Ang Sampung Pinakamalaking Krimen ni Rodrigo Duterte

Pambungad

Sa huling taon ni Rodrigo Duterte sa poder, nahaharap ang mamamayan sa matinding hamon para singilin at papanagutin siya at ang kanyang mga upisyal at heneral sa lahat ng kanilang mga krimen sa bayan.

Walang kapantay na pinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ang idinulot ng limang taon niyang panunungkulan sa poder. Alinsunod sa kanyang mga utos, puu-puong libo ang pinaslang ng kanyang mga armadong pwersa. Sinikil niya ang lahat ng mga humadlang sa kanyang ambisyong maging diktador at ipinailalim sa animo’y batas militar ang buong bansa. Ginamit niya ang pandemyang Covid-19 para lalupang palakasin ang tiraniko niyang paghahari.

Ngayon pa lamang, malinaw na ang pangungunyapit ni Duterte sa poder lampas sa 2022. Inihahanda na niya ang buong makinarya ng estado para dayain at agawin ang nalalapit na eleksyon. Sakaling mahirapang isagawa sa harap ng malaking pagtutol, laging nakahanda ang reserbang hakbang na ipataw ang pasistang diktadura bilang huling akto ng desperasyon.

Kailangang idiin na ang pagwawakas sa kanya—sa anyo ng pagpapabitiw, pagpapatalsik o sa eleksyon sa 2022—ang pinakagyat na tungkulin ng lahat ng mga demokratikong pwersa para makabawi ang mamamayan at bansa sa madugo, mapang-api at mapagsamantala niyang paghahari.

#1 Krimen laban sa sangkatauhan: maramihang pamamaslang

Tinatayang nasa 27,000 hanggang 30,000 ang pinaslang sa ilalim ng “gera kontra-droga” ni Duterte mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019. Tuwirang inupatan ni Duterte ang mga pulis na patayin ang mga pinagsususpetsahan na sinabi niyang walang karapatang mabuhay. Inalisan niya ng pananagutan ang mga pulis at sinabing ililigtas sila sa anumang kriminal na pananagutan.

Ito ang batayan ng hakbangin ng taga-usig ng International Criminal Court (ICC) para kasuhan si Duterte ng krimen laban sa sangkatauhan. Sangkatlo ng mga kaso ay isinagawa ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at ang nalalabi ay ng mga grupong vigilante na nakapadron sa Davao Death Squad na pinaniniwalaang itinayo at pinatatakbo rin ng mga pulis.

Humingi ng awtorisasyon noong Hunyo 14 ang prosekyutor ng ICC para ganap na imbestigahan ang mga pagpaslang at mga kaso ng tortyur at pagpapahirap sa mga biktima. Kung pauunlakan ng mga huwes ng korte, maaaring simulan ngayong taon ang imbestigasyon at tapusin sa 2022. Ang hakbang na ito ay bunga ng petisyon laban kay Duterte na inihapag ng anim na kaanak ng walong biktima noong 2018.

Dagdag dito ang mga kaso ng pamamaslang noong 2020 na ayon sa Human Rights Watch ay dumoble sa kasagsagan ng pandemya. Alinsunod sa upisyal na ulat ng PNP, abereyds na 39 ang namatay sa “gera kontra-droga” kada buwan mula Abril hanggang Agosto.

Liban sa direktang mga biktima, tinatayang umaabot sa 60,000-100,000 kababaihan ang nabalo at bata ang nauulila dulot ng “gera kontra-droga.” Marami sa mga batang ito ang napilitang magtrabaho o pumasok sa mga anti-sosyal na mga aktibidad para mabuhay.

Sentro ng administrasyong Duterte ang “gera kontra-droga.” Para bigyang-katwiran ang kampanya, pinalaki niya ang bilang ng mga gumagamit ng iligal na droga mula 1.8 milyon tungong 3-4 milyon. Ibinwelo ang kampanya ng noo’y hepe ng PNP, ngayo’y senador, na si Ronald de la Rosa, sa tinaguriang Operation Double Barrel kung saan mayor na bahagi ang “Oplan Tokhang.”

Iniutos ni Duterte ang paggawa ng mga listahan ng mga nagtutulak at gumagamit ng droga sa antas barangay at iniutos ang “paglilinis” sa mga ito. Isinagawa ang maramihang pagpatay sa tabing ng mga operasyong “buy-bust,” pagbabahay-bahay at tsekpoynt na kinokoordina sa lokal na mga konseho sa barangay. Sa unang tatlong buwan ng kampanya, tinatayang 3,000 ang pinaslang. Alinsunod sa ulat ng PNP mismo, umaabot sa 33 ang pinaslang kada araw sa unang dalawang taon nito. Mayorya sa kanila ay kalalakihan mula sa mga maralitang komunidad na diumano’y nanlaban.

Sa isang ulat ng Reuters noong 2017, ibinunyag ng ilang mga operatiba ang pagbibigay ng PNP nang hanggang P40,000 pabuya kada target. Bahagi diumano ng mga operasyon ang pagtatanim ng ebidensya. Sa imbestigasyon ng Office of the High Commissioner for Human Rights sa parehong taon, napag-alamang iisa lamang ang serial number ng ilang baril na nakuha sa eksena ng mga “nanlaban” sa iba’t ibang lugar.

Sa mga inimbestigahan ng ICC, ang kaso pa lamang ng 17-taong gulang na si Kian de los Santos ang may inabot na hatol sa korte. Tumatanggi ang PNP na imbestigahan, kasuhan o tanggalin sa pwesto ang iba pang nasasangkot. Tulad nila, tumatangging magpaimbestiga si Duterte na nagsasamantala sa proteksyon ng kanyang pagiging presidente para umiwas sa prosekusyon.

#2 Krimen sa digma

Sa tabing ng “gera kontra terorismo,” tuwirang ipinag-utos ni Duterte sa mga sundalo at pulis ang mga pamamaslang at mga pag-atake sa mga aktibista, mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), mga sibilyan at buu-buong komunidad, taliwas sa internasyunal na batas sa digma na nagbibigay-proteksyon sa mga indibidwal na hindi tuwirang kalahok sa armadong tunggalian.

Isinasagawa ang mga krimen sa digma sa balangkas ng AFP Development Support and Security Plan Kapayapaan at AFP-PNP Joint Campaign Plan Kapanatagan na nagtarget na “gapiin ang mga pwersa ng BHB” sa katapusan ng 2019 at nang di naganap, sa 2022.

Nagdeklara si Duterte ng todo-gera kung saan iniutos niya ang pagpatay sa mga “rebelde,” na ginamit ng AFP at PNP na lisensya para patayin ang mga aktibista na sinasabi nilang “armado” at “nanlaban.” Ipinailalim niya ang mga barangay sa “hamlet” o pagkontrol ng militar sa populasyon at inokupa ng kanyang mga sundalo ang daan-daang barangay.

Ayon sa pinakahuling ulat ng grupong Karapatan, umaabot na sa 1,018,508 indibidwal ang naidokumentong mga biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang-tao sa todo-gera mula nang maupo bilang presidente si Duterte noong Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2020. Kabilang sa kanila ang 376 biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang, 488 ng tangkang pagpaslang, 18 ng sapilitang pagkawala, 3,675 ng pag-aresto at/o detensyon, at 3,349 ng pekeng pagpapasurender.

Halos kalahati sa mga biktima (457,696) ay mga bakwit na maramihang lumikas sa kani-kanilang mga komunidad dulot ng matitinding operasyong kombat at saywar ng militar. Umabot naman sa 372,629 ang apektado ng mga pambobomba at panganganyon ng militar. Nitong unang hati ng 2021, naitala sa Ang Bayan (AB) ang karagdagang 16,845 biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao, kabilang ang 16 na indibidwal na pinaslang, at 201 inaresto.

Naganap sa ilalim ni Duterte ang serye ng mga maramihang pagpaslang ng pinagsanib na mga pwersa ng sundalo at pulis gaya ng Bloody Sunday sa Southern Tagalog (Marso 7); masaker sa mga Tumandok sa Tapaz, Capiz (Disyembre 2020); magkakahiwalay na pagpaslang sa 14 na sibilyan sa isla ng Negros (Marso 2019); at masaker sa 9 na magsasaka sa Sagay, Negros Occidental (Oktubre 2018).

Sa mga baryong okupado ng militar, arbitraryong ipinapataw ang batas militar kung saan ipinatutupad ang mga paghihigpit, walang mandamyentong panghahalughog, sapilitang pagpapasurender, at pagkontrol sa kilos, kabuhayan at komersyo ng mga residente. Nito lamang taon, nakapagtala na ang AB ng iba’t ibang tipo ng mga atakeng militar sa hindi bababa sa 610 barangay ng 321 bayan sa 65 prubinsya. Marami pang kaso sa kanayunan ang hindi naiuulat at naidodokumento dulot ng tindi ng mga operasyong militar, laluna sa Mindanao.

Kabilang sa mga erya na nakapagtala ng pinakamatitinding pag-atake ang mga rehiyon ng Bicol, Negros Island at Eastern Visayas na saklaw ng Memorandum Order 32 na inilabas ni Duterte noong 2018 na direktang nagdeploy ng dagdag na mga batalyon sa naturang mga lugar. Pinatindi rin ng rehimen ang atakeng militar sa komunidad ng mga Lumad sa Mindanao, mga Tumandok sa Panay, at mga Dumagat sa Southern Tagalog. Bahagi nito ang pagpapasara ng hindi bababa sa 176 paaralang Lumad sa iba’t ibang prubinsya ng Mindanao.

Ginawang patakaran ni Duterte at ng AFP ang pwersahang “pagpapasurender” sa laksa-laksang libong sibilyan na inakusahan nilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB. Sa loob ng 2020, pinalabas nito na 7,615 Pulang mandirigma, milisya at mga kasapi umano ng mga lihim na organisasyon ang “nagbalik loob sa pamahalaan.” Sa aktwal, halos lahat ng mga ipinarada ng militar ay pawang mga sibilyan na pinilit o nilinlang na “sumurender” gamit ang pangakong pondo ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), ng pamamahagi ng ayuda sa panahon ng pandemya at mga proyekto sa Barangay Development Program ng NTF-ELCAC.

#3 Kriminal na kapabayaan at pag-abuso sa awtoridad sa panahon ng pandemya

Kriminal na pagpapabaya sa kalusugan ng mamamayang Pilipino ang militarista at palpak na tugon ni Duterte sa pandemyang Covid-19. Kahit batid na ng buong mundo ang pagkalat ng Covid-19 sa China at natuklasan nang nakapasok ang ilang nahawa sa bansa noong Enero 2020 minaliit pa rin niya ang panganib nito. Mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero 2020, umabot pa sa 500,000 turistang Chinese ang hinayaan niyang pumasok sa Pilipinas nang walang karampatang pagkakwarantina.

Noong Abril 2020, inilagay ng Oxford Government Response Tracker ang lockdown sa Pilipinas sa pinakamahigpit na 100%. Kinatampukan ito ng pagsasara ng mga negosyo at eskwelahan at pwersahang pagpapanatili ng mayorya ng mamamayan sa kanilang mga bahay. Sa panahong ito, naglatag ang PNP ng mahigit 1,500 tsekpoynt na tinauhan ng 15,000 pulis para ipatupad ang curfew, pigilan ang paggalaw ng mga tao at ikulong sila sa kanilang mga bahay. Liban sa nagdulot ang mga ito ng perwisyo, di bababa sa tatlo ang binaril sa mga tsekpoynt sa Bulacan, Maynila at Agusan del Sur, dahil sa umano’y paglabag sa mga restriksyon.

Ranggo ng Pilipinas kumpara sa mga bansa sa Asia, ayon sa pag-aaral ng Lowly Institute sa husay ng pagharap sa pandemya. Nakabase ito sa datos noong unang bahagi ng Marso 2021.

 

Isa’t kalahating taon sa ilalim ng pandemya, isa ang Pilipinas sa pinakapalpak sa usapin ng pagpigil sa pagkalat ng bayrus, pagtaas ng kapasidad ng sistemang pangkalusugan, pagpapatupad ng mga batayang hakbang tulad ng malawakang testing, pagkakwarantina at contact tracing. Nitong Hulyo, nasa 75% pa rin ang higpit ng lockdown sa bansa, kumpara sa karamihan na nasa 50%-70% na lamang. Sa kabila nito, ika-81 ang Pilipinas sa 102 bansa sa listahan ng Lowly Institute noong Marso 13 batay sa kabuuang pagharap sa pandemya. Ika-82 naman ito sa 83 bansang sinuri ng Bloomberg sa mga bansang may kapasidad na bumawi mula sa lugmok na ekonomya at sistemang pangkalusugan. Para sa 2021, bilyon lamang ang inilaan na badyet para itaas ang kapasidad ng sistema ng pampublikong pangkalusugan sa halip na bilyong hiningi ng DoH.

Batbat ng anomalya at alegasyon ng korapsyon ang mga kontrata sa pagsisiguro at pagbili ng mga bakuna. Mula Marso 1 hanggang Hulyo 7, nasa 8.36% pa lamang ng populasyon ang nabakunahan ng isang dosis at 2.7% ang nakatanggap ng dawalang dosis dahil sa bagal ng pagbabakuna at kakulangan ng suplay.

Pumapangalawa ang Pilipinas sa Indonesia sa may pinakamataas na tantos ng namatay sa kada isang milyong populasyon sa Southeast Asia. Mula nagsimula ang pandemya hanggang Marso, halos 1.5 milyon na ang nahawa at 26,000 na ang namatay. Isa sa pinakatinamaan ang mga manggagawang pangkalusugan.

#4 Pagsabotahe sa ekonomya

Binangkarote ni Rodrigo Duterte ang ekonomya ng Pilipinas at ibinaon sa utang at paghihirap ang sambayanan. Pinakamatindi ang naging epekto nito sa gitna ng pananalasa ng pandemyang Covid-19 sa nakalipas na taon. Dahil sa labis na pagsalalay niya sa pasistang lockdown at palpak na pagtugon sa pandemya, laksa-laksang milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho at mapagkakakitaan. Dagdag na pasakit ang mga patakarang neoliberal na iniratsada ng rehimen para todong ibuyangyang ang ekonomya sa dayuhang pandarambong.

Noong 2020, sumadsad nang 9.6% ang gross domestic product (GDP) ng Pilipinas— pinakamalala mula sa dekada 1940—dulot ng ipinataw na lockdown at kawalan ng pampasikad na ayuda. Sa taya ng Ibon Foundation, aabot sa P4 bilyon kada araw ang nawala sa ekonomya ng Pilipinas dahil sa mga restriksyon. Dagdag ng Ibon, bago pa man ang pandemya, pababa na ang padron ng GDP ng Pilipinas, mula 7.1% noong 2016 tungong 6.1% sa 2019.

Pinakamabilis sa kasaysayan ng Pilipinas ang pagsirit ng utang ng gubyerno sa nagdaang limang taon sa ilalim ng rehimeng Duterte.

 

Minasaker ni Duterte ang milyun-milyong trabaho. Sa kasagsagan ng pandemya noong Oktubre 2020, 9.6 milyon ang nawalan at nabawasan ng trabaho, pinakamarami sa impormal na sektor. Tumaas pa ito sa 10.5 milyon sa Enero 2021. Ayon sa datos ng gubyerno, nasa 3.8 milyong manggagawang Pilipino ang wala pa ring trabaho at tinatayang nasa 10.4 milyon ang kulang o part time lamang ang trabaho pagsapit ng Hunyo ngayong taon. Kakarampot ang inilaan na ayuda ni Duterte para sa mga nawalan ng trabaho (₱5,000), pati na sa 1.6 milyong overseas Filipino workers na umuwi ng bansa mula nakaraang taon (₱10,000).

Labis-labis ang pangungutang ni Duterte para pondohan ang mga programa nito, pangunahin na ang ambisyosong programang pang-imprastruktura na Build, Build, Build. Sa loob lamang ng limang taon, dumoble halos ang pampublikong utang mula ₱5.9 trilyon o ₱58,252 kada Pilipino (Hunyo 2016) tungong ₱11.07 trilyon o ₱100,636 kada Pilipino (Hunyo 2021). Sa kabila nito, ₱665.7 bilyon lamang ang inilaang pondo para sa pagbili ng bakuna, ayuda, pautang at iba pang serbisyo, at ₱497 bilyon pa lamang ang aktwal na inilabas sa pambansang pondo.

Dahil walang-awat ang pangungutang ni Duterte, pabigat nang pabigat ang pinapasan ngayon ng bayan para sa pagbabayad-utang. Itong taon, naglaan ang rehimen ng ₱1.704-trilyong pondo para ipambayad sa utang ng gubyerno ( ₱531.56 bilyon sa interes at ₱1,262 billion sa prinsipal), 72% mas mataas kumpara sa ₱1,005.29 bilyong (₱420.96B sa interes, ₱584.32 bilyon sa prinsipal) na inilaan noong 2020.

Masaker sa trabaho. Milyun-milyon ang nawalan ng trabaho noong 2020. Sumirit ito sa 14 milyon sa lockdown noong Abri, at tinatayang nasa 5.8 milyon noong Oktubre.

 

Sa simula pa lamang ng termino ni Duterte, ipinataw na ni Duterte ang pahirap na buwis na tinawag na TRAIN Law na nagdagdag ng buwis sa konsumo at langis na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Sa gitna ng pandemya, pinatawan niya ng dagdag na 10% buwis ang inaangkat na krudong langis at ang maliliit na negosyo sa internet. Balak pa ngayong magpataw ng buwis sa mga serbisyong online at iba pang produktong pagkain. Habang dinagdagan ang buwis sa ordinaryong mamamayan, binawasan naman mula 30% tungong 25% ang buwis na binabayaran ng malalaking korporasyon sa pamamagitan ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o Create Law na iniratsada noong 2020, katumbas ng ₱133 na bawas sa kinukulektang buwis na daragdag sa kita ng malalaking kumpanya.

Sa utos ni Duterte, niratsada sa kongreso ang mga hakbangin para sa pagbabago ng konstitusyon para ipaloob dito ang mga patakarang neoliberal at bigyang daan ang 100% dayong pag-aari sa mga likas na rekurso, pampublikong yutilidad, institusyong pang-edukasyon, masmidya at iba pa.

.

Tinutulak din ni Duterte ang mga neoliberal na pag-amyenda sa Public Services Act (PSA), Foreign Investment Act (FIA), at Retail Trade Liberalization Act (RTLA). Nauna nang ipinasa sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan noong Marso 2020 ang pagtanggal ng transportasyon, telekomunikasyon at iba pang sektor sa listahan ng sektor na dapat ay kontrolado ng mga Pilipino. Pasado na rin sa ikatlong pagbasa ang FIA at RTLA na naglalayong iliberalisa ang sektor ng dayuhang pamumuhunan at pagtitingi.

Tuluyang pinapatay ni Duterte ang produksyon ng palay sa pamamagitan ng Rice Liberalization Act noong 2018. Ang pagbaha ng imported na bigas ay nagresulta sa pagkawala ng bilyong ₱90 kita ng mga magsasaka.

Pinapatay din ni Duterte ang lokal na produksyon ng karneng baboy sa pag-utos ng liberalisasyon sa pag-aangkat nitong 2021 mula 54,210 metriko tonelada (MT) tungong 254,210 MT, sa tabing ng pagkontrol sa presyo ng lokal na karne.

#5 Pagtatraydor

Tinatraydor ni Duterte ang pambansang soberanya ng Pilipinas sa pagsuko niya sa mga teritoryo nito kapwa sa US at China.

Isinaisantabi ni Duterte ang tagumpay ng Pilipinas sa reklamo laban sa China sa Permanent Court of Arbitration noong 2016 na kumilala sa mga teritoryong saklaw ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Pinahintulutan niya ang China na gumawa ng mga artipisyal na isla sa karagatang sakop ng exclusive economic zone (EEZ) at extended continental shelf ng Pilipinas. Nakapagtayo na ang China ng pitong pasilidad militar kung saan nakapwesto ang kanilang mga sundalo at sandata. Noong 2017, tinatayang hindi bababa sa 16,000 ektarya ng mga bahura ang winasak sa mga reklamasyon nito.

Lokasyon ng mga artipisyal na isla at pasilidad militar ng China sa WPS

  1. Kagitingan Reef
  2. Calrderon Reef
  3. Burgos Reef
  4. Mabini Reef
  5. Panganiban Reef
  6. Zamora Reef
  7. McKennan Reef

 

Binalewala ni Duterte ang permanenteng presensya ng mga barkong milisya ng China sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea (WPS). Nitong Hunyo 20, mayroong 238 na iba’t ibang klaseng barko ng China sa EEZ ng Pilipinas. Noong 2019, ang tumaob na bangkang GemVer ay iniwan ng nakabanggang barkong Chinese. Pinayagan din niyang mangisda ang mga Chinese sa kapinsalaan ng mga lokal na mangingisda. Tinatayang trilyon ang halaga ng nawawalang kita ng Pilipinas kada taon dahil sa sinasamsam at winawasak ng China na rekursong-dagat sa WPS. Dahil dito, umaabot sa 627,000 mangingisda ang nawalan ng trabaho at bumagsak nang 70% ang kita ng mga mangingisda sa Zambales na hindi makapangisda sa Panatag Shoal (Bajo de Masinloc).

Sa kabilang banda, ikinakalakal ni Duterte ang soberanya ng bansa sa US. Nagkunwari siyang ibabasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) mula Pebrero 2020 para makapiga ng dagdag na ayudang militar mula sa US. Simula 2015, umaabot na sa higit ₱48.6 bilyon ($1 bilyon) ang kabuuang halaga ng mga kagamitang militar ang ibinenta at ibinigay ng US sa bansa. Kabilang dito ang ipinambili niya ng 16 na helikopter na Black Hawk, anim na Super Tucano na eroplanong pandigma, isang C-130H Hercules Aircraft (₱1.54 bilyon), mga bomba, masinggan, armalayt at iba pang kagamitan.

Itinuloy ni Duterte ang pagpapatupad ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) at binigyang-pahintulot ang US na ituloy ang pagtatayo at paggamit ng mga gusali at pasilidad sa mga engklabo na nasa loob mismo ng mga kampo ng AFP na paglalagakan ng mga armas pandigma ng US. Sa tabing ng “gera kontra-terorismo” sa Marawi noong 2017, binigyang-daan niya ang paglulunsad ng Operation Pacific Eagle-Philippines ng US at permanenteng pagpusisyon ng mga espesyal na operatiba nito sa loob ng bansa.

Binigyang-daan din ni Duterte sa plano ng Bureau of Conflict and Stabilization Operations ng US State Department noong Hunyo 2020 na ilunsad ang tatlong-taong programang “kontra-terorismo.” Nakatutok ang programang ito sa paglulunsad ng mga operasyong sibil-militar sa mga piling lugar sa Mindanao sa balangkas ng “whole-of-nation approach.” Hindi malayong papayag din siya sa anumang hihinging teritoryo ng US sa ilalim ng Pacific Deterrence Initiative ng US Indo-Pacific Command.

Mga kampo ng AFP na may pasilidad ng militar ng US

  1. Cesar Basa Air Base (Pampanga)
  2. Fort Magsaysay Military Reservation (Nueva Ecija)
  3. Lumbia Air Basae (Cagayan de Oro)
  4. Antonio Bautista Air Base (Palawan)
  5. Mactan Benito Ebuen Air Base (Cebu)

 

Pinayagan din ni Duterte ang taunang paglulunsad ng war exercise ng US sa Pilipinas, kabilang ang pinakamalaki noong 2019 kung saan 3,500 sundalong Amerikano ang namayagpag sa bansa. Noong 2020, ipinawalangsala at pinalaya ni Duterte si Joseph Scott Pemberton, ang Amerikanong sundalo na nahatulang maysala sa pagpatay kay Jennifer Laude noong 2014 at pinayagang makabalik sa US.

#6 Paghahari sa ismagling at bentahan ng iligal na droga

Ipinailalim ni Duterte sa kanyang kontrol at paghahari ang ismagling at lokal na bentahan ng iligal na droga. Lumuluhod sa kanya ngayon ang pinakamalalaking sindikatong kriminal sa Pilipinas. Sa nagdaang limang taon, lalupang lumaganap ang shabu sa bansa.

Ginamit niya ang PNP sa kanyang “gera kontra droga” upang sirain ang operasyon ng mga sindikatong kriminal na hindi yuyuko at magpapailalim sa kanyang kapangyarihan. Sinentralisa ni Duterte ang pagsusuplay ng iligal na droga at lahat ay dapat sa kanya kumuha.

Sa ilalim ni Duterte, lalupang lumawak ang operasyon ng internasyunal na sindikato ng iligal na droga. Sa ulat ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) noong 2019, tumaas ang bolyum ng nasabat na shabu sa bansa mula sa abereyds na 89 kilo kada buwan noong 2014-2015 tungong 143.95 kilo kada buwan sa 2016-2019. Kasabay nito, bumaba umano ang abereyds na presyo ng shabu mula $164 kada gramo noong 2016 tungong $136 noong 2019. Ayon sa upisyal ng ahensya, patunay ito na may sobrang suplay ng droga sa kabila ng lumaki ang bolyum ng nasabat sa parehong panahon. Bahagyang tumaas ang presyo ng shabu sa 2020, na ipinagpalagay ng UNODC na panandalian lamang at bunga ng mga resktriksyon sa pandemya.

.

Pana-panahon, nagpapakitang-gilas ang PNP at kunway nakasasabat ng malalaking bolyum ng shabu. Halimbawa nito ang reyd sa isang apartment sa Makati City noong Nobyembre 2019 kung saan nakatambak ang 370 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱2.7 bilyon. Pero sa imbestigasyon mismo ng PNP, tira-tira na lamang ito dahil nailabas na ang kalakhan ng suplay. Noong 2018, napabalitang nakasabat din ang mga pulis ng ₱4.3-bilyong halaga ng shabu sa isang daungan sa Maynila. Pero sa sunod na araw, natuklasan sa ibang bodega ang walang laman na mga pinagkargahan ng mas malaking bulto ng droga na tinatayang nagkakahalaga ng ₱11 bilyon.

Ayon din sa 2021 US International Narcotics Strategy Report, malaking bahagi ng lokal na kinokonsumong shabu ay sinusuplay ng mga internasyunal na sindikatong Chinese. Liban sa iligal na pagpapapasok ng shabu para sa lokal na bentahan, ginagamit din umano ng mga sindikato sa China ang Pilipinas na daanan ng mga kemikal at materyal sa paggawa ng shabu patungong Thailand at Myanmar, kung saan nakabase ang malalawak na pasilidad para sa produksyon nito.

Pinalulusot ang bulto ng iligal na droga at materyal para rito sa mga paliparan at daungan ng bansa ng mga upisyal sa Bureau of Customs (BoC) na ipinwesto ni Duterte. Noong 2017, kinasuhan ang noo’y hepe ng ahensya na si Nicanor Faeldon at 11 pang upisyal ng pagpapasok ng shabu na nagkakahalaga ng ₱6.4 bilyon. Sa parehong taon, naging sentro ng imbestigasyon ng Senado mismo ang anak ni Duterte na si Paolo at manugang na si Manases Carpio (asawa ni Sara) kaugnay sa ismagling ng droga sa Davao.

Tuwirang pinapaburan at binibigyang-proteksyon ni Duterte ang malalaking drug lord na direktang nakaugnay sa kanya. Kabilang dito si Peter Go Lim, diumano’y isa sa tatlong pinakamalalaking drug lord sa bansa, na personal pang nakipagpulong sa kanya sa Malacañang ng Davao noong 2016. Bagamat may mandamyento de aresto mula pa 2018, ni minsan ay hindi siya nakita ng mga pulis at napabalita pang nakalabas na ng bansa ngayong taon.

Noong 2018, mahigit 40 upisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency ang tinanggal sa pwesto, wala ni isa sa kanila ang kinasuhan, hinatulan o nakulong. Nang ilipat si Faeldon sa Bureau of Corrections noong 2019, pinalaya niya ang di bababa sa pitong drug lord na nakapiit sa National Bilibid Prison. Mahigit 48 naman ang pinalaya sa panahon ng pandemya sa tabing ng “pagpapaluwag” ng mga kulungan.

#7 Paggamit sa AFP at PNP bilang pribadong hukbo

Ginamit ni Duterte ang militar at pulis bilang kanyang pribadong hukbo at instrumento sa malawakang kampanya ng pamamaslang at pagsupil sa taumbayan, at sinandigan para itrensera ang kanyang paghahari. Ang PNP at AFP ang pangunahing haligi ng kanyang tiraniya.

Hinirang ni Duterte sa kanyang gubyerno ang mga retiradong heneral ng AFP at PNP, laluna ang mga dating nadestino sa Davao. Hindi bababa sa 12 dating heneral ang nasa gabinete, maliban pa sa mga itinalaga at naluklok sa mabababang pusisyon. Noong 2019 ay umaabot na sa 400 ang mga dating sundalo at pulis ang hinirang sa iba’t ibang ahensya. Pinuno niya ng mga upisyal at tauhan ng AFP ang Bureau of Customs at Bureau of Corrections na may klarong layunin na kontrolin ang pagpasok ng iligal na droga at mga kontrabando, at ang operasyon ng mga drug lord sa loob ng bilangguan.

Liban dito, binigyan niya ng masasaklaw na kapangyarihan ang mga retirado at aktibong upisyal ng AFP hanggang antas dibisyon sa NTF-ELCAC. Kumubabaw ang mga ito sa mga lokal na gubyerno at konseho hanggang antas barangay. Binigyan niya ang mga ito ng ₱16.4 bilyong pondong pork sa ilalim ng Barangay Development Program.

Binuhusan din ni Duterte ng malaking pondo ang mga pekeng pagpapasurender at kung anu-anong “programang pangkaunlaran” ng AFP. Laganap ang korapsyon sa pondo ng mga karaniwang kawal at paramilitar, kikbak sa mga kontrata sa pagbili ng armas at kagamitang militar, suhol mula sa negosyo ng iligal na droga at ismagling, at iba pa.

Sa ilalim ni Rodrigo Duterte, mabilis na tumaas ang sweldo ng mga sundalo at pulis at ilang taon na pinabayaang mahuli ang sahod ng mga titser at nars. Tumaas na lamang ang sweldo ng mga nars matapos ang malakas na panawagan laluna sa harap ng pandemya.

 

Binusog ni Duterte ang AFP at PNP upang makuha ang kanilang katapatan. Dinagdagan niya ng minimum na sangkatlo hanggang doble ang halaga ng sweldo mula karaniwang kawal hanggang mga heneral. Biniyayaan niya sila ng samutsaring mga pabuya at benepisyo na hindi ibinibigay sa ibang kawani ng gubyerno. Maliban sa alawans para sa pagkain, damit, tirahan, may hiwalay pang bayad sa pagsabak sa operasyon, pagkasangkot sa armadong labanan at iba pa. Mas mataas ang kanilang naiuuwing sweldo dahil hindi sila naghuhulog ng kontribusyon para sa pensyon at ipinakakarga sa pondong pampubliko.

Lalong namayagpag sa ilalim ni Duterte ang dati nang sistemang padrino sa promosyon ng mga ranggo. Mayroong 190 heneral ngayon ang AFP at nagresulta sa tagibang na tumbasang isang heneral kada 752 tauhan. Istandard ang isang heneral para sa bawat 1,000 tauhan. Kumpara sa karaniwang mga kawal at tauhan, binibigyan din ng dagdag na alawans ang mga upisyal mula ₱7,000 para sa mga kapitan hanggang ₱35,000 kada buwan sa pinakamataas na ranggong heneral. Maaari ring umabot sa ₱100,000 kada buwan ang gantimpala para sa kung anu-anong medalya.

Binusog ni Duterte sa salapi ang kanyang armadong mga tauhan para makaakit ng mas maraming rekrut sa pagpapalaki ng kanyang hukbo. Pinalaki niya mula 347,000 noong 2016 ang bilang ng mga sundalo at iba pang tauhang panseguridad ng estado, tungong humigit kumulang 400,000. Mahigit 80% ng kabuuang lakas ng AFP ang nakatuon sa paglaban sa Bagong Hukbong Bayan. Target din ni Duterte na palakihin hanggang 79,000 ang CAFGU mula 56,000 noong 2015.

Inudyukan din ni Duterte ang pagkahumaling sa pulbura ng militar at binilhan sila ng karagdagang mga armas, jet fighter at iba pang kasangkapang militar. Nangunguna ang US sa mga nagsusuplay ng mga ito. Kasabay nito, binigyang-daan ni Duterte ang pagsisikap ng China na magkaroon ng malakas na impluwensya sa mga upisyal ng AFP.

#8 Korapsyon at katiwalian

Inabuso ni Duterte ang kanyang kapangyarihan para makopo ang bilyun-bilyong pondo ng bayan at pigilan ang imbestigasyon sa yaman ng kanyang pamilya.

Taliwas sa batas, hindi niya isinasapubliko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN simula 2018. Sa kanyang SALN noong 2016, natuklasang tumaas nang ₱3 milyon ang kanyang yaman sa loob lamang ng anim na buwan. Tumanggi siyang magpa-imbestiga sa paratang na hindi niya idineklara sa SALN noong 2014 ang ₱211 milyong nakalagak sa bangko sa pangalan niya at ng anak na si Sara. Gayundin, hinadlangan niya ang pag-iimbestiga sa ₱2.2 bilyong mga transaksyon sa bangko noong 2006-2015 ng kanyang live-in partner na si Honeylet Avanceña.

Noong 2020, tuluyang hinadlangan ng itinalaga niyang Ombudsman na si Samuel Martires ang pagsasapubliko ng mga SALN liban kung awtorisado o ipag-utos ng korte. Itinigil na rin ng ahensya ang mga “lifestyle check” o ang pag-aalam sa antas ng pamumuhay ng mga pampublikong upisyal.

Numero unong maluho sa pamumuhay si Duterte. Ginagamit niyang personal na eroplano ang G280 Gulfstream jet, na binili sa halagang ₱2 bilyon noong 2019 sa tabing ng “modernisasyon” ng AFP.

Personal niyang hawak ang malaking pondong hindi tinutuos. Mula ₱250 milyon noong 2016, tumaas ng siyam na beses tungong ₱2.25 bilyon ang sikretong badyet (pondong pang-intelligence at discretionary) ng Office of the President nitong 2021.

Personal din niyang hinawakan ang ₱587 bilyong pondo sa ngalan ng pagtugon sa pandemya. Malaking bahagi ng pondong ito (Bayanihan 1 at 2), na nakatali sa kapritso ni Duterte, ay hindi na ipinamahagi.

Pinasok ni Duterte ang kwestyunableng mga kontrata sa pautang sa China, kabilang ang sa Chico River at Kaliwa Dam. Pinaniniwalaang pinakinabangan mismo ni Duterte, ng kanyang pamilya, mga alipures at upisyal ang mga kikbak sa mga kontrata ng gubyerno (tulad ng tinanggap na suhol ni Gloria Arroyo noon sa Chinese na kumpanyang ZTE). Balitang nakasubi sa mga bangko sa China ang pondong kinukulimbat ni Duterte. Pinaburan sa mga kontrata ng gubyerno ang malalaking kumprador na nagbibigay kay Duterte (tulad ni Enrique Razon) at nagsisilbing dummy (tulad ni Dennis Uy).

Hindi masukat ang kanyang tinatabo sa pagpapalusot ng tone-toneladang iligal na droga at trilyun-trilyong maruming pera ng mga internasyunal na sindikatong kriminal.

.

Kabilang sa kanila si Nicanor Faeldon, Vitaliano Aguirre (na sangkot sa ₱40-bilyong “pastillas scam” na iligal na pagpasok ng mga Chinese), at Francisco Duque (na kasabwat ng mga upisyal sa nawawalang ilambilyong pisong pondo ng PhilHealth at mga kwestyunableng biniling kagamitan sa panahon ng pandemya). Ang ilang malapit sa kanya na tinanggal sa pwesto ay inilipat lamang sa ibang pusisyon.

Sa listahan ng Transparency International ng mga bansang “bukas” at di korap, bumagsak ng 14 andana ang ranggo ng Pilipinas mula 2016. Binigyan ang bansa ng gradong 34/100 (45/100 ang abereyds na grado sa Southeast Asia). Walang kredibilidad ang kampanya kontra-korapsyon ni Duterte na tumarget lamang sa mga upisyal na itinalaga ng naunang mga rehimen at nanggipit sa mga ibang ayaw sumunod sa kanyang mando.

#9 Pagbabasura sa usapang pangkapayapaan, red-tagging at terrorist-labeling

Unilateral na winakasan ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at nilabag ang naunang mga kasunduan nito. Kasabay nito, ibinwelo niya ang terror-tagging at red-tagging sa mga sektor, organisasyon at indibidwal na naging lunsaran ng maramihang pagpaslang, pang-aaresto at intimidasyon.

Nasa panlimang round ang pormal na negosasyon nang ilabas ni Duterte ang Proclamation 347 noong 2017 na tuluyang nagwakas sa usapan. Bago nito, tuso niyang nilabag ang halos anim na buwang tigil-putukan. Taksil niyang ipinag-utos ang paghuli at paglikida sa mga konsultant ng NDFP, labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees na naggarantiya sa kaligtasan ng mga indibidwal na imbwelto sa usapan. Mula 2018, hindi bababa sa walong konsultant at tauhan ng NDFP ang brutal na pinaslang at anim ang ipinakulong ni Duterte. Noong Disyembre 10, 2020, walang kalaban-laban ding pinatay ng mga tauhan ng rehimen ang tagapagsalita ng NDF-Mindanao na si Alvin Luque na nagpapagaling noon sa Tandag City.

Mga pinaslang na konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan

  1. Randy Malayao (Enero 20, 2019)
  2. Julius Giron (Marso 13, 2020)
  3. Randall Echanis (Agosto 10, 2020)
  4. Eugenia Magpantay at Agaton Topacio (Nobyembre 25, 2020)
  5. Antonio Cabanatan (Disyembre 2020)
  6. Reynaldo Bocala (Mayo 28, 2021)
  7. Rustico Tan (Mayo 28, 2021)

 

Noong Pebrero 2018, sinampahan ng rehimen ni Duterte ng kasong proscription sa Manila Regional Trial Court ang mahigit 649 indibidwal para ituring silang mga “terorista.” Kasama sa mga kinasuhan ang mga konsultant ng NDFP, isang dating kongresista, mga ordinaryong aktibista at isang upisyal ng United Nations. (Inilaglag sa listahan ang 641 pangalan noong Enero 2019 dahil sa hina ng kaso.) Kasabay nito, ginamit ni Duterte ang mga korte para maglabas ng mga depektibong search warrant para pasukin at taniman ng mga ebidensya ang mga bahay at upisina ng mga aktibista at lumalabang mamamayan at sampahan sila ng gawa-gawang mga kasong kriminal.

Inilabas ni Duterte ang Memorandum 32 noong Nobyembre 2018 para magdagdag ng mga batalyon ng sundalo at pulis sa Negros, Eastern Visayas at Bicol. Pagsapit ng Disyembre, inilabas na niya ang Executive Order 70 para ipwesto ang kunwa’y “whole-of-nation approach” sa “kontra-insurhensya” at itatag ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Tinauhan niya ang task force ng mga retiradong heneral at pinakubabaw sa mga ahensya ng gubyerno–labag sa prinsipyo ng pangingibabaw ng sibilyang burukrasya sa militar.

Gamit ang pampublikong pondo, nanguna ang NTF-ELCAC sa mga kampanyang paninira hindi lamang sa mga aktibista, kundi pati sa ordinaryong mamamayan, mga institusyon at kalaban ni Duterte sa pulitika. Hindi bababa sa anim na petisyon ang nakasampa sa upisina ng ombudsman laban sa mga upisyal at tagapasalita nito.

Sa gitna ng pandemya noong Hulyo 2020, inilusot ni Duterte ang Anti-Terror Law na lumalabag sa unibersal na mga karapatan sa due process, pantay na proteksyon sa ilalim ng batas, malayang pagtitipon, kalayaan sa pagpapahayag at malayang pamamahayag. Dininig sa Korte Suprema mula Pebrero hanggang Mayo ngayong taon ang 37 petisyon para ipawalambisa ito.

Kahit nakasalang pa ang mga petisyon laban sa ATL, inilabas ng Anti-Terrorism Council na binuo sa ilalim nito ang Resolution No. 12 noong Disyembre 2020 para panibagong ideklara ang PKP at BHB bilang mga “teroristang organisasyon.” Sinundan ito ng Resolution No. 17 noong Abril 21 na nagtalaga sa 19 na indibidwal na mga myembro diumano ng Komite Sentral bilang mga “terorista” at iutos ang pag-freeze ng kanilang mga ari-arian at pondo.

#10 Henosidyo laban sa mamamayang Moro

Krimen ng henosidyo ang ipinag-utos ni Duterte na limang buwang pambobomba sa Marawi City noong Mayo 23 hanggang Oktubre 23, 2017 sa tabing ng “gera kontra-terorismo.” Ilampung-libong residenteng Moro ang pinalayas para sa layuning kamkamin ang kanilang lupa. Ayon sa United Nations Office on Genocide and the Responsibility to Protect, ang henosidyo ay krimeng sinadya at sistematikong pagwasak sa isang lahi, grupong pampulitika, at/o pangkultura.

Natatangi sa mga Moro ang Marawi City dahil ito ang kaisa-isang Islamikong syudad sa buong Pilipinas at sentro ng kanilang kultura at negosyo sa noo’y Autonomous Region in Muslim Mindanao. Mapayapang naninirahan dito ang 210,000 residente na karamiha’y mga Maranao (o Meranaw). Sinalakay ito ng mga pwersa ng AFP noong May 23, 2017 matapos sumiklab ang labanan sa pagitan nito at ng grupong Maute na tinagurian nitong terorista at pinalalabas na bahagi ng internasyunal na network ng Islamic State.

Kasabay ng pag-utos ng pananalakay, ipinataw ni Duterte ang batas militar at isinuspinde ang writ of habeas corpus sa buong Mindanao. Binigyang-daan din niya ang paglulunsad ng “Operation Pacific Eagle-Philippines,” na nagpahintulot ng permanenteng presensya ng mga sundalong Amerikano sa bansa nang walang tratado.

Sa upisyal na ulat, 370 mamamayan ang nasawi kabilang ang mga kababaihan at menor de edad at mahigit 3,000 ang nawawala. Gayunpaman, may mga ulat na nagsasabing mahigit 1,000 ang mga namatay na sibilyan dulot pangunahin ng pambobomba ng AFP sa mga lugar ng paninirahan. Nasa 300,000 residente ng Marawi at mga bayan sa paligid nito ang napilitang lumikas sa unang mga araw ng pambobomba.

Ilang libong katao ang nananatili pa sa syudad ng ilang linggo o ilang buwan. Nakulong sila sa tinatawag na “Ground Zero” at sa paligid nito dahil sa patuloy ang paghulog ng mga bomba ng mga jet fighter at panganganyon ng mga mortar at howitzer ng AFP sa syudad.

Maraming sibilyan ang naging hostage o naipit sa magkabilang panig. Sa imbestigasyon ng Amnesty International noong 2017, marami ang kaso na ang mga nakatakas sa kamay ng grupong Maute ay dinakip at dumanas ng tortyur sa kamay ng mga sundalo at pulis sa hinalang sila ay “mga kaaway ng estado.” Ito ay kahit ipinakita nila ang kanilang mga identification card bilang patunay na sila ay mga sibilyan.

Apat na taon matapos ang “Marawi Siege,” wala pa ring nakakamit na katarungan ang mga Moro. Hindi pa rin makabalik sa syudad ang karamihan sa natitirang 27,000 pamilya ng 11,000 kabahayang pinulbos ng pambobomba ng AFP. Nananatili pa rin ang malaking mayorya na nagsisiksikan sa mga sentro ng ebakwasyon o “tent city”. Mahigit 200 pa lamang sa halos 20,000 pamilya ang nakababalik sa tatlong pinakadurog na barangay. Ang mayorya ay nakatira pa rin sa Boganga Transitory Sites, at marami pa ang nakakalat sa Baloi at Rogongon, Iligan City, Poona Bayabao at Piagapo sa Lanao del Sur, at sa iba pang mga lugar. Ang iba’y nakituloy na lamang sa kanilang mga kamag-anak o nagrerenta ng bahay sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nitong Hulyo 10 lamang, inireklamo ng isa sa mga may-ari ng lupa sa “Ground Zero” na kinamkam ng gubyerno ang kanilang lupa. Ayon sa isang abugado at residente ng Marawi, hindi na sila makabalik sa apat na barangay dahil inilaan na ang mga ito ng National Housing Authority at ng lokal na gubyerno ng Marawi sa mga proyektong imprastruktura tulad ng museo at iba pang “pampagandang” proyekto ng “Islamic city.” Saklaw nito ang 16 ektaryang sa mga barangay ng Datu sa Dansalan, Dansalan, Sabala Amanao at Datu Naga.

Samantala, inookupa ngayon ng mga pwersa ng AFP at militar ng US ang banal na syudad. Noong Enero 2018, pinalalawak pa sa 10 ektarya ang Camp Ranao Military Reservation (tinatawag noon na Camp Keithly ng kolonyalistang US) para hindi na umano makabalik pa ang mga ekstremistang grupo.

Isakdal at parusahan si Duterte

Tanging ang pagwawakas sa tiranikong paghahari ni Duterte at pag-usig at pagparusa sa kanyang mga krimen ang makapagbibigay-hustisya sa puu-puong milyong biktima sa limang taon niyang panunungkulan.

Hindi dapat patawarin o palampasin ang halimaw na si Duterte. Kailangang igiit ang paglilitis at pagparusa sa kanya sa mga internasyunal na korte at sa lokal na mga korte oras na matapos ang kanyang panunungkulan. Kailangang tiyakin na hindi makapagpanatili ang kanyang pangkatin sa poder na tiyak na magtatanggol sa kanya sa lahat ng klaseng prosekusyon.

Ang paghahari-harian ng tiranikong rehimeng US-Duterte ang pinakamalinaw na tanda ng sagad-sa-butong pagkabulok ng sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas. Ang pakikibaka para wakasan ang paghahari ni Duterte ay bahagi ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon para tapusin ang pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan na gawin ang lahat upang makamtan ng mamamayan ang hangaring kalayaan mula sa tiraniya ni Duterte at singilin siya sa lahat ng kasalanan sa bayan. Gagamitin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang inisyatiba upang isagawa ang kinakailangang pagsasakdal, paglilitis at pagparusa sa halimaw at mamamatay-taong si Duterte at lahat ng kanyang mga kasapakat sa hukumang bayan ng demokratikong gubyernong bayan.

Ang Sampung Pinakamalaking Krimen ni Rodrigo Duterte