilas na mga proyektong imprastruktura gamit ang natitirang bayad-pinsala ng Japan at pautang ng World Bank.

Inakala ng ilang burges na ekonomistang mababaw ang pag-iisip na magiging bagong-industriyalisadong bansa ang Pilipinas matapos simulan ang mga export-processing zone. Pero pinatunayan ng mga naghaharing Pilipino na wala silang kakayahang ikutan ang mga limitasyong ipinataw ng mga nagpapautang na Japanese sa Iligan Integrated Steel Mills na itinayo sa panahon ni Macapagal at kalauna’y ibinenta sa mga Chinese Malaysian sa panahon ni Ramos.

Ang multilateral na konsensus sa hanay ng mga bansang industriyal kapitalista sa IMF, World Bank at Asian Development Bank ay panatilihin ang Pilipinas bilang di-industriyal at agraryo, tambakan ng mga sobrang manupaktura at pagkukunan ng murang hilaw na materyales, at nilimitahan sa pagtatayo ng imprastruktura para sa pag-eksport ng hilaw na materyales at pag-angkat ng mga yaring manupaktura.

Ang bahaging nakuha ng Pilipinas sa imperyalistang pagreresaykel ng petrodollar para sa mga proyektong konstruksyon sa Middle East ay ang desperadong pihit ng mga kumpanya sa konstruksyon ng mga kroni ni Marcos sa rehiyong iyon, ang pagtatalaga ng mga Pilipinong manggagawa sa konstruksyon at ang simula ng makabuluhang halaga ng mga remitans mula sa mga migranteng manggagawa upang isustine ang pag-aangkat ng mga produktong pangkonsumo sa ilalim ng malaking burgesyang kumprador sa Pilipinas.

Pero ang mas malaking penomenon ng pagluluwas ng higit na malaking bilang ng murang lakas-paggawang Pilipino ay umusbong sa ilalim ng balangkas ng patakarang neoliberal para kumita ng dayuhang salapi at ipandagdag sa dayuhang utang na pampuno sa lumalaking depisito bunsod ng pagtatambak ng surplus na mga produktong pangkonsumong mula sa mga imperyalistang bansa at bagong-industriyalisadong kalapit-bansa sa East Asia.

Inupat ng US ang neoliberal na patakaran ng imperyalistang globalisasyon sa walang saysay na tangkang pangibabawan ang lumulubhang krisis ng labis na produksyon sa US at sa mga industriyalisadong alyado nito mula 1979. Nakakapanindak ang patakarang ito dahil tahasan itong nanawagan ng todong pagkakamkam ng monopolyong kapital, ng sadyang pagbawas sa sahod at serbisyong panlipunan, ng denasyunalisasyon ng mahihinang ekonomya at ng pag-abuso sa internasyunal na pautang para sa pribadong konstruksyon at pagtustos sa mga produksyong pangkonsumo. Hindi nagkaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na mag-industriyalisa sa ilalim ng balangkas na neoliberal kahit ngayong bangkarote na ang neoliberalismo at nasa proseso na ng pagsambulat ang problema ng pampublikong utang kapwa sa mga bansang industriyalisado at di-industriyalisado.

Ang bagong mga aspeto ng lokal na ekonomya gaya ng makabuluhang paglaki ng remitans ng mga OFW mula katapusan ng dekada 1970, ang paglawak ng tinaguriang free economic zone, at malawakang pagpalit-gamit ng lupa para sa real estate at produksyon ng bagong mga pananim na pang eksport, ay nagpalala at nagpalalim sa atrasado at di-industriyalisadong katangian ng mga lokal na pwersa ng produksyon sa Pilipinas.

Ang makabuluhang mga pagbabagong panlabas tulad ng ganap na panunumbalik sa kapitalismo sa Soviet Union at China, ang paglitaw ng China bilang higante sa pagmamanupaktura, pag-unlad sa teknolohiya sa komunikasyon, robotiko at iba ay nagpalala lamang ng problema ng krisis sa sobrang produksyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista at hindi nagbigay ng oportunidad sa reaksyunaryong gubyerno sa Pilipinas na magpaunlad sa industriya ng bansa, laluna’t wala naman itong kapasyahang pampulitika para gawin ito.

AB: Ano ang bumubuo ng populasyon ng Pilipinas kung pagbabatayan ang mga uring sosyo-ekonomiko at sa paghahati sa kalunsuran at kanayunan?

JMS: Batay sa huwad na estadistika ng reaksyunaryong gubyerno, ang kabuuang bilang ng mga empleyado sa sektor ng industriya (19.1%) at serbisyo (58%) ay 77.1% na ng pwersang paggawa, at ang sa agrikultura ay 22.9% na lamang. Dalawang bagay ang hindi binabanggit kaya’t napagmumukhang maliit ang empleyo sa agrikultura: una, halos ang buong pamilya ng mga magsasaka at manggagawang-bukid, kabilang ang mga babae at bata, ay gumagampan ng trabaho sa bukid at iba pang produktibong aktibidad sa natural na ekonomya; at ikalawa, karamihan ng labis na populasyon at mga namamasukan sa kanayunan at marami sa namamasukan sa kalunsuran ay nakadugtong pa sa kanilang mga pamilyang magsasaka.
Sa pagsasaalang-alang sa mga uring bumubuo ng populasyon ng Pilipinas, dapat sa pangkalahata’y bilangin na kabilang sa isang tiyak na uring sosyo-ekonomiko ang mga kapamilyang nakasalalay o tumutulong sa trabaho ng kanilang magulang. Laluna sa mga magsasaka at manggagawang-bukid dahil kalahok sila sa produksyon at may tiyak na bahagi sa kabuuang produkto. Sa ganitong pagtingin, ang mahihirap at panggitnang magsasaka ay sila pa ring higit na malaking mayorya ng mamamayang kalahok sa dalawang saligang produktibong sektor ng agrikultura at industriya. Hindi bababa sa 60% ng populasyon ay magsasaka at nasa kanayunan.

Inaamin maging ng huwad na estadistika ng reaksyunaryong gubyerno na mas marami pa rin ang nasa agrikultura kaysa industriya, bagaman pinalalabas na napakaliit ng agwat. Ang mekanikal at mababaw ang depinisyon ng “urban” sa mga estadistikang ito, ay may pangkalahatang epektong higit pang nagpapalobo sa bilang ng empleyo na hindi sa kanayunan, kahit pa karaniwan sila ay mga kapamilya ng mga magsasaka na naghahanap ng mapagkakakitaan sa katabing mga bayan, tulad ng mga drayber, kargador, manininda, katulong sa mga tindahan at iba pang kaswal sa ekonomyang impormal.

Kapuna-puna ang malaproletaryanisasyon sa kanayunan dahil sa limitadong lupang agrikultural, malawakang pagpalit-gamit ng lupa para sa real estate, turismo, at mga proyketo para sa enerhiya at imprastruktura. Ito ay nagreresulta sa papalaking bilang ng sobrang magsasaka at manggagawang bukid na napapalayas sa lupa at nawawalan ng lugar sa produksyong agrikultural.

Halos wala silang oportunidad na maging produktibo dahil sa limitado ang industriya sa mga syudad at may hangganan din ang empleyo para sa OFW, kaya malaking bilang ng pwersa sa paggawa sa kanayunan ay napapalayas sa lupa at naoobligang tumigil sa paghahanapbuhay. Para may makain at mapakain sa kanilang pamilya, pinapasok nila ang iba’t ibang produktibong trabaho gaya ng paghahabal-habal, pagtitinda, pana-panahong pagkakaingin, pagbenta ng panggatong at iba pa, na pawang nakatali sa ekonomya sa kanayunan.

Ang pamilya ng malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista ay bumubuo sa 1% ng populasyon ng Pilipinas, at ang nabansot na panggitnang burgesya ay di hihigit sa 2%, ang petiburgesya sa kalunsuran ay nasa 6-8 porsyento ng populasyon. Di bababa sa 90% ng populasyon ay mga manggagawa at magsasaka, kasama ang 30-40 porsyentong manggagawang di agrikultural. Walang makabuluhang industriyal na kapitalistang pag-unlad para radikal na baguhin ang panlipunang tatsulok at ang distribusyon sa kanayunan at kalunsuran ng populasyon mula nang isulat ang “Lipunan at Rebolusyong Pilipino.”

Lubhang di maunlad ang Pilipinas kung titingnan ang disempleyo bilang indikasyon ng kaunlaran. Batay sa upisyal na estadistika noong 2019, 12 milyon o mahigit 26% ng 45 milyong pwersa sa paggawa ang di makahanap ng trabaho sa Pilipinas kaya’t nangibang bayan. May 10.6 milyon o 23% ng pwersa sa paggawa ang nananatili sa Pilipinas at inaamin ng reaksyunaryong gubyerno na walang trabaho. Sa kabuuan, 22.6 milyon o 49% ng pwersa ng paggawa ang walang trabaho.

Inaamin ng Philippine Statistics Authority ng gubyerno na sa halos 70 milyon ng mga Pilipino ang nasa gulang para magtrabaho (batay sa Labor Force Survey ng 2017), mahigit 27 milyon ang tinurang “wala sa pwersa ng paggawa.” Kasama dito ang mga OFW na hindi isinasama ng PSA sa datos nito sa paggawa. Kabilang din dito ang mga “di naghahanap ng trabaho” sa iba’t ibang kadahilanan. Patunay din ito sa sidhi ng problema sa disempleyo sa bansa.

Liban sa pagluluwas ng hilaw na materyales para sa dayuhang monopolyong kapitalismo, napakalaki rin ng iniluluwas ng Pilipinas na murang lakas paggawa mula 1980. Ginagawa ito sa dalawang paraan na may dambuhalang paglaki:

1) ang mga Pilipinong nangibang-bayan (lumaki ang mga nag-OFW mula 214,590 noong 1980 tungong 2 milyon kada taon noong 2016; samantala, lumaki mula 7 milyon noong 1997 [dito nagsimula ang pagdadatos] tungong 10.3 milyon ang kabuuang bilang ng mga Pilipino sa ibayong-dagat noong 2013 [ito ang pinakabagong datos, bagaman ang tantya ng Migrante ay hindi na ito bababa sa 12 milyon]); at

2) pag-empleyo sa mga special economic zone (mula 91,860 noong 1994 tungong mahigit 1.5 milyon sa kasalukuyan; mula ito sa paglaki ng mga SEZ mula 16 tungong 395, at ng mga empresa [pangunahing mga TNC] sa mga ito, mula 331 tungong 4,341 sa panahon ding iyon). Klarong patunay ito na sa kakulangan ng baseng industriyal sa Pilipinas, sinasamantala ng dayong monopolyang kapital ang likas na yaman at murang paggawa sa Pilipinas.

AB: Noong 1983 sinuri ninyo ni Ka Julie, ang iyong asawa, ang moda sa produksyon sa Pilipinas at kinontra ang maling linya na hindi na malapyudal ang Pilipinas kundi kapitalista? Ano ang batayan ng linyang iyon?

JMS: Oo, noong 1983, inisip namin na tungkulin naming kontrahin ang maling linya na hindi na malapyudal ang ekonomya ng Pilipinas kundi kapitalista. Kung gagamitin kasi ang terminong kapitalista, ibig sabihi’y industriyal kapitalista na ang Pilipinas. Wala sanang problema kung ang kapitalismo sa bansa ay tinawag na kapitalismong malapyudal o kapitalismong malaking kumprador o ekonomyang malaking kumprador-panginoong lupa.

May ilang kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas na medyo namangha sa mga proyektong pang-imprastruktura at propaganda ng pasistang rehimeng Marcos na nagiging industriyal kapitalista na ang Pilipinas dahil sa “labing-isang proyektong pang-industriya” na kadugtong ng mga proyektong pang-imprastruktura at ng pagsuporta sa tinaguriang bangkong unibersal, hindi na lamang mga bangkong komersyal kundi mga bangkong para sa pamumuhunang industriyal, tulad ng mga pinagsanib na bangko at kapital ng industriya sa paglitaw ng monopolyong kapitalismo sa Europe.

Inisip namin ni Julie na yaong nasabi kong mga kadre ng PKP ay nasa impluwensya ng ekonomistang burges o maging ng Trotskyismo. Kulang ang kanilang kaalaman sa ekonomyang pampulitika at kulang sa kakayahang kritikal. Sabi pa nila na mabilis nang nawawala ang mga magsasaka sa Central Luzon dahil sa industriyalisasyon at hindi kinilala na di nagbago ang bilang ng mga magsasaka habang lumalaki ang sobrang populasyon sa kanayunan na desperadong naghahanap ng mapagkakakitaan sa kabukiran at sa Metro Manila. Nasilaw din sila sa aabutin ng mga export processing zone at mga empresa sa semiprocessing.

Bigo nilang kilalanin na ang burukratang kapitalistang si Marcos at kanyang mga kroni ay malalaking kumprador na nakikinabang sa mga proyektong pang-imprastruktura na batbat ng korapsyon at nakasalalay sa pabigat na dayuhang pautang, gayundin sa imported na mga kagamitan sa konstruksyon at bakal na pangkabilya. Puro hangin lang ang tinaguriang labing-isang proyektong pang-industriya at mga bangkong unibersal at nakapailalim lang sa mga proyektong pang-imprastruktura at kalakalang export-import. Malayo sa sinasabing pinakamodernong industriya ang nakita sa mga export processing zone kundi panglaylayang pagpoproseso o pag-aasembol ng mga gawa nang piyesa.

Walang kamuwang-muwang ang mga nagkamaling kasama na naubos na ni Marcos ang bayad-pinsala sa gera ng Japan at simula 1979 ay hirap na at matindi na ang kritisismo sa neo-Keynesian na pagpapautang sa ilalim ng World Bank para buhayin ang kolonyal na palitan ng hilaw na materyales mula sa mga liblib na lugar at ng mga yaring produkto sa mga kalunsuran. Namumroblema na sa pinansya ang pasistang rehimeng Marcos noong 1979-1982 dahil sa pagliit ng pandaigdigang pautang.

AB: Ano ang mga ibinunga ng maling linya ng mga tila pumupuri kay Marcos sa pagtransporma ng Pilipinas mula malapyudal tungong kapitalistang industriyal.

JMS: Ang suhetibistang linyang binago o binabago ni Marcos ang ekonomya ng Pilipinas mula malapyudal tungong industriyal kapitalista ay nag-anak ng Kanan at “Kaliwang” linyang oportunista. Pinalakas nito ang repormistang linyang Kanang oportunista ng tinawag na popular demokrata. Pinaypayan din nito ang “Kaliwang” oportunista at Trotskyistang linyang mali ang Maoistang linya ng matagalang digmang bayan at na ang tagumpay ng armadong rebolusyon ay matatamo sa mga pag-aalsa sa kalunsuran at/o sa mabilis na regularisasyon ng hukbong bayan. Nakita sa mga Trotskyistang palagay ang “Kaliwang” oportunistang linya at pinakamalubhang puminsala sa armadong rebolusyon noong 1986 hanggang 1992, na nag-udyok ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992.

Hindi napigilan ng kritika sa maling suhetibistang linya sa moda sa produksyon sa Pilipinas noong 1983 ang pamamayagpag ng mga Kanang oportunista at “Kaliwang” oportunista at pagsira sa mga rebolusyonaryong pwersa sa iba’t ibang panahon at rehiyon, ngunit pinatibay nito ang Marxista-Leninistang pundasyon ng PKP at umani ng suporta ng mayorya ng mga kadre at kasapi para sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Isa itong kilusang pang-edukasyon para iwaksi, punahin at iwasto ang mga maling suhetibistang linya at ang mga Kanan at “Kaliwang” oportunistang pagkakamali at karugtong nitong mga krimen. Iniligtas nito ang PKP at rebolusyonaryong kilusan mula sa paglalaho.

AB: Mayroon na naman ngayong mga nagsasabi na hindi na malapyudal ang Pilipinas, kundi kapitalista na. Bakit? Ano ang batayan ng mga ito? Umunlad ba talaga ang patakarang neoliberal lagpas sa sinasabi mong ekonomyang malapyudal?

JMS: Tulad nang matagal nang itinuro sa atin ni Lenin hinggil sa batas ng di pantay na pag-unlad, maaaring pasumpong-sumpong na mamuhunan ang imperyalismo o monopolyong kapitalismo sa mga bansang kolonya, malakolonya at dependyente, subalit hindi ito maghahatid ng pantay na kaunlaran sa ekonomya mula sa isang antas tungo sa bagong mas mataas na antas. Ang tipo ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas sa panahon ni Marcos ay hindi nag-angat sa Pilipino mula malapyudalismo tungong kapitalismong industriyal, kundi naglugmok dito sa mas malalang klase ng malapyudalismo na nagresulta sa pagbagsak ni Marcos at pagkatigil ng ekonomya sa panahon ni Cory Aquino.

Tapos mula 1992, itinulak nang husto ni Ramos bilang presidente ang patakarang neoliberal, isinapribado ang mga pag-aaring estado at ginamit ang kita para palutangin ang badyet at makapangutang para sa bwelo ng pribadong konstruksyon at ng mas malaking importasyon ng yaring mga kalakal. Lumubha pa ang kalagayan ng ekonomya ng Pilipinas at tinamaan nang husto ng krisis sa pinansya sa Asia noong 1997. Nalugmok ang mga empresa sa pagpuprosesong pang-eksport at dinaig ng China bilang panghuling tagapag-asembol.

Hindi nakapagtagal ang rehimeng Estrada dahil sa korapsyon at pagkalugmok ng ekonomya. Pero sa kabila ng mga kahirapan, mistulang nalutas ng sumunod na rehimeng Arroyo at Aquino ang ekonomya dahil sa mababang interes ng internasyunal na pautang na ginawa para muling buhayin ang pandaigdigang kapitalistang ekonomya, sa paglabas-masok ng ispekulatibong pondo (portfolio) na hindi nagtayo ng anumang produktibong empresa, sa remitans ng dayuhang salapi mula sa mga OFW at sa paglipat sa Pilipinas ng mga operasyong business processing mula sa mga imperyalistang bansa.

Ang “pag-unlad” ng ekonomya ng Pilipinas mula 2000 ay itinutumbas o pinalalabas sa mga makikinang na gusaling matataas hatid ng pondong neoliberal at malaking halaga ng pagkokonsumo ng mga imported na kalakal dahil sa lumalaking dayuhang utang kakumbinasyon ng remitans ng mga OFW na hindi sapat para punuan ang kakulangan sa badyet at kalakalan. Kaya umaabot na ngayon sa P9 trilyon ang pampublikong utang na walang anumang pag-unlad sa industriya. Lalong titingkad ang atrasado at di industriyalisadong katangian ng ekonomya ng Plipinas sa paglaho ng bula ng neoliberalismo kapwa sa mga bansang industriyal kapitalista at mga bansang di industriyalisado tulad ng Pilipinas.

Pero may nag-iisip na ang kakatwang distribusyon ng empleyo at produkto sa agrikultura, industriya at serbisyo ay tanda ng pag-angat sa ekonomya ng Pilipinas mula malapyudalismo tungong kapitalismo, na nagsasaad ng kapitalismong industriyal. Ayon sa pinakahuling datos ng gubyerno, diumano’y 22.9% ang bahagi ng agrikultura sa empleyo at 7.4% ang bahagi nito sa GDP, 19.1% ang bahagi ng industriya sa empleyo at 34% sa GDP, at 58% ang bahagi ng serbisyo sa empleyo at 58.6% sa GDP.

Pawang kabulastugan ang mga numerong ito dahil pinaliliit ang bahaging ineempleyo sa agrikultura at isinasaisantabi ang katotohanang buu-buong pamilya ng mga magsasaka at manggagawang-bukid (kabilang ang mga batang mas mababa sa 10 taong gulang) ang lumalahok sa trabaho sa bukid, at labis namang pinalalaki ang may trabaho sa sektor serbisyo na klarong kasama sa taya ang napakalaking bilang ng mga kumikita sa tabi-tabi at yaong walang trabaho. Ang serbisyo ay di produktibong sektor, di tulad ng agrikultura at industriya.

Anupaman, lubos na makabuluhan ang sektor ng serbisyo dahil dito naghahari ang mga burgesyang kumprador at kanyang malalaking korporasyon sa pinansya, pagkakalakal at serbisyo. Itinatakda nito ang malapyudal at malaking kumprador kapitalistang katangian ng ekonomya ng Pilipinas na walang pundasyong industriyal. Pero isinasama rin ng mga eksperto sa datos ng reaksyunaryong gubyerno sa sektor ng serbisyo ang maliliit at katamtamang-laking empresa at ang higit na nakararaming kumikita bilang mga drayber ng jeep, may pwesto sa palengke, bantay sa gasolinahan, may-ari ng mga tindahan, mga naglalako sa lansangan, tagaluto, serbidor at iba pang nasa “ekonomyang hindi pormal.”

Ipinakikita ng dominasyon ng sektor ng serbisyo sa ekonomya ang wasak na di industriyalisadong katayuan ng ekonomya. Ang bahagi ng empleyo at produktong nakapailalim sa sektor ng industriya ay malinaw na di tanda na kapitalistang industriyal ang Pilipinas, lalo’t kung iisiping ang sektor ng industriya sa Pilipinas ay nakasalalay sa mga imported na kagamitan, langis at iba pang sangkap at mga hilaw na materyales.

Ang pinalalabas ngayon ng mga reaksyunaryong naghahari at ekonomista na kapitalistang industriyal na pag-unlad sa Pilipinas ay pailan-ilan lamang na malalaking industriyal kapitalistang produksyon na nakaasa sa imported na mga kagamitan at sangkap kabilang ang produksyon ng mga piyesang elektroniko, electrical wiring at iba pang mga kalakal na pang-eksport sa mga export processing zone. Ang mga lugar na ito na mura ang lakas paggawa at libre sa buwis ay bahagi ng internasyunal na assembly line (ngayo’y binihisang “global value chain”) ng mga korporasyong multinasyunal.

May malalaking industriya ring kumakamkam sa hilaw na materyales tulad ng pagmimina na gumagamit ng dambuhalang mga makina, malalakas na eksplosibo, open pit at malaking kantidad ng cyanide at iba pang nakamamatay na kemikal, at internasyunal na mga sasakyang pandagat na umiiwas sa buwis kasabwat ang mga kurap na upisyal. Malaking bilang ng Pilipinong proletaryado ang konsentrado sa larangang ito ng ekonomya. Subalit ang tanong, bumubuo o nag-aambag ba ang mga ito sa lokal na kapitalistang pag-unlad. Ang pagpuproseso ng mga batong mineral ay ginagawa sa ibayong dagat lagpas sa unang yugto.

Liban sa mababang sahod na ibinabayad sa mga manggagawa, ang mga negosyong mina sa katunayan ay hindi nagdaragdag ng kahit anong halaga sa lokal na kapitalistang pag-unlad. Sa katunayan, pinipigilan nito ang mga lokal na kapitalistang salik na umunlad sa paraang industriyal sa pamamagitan ng paghigop sa lokal na yaman ng bansa, at pag-impluwensya sa patakaran sa ekonomya na nakapipinsala sa pambansang burgesya. Ang nagsasariling lokal na kapitalistang sektor ay limitado lamang sa maliliit at katamtamang-laking pagmamanupaktura, na karamihan ay nasa lokal na pagmamanupaktura ng pagkain.

AB: Ano ang mga posibleng ibunga ng hindi pagsasalarawan sa pulitika at ekonomya ng Pilipinas sa pinakawastong paraan?

JMS: Kung lalawak ang pananaw na ang Pilipinas ay kapitalistang industriyal na mula sa pagiging malapyudal, malalabusaw ang tatlong batayang suliranin na dayuhang monopolyong kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukratang kapitalismo, kung saan ang malalaking kumprador at burukratang kapitalista ang nagsisilbing tulay sa dayuhang monopolyong kapitalismo at pyudalismo na binubuo ng mga panginoong-maylupa tradisyunal na nagpapaupa, at yaong nag-eeksport, at mga nagpapatanim (kabilang ang komerysal na paghahayupan at manukan para sa sariling merkado) na gumagamit ng bahaging mekanisasyon at ng pana-panahong mga manggagawang bukid.

Pinakamasahol, maaaring magka-ilusyon muli na ang uring magsasaka ay kumakaunti na o di kaya’y naglalahong uri dahil sa kapitalistang pag-unlad, na ang rebolusyong agraryo ay hindi na pangunahing laman ng demokratikong rebolusyong bayan at na nawala na ang malawak na panlipunan at pisikal na tereyn para sa maniobra at pag-unlad sa mga yugto. Maaring iwasiwas muli ang suhetibistang linya para sa Kanan at “Kaliwang” oportunistang linya na umusbong mula 1981 hanggang 1992 at lubhang puminsala sa rebolusyonaryong kilusan noong 1985 hanggang 1992.

Ang mga nagkakalat ng naturang suhetibistang linya ay naglalantad sa sarili na mga Trotskyista. Maingay na naman nilang inaatake ang malapyudal na paglalarawan sa ekonomya ng Pilipinas para itulak ang matagal nang napasinungalingang linyang Trotskyista na hindi dapat dalawa ang yugto ng rebolusyong Pilipino dahil sosyalismo na ang kagyat na isyu, na hindi na kailangan ang demokratikong rebolusyong bayan, na ang mga magsasaka at panggitnang burgesya ay mga reaksyunaryong pwersang hindi dapat isama sa pambansang nagkakaisang prente, na dapat nang ibasura ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan sa pamamagitan ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan at na ang mga manggagawa lamang ang dapat magsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka at hindi dapat magbahagi ng kapangyarihan sa masang magsasaka.

Subalit, lalong titingkad ang malapyudal na katangian ng Pilipinas sa pagtindi ng krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema at ng lokal na naghaharing sistema, higit lalo sa paglala ng krisis at malawakang pagkagulo sa pandaigdigan at lokal na daloy ng suplay dulot ng Covid-19. Ang liberalisadong mga patakaran ng reaksyunaryong gubyerno sa kalakalan at pamumuhunan ay pabor sa mga dayuhang monopolyong kapitalista at smuggler na dumadaan sa mga daungan at free economic zone sa kapinsalaan ng lokal na produksyon.

Nakaasa pa rin ang ekonomya ng Pilipinas sa inangkat na kagamitan at maraming tipo ng mga produktong pangkonsumo, dayuhang utang at pamumuhunan. Dumaranas ito ng bumibilis na paglubha ng pamalagiang depisito sa kalakalan at nagpapatung-patong na pampublikong utang. Nagdurusa ang mamamayan sa mataas na tantos ng disempleyo, kawalang katiyakan sa trabaho, mababang sahod, tumataas na presyo ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan, malawakang kahirapan at kawalan ng tirahan.

Ang ekonomyang nakatuon sa pag-eksport at nakaasa sa pag-import at labis na lubog sa utang ay humahapay dahil sa pandaigdigang pagbagal ng ekonomya at pagpapalubhang dulot ng pagkasira ng mga produktibong pwersa dahil sa mga lockown para sa Covid-19. Ang bwelo ng pribadong konstruksyon, paglawak ng mga empresa sa real estate at turismo ay malamang guguho tulad ng nangyari pagkatapos ng krisis sa pinansya sa Asia noong 1997.

Sa harap ng walang kaparis na krisis ng ekonomya, mabubura ang 5.6% paglago ng GDP noong nakalipas, pinakamababa sa walong taon. Siguradong lalala ang lahat ng sektor ng ekonomya sa usapin ng nililikha nitong produkto at trabaho. Babagal ang remitans mula sa ibayong dagat at mga operasyon ng BPO. Ang ekonomya at gubyerno ng Pilipinas ay bangkarote na at hindi na kakayaning palabasin pa ang anumang pag-unlad sa ekonomya mula sa hindi maunlad at kalunus-lunos na kalagayan ng malapyudalismo.

Hinggil sa kasalukuyang katangian ng lipunang Pilipino