Biguin ang kontrarebolusyonaryong digma ng rehimeng US-Duterte! Ibayong palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at lahatang-panig na isulong ang digmang bayan!

“Ibinibigay natin ang pinakamataas na pagpaparangal sa lahat ng bayani at martir ng BHB na nag-alay ng kanilang buhay sa bayan. Ngayong araw, binibigyan natin ng natatanging pagpupugay at parangal si Kasamang Julius Soriano Giron, ang minamahal nating si Ka Nars, kagawad ng Kawanihan sa Pulitika at Komiteng Tagapagpaganap ng Partido Komunista ng Pilipinas..”

[Ito ang ikalawang edisyon ng pahayag ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa okasyon ng ika-51 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29. Muling itong inilalabas (25 August 2020) upang ituon ang pansin sa mga kagyat na tungkuling halaw sa matitingkad na aral sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa brutal na gera ng rehimeng US-Duterte laban sa sambayanang Pilipino, gayundin sa ilang matingkad na aspeto ng sitwasyong sosyo-ekonomiko. Inaasahan na ang mga puntong ito ay kolektibong pag-aaralan ng mga namumunong komite ng Partido at kumand ng BHB at magbubuo ng kani-kanilang plano ng pagkilos. May ilan ring bahagi na pinahigpit at pinakinis ang pormulasyon sa paglalahad ng ilang usapin at prinsipyo. Ang ilang ipinasok na bagong impormasyon ay nasa anyo ng mga tala upang makatulong sa talakayan ng mga kasapi ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa]

Nagpupugay ang Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa okasyon ng ika-51 anibersaryo ng pagkakatatag ng BHB.Inaalala at ipinagdiriwang ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng Bagong Hukbong Bayan at sambayanang Pilipino ang maniningning na tagumpay ng BHB na natipon sa mahigit limang dekada ng pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Ibinibigay natin ang pinakamataas na pagpaparangal sa lahat ng bayani at martir ng BHB na nag-alay ng kanilang buhay sa bayan. Ngayong araw, binibigyan natin ng natatanging pagpupugay at parangal si Kasamang Julius Soriano Giron, ang minamahal nating si Ka Nars, kagawad ng Kawanihan sa Pulitika at Komiteng Tagapagpaganap ng Partido Komunista ng Pilipinas na limang dekadang walang pag-iimbot na naglingkod sa Partido at sambayanang Pilipino. Kasama ang dalawa pa, siya ay walang kalaban-labang pinaslang ng magkasanib na pwersa ng PNP at AFP ng pasistang rehimeng Duterte noong Marso 13 sa tinutuluyan nila sa Baguio City. Nanguna si Ka Nars sa matagumpay na pagdaraos ng ika-2 Kongreso ng Partido.

Pinararangalan din natin ang mga beteranong mandirigma na walang kapaguran at walang humpay na nagsusulong sa demokratikong rebolusyong bayan sa abot ng kanilang makakaya laban sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa bansa.

Isinusulong ng BHB ang makatarungang rebolusyonaryong armadong pakikibaka para ibagsak ang reaksyunaryong paghahari ng imperyalismo at ng mga lokal na naghaharing uri ng malaking burgesyang komprador at panginoong maylupa sa bansa. Sa pamamagitan ng BHB ay nabubuo ang saligang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka sa kanayunan bilang pundasyong lakas ng rebolusyonaryong pakikibaka habang patuloy na binubuo ang mas malawak na pakikipagkaisa sa iba pang positibong pwersa ng rebolusyon—ang uring petiburgesya at pambansang burgesya para kamtin ang tagumpay.

Sa 51 taon, matatag na itinaguyod ng BHB ang pagpapatupad ng rebolusyonaryong programa para sa tunay na reporma sa lupa sa kanayunan. Sa gabay at inspirasyon ng BHB at Partido, isinusulong ng malawak na masang magsasaka at kanilang mga demokratikong organisasyon ang mga pakikibaka para ibaba ang upa sa lupa, itaas ang sahod, ibaba ang interes sa pautang, ipaglaban ang makatwirang presyo ng mga produkto sa merkado at iba pa. Naitatayo ang batayang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka sa kanayunan.

Sa batayan ng mga organisasyong masa ng mga magsasaka at manggagawang bukid, kababaihan, kabataan, mga bata, mga manggagawang pangkultura at iba pa, itinatayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika kung saan umiiral ang lokal na kapangyarihang demokratiko at isinasagawa ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal.

Mahigpit ang ugnay ng mga Pulang mandirigma sa masang kanilang pinagsisilbihan. Lagi silang handang alamin ang pangangailangan at kahilingan ng mamamayan, at tuparin ang mahihirap at peligrosong tungkulin sa pagsisilbi sa bayan. Kilala rin sila ng masa na kanilang mga tagapagtanggol, katuwang, titser, duktor, at gayundin, mga mang-aawit at artista, na laging nagsisilbi sa kanilang kagalingan at pangangailangan. Laging dumudulog ang mamamayan sa BHB upang hingin ang kanilang payo o tulong tuwing naghahanap sila ng katarungan o kung kailangan ng mga tagapamagitan.

Kasama ang BHB, malalaki ang nakamit ng sambayanang Pilipino sa nagdaang 51 taon—mula sa pakikibaka laban sa Chico River Dam project at iba pang mandarambong ng kalikasan, hanggang sa pakikibaka laban sa mga base militar ng US; mula sa magiting na pakikibaka laban sa diktadurang US-Marcos, sa pagbabagsak sa rehimeng Estrada at sa kasalukuyang pakikibaka laban sa tiraniko at teroristang rehimeng US-Duterte.

Ginugunita natin ngayong araw ang ika-51 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan sa gitna ng pagharap ng sambayanang Pilipino at mamamayan ng buong daigdig sa pandemya ng Covid-19. Kaya tama lamang na ipagdiwang ng BHB ang araw na ito sa pamamagitan ng muling pagpapatibay ng panata na maglingkod sa bayan at pagpapakilos sa mga pwersa nito, kasama ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, sa isang kampanya sa pampublikong kalusugan para pigilan ang pagkalat ng lubhang nakahahawang sakit at tulungan ang mga nahawahan.

Inatasan din ng Partido ang mga kasapi nito sa mga syudad na isulong ang katulad na mga kampanyang masa, habang iginigiit ang kahilingan para sa maramihang pag-eeksamen at iba pang mga hakbanging pangkalusugan. Lagpas sa saklaw ng pampublikong kalusugan, dapat dalhin ng sambayanang Pilipino ang pagkilos sa larangan ng pampulitikang pakikibaka. Kasing-importante na labanan ang militaristang mga paghihigpit ng rehimeng Duterte at ipanawagan ang pagpapatalsik kay Duterte para papanagutin siya sa kriminal na pagsabotahe sa sistema ng pangangalaga sa pampublikong kalusugan.

Sa paglaban sa pandemyang Covid-19, dapat humalaw ang sambayanang Pilipino ng mga aral at inspirasyon sa mga tagumpay at mga nakamit nila sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos. Sa kabila ng sobrang kapalpakan ng gubyernong Duterte, tiyak na mapangingibabawan ng sambayanang Pilipino ang Covid-19 kung sila ay magkakaisa, tulad na nakamit nila ang maraming tagumpay sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Lalong nagiging kailangang isulong ng sambayanang Pilipino ang pambansa-demokratikong rebolusyon dahil sa dinaranas nilang papalalang mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Sa ilalim ng pasistang rehimeng Duterte, lalong lumulubha ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema.

Ang lumalalang krisis sa bansa ay mahigpit na nakaugnay sa pamalagiang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa buong mundo, lumalakas ang mga pakikibakang masa laban sa lubhang mapagsamantalang patakaran sa ekonomya, korapsyon at awtoritaryanismo. Lalong humuhusay ang mga kundisyon para magkonsolida ng hanay ang mga proletaryong rebolusyonaryo, palakasin ang mga partido komunista, itaas ang panlipunan at pampulitikang kamulatan ng uring manggagawa at iba pang aping uri, upang pamunuan ang kanilang mga rebolusyonaryong pakikibaka ngayon at sa hinaharap.

1. Umiigting na kontradiksyon sa gitna ng tumitinding pandaigdigang krisis sa ekonomya at pandemya

Nagdurusa ngayon ang daigdig sa pandemyang Covid-19. Nalalantad ang kabiguang tumugon sa pandemya, ang pagkabulok ng pampublikong sistemang pangkalusugan sa mga bansang industriyalisado at di industriyalisado dulot ng pribatisasyon at pagkakaltas ng badyet sa ilalim ng kaayusang neoliberal. Ang pagsulpot ng Covid-19 at iba pang organismong lumipat sa tao mula hayop ay naglalantad din sa epekto ng walang pakundangang pangwawasak ng kagubatan dulot ng malakihang kapitalistang agrikultura at paghahayupan.

Ang mapanupil na hakbangin na ipinatupad para pigilan ang pagkalat ng Covid-19 ay nagdudulot ng higit pang paghihirap sa masang anakpawis. Ang mga lockdown (pagsasara ng mga labasan at pasukan ng isang lugar) na ipinapatupad sa buong mundo ay nagkulong sa 2 bilyong mamamayan sa kanilang mga tahanan, at nagpahinto sa operasyon ng mga pagawaan, mall, transportasyon at iba’t ibang empresa. Nagdulot ito ng pansamantalang malawakang disempleyo (na maaaring maging permanente) resulta ng pagtigil ng lokal na produksyon at internasyunal na daloy ng kalakalan at suplay.

Lalo pang pinababagal ng pandemyang Covid-19 ang pandaigdigang ekonomya. Pero bago pa man nito, ilang taon nang dumaranas ang pandaigdigang kapitalistang sistema ng istagnasyon matapos ang halos isang dekada ng matagalang depresyon matapos ang krisis pampinansya noong 2008. Inaasahan ng mga sumusubaybay dito na higit pang lalala ang krisis sa pinansya dulot ng pagpapatung-patong ng utang at patuloy na pagdausdos ng produksyon.

Ang kabuuang utang sa daigdig sa unang kwarto ng 2020 ay inaasahang sumirit sa di pa naaabot na taas na $257 trilyon, 322% ng GDP ng daigdig. Ang pandaigdigang utang ng mga gubyerno ay $70 trilyon. Ang kabuuang utang ng US at Europe ay 383% ng kanilang GDP, habang ang sa China ay halos 310%. Sumirit ang pandaigdigang utang dahil sa mababang singil sa interes at maluluwag na kundisyon sa pinansya na itinakda ng mga nangangasiwa sa pinansya ng mga estado sa tangkang pasiglahin ang produksyon. Gayunpaman, ang pandaigdigang ekonomya ay lumaki lamang nang $28 trilyon mula noong krisis pampinasya noong 2008, habang ang pandaigdigang utang ay lumaki nang $84 trilyon sa parehong panahon.

Noong nakaraang taon, mas mabagal nang 2.9% ang paglago ng pandaigdigang GDP mula 3.6% sa nakalipas na taon. Ang ekonomya ng US ay lumaki lamang nang 2.3%; ang UK at France nang 1.3%; Japan nang 1%; at ang Germany nang 0.6% lamang. Natatangi ang paglaki ng ekonomya ng China nang 6.1% noong nakaraang taon, bagaman ito na ang pinakamabagal doon simula 1990. Inaasahan ng mga ekonomistang burges na di lalago o kikitid ang pandaigdigang ekonomya ngayong taon, sa harap ng pagpapatindi ng krisis bunga ng epekto ng Covid-19.

Ang mabagal na pag-usad ng ekonomya sa mga nagdaang taon, sa kabila ng mababang singil sa interes at paglaki ng utang, ay resulta ng patuloy na pag-iral ng saligang problema ng kapitalistang labis na produksyon. May labis na suplay sa halos lahat ng mga susing kalakal pangunahin na ang langis, natural gas, bakal, sasakyan, memory chip (mga piyesang elektroniko), smartphone, telebisyon, tela, kasuotan, mais, trigo, bigas at iba pa.

Hindi kayang palawakin ang produksyon nang hindi nagdaragdag sa sobrang suplay ng kalakal, na humihila sa presyo at antas ng kapitalistang tubo, at nagreresulta sa pagkabangkarote at mga pagsasara. Ang pagtanggi ng Saudi Arabia na bawasan ang kanilang produksyon ng langis noong maagang bahagi ng taon ay humatak pababa sa presyo nito tungong $30 bawat bariles, at dahil dito, napilitang tumigil ng produksyon ang mga kumpanya ng US na nagpoprodyus ng shale oil. Sa Germany, ang produksyon ng mga makinarya at sasakyan ay nabawasan dahil sa mababang demand, na nagresulta sa 5.3% na pagbagsak sa produksyon ng industriya noong nakaraang taon. Sa China, ang maliliit na pagawaan ng bakal ay ipinasara simula 2016 upang pigilan ang paglabis ng suplay na humahatak pababa sa kita ng malalaking nagmamanupaktura nito.

Hindi nawawala ang takot ng malalaking bangko na sasadsad ngayong taon o sa malapit na hinaharap ang sistemang pampinansya tulad ng naganap noong 2008. Malamang na mangyayari ito resulta ng kawalan ng kakayahan ng mga korporasyong nangungutang (tulad ng mga kumpanya sa langis, mga nagmamanupaktura ng sasakyan at eroplano) na bayaran ang kanilang utang sa harap ng lalong pagtumal ng ekonomya. Malamang magsisimula ito sa serye ng mga mabibigong magbayad-utang tulad noong 2008. Ang pandemyang Covid-19 ay nagpapabilis sa prosesong magbubunsod ng pagbagsak sa pinansya sa harap ng pagsara ng produksyon, kanseladong mga order, restriksyon sa paglalakbay at iba pa.

Ang istagnasyon ng ekonomya ng mundo ay nagresulta sa malawakang pagkasira ng mga produktibong pwersa. Noong nakaraang taon, inianunsyo ng mga kumpanyang US ang planong magsisante ng aabot sa 595,000, mas mataas nang 10% sa nakaraang taon. Ang mga bangko sa daigdig ay nagsisante na ng umaabot sa 78,000 manggagawa, kung saan 82% ay mula sa Europe. Mahigit 100,000 manggagawa naman ang tinanggal noong nakaraang taon ng mga kumpanya sa pagmamanupaktura sa Germany, kabilang ang Siemens, Daimler, Audi at Airbus. Tinatayang aabot sa 25 milyong manggagawa ang mawawalan ng trabaho ngayong taon dulot ng pandemyang Covid-19.

Sukdulan ang pagdurusa ng mga manggagawa at masang anakpawis sa mga sentro ng kapitalismo dulot ng epekto ng nagtatagal nang krisis ng sistemang kapitalista. Api sila dahil sa mababang sahod, kawalang trabaho, pagkakautang, kawalan ng bahay, pagkagumon sa droga, kawalan ng pampublikong serbisyong pangkalusugan, at pagtaas ng gastos sa pamumuhay. Ang mga migranteng manggagawa at mga refugee ay dumaranas ng higit pang mapang-aping kalagayan.

Ang yaman at kapital ay patuloy na nakakamal at naiipon sa kamay ng iilang monopolyong kapitalista, habang ang pagkabangkarote ng mga kumpanya, pagsasanib at pagbili ng mga korporasyon ay patuloy na tumataas. Noong 2018, 2,200 bilyunaryo ang nagmamay-ari sa halos katumbas ng pag-aari ng 3.8 bilyong mamamayan. Tumindi ang di pagkakapantay-pantay noong nakaraang taon kung saan mas kaunting bilyunaryo (2,153) ang nagmamay-ari sa halos katumbas ng pag-aari ng 4.6 bilyung mamamayan o 60% ng populasyon ng daigdig. Pag-aari ngayon ng 1% pinakamayaman sa daigdig ang 44% ng yaman ng mundo, habang ang pinakamahirap na 56.6% ay nagmamay-ari ng mas mababa pa sa 2%.

Ang nagtatagal nang istagnasyon ng ekonomya ay nagreresulta ng papaigting na tunggalin sa pagitan ng mga imperyalista sa larangan ng ekonomya at militar. Ang mga monopolyong kapitalista at mga estado ng kanilang mga bansa ay naghahangad na palawakin ang saklaw ng kanilang pamumuhunan, impluwensya at kontrol sa daigdig.

Hinahamon at ginugulo ngayon ng US, dating walang karibal na imperyalistang kapangyarihan, ang ngayo’y multipolar na daigdig. Sa ilalim ng gubyernong Trump, naglunsad ito ng makaisang-panig na mga hakbangin sa larangang ekonomya at heopulitika. Lalong nagiging agresibo ang US sa pagsalag sa panghahamon ng China at Russia sa pangingibabaw nito sa ekonomya at militar.

Naggigitgitan sa gera sa kalakalan ang US at China simula katapusan ng 2018, kung saan nagpapataw ang bawa’t isa ng taripa at kontrataripa sa iniluluwas na mga produkto. Nagbanta na rin ang gubyerno ng US na patawan ng taripa ang mga produktong mula Europe, at binatikos na nito ang industriya ng sasakyang German, sa partikular, bilang banta sa kanyang pambansang seguridad.

Ang umiigting na tunggalian sa ekonomya ay nagbubunsod din ng umiinit na tunggaliang militar sa pagitan ng mga mayor na imperyalistang kapangyarihan. Habang naiiwasan pa nila ang direktang kumprontasyon sa ngayon, naglulunsad ang mga imperyalistang kapangyarihan ng digmang agresyon at proxy war para palawakin at tiyakin ang saklaw ng kanilang impluwensya. Naglunsad sila ng digmaan sa Middle East (Iraq, Syria, Iran) Central Asia (Afghanistan) at Eastern Europe (Ukraine, sa Balkans). Nakapanatili ang US ng estratehikong presensyang militar sa buong mundo sa pamamagitan ng 800 base militar nito, laluna sa Middle East at Europe bilang pangontra sa impluwensya ng Russia.

Tumitindi ang banggaan sa internasyunal na karagatan habang lalong nagpapakitang lakas militar ang US sa tinatawag nitong “Indo-Pacific” na layong palibutan ang China, habang pinalalakas naman ng China ang presensya nito sa South China Sea, maging sa Eastern Africa, upang protektahan ang estratehikong mga interes nito sa ekonomya. Ang asasinasyon sa punong upisyal militar ng Iran gamit ang pang-atakeng drone ng US nitong maagang bahagi ng taon ay tanda ng antas ng kahandaan ng imperyalistang US na paigtingin ang mga tunggaliang militar sa daigdig.

Lumalaki ang gastusing militar. Ang pandaigdigang badyet sa depensa ay tumaas nang 4.2% noong 2019, pinakamataas sa loob ng isang dekada. Lumalakas ang paligsahan sa paglikha ng armas sa pagsisikap ng US na manatili itong numero unong kapangyarihang militar. Matapos umatras noong nakaraang taon mula sa Intermediate-Range Nuclear Forces Treaty ng 1987, pinaigting ng US ang pagpapalakas nito ng kanyang nukleyar na arsenal, at pinalipad ang isang intercontinental ballistic missile noong nakaraang taon. Bilang tugon, higit na nagsisikap ang Russia at China sa pagpapaunlad ng kani-kanilang armas nukleyar at maging ang bagong henerasyon ng mga hypersonic (limang ulit na mas matulin sa bilis ng tunog) na armas.

Ang nagtatagal nang istagnasyon at proteksyunismo sa ekonomya ay nagdudulot ng paglaganap ng nasyunalismo at pasismo sa US, Russia, China at Europe, at maging sa Brazil, India at iba pang bansa. Sinasamantala ng mga demagogong pasista ang diskuntento ng uring manggagawa at ang kanilang kalunus-lunos na kalagayan sa ekonomya. Gumagamit sila ng mga populistang retorika upang mangako ng proteksyon at kasaganaan sa mga manggagawa upang ilayo ang pansin sa kapitalistang mga ugat ng krisis. Nang-uudyok sila ng panatisismo laban sa mga immigrant, refugee, relihiyoso at grupong minorya, kababaihan, biktima ng pag-abuso sa droga at iba pa. Lantaran nilang itinataguyod ang diktadura at paghaharing militar.

Kahit pa umiigting ang tunggalian sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan, nagkakaisa sila sa usapin ng pagpapatupad ng patakarang neoliberal sa atrasadong mga bansa tulad ng Pilipinas. Ang mga patakarang ito ay naglalayong buksan ang mga mineral at iba pang rekursong natural sa dayuhang kapitalistang pandarambong at pahigpitin ang integrasyon sa mga bansang ito sa pandaigdigang assembly line ng dambuhalang mga korporasyong multinasyunal. Pinananatili nito ang di industriyalisado at atrasadong ekonomyang agrikultural ng mga bansang ito, na patuloy na palaasa sa pag-iimport at dayong pangungutang.

May mga atrasadong bansa tulad ng Cuba, Venezuela, Iran, Syria at ang Democratic People’s Republic of Korea na naggigiit ng pambansang soberanya at sosyalismo. Nanindigan sila laban sa imperyalismong US at nasamantala nila ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga kapangyarihang imperyalista upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa agresyong militar at panggigipit sa ekonomya, at patuloy na paunlarin ang kabuhayan ng kani-kanilang mamamayan.

Ang nagpapatuloy na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay nagluluwal ng paglaban ng masa kapwa sa mga bansang industriyal at sa atrasadong mga bansa. Sa US, umabot sa 500,000 ang nagwelga noong nakaraang taon, isa sa pinakamalaki sa nagdaang apat na dekada. Kabilang dito ang 49,000 manggagawa sa pabrika ng General Motors na naglunsad ng anim na linggong welga, isa sa pinakamahaba sa nagdaang mga dekada. Ang mga manggagawang French sa riles at transportasyong panghimpapawid, drayber ng trak, at maging mga titser at manggagawa sa sektor pampubliko ay nakawelga simula pa Disyembre noong nakaraang taon. Nilalabanan nila ang mga reporma sa pensyon, kabilang na ang pagtataas ng edad sa pagreretiro sa maraming trabaho. Mayor na mga welga ang inilunsad ng mga manggagawa sa Germany, sa UK at iba pang bansa, kasama na ang buong-Europe na welga ng mga manggagawa ng Amazon na naggigiit ng mas mataas na sahod at mas mainam na mga kundisyon sa trabaho.

Naglunsad din ng mga welga at malaking kilos-protesta sa mga atrasadong bansa. Noong maagang bahagi ng nakaraang taon, nasa 200 milyong manggagawa at manggagawa sa agrikultura sa India ang naglunsad ng pambansang welga upang labanan ang pribatisasyon, at igiit ang pagtaas ng sahod at permanenteng trabaho. Naglunsad din ng mayor na mga welga at aksyong masa ang mga manggagawa sa Brazil, South Africa, Russia at iba pang bansa sa mga usapin tulad ng pagtaas ng sahod, panggigipit at iba pa. Dumaluyong din ang protestang masa ng milyong mamamayan ng Hongkong, mga bansa sa Latin America, Middle East at Africa, na nagpakita ng pagkadismaya ng mamamayan sa mga hakbang pangkagipitan, mababang sahod, pagsirit ng presyo, lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko, pagsupil at korapsyon sa burukrasya.

Ang kalagayan sa buong daigdig ay pumapabor sa konsolidasyon at pagpapalakas ng mga partido komunista sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Malalim na umuugat ang mga rebolusyonaryong proletaryo sa uring manggagawa at aping masa, at binubuo nila ang mga organisasyong masa at pinamumunuan ang kanilang mga pakikibakang anti-imperyalista at demokratiko. Sa India, tulad ng sa Pilipinas, ang Marxista-Leninista-Maoistang partido komunista ay nasa unahan ng digmang bayan, naglulunsad ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng hukbong bayan, paglulunsad ng reporma sa lupa at pagtatayo ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa kanayunan.

2. Preserbasyon ng lubog-sa-krisis na malakolonyal at malapyudal na sistema ang pakay ng brutal na gerang panunupil ni Duterte

Naglulunsad ng madugong gerang panunupil ang rehimeng Duterte sa ilalim ng National Task Force-ELCAC nito. Sa deklarado nitong layunin na “tapusin ang lokal na komunistang armadong tunggalian,” ipinatutupad ng rehimen ang walang humpay na mga atake laban sa mamamayan at kanilang demokratikong mga organisasyong masa para ipreserba ang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at panatilihin ang pagsasamantala at pang-aapi sa masang anakpawis at pandarambong sa yaman ng bansa ng malalaking dayuhang kapitalista at ng lokal na malalaking burgesyang kumprador.

Katulad ng nagdaang mga rehimen, hindi binago ng mga patakaran ni Duterte ang di industriyal at atrasadong baseng agrikultural ng ekonomya. Lalupa nitong niliberalisa ang kalakalan at mga patakaran sa pamumuhunan upang paburan ang malalaking dayuhang kapitalista, sa kapinsalaan ng lokal na produksyon. Nananatiling nakaasa ang Pilipinas sa pag-iimport, dayuhang utang at puhunan. Binabayo ito ng palagiang depisito sa kalakalan. Patuloy na pinagdurusahan ng mamamayang Pilipino ang matataas na tantos ng disempleyo, kawalang-kasiguruhan sa trabaho, mababang sahod, nagtataasang presyo ng pagkain at batayang mga pangangailangan, kahirapan at kawalan ng tirahan.

Nananatiling walang independyenteng industriya ng asero ang bansa, walang industriya sa paggawa ng mga makina, o kakayahang lumikha ng mga kompyuter, kasangkapang de-makina, sasakyan, medisina at iba pang pangunahing manupaktura. Ang lokal na pagmamanupaktura ay nananatiling nakaasa sa inaangkat na mga makina at hilaw na materyales. Ang aktibidad ng industriya sa kalakha’y limitado sa tinaguriang mga sona sa ekonomya na hiwalay sa iba pang bahagi ng lokal na ekonomya, nasa semiprocessing at pag-asembol, at karugtong lamang ng internasyunal na assembly line ng mga kumpanyang multinasyunal. Sa kabilang banda, sa kalakha’y nananatiling atrasado, di mekanisado, walang irigasyon at may mababang ani ang produksyong agrikultural. Ang malakihang produksyong agrikultural na gumagamit ng ilang imported na kagamitang mekanikal ay isinasagawa lamang sa mga plantasyong pagmamay-ari ng dayuhan at nakatuon sa pananim na pang-eksport.

Walang pagsisikap ang rehimeng Duterte na magtayo ng baseng industriyal o lumikha ng kundisyon para sa modernisasyon ng agrikultura. Patuloy itong nagpapatupad ng neoliberal na mga patakaran sa ekonomya na sumira sa lokal na produktibong mga pwersa. Noong nakaraang taon ay ipinatupad ng rehimen ang liberalisasyon sa pag-angkat ng bigas na nagbabantang pumatay sa lokal na produksyon ng bigas at magpalayas sa 350,000 magsasaka ng palay. Ang imported na asukal ay ipinupuslit at target ding iliberalisa ang pag-angkat. Walang humpay ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupaing agrikultural para sa real estate, turismo, mga proyektong mina at enerhiya at nagiging sanhi ng pagpapalayas sa milyun-milyong magsasaka at manggagawang bukid.

Sa harap ng pandaigdigang pagtumal ng ekonomya, patuloy na gumegewang ang ekonomya ng bansa na nakatuon sa eksport. Noong nakaraang taon ay bumagal nang 5.9% ang paglago ng GDP ng Pilipinas, pinakamababa sa nakaraang walong taon. Kinatampukan ito ng 8.6% na pagbagsak ng bolyum ng produksyon ng mga pabrika sa lokal na manupaktura, at mabagal na paglago sa agrikultura nang 0.7%. Naging matumal ang mga remitans mula sa ibayong dagat at mga operasyong BPO, na siyang nagpapalutang sa ekonomya sa nagdaang mga taon. Ang depisito sa badyet ng gubyernong Duterte ay lumobo tungong ₱660.2 bilyon nitong nakaraang taon, mas mataas nang 18.27% sa naunang taon.

Bilyun-bilyong piso ang winawaldas ni Duterte upang bundatin sa kurapsyon ang mga upisyal ng militar at malalaking burukrata, paburan ang mga maanomalyang kontrata sa kanyang mga kroni at pondohan ang pambayad utang. Bilyun-bilyon ang ginagastos sa batbat-sa-korapsyong mga proyektong imprastruktura sa ilalim ng programang Build, Build, Build, kabilang ang mga di kinakailangang pagpapalawak ng mga kalsada sa prubinsya at mga tulay, pantalan at paliparan, maging mga proyektong dam na magpapalayas sa libu-libo at wawasak sa produksyong agrikultural sa kapatagan.(1) Upang pondohan ang paggasta, pinabilis ng gubyernong Duterte ang pangungutang tungong ₱43 bilyon kada buwan, doble kumpara sa nagdaang mga rehimen, at nilugmok ang bansa sa babayarang utang na ₱7.7 trilyon.(2) Ang kabuuang dayuhang utang ng bansa ay sumirit tungong $83.6 bilyon mula $78.96 bilyon noong nakaraang taon, kung saan ang mahigit sa kalahati ay utang ng gubyerno na nagkakahalaga ngayon ng $42.8 bilyon, mas mataas nang 7.8% kaysa sa nagdaang taon.

Humigit-kumulang 10.6 milyong manggagawang Pilipino (halos 24% ng kabuuang lakas paggawa na 45 milyon) ang wala o kulang ang trabaho. Sadyang pinaliit at di mapagkakatiwalaan ang mga upisyal na datos sa disempleyo. Dagdag pa, mayroong humigit-kumulang 12 milyong migranteng Pilipino na nangibang-bansa upang maghanap ng trabaho dahil sa kakulangan ng mga oportunidad sa bansa. Sa ilalim ni Duterte, nanatiling susing estratehiya sa pag-empleyo ng gubyerno ng Pilipinas ang pag-eksport ng murang paggawa. Bumagsak ang taunang paglikha ng trabaho sa ilalim ng rehimeng Duterte—pinakamababa sa loob ng ilang dekada—at bigo itong sumabay sa paglaki ng pwersa ng paggawa. Ang malubhang kalagayan ng kawalan ng hanapbuhay ay tinatabunan ng mga tagapangasiwa sa ekonomya ni Duterte na nagpapalabas ng labis na di kapani-paniwalang 5.1% tantos ng disempleyo sa pamamagitan ng pagbago ng depinisyon ng disempleyo at pagtanggal ng milyun-milyon sa listahan ng kabuuang lakas paggawa gamit ang manipulasyon sa estadistika.

Ikinukubli ng rehimeng Duterte ang tunay na kalagayan ng kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagtatakda ng sobrang babang pamantayan na ₱75 kada tao bawat araw, at sa pagsasabing 5.9 milyong Pilipino na ang naiahon sa kahirapan mula 2015. Sa katunayan, ang arawang halaga para mabuhay sa Pilipinas ay nasa ₱205 bawat tao na sa ngayon. Saklaw nito ang panggastos sa pagkain, transportasyon, pabahay, gamot at iba pang pangangailangan. Isa sa bawat tatlong Pilipino ang nagtitiis sa mas mababa pa. Di bababa sa 12.4 milyong pamilyang Pilipino ang nagtitiis sa ₱132 kada tao bawat araw. Ang kasalukuyang minimum na sahod na ₱537/araw na itinakda sa National Capital Region ay wala pa sa kalahati ng ₱1,025 na nakabubuhay na sahod para sa lima-kataong pamilya. Milyun-milyong Pilipino ang nagdurusa sa kawalan ng matitirhan at napipilitang mamuhay sa mga barung-barong sa syudad, sa mga bangketa at ilalim ng tulay. Wala silang akses sa malinis na tubig at kuryente, sanitasyon, gayundin sa mga pasilidad sa pampublikong kalusugan, paaralan at iba pang serbisyong panlipunan.

Kinakaharap ng mamamayang Pilipino ang mas matinding kahirapan sa ekonomya sa harap ng pandemyang Covid-19 dahil sa mahigpit at mapang-aping mga hakbanging ipinatupad ng rehimeng Duterte. Ang lockdown ng militar sa Luzon at ibang bahagi ng bansa ay nagkait sa mamamayan ng kanilang karapatang bumyahe, magtrabaho, maghanapbuhay o maghanap ng trabaho. Pumatong ang mga hakbang na ito sa galit ng mamamayan sa pagtanggi ni Duterte na isara ang mga hangganan ng bansa sa China, nang pinayagan niyang pumasok sa bansa ang mahigit 500,000 turista mula China noong Disyembre 2019 hanggang Pebrero, kabilang ang halos 5,000 mula Wuhan, ang pinagmulan ng Covid-19.

Galit din ang mamamayan sa iniutos ni Duterte na pagbabawas sa badyet pangkalusugan upang paburan ang mga dagdag sa gastusing militar. Dahil kapos ang pondo, nasasagad ang sistema ng pampublikong kalusugan, kung saan nagkukulang ang kagamitan ng mga pampublikong ospital para mag-eksamen at manggamot sa mga pasyente, at pangalagaan ang mga manggagawang pangkalusugan upang di mahawaan ng sakit. Ayon sa pinakahuling mga ulat, mahigit 800 na ang nahawa, at mahigit 50 ang namatay, kabilang ang di bababa sa 10 duktor.

Ang militaristang mga hakbangin na ipinatupad ni Duterte ay pinatingkad ng pagkakatalaga sa dating mga heneral upang pamunuan ang kanyang task force laban sa Covid-19. Tinutugunan ng rehimen ang pandemya ng Covid-19 bilang usaping “peace and order” at panseguridad, higit sa usapin na pampublikong kalusugan. Kung kaya, habang lumilipas ang mga linggo at patuloy na kumakalat sa bansa ang pandemyang Covid-19, milyun-milyon ang nagugutom at naliligalig. Nakatakdang sumambulat ang kanilang mga protesta, laluna sa harap ng kabiguan ng rehimen na tugunan ang pang-araw-araw na sosyo-ekonomikong pangangailangan ng mamamayan, at proteksyon para sa mga manggagawang pangkalusugan, habang ang mga upisyal nito’y nagpapasasa sa mga pribilehiyo sa ekonomya at serbisyong medikal.

Magkakaroon ng matinding epekto ang pandemyang Covid-19 sa lokal na ekonomya at lalupa itong malulubog sa krisis. Inaantabayanan na ng mga upisyal ni Duterte sa pagpaplano ng ekonomya ang pagkitid ng ekonomya(3), kung saan daan-daan bilyong piso ang mawawala sa produksyon, transportasyon at turismo; gayundin sa mga remitans mula ibayong-dagat. Nakatakdang lumaki ang dami ng walang trabaho.(4)

Sinasamantala ng naghaharing pangkatin ni Duterte ang krisis ng Covid-19 upang lalupang itulak ang pakana nitong magpataw ng diktadura. Ang iginawad na kapangyarihang pangkagipitan (emergency powers) kay Duterte ay nagbigay sa kanya ng daan-daang bilyong piso upang lustayin, at ng kapangyarihan na kontrolin ang mga pribadong kumpanya sa tabing ng pagtugon sa pampublikong kalusugan. Pinalalawig nito ang mga naunang maniobra ni Duterte para bakbakin at agawin ang negosyo ng mga Lopez, Ayala at Pangilinan at iba pang “oligarko” pabor sa mga “Dutertegarko.”

Sa pamamagitan ng lockdown ng militar, inilalagay ni Duterte ang buong bansa sa mas mahigpit na kontrol ng militar at pulis, na lalong nagpapatatag sa kanyang di deklaradong batas militar at itinutulak ang kanyang pakanang pasistang diktadura. Sa kabilang banda, pinaiigting din ng mga hakbang na ito ang krisis ng naghaharing sistemang pampulitika at lalupang naghihiwalay sa kanyang rehimen sa mamamayan.

Lalupang kinonsolida ng naghaharing pangkatin ni Duterte ang kapangyarihan nito noong nakaraang taon nang ipwesto ang mga alagad ni Duterte sa Senado at Kongreso gamit ang manipulasyon ng de-kompyuter na bilangan. Ang kongreso ng Pilipinas ay tagapalakpak na lamang ni Duterte at kasabwat ng kanyang rehimeng awtoritaryan. Epektibong natanggalan ng kapangyarihan ang kalabang pwersang oposisyon.

Lalupang nahihiwalay ang rehimeng Duterte sa labas ng bansa dahil sa rekord nito ng maramihang pagpatay at mga paglabag sa karapatang-tao. Noong nakaraang taon, naglabas ang kongreso ng US ng resolusyon na nagbabawal sa mga upisyal ni Duterte na pumasok sa bansa, partikular yaong mga itinuturong responsable sa di makatarungang detensyon ni Sen. Leila de Lima. Kinalauna’y kinansela ang mga papeles sa pagbyahe patungong US ng tagahimod at berdugo ni Duterte na si Sen. Bato dela Rosa.

Sa pag-aalburuto, nagpadala si Duterte noong Pebrero ng abiso sa US na pinawawalambisa ang Visiting Forces Agreement (VFA), at nag-astang patriyotiko. Gayunpaman, ang pagpapawalambisa sa VFA lamang ay hindi mangangahulugan ng pagbabago sa di pantay na relasyong militar sa pagitan ng US at Pilipinas. Nananatili ang Mutual Defense Treaty ng 1951, ang Mutual Logistics Support Agreement ng 2002, ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng 2014. Nagbibigay ang mga ito sa US ng ekstrateritoryal na karapatan sa bansa, at ginagamit ng US upang patatagin ang paghahari nito sa Pilipinas at tabingan ang kanilang panghihimasok militar. Sa katunayan, lihim na nakikiusap ang rehimeng Duterte sa US para sa mga menor na pagbabago sa VFA o negosasyon para sa bagong kasunduan nang may mga katiyakan ng pampulitikang suporta at dagdag na ayudang militar.

Walang ginawa si Duterte upang kanselahin ang mahigit 300 ehersisyong militar at aktibidad na isasagawa ng mga pwersang US sa Pilipinas ngayong taon. Kundi dahil sa pandemyang Covid-19, isasagawa ang pagsasanay militar na 2020 Balikatan sa Abril. Nakatakda itong lahukan ng di bababa sa 6,500 tropang Amerikano, pinakamarami mula nang simulan ang mga pagsasanay. Patuloy ding susuplayan ng US ang AFP ng ₱45 milyong halaga ng sarplas na kagamitang militar sa ilalim ng programang Foreign Military Financing ng Department of State. Sa ilalim ng Operation Pacific Eagle-Philippines, patuloy ding nagsasagawa ang US ng mga operasyong militar sa tabing ng “kontra-terorismo,” na di pwedeng uriratin sa Kongreso ng US.

Mula Mayo 2017, hinubad na ng rehimeng Duterte ang balatkayo nitong maka-kapayapaan, nang magpataw ito ng batas militar sa Mindanao at tapusin sa esensya ang pakikipagnegosasyon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Pormal nitong tinapos ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng Proclamation 360, sampung araw matapos mangako si Duterte kay Trump na uubusin niya ang PKP at BHB. Kalauna’y inilabas nito ang Proclamation 374 na nagdeklara sa PKP, BHB at kay NDFP Chief Political Consultant Prop. Jose Maria Sison bilang mga “terorista” at ang nagsampa ng kaso laban sa mga nabanggit sa ilalim ng Human Security Act.

Sa pag-asang linisin ang kinamumuhiang internasyunal na reputasyon at dahil sa presyur mula sa internasyunal at lokal na komunidad na nagtutulak ng kapayapaan, inatasan ni Duterte ang mga pangkat ng dati niyang panel sa negosasyon para sa impormal at hindi isinapublikong pakikipag-usap sa mga kinatawan ng NDFP sa ibayong-dagat. Dahil laging bukas ang pinto nito para sa kapayapaan, tinanggap ng NDFP ang mga pahaging ngunit inilinaw na dapat maalis ang mga balakid na inilagay ni Duterte. Kabilang sa mga ito ang nagdaang proklamasyon at kautusang ehekutibo na nagbunsod ng kanyang brutal na gera laban sa mamamayan.

Mula noong nagdaang taon, tumindi ang brutal na kampanyang panunupil ni Duterte sa ngalan ng anti-komunismo. Kasunod ito ng paglalabas ng Executive Order 70 noong Disyembre 2018 at ang pagbubuo ng NTF-ELCAC noong Mayo 2019.

Ayon sa disenyo ng NTF-ELCAC, hinahabol ng pasistang rehimen ang mabilis na pagpapatindi ng mga opensibang militar at pasistang terorismo na pinapangarap nilang makapipinsala, makasusukol, magpaluluhod at wawasak sa rebolusyonaryong kilusan. Susing elemento nito ang tuluy-tuloy na pagbomba ng antikomunistang paninira at pananakot at malawakang panunupil sa ligal na demokratikong kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan.

Nagsagawa ang militar, pulis at mga death squad ni Duterte ng mga pagpatay, kabilang ang pagpaslang noong Pebrero 2019 kay NDFP consultant Randy Malayao, ang kamakailang asasinasyon sa lider ng Partido na si Julius Giron (Ka Nars) at kanyang mga kasamahan, at puu-puo pang mga pagpatay sa Negros, Samar, Bukidnon, Masbate, Sorsogon at iba pang prubinsya.(5)

Tuluy-tuloy na nagsasagawa ng red-tagging ang militar at pulis, ng paniniktik at intimidasyon, maramihang pag-aresto, pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso batay sa itinanim na mga ebidensya. Mayroon nang mahigit 600 bilanggong pulitikal, karamihan ay inaresto sa ilalim ni Duterte. Pinakamatindi sa mga atake ng kaaway ay ang mga ekstrahudisyal na pagpaslang at mga pambobomba at panganganyon sa mga komunidad sa kanayunan upang agawin ang lupa mula sa mga magsasaka at katutubong mamamayan at ipamahagi ang mga ito sa mga korporasyon sa mina, pagtotroso, plantasyon at real estate.

Sa ilalim ng tinaguriang “whole-of-nation approach,” inobliga ni Duterte ang lahat ng ahensya at lokal na gubyerno na makipagtulungan sa NTF at ituon ang kanilang mga pagsisikap sa kontra-insurhensya. Sa ilalim ng NTF, hayagang naging sentrong tungkulin ng buong makinarya ng estado ang kontra-insurhensya. Gamit ang pondo ng bayan, nagbubuhos ng pondo ang rehimen sa pagsagawa ng kampanya ng disimpormasyon at manipulasyon ng opinyong publiko sa pamamagitan ng bayarang mga sarbey, troll sa social media, bayarang mga kolumnista at espesyalista sa pampublikong relasyon.

Sang-ayon sa mga layunin ng NTF, hinahangad ni Duterte na lalupang patatagin ang kanyang tiraniya at terorismo ng estado sa pagtutulak ng mga amyenda sa Human Security Act at pagsasabatas ng Anti-Terrorist Law na nagpapalawak sa depinisyon ng “terorismo” para saklawin ang lahat ng porma ng paglaban at nagbibigay sa estado ng karapatang mang-aresto nang walang mandamyento, ikulong nang walang kaso ang sinuman sa loob ng 14 araw o higit pa at alisan ng pananagutan ang mulitar at pulis na sangkot sa walang batayang pagkulong.(6)

Sa ilalim ng NTF-ELCAC, naglunsad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng todong mga opensibang militar sa buong bansa. Mula 2017, nagbuo ito ng siyam na bagong batalyon (mula sa orihinal na target nitong 10-30 karagdagang batalyon) at ipinakat ang mga ito pangunahin laban sa BHB. Inaayudahan ang AFP ng militar ng US sa pagbubuo at pagsasanay ng mga bagong yunit na pangkombat tulad ng Light Reaction Regiment, 1st Brigade Combat Team at 2nd Brigade Combat Team na pawang nakabase sa Fort Magsaysay, kung saan nagmamantine ng mga pasilidad ang US sa ilalim ng EDCA.

Sa kabuuan, mayroong 140 batalyong pangmaniobra ang AFP, kung saan 35 ay nakadeploy sa Luzon; 19 sa Visayas; at 83 sa Mindanao (19 batalyon sa mga eryang Moro, at 64 sa mga erya ng BHB). Sa gayon, umaabot sa 85% o 118 batalyon ang nakapakat laban sa BHB. Halos 55% ng mga yunit ng AFP na nakapakat laban sa BHB ay nasa Mindanao, pangunahin sa mga rehiyon sa silangan. Ang pinagkumbinang pakat ng mga tropa ng AFP at PNP ay pinakamataas sa Southern Mindanao, kasunod sa Southern Tagalog, Eastern Visayas, North Central Mindanao, Far South Mindanao at Negros. Ang layunin ng AFP ay ikonsentra ang isang batalyong tropa laban sa bawat larangang gerilya ng BHB, sa desperasyong durugin ang BHB sa pamamagitan ng mga operasyong paniktik, saywar at kombat.

Sa kabila ng karagdagang mga yunit, batak ang mga pwersa ng AFP. Sa pambansang antas, may mga rehiyon kung saan hindi makapagpakat ng isang buong batalyon ang kaaway laban sa bawat larangang gerilya ng BHB. Sa mga erya, hindi kayang saklawin ng mga batalyong pangkombat ng AFP ang teritoryo at populasyon ng larangang gerilya, kung saan may malawak na latag ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa, mga yunit milisya at mga organo ng kapangyarihang pampulitika na aktibong naglulunsad ng mga kampanya at pakikibakang masa. Nag-iiwan ito ng malapad na erya sa BHB para magmaniobra, magrekrut at magpalakas ng sarili. Sa panahong naglulunsad ang mga brigada o dibisyon ng AFP ng mga nakapokus na operasyong militar sa isa o maraming larangang gerilya sa mga eryang hangganan, kinukumbina nito ang maraming batalyon na panandaliang hinugot mula sa kanilang mga nakatalagang erya ng operasyon, at nagbibigay sa mga yunit ng BHB sa ibang erya ng puwang para magsagawa ng gawaing pampulitika at pangmilitar.

Nagsasagawa ang mga yunit ng AFP ng kunwa’y mga “community support programs” (dating tinatawag na Peace and Development Operations) kung saan ipinupwesto ang mga pasistang tropa sa mga komunidad. Ginagambala ng armadong presensya ng mga tropang militar ang buhay at kabuhayan ng mamamayan. Tinatakot nila ang masang magsasaka at arbitraryong inaakusahan bilang mga “tagasuporta ng BHB” para pilitin silang makipagtulungan. Nagpapalabas ng mga pekeng pagpapasuko ang AFP, nagtatayo ng mga tsekpoynt at nagpapataw ng mga hakbang para kontrolin ang galaw ng mamamayan. Inoobliga nila ang masa na sumapi sa mga pwersang paramilitar, pinipilit ang mga sibilyan na magtrabaho nang walang bayad at nilalabag ang iba pang demokratiko at sibil na mga karapatan. Nanganganyon at naghuhulog sila ng bomba mula sa himpapawid sa tabi ng mga komunidad na nagdudulot ng takot at troma sa sibilyang populasyon, laluna sa mga bata, at nagtutulak sa kanila na lisanin ang kanilang mga tahanan at sakahan.

Kasabay nito, nag-ooperasyong saywar sila katulad ng tinatawag na “community integration program” at “delivery of service” na batbat sa korapsyon. Layunin ng mga programang ito na pagtakpan ang pasistang pangil ng pasistang tropa ni Duterte. Sa ilalim ng “enhanced comprehensive local integration program” ni Duterte, ipinapangako sa mga “surenderi” ang ₱60,000 na kadalasan ay ibinubulsa naman ng mga upisyal ng brigada at batalyon. Para linlangin ang masa, nangampanya si Dutere at ipinrisinta ang kanyang sarili bilang tagapagsulong ng reporma sa lupa sa desperasyong kumbinsihin ang masang magsasaka na “hindi niyo kailangan ang BHB.”

Buong dahas ang kampanyang panunupil ni Duterte laban sa masang magsasaka. Pinakamabangis ang pagsalakay sa mga lugar na aktibong lumaban ang mamamayan laban sa pagpasok ng pagmimina, plantasyon, turismo, enerhiya at iba pang malaking proyekto ng mga korporasyon. Ginagamit niya ang todo-largang terorismo para piliting isuko ng masa ang kanilang demokratikong mga karapatan at pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang lupa at kagalingan sa ekonomya. Para ipatupad ang panunupil, mabilisang nagtayo ang AFP ng mga detatsment ng militar, paramilitar at pulis sa loob at sa palibot ng mga komunidad sa kanayunan. Mahigit 700 na ang mga ito sa Mindanao pa lamang.

Ang todong gera ng panunupil ay isang walang-kahahantungang tangka ng rehimeng Duterte at ng AFP na patahimikin ang pakikibaka ng masang magsasaka para sa lupa, pagkaitan ng suportang masa ang hukbong bayan at pilitin ang mga yunit nito na umatras at mahiwalay sa mahirap na tereyn, at padanasin sila ng nakapokus na opensibang militar na gumagamit ng malaking bilang ng mga tropa na mayroong suportang panghimpapawid at artileri. Nagsasagawa ang AFP ng magkakasunod na opensiba sa pag-asang pagurin ang mga yunit ng BHB. Ang mga teroristang pamamaraan na ginagamit ng AFP sa mga operasyon para ipagkait ang base ay malinaw na kontra-produktibo dahil ang masang magsasaka at minorya ay lalong napupukaw na labanan ang pasistang brutalidad ng rehimen, at lumapit sa BHB para ipagtanggol ang kanilang karapatan at kabuhayan.

Simula 2017 ay makailang ulit nang nagdeklara si Duterte at kanyang mga upisyal-militar na dudurugin ang BHB, una ay sa katapusan ng 2018, sumunod ay sa katapusan ng 2019, at pagkatapos ay bago magwakas ang termino ni Duterte sa 2022. Halos araw-araw nililinlang ng mga kumander ng AFP ang publiko sa mga parada ng mga “sumukong” BHB, kadalasang gumagamit ng mga dati nang lumang armas sa kanilang armori at pinalalabas na mga isinukong armas. Kamakailang naisiwalat ang isang dinuktor na larawan ng mga diumano’y mga “sumurender.” Ipinagyabang pa ni Duterte na matatalo ang BHB sa “lalong madaling panahon” dahil sa ibinalitang pagkadurog o pagpapahina ng AFP sa 15 larangang gerilya ng BHB. Lahat nang ito’y hungkag na paghahambog sa harap ng patuloy na pagpapalakas ng BHB at paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka kasabay ng demokratikong mga pakikibakang masa ng mamamayang Pilipino para wakasan ang paghahari ng lagim ng rehimeng US-Duterte.

Iginigiit ng mga organisasyong masa, alyansa, unyon, institusyon, konseho at iba pang mga pormasyon ang kanilang ligal at demokratikong mga karapatan. Masigasig nilang tinututulan ang kampanyang red-tagging ng rehimen at mga pagsisikap nito na gawin silang iligal. Matapang nilang nilalabanan si Duterte at kanyang mga upisyal-militar kahit pa sila ay tinitiktikan, binabantaang aarestuhin o papaslangin. Nilabanan ng mga organisasyong estudyante ang tangkang pagsupil sa aktibismo sa kampus.

Aktibo nilang inilalantad ang mga pasistang pang-aabuso ng mga pwersang militar at pulis ni Duterte. Naglulunsad sila ng mga kilos-protesta laban sa pamamaslang at maramihang pang-aaresto. Binabatikos nila ang pekeng “pagpapasurender” sa mga sibilyan, pagpapasara sa mga paaralang Lumad, panganganyon at paghuhulog ng bomba malapit sa mga komunidad, at iba pang pang-aabuso sa ilalim ng kampanyang “kontra-insurhensya” ni Duterte. Mahigpit nilang kinokondena ang banta laban sa midya. Inilalantad nila ang pekeng “gera kontra droga” ni Duterte at tinutuligsa ang maramihang pagpaslang sa mahihirap. Naghain sila ng mga kaso sa International Criminal Court para litisin si Duterte sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan.

Isinisiwalat ng mga demokratikong pwersa ang katiwalian sa burukrasya at militar. Binabatikos nila ang paglalaan ng mas malaking pondong pampubliko para bundatin ang mga sundalo at pulis, habang nananatiling maliit o bawas ang badyet para sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan, gayundin sa suportang agrikultural. Binatikos nila ang walang-tigil na dayong pangungutang ng rehimen. Inilantad nila ang huwad na larawan ng pag-unlad ng ekonomya. Binatikos nila ang pahirap na mga buwis na ipinataw ni Duterte at ang liberalisasyon ng importasyon ng bigas. Tinuligsa nila ang pagpapakatuta ni Duterte sa US at pagmamanikluhod niya sa China.

Naglunsad ng mga welga at ibang porma ng sama-samang pagkilos ang mga manggagawa para manawagan ng dagdag na sahod, mas maayos na mga kundisyon sa paggawa at regularisasyon sa trabaho. Nagsagawa ang masang magsasaka ng mga pagkilos para igiit ang mas mababang upa, mas mataas na sahod para sa mga manggagawang bukid, mas mababang interes sa pautang, makatwirang presyo sa pagbili ng kanilang mga produkto at iba pang reporma. Tinututulan nila ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupa. Kahit bago pa man ang pandemyang Covid-19, binatikos na nila ang kainutilan ng rehimen na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan sa panahon ng mga natural na kalamidad katulad ng pagputok ng Taal Volcano at mga lindol sa Mindanao.

Masaklaw ang mga pwersang patriyotiko at demokratiko, kabilang na ang konserbatibong oposisyong pulitikal, gayundin ang may hinanakit na mga upisyal ng militar at pulis, ang nakahanay laban kay Duterte. Hihigpit pa ang kanilang pagkakaisa sa ilalim ng isang malapad na nagkakaisang prente habang tumitindi ang krisis sa pulitika na kinakaharap ng naghaharing rehimen. Ang sumisidhing sosyo-ekonomikong mga kundisyon ay nagtutulak sa malawak na masa ng mamamayan na maramihang magbangon sa mga protesta at igiit ang pagwawakas sa brutal, tuta, tiwali at pahirap na rehimen.

Nag-uudyok ng armadong paglaban ang pasismo sa ilalim ni Duterte. Ang pangangailangang magarmas para ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan ay higit na lumilinaw sa harap ng mga pang-aabuso at madugong panunupil ng kanyang mga armadong ahente sa buong bansa. Sa pagsupil sa paglaban ng mamamayan gamit ang armadong pwersa, inuupatan niya ang mamamayan na lumaban. Katulad ni Marcos noon, si Duterte ngayon ang numero unong rekruter ng Bagong Hukbong Bayan.

Nabibigo ang todo-largang teroristang mga atake ng rehimeng US-Duterte na takutin o patahimikin ang mamamayang Pilipino. Ang plano nitong lumpuhin ang rebolusyonaryong kilusan ay nahahadlangan ng lumalalang krisis sa ekonomya at krisis sa pulitika. Ang pagputok nitong huli ng pandemyang Covid-19 ay ibayo pang sumasagka sa kontrarebolusyonaryong pakana nito.

Pinakamalaking hadlang ay ang sambayanang Pilipino na pursigidong isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang tumitinding mga porma ng pang-aapi at pagsasamantala na ibinunga ng nagpapatuloy na krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal ay tumutulak sa kanila na maglunsad ng armadong rebolusyon at lahat ng porma ng pakikibakang masa.

Kailangang-kailangan ngayon ang wastong pamumuno ng Partido upang papurulin, sagkaan ang biguin ang pasistang opensiba, palakasin ang rebolusyonaryong inisyatiba sa iba’t ibang saklaw at antas, at paigtingin ang armado at di armadong pakikibaka. Higit na paborable ang mga kundisyon sa paglulunsad at pagsusulong ng digmang bayan.

3. Hinaharap at mga tungkulin sa pagsulong ng digmang bayan

Puspusang labanan at biguin ang total war ng pasistang rehimeng Duterte at ubos-kayang palakasin ang hukbong bayan, palawakin at patatagin ang mga sona at baseng gerilya at paigtingin ang pakikidigmang gerilya. Dapat paigtingin ang mga taktikal na opensiba upang bigwasan ang pinakamasahol na mga pasistang berdugo. Kinakailangan ito upang papurulin at biguin ang malawakang pasistang pag-atake, panunupil at paninindak, at palakasin ang tapang na lumaban ng mamamayan.

Sa nagdaang tatlong taon, matagumpay na napangibabawan ng Bagong Hukbong Bayan ang todong-opensiba ng rehimeng Duterte. Ibayong napanday ang katatagan at determinasyon ng BHB para muling biguin ang bagong taning-sa-sarili ng pasistang rehimeng Duterte at lahat ng mga kampon niya na dudurugin nila ang rebolusyonaryong kilusan bago magtapos ang termino ni Presidente Duterte sa Mayo 2022.

Ang BHB ay patuloy na kumikilos sa higit 110 larangang gerilya sa 73 ng 81 prubinsya sa buong bansa. Mayroon itong ilanlibong mandirigmang gerilya. Armado sila ng matataas at mabababang kalibre ng armas na nasamsam mula sa kaaway, pwersang panseguridad at iba pa. Gumagamit ang BHB ng mga granada at command-detonated explosive. Gumagamit din sila ng mga katutubong pamamaraan at sandata sa pakikidigma tulad ng mga patibong at suyak.

Ang mga yunit ng BHB ay nag-oopereyt sa ilalim ng 14 na kumand sa operasyon sa rehiyon sa ilalim ng Pambansang Kumand sa Operasyon (National Operations Command o NOC). Ang Pambansang Kumand sa Operasyon ay nasa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pamamagitan ng Komite Sentral at Kawanihang Pampulitika at Komiteng Tagapagpaganap nito at ng Komisyong Militar ng Komite Sentral.

Mahigpit na tumatalima ang Bagong Hukbong Bayan sa linya ng matagalang digmang bayan, pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan, at pagtitipon ng lakas sa yugto ng estratehikong depensiba sa pamamagitan ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa.

Ang platun ang batayang pormasyon ng BHB para isulong ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa sa buong bansa. Ang kalakhan ng mga platung gerilya ay mga pwersang horisontal na nakapakat sa mga larangang gerilya na itinatayo sa batayang lakas-kompanya. Ang pakat na ito ay nagsisilbi para makamit ang tamang balanse ng lawak at sinsin ng pakikidigmang gerilya sa antas ng larangang gerilya, subrehiyon, rehiyon at bansa.

Pinatunayan ng nakaraang ilang taon na ang mga platun sa mga lakas-kumpanyang larangang gerilya ay kayang makasustine ng pagtutulungan at pagtutugunan sa mga taktikal na opensiba, sabayang umasikaso sa gawaing militar at gawaing masa, at makapagpalawak habang nagkokonsolida at nakikipaggitgitan laban sa mga operasyong kombat, paniktik at saywar ng kaaway.

Malamang ang labis na dispersal kapag inaasa sa isang platun o pinaliit na platun ang pag-asikaso sa larangang gerilyang laking distrito. Hindi sapat ang isang platun para epektibong saklawin ang 60-100 baryo sa isang larangang gerilya nang may tamang balanse ng pagpapalawak at pagpapatatag.

May mga rehiyon na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa ilang larangang gerilya: tinipon ang lumiit na pwersa upang mabuo ang pinaliit o buong-lakas na kumpanya, isinaayos ang pakat ng mga kadre upang palakasin ang pamumuno sa mga iskwad at platun at sa larangang gerilya, at matalinong nagdispusisyon ng bertikal na pwersa para patuloy na pasiglahin ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya.

Kailangang magpakahusay sa pleksibleng dispusisyon ng pwersa alinsunod sa gabay ng itinakdang istruktura ng pwersa para sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya. Kailangang maagap na natatasa ang latag ng pwersa: kung labis na lumiit sa isa o ilang larangan na sanhi ng pagkitid ng saklaw nito, o di kaya’y ng labis na pagkalat ng mga yunit at paghina ng sentruhang lakas; kung labis na nagkakahiwa-hiwalay ang maliliit na pwersa; o kung labis ang konsentrasyon at naiipit sa makitid na saklaw gayong may malawak na bahaging paborable pang abutin; kung may problema sa kwerpo ng kadre, pagkalimita ng mga opsyon sa mabisang paggamit ng mga bertikal na pwersa at iba pa.

Batay sa naaabot na kalat at sinsin sa mga larangang gerilya hakbang-hakbang na binubuo ang mga bertikal na pwersa sa antas ng rehiyon at subrehiyon mula sa platun, pinalaking platun o pinaliit na kumpanya hanggang sa kakayanin nang maitayo ang kumpanya. Magiging sustenable lamang ang mga bertikal na pwersa kung nakakamit natin ang sapat-sapat na lakas at latag sa mga larangan at subrehiyon.

Ang pagpapalaganap at pagpapasinsin ng pakikidigmang gerilya ay nakasalalay hindi lamang sa lakas ng hukbo at mga taktika nito. Integral na sangkap nito ang masinsing gawaing masa upang mabuo ang malawak at matibay na rebolusyonaryong baseng masa pangunahin sa pamamagitan ng pagsusulong ng kilusang antipyudal at rebolusyonaryong programa para sa tunay na reporma sa lupa, gayundin ng iba pang mga kampanyang masa. Sa gayon, naitatatag ang demokratikong kapangyarihang pampulitika sa kanayunan sa papasaklaw nang papasaklaw na paraan.

Ang Bagong Hukbong Bayan, maliban sa pagiging pangunahing pwersang panlaban, ay tumatayo ring pangunahing buong-panahong organisadong pwersa para sa pagpapatupad ng masaklaw at masinsing gawaing masa. Ang mga horisontal na pwersa sa mga larangang gerilya ang batayang pakat ng lakas para dito.

Sa pukpukang labanan at pakikipaggitgitan sa kaaway, higit na luminaw ang mga limitasyon ng isang pinaliit na platun para sa isang larangang gerilya, ang kawalan ng buong-panahong mga yunit ng BHB sa mga kumpol ng mga baryo o mga subdibisyon ng mga larangang gerilya na naipauubaya ang pangangasiwa sa mahihinang komiteng seksyon at mga bahaging-panahong yunit na kulang sa kakayahan. Sa kaunting paghigpit ng pagsuyod at pang-iipit ng kaaway, madaling nabubuwag ang mahihinang komiteng seksyon, napaparalisa o di kaya’y tumatalilis ang maliliit na yunit gerilya ng seksyon na kulang sa armas, pagsasanay at karanasan, nagkakaputol-putol ang ugnay sa masa, nagkakawatak-watak ang masa, at nagiging pasibo sa harap ng pasistang pag-atake at panunupil ng kaaway.

Para mabilis na mapangibabawan ang ganitong kalagayan, positibong karanasan sa ilang rehiyon ang pagpapakat ng mga bertikal na pwersa para sa kagyat na pagpapalaki ng pwersa ng BHB sa larangang gerilya, pagbubuo ng sistema ng relyebuhang tigatlo o tig-anim na buwang serbisyong pangkombat (tour-of-duty) sa mga yunit ng BHB ng pinakanaaasahang lokal na pwersang gerilya sa lokalidad para ihanda sila sa buong-panahong pagkilos sa BHB, masinsing kampanya sa propaganda at edukasyon sa hanay ng kabataan para sa maramihang pagrerekluta, pagsangkot sa mga organisasyon ng kabataan sa mga usaping depensa at gawaing milisya kabilang na ang mga kinakailangang pagsasanay militar, pagpapasigla ng mga kampanyang masa partikular ang susing kampanyang antipyudal, pukpukang propaganda sa kaaway upang mabilis na nalalabanan ang mga pananakot, panlilinlang at mga kasinungalingan, at dikit at masinsing pagsangkot ng mga namumunong kadre sa antas ng larangan at maging subrehiyon sa mga gawain sa lokalidad.

Ang mga platun bilang batayang pormasyon ay binubuong may sapat na lakas, kakayahan at kasanayan para makakilos nang nakakatayo sa sarili at nakakapagkusa sa pagsunggab sa mga oportunidad laban sa mahihinang bahagi ng kaaway, nagpapakahusay sa mga taktikang iskwad, may relatibong malalakas na mga iskwad at nagpapakabihasa sa mga taktika ng konsentrasyon, pagkalat at paglipat upang pataasin ang inisyatiba kapwa sa pulitika at militar. Nagmamatyag at maagap na winawasto nito ang labis na konsentrasyon at labis na dispersal na pawang nakapagpapahina sa inisyatiba ng platun at pwedeng makapagdulot ng pinsala dito.

Ang mga bertikal na pwersa ay nagsisilbing sentrong tipunan para sa mga taktikal na opensibang nangangailangan ng dagdag na lakas mula sa mga horisontal na pwersa, naglalaan ng mas malaking panahon sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, pangunahin ang mga anihilatibong batayang taktikal na opensiba, may sapat na sariling kakayahan para sunggaban ang mga oportunidad laban sa mahihinang bahagi ng gumagalaw at nakapirming kaaway. Sa gayon, ang mga bertikal na pwersa ay pangunahing naglilingkod sa ibayong pagpapasigla at pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba sa kani-kanilang saklaw. Nagsisilbi ring tipunan at pangunahing pwersa ang mga bertikal na pwersa sa paminsan-minsang bigwas sa ulo sa kaaway kung may paborableng pagkakataon.

Dapat bantayan ng mga bertikal na pwersa na mahulog sa paghahangad ng pagbira sa matitigas na target na nagbubunga ng matagal na pagkokonsentra hindi lamang ng sariling pwersa kundi pati na ng mga pwersa sa mga larangang gerilya na umaabot ng 4-8 buwan o mas matagal pa. Nagreresulta ito sa mahabang pagbabakante sa mga larangang gerilya. Ang malaking konsentrasyon ay madali ring sumingaw at nagreresulta sa kabiguang mailunsad ang hangad na taktikal na opensiba. Iba pang konsiderasyon ang mismong mga kahirapan at di-tiyak na mga salik sa matitigas na target na bumibigo sa taktikal na opensiba. Kung susumahin, sinasalungat nito ang linya ng pagpapalaganap at pagpapasinsin ng mga taktikal na opensiba.

Mahigpit na sapulin ang opensiba at desentralisadong katangian ng pakikidigmang gerilya at magpakahusay sa pagpapatupad nito sa mga larangang gerilya. Matyagan ang paglitaw ng ilang hatak sa sentralisasyon na nakakapagpahina o nagpapakitid sa inisyatiba. Ang mga platun sa mga larangang gerilya ay nakapailalim sa mga kumand ng hukbo sa teritoryo. May kakayahan ang mga ito na kumilos nang nagsasarili at nakapagkukusa sa paglulunsad ng mga kakayaning taktikal na opensiba. Kung kailangan, maaari itong isanib sa mga taktikal na pormasyong ng mga bertikal na pwersa para sa mga tiyak na planong taktikal na opensiba. Tumaas ang bilang ng mga anihilatibong taktikal na opensiba mula sa inisyatiba ng mga iskwad at platung gerilya at maging ng mga iskwad o platun ng mga bertikal na pwersa na sadyang taktikal na ikinalat.

Ang mga yunit ng milisyang bayan at pangkat pananggol-sa-sarili sa mga baryo ay reserba para sa rekrutment sa BHB. Bilang aktibong katuwang, nagsasagawa sila ng mga operasyon para sa internal na seguridad, intelidyens at pagmamatyag, tumutulong sa masa kung may ebakwasyon o kagipitan, at tumutulong sa BHB sa pagtupad ng mga tungkulin nito.

Gumagampan din ang mga milisyang bayan ng mahalagang papel sa kalat, sinsin at pangkalahatang pagpapatindi ng mga taktikal na opensiba. Sila ay suplementaryong pwersa at katuwang ng mga buong-panahong yunit ng BHB para sa paglulunsad ng mga atritibong aksyong militar laban sa mahihinang bahagi ng kaaway at kung may magandang pagkakataon, kahit pa sa sariling anihilatibong mga taktikal na opensiba. Ang kabatiran sa tereyn at pagkabisa sa kilos ng kaaway ay nagbibigay ng bentahe sa mga milisyang bayan para sa kilusang pasabog ng mga command detonated na bomba laban sa nag-ooperasyong kaaway. Malaki rin ang tulong ng mga milisyang bayan upang guluhin at biguin ang mga operasyong ala-Oplan Sauron ng kaaway. Inaayudahan ng mga milisyang bayan ang mga yunit ng BHB para magbuo ng mga sikretong ruta at maniobra, pagmamanman sa kaaway at kahina-hinalang mga tao, pagsasaayos ng suplay, suportang medikal, seguridad sa paghimpil at tumatayo rin silang reserbang pwersa na mapagkukunan ng mga rekluta para sa mga buong-panahong yunit ng BHB.

Kailangang pagpursigihan na paramihin at pataasin pa ang porsyento ng tagumpay ng mga anihilatibong taktikal na opensiba. Itong mga opensibang nakalilipol sa kaaway at nakakakumpiska ng armas at mga kagamitang militar ay mabisang pumipilay sa lakas ng kaaway, mabilis na nakadedemoralisa sa kanila, nagbibigay ng ibayong inspirasyon sa masang lumalaban sa kanayunan at kalunsuran, nakakakabig ng mga kaibigan at simpatisador at nakanunyutralisa sa mga di sagadsaring kaaway sa uri.

Mahahalagang usapin kaugnay nito ang kongkretong pagbasa at pag-alam sa katangian, layunin, taktika, ruta at padron ng mga operasyon ng kaaway upang piliin ang tamang tyempo, lugar, pwersa at mga taktikang gagamitin; ang palagiang kahandaang sumunggab sa lumilitaw na mga oportunidad laban sa mahihinang bahagi ng kaaway; mahusay na paniktik, pagpaplano at kumand; pagpapakahusay sa gamit ng mga command-detonated na pasabog at tuluy-tuloy na pagsasanay militar ng mga yunit ng BHB.

Nakapaglunsad ang BHB ng hindi bababa sa 710 aksyong militar na may magkakaibang antas noong nakaraang taon. Kabilang dito ang mga operasyong haras, pagdisarma, demolisyon, sapper at partisano, mga aksyong punitibo, reyd sa mga detatsment ng kaaway at ambus. Kalakhan sa mga aksyong ito ay hindi naiulat sa burgis na midya. Hindi bababa sa 651 tropa ng kaaway ang napaslang, habang mahigit 465 ang nasugatan—katumbas ng 30 platun o dalawang batalyon ng tropa ng kaaway. Nakapag-ambag sa mga taktikal na opensiba ang lahat ng mga rehiyon sa bansa. Tampok sa matatagumpay na taktikal na opensiba ang Timog Katagalugan sa Luzon, ang Silangang Kabisayaan at Negros sa Visayas at ang North Central at Northeast Mindanao sa Mindanao.

Hawak ang mga leksyon sa pagsusulong ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa, determinado ang Bagong Hukbong Bayan na doblehin o higitan pa ang naturang bilang ng mga aksyong militar at sa gitna nito ay paramihin ang matatagumpay na anihilatibong taktikal na opensiba.

Para punuan pa ang pangangailangan sa armas ng BHB, itinatalaga rin ang mga ordnans at espesyal na yunit ng BHB para gumawa at mag-ayos ng maiiksi at mahahabang armas, dagdag pa sa paggawa ng mga bomba at iba pang sandata.

Pangunahing aasahan dito ang lakas-kumpanyang mga larangang gerilya at mga bertikal na pwersa, mag-aambag sa abot ng makakaya ang mga lakas-platung larangang gerilya habang kalkuladong titimpla ang mga bahaging nasa pagbangon sa pinsala at taktikal na pag-atras at rekoberi.

Saligang rekisito sa matagumpay na pakikidigmang gerilya ang mataas na antas ng sikretong estilo at paraan ng pagkilos ng BHB, gayundin ng rebolusyonaryong masa. Sa gayon, laging nahahawakan ang elemento ng sorpresa laban sa kaaway, napananatiling bulag at bingi ang kaaway, naiiwasan ang mga labanang wala sa ating inisyatiba at napawawalambisa ang kanilang bentahe sa mabibigat na armas at teknolohiya.

Naglalakad, nakahimpil o nasa araw-araw na gawain, laging isaalang-alang ang pagtiyak sa sikretong pagkilos. Kabilang dito ang paggamit ng mga sikretong ruta, pagbubuo ng maaasahang mga lagusang dugtungan, paggamit ng gabi at paborableng mga kalupaan, walang padron na pagkilos, disiplinadong pagsunod sa mga patakaran sa ligtas na gamit ng mga elektronikong kagamitan, paghahanda ng lambat ng mga maniobrahan na may imbak na pagkain at iba pang pangangailangan, mahigpit na pagsunod sa mga regulasyong anti-drone at anti-bomba sa paghimpil, tahimik at di lantad na pag-ugnay at pagtitipon ng masa, mga sikretong lugar-pulungan, pagkokoda sa mga talastasan, at iba pa.

Ipinatutupad ng lahat ng yunit ng BHB ang mga saligang pamantayang panseguridad para umiwas sa pagkakahon ng kaaway, pero handa anumang oras na magtanggol sa sarili sa harap ng mga pag-atake ng kaaway. Saligan sa mga pwersang gerilya ang palaging alerto at handa sa posibleng depensiba o paglulunsad ng opensiba anumang oras na may pagkakataon.

Tuluy-tuloy na inilulunsad ng BHB ang mga operasyong kontra-paniktik para maagap na matukoy at malansag ang mga lambat-paniktik ng kaaway, parusahan ang mga sagadsarin at nyutralisahin ang kaya pang nyutralisahin. Anumang pagluluwag dito ay magbubunga ng pinsala sa hanay ng BHB at maging sa hanay ng rebolusyonaryong masa. Kaugnay nito, dapat gamitin ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika ang kanilang awtoridad para magtipon ng magagamit na impormasyon at ibigay sa BHB ang napapanahong mga ulat. Kasabay nito, dapat manmanan ng mga milisyang bayan at mga pangkat sa pagtanggol-sa-sarili ang mga pwersa ng kaaway at posibleng target ng mga taktikal na opensiba, at maglunsad ng mga pagsasanay at ehersisyo kaugnay ng panloob na depensa at pagdepensa sa sarili.

Mahalagang labanan ang taktika ng kaaway ng paggamit ng armadong paninindak upang obligahin ang mga upisyal ng barangay at tauhan nito (tanod at iba pa) na magbigay ng impormasyon laban sa mga target ng pagpaslang at likidasyon. Dapat itong nyutralisahin pangunahin sa pamamagitan ng mga taktikang pakikipagkaisang prente sa mga lokal na upisyal gamit ang ipinundar nating magandang relasyon sa kanila. Kailangan ang maingat na pagsasaalang-alang sa pagpasya kung dapat gumawa ng hakbang pamarusa sa mga palaban sa kanila.

Ang rebolusyonaryong baseng masa sa kanayunan laluna sa mga nasa pokus ng kaaway ay nasa pamalagiang sitwasyong militarisado. Kailangang ipalaganap ang lihim na paraan ng pagkilos na angkop sa sitwasyong militarisado. Natutunan ng rebolusyonaryong baseng masa ang iba’t ibang paraan ng paglilihim ng ugnayan sa kanilang hanay, paghahanda ng mga atrasan, pagdadaos ng mga pulong labas sa mata at pagmamanman ng kaaway, pagtatalaga ng mga sikretong paraan ng pagbabantay sa seguridad at iba pa.

Palakasin ang pamumuno ng Partido sa BHB at sa kabuuang pagsusulong ng matagalang digmang bayan, at sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa. Tuloy-tuloy na itaas ang teoretikal na kaalaman sa digmang bayan at pakikidigmang gerilya. Maglunsad ng mga pag-aaral sa mga sulatin ni Mao partikular ang kanyang sinulat na “Mga Estratehikong Usapin sa Pagsusulong ng Pakikidigmang Gerilya Laban sa Hapon” at unawain paano ito ilalapat sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas.

Mahalagang tungkulin na paunlarin ang sumusunod na estilo ng pamumuno: maagap na pagtatasa at paglalagom sa pag-unawa sa katangian at mga taktika ng kaaway mula sa mga kongkretong karanasan; maagap na paglalagom at paghalaw ng mga leksyon mula sa positibo at negatibong karanasan at mabilis na pagpapalaganap ng mga ito sa pwersa; masinsing pagbabahaginan ng kalagayan at karanasan sa pagitan ng mga larangang gerilya at mga subrehiyon; maagap na pagtatasa at pagsusuri sa kabuuang sitwasyon at pagbubuo ng mga angkop na patakaran o amyenda sa dating mga patakaran; paglulunsad ng mga kumperensyang militar o pulitiko-militar sa iba’t ibang antas; at pagsasanay ng malaking bilang ng mga kadre.

Binabalikat ng Partido ang mga gawain sa pulitika, edukasyon/ideolohiya at organisasyon para sa pamumuno at pagpapatatag ng BHB. Nagbibigay ito ng giyang pampulitika sa BHB sa kagyat at matagalang mga usapin sa pulitika na kinahaharap ng mamamayang Pilipino at naglalatag ng linya at programa sa pagkilos. Inilulunsad ng Partido ang pulitiko-militar na pagsasanay sa iba’t ibang antas para palakasin ang kapasidad ng mga kumander at upisyal ng BHB na pamunuan ang digmang bayan sa kani-kanilang saklaw. Naglulunsad ito ng mga Marxista-Leninista-Maoistang programa sa edukasyon para sanayin ang mga Pulang kumander at mandirigma sa siyentipikong mga pamamaraan sa pagsusuri at pagbabalak. Sa organisasyon, kailangang patuloy na palakasin ng Partido ang mga sangay at komite nito upang magsilbing ubod at lider ng bawat kumand at yunit ng BHB at patatagin ang pagkakaisa at disiplina ng kanilang mga pwersa.

Ang pagsasanay sa hukbo ay naisasagawa nang mas maikli at mas madalas. Ipinatutupad na ang paghahati ng buong kurso ng pagsasanay sa maiikling bahagi (module). Naiiwasan nito ang dating sistema na matagalang natitipon ang malaking pwersa sinasanay.

Malinaw ang rekord ng BHB sa matatag na pagpapatupad ng mga mga patakaran at programa ng demokratikong gubyernong bayan para pangalagaan ang kapaligiran at labanan ang pandarambong ng mga dayuhan sa patrimonya ng bansa. Nasa unahan ito ng laban sa iligal na pagtotroso, mapanirang pagmimina, nakalalason sa tao na pag-isprey sa malalaking plantasyong pag-aari ng dayuhan, paglaban sa mga dahilan ng pagbaha, pangangalaga sa mga nasa peligrong mawala na mga klase ng hayop at halaman.

Laging maagap ang BHB sa pagtulong sa masa sa kani-kanilang saklaw na apektado ng mga kalamidad katulad ng lindol, bagyo, pagsabog ng bulkan, pagbaha at iba pang natural na sakuna. Pinakilos ang mga yunit ng BHB at rebolusyonaryong pwersa para tumulong sa mamamayan na muling itayo ang kanilang mga bahay at sakahan, mamahagi ng mga ayudang pangkagipitan, at pakikipag-ugnayan at pangangasiwa sa pagpasok ng mga rekurso para sa mamamayan.

Bilang tugon sa panawagan ng United Nations Secretary General para sa isang pandaigdigang tigil-putukan sa harap ng pandemyang Covid-19, nagdeklara ng unilateral na tigil-putukan ang Komite Sentral ng Partido mula Marso 26 hanggang Abril 16. Inatasan ng Partido ang BHB, lalo na ang mga yunit medikal nito, na maglunsad ng kampanya sa pampublikong kalusugan katulong ng mga komite sa kalusugan sa mga baryo upang pigilan ang pagkalat ng sakit, magbigay ng espesyal na atensyon sa matatanda at buntis, mag-alaga sa mga nahawa ng sakit at ipalaganap ang personal na kalinisan at sanitasyon ng komunidad.

Habang kinakailangang itigil at iwasang maglunsad ng mga opensiba, kinakailangan nilang maging mapagbantay at handang depensahan ang sarili laban sa mga opensiba o maniobra ng AFP, sa kabila ng naunang deklarasyon sa tigil-putukan ng AFP. Iulat sa nakatataas na mga kumand ng BHB at namumunong komite ng Partido ang lahat ng mga atake ng AFP.

May tigil-putukan man o wala, pamalagiang patakaran ng BHB ang makataong pagkilala sa lahat ng pwersang tumutulong sa masa sa iba’t ibang klase ng kalamidad. Gayunman, ang mga nagpapanggap lamang sa pagtulong sa masa at may intensyong maghasik ng mas mabagsik pang lagim at pinsala sa masa na katumbas o higit pa sa kalamidad ay ubos-kayang lalabanan ng BHB at rebolusyonaryong masa.(7)

Sa darating na taon, inaatasan ng Partido ang BHB na ibayong magpakatatag upang biguin ang estratehikong plano ng kaaway na durugin ang armadong rebolusyon, at lahatang-panig na isulong ang digmang bayan. Dapat mabilis na pangibabawan ang BHB ang mga internal na kakulangan at limitasyon at tuluy-tuloy na palakasin ang hukbo upang isabalikat ang mahirap na tungkuling abutin ang pinakamalawak na masa at palaganapin ang pakikidigmang gerilya sa mga sona at baseng gerilya. Dapat patatagin ang mga sangay at grupo ng sangay ng Partido sa loob ng BHB hanggang sa batayang antas ng mga platun at iskwad, upang itaas ang kakayahan ng mga ito sa panahong nakakonsentra, at sa panahong nakakalat.

Dapat mabilis na palawakin ang Partido sa pamamagitan ng pagrekrut ng mga Pulang mandirigma at aktibistang masa at pagbibigay sa kanila ng Batayang Kurso ng Partido. Dapat mabilis ding palawakin ang BHB at maagap na ibigay ang pagsasanay pulitiko-militar sa mga bagong rekrut. Dapat paigtingin ang mga taktikal na opensiba para makalikom ng armas, makalikha ng bagong mga yunit ng BHB, bigwasan ang kaaway at paalingawngawin ang mensahe ng rebolusyon. Dapat palawakin ang lahat ng tipo ng lihim na rebolusyonaryong organisasyong masa bilang paghanda sa pagbabawal sa mga hayag na organisasyon. Ang mga nasa peligrong patayin ng bayarang mamamatay-tao ng rehimen ay hinihikayat na sumanib sa kilusang lihim. Kasabay nito, ang mga ligal na pwersang demokratiko ay dapat hikayating paigtingin ang kanilang paglaban bago sila tuluyang masupil ng Anti-Terror Law at ng maramihang pagpatay.

Laging maging handa sa pagsunggab sa mga oportunidad na iluluwal ng pagkahinog ng krisis bunga ng pandemyang Covid-19 para ibayong imulat, organisahin at pakilusin ang malawak na masa sa kanayunan, pabilisin ang pagbubuo ng mas maraming larangang gerilya at mga bagong yunit ng BHB, ilagay sa unahan ng mga propaganda at edukasyon ang pambansa-demokratikong programa, at ihanda ang isip at katawan para bigwasan nang malakas ang kaaway sa pamamagitan ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa patuloy na lumalalawak at lumalalim na baseng masa.

Isulong ang digmang bayan!

Biguin ang kontrarebolusyonaryong digma ng pasistang rehimeng US-Duterte!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang proletaryado at sambayanang Pilipino!


(1) Lalong lumala ang korapsyon sa ilalim ng krisis ng pandemyang Covid-19 matapos ibigay kay Duterte ang karagdagang kapangyarihan para galawin ang pambansang badyet. Walang pagtutuos sa daan-daang bilyong pisong napunta sa distribusyon ng subsidyo at sa pagbili ng kagamitang medikal at personal protective equipment (PPE) na sobra-sobra ang patong sa presyo.

(2) Sa katapusan ng Hunyo 2020, ang kabuuang utang ng Pilipinas ay nasa ₱9.9 trilyon na, matapos ang kaliwa’t kanang panghihiram na umabot nang ₱1.7 trilyon sa unang hati ng 2020 sa ngalan ng paggastos para harapin ang Covid-19.

(3) Ayon sa upisyal na estadistika, ang ekonomya ng Pilipinas ay kumitid nang 16.7% sa ikalawang kwarto, ang pinakamatarik na pagbulusok sa nagdaang 36 na taon. Lumiit ito nang 0.2% noong unang kwarto ng taon.

(4) Tinatayang nasa 20.4 milyon na ang bilang ng mga wala at kulang ang trabaho, kabilang ang 14 milyong walang hanapbuhay. Sa kabila ng pagsisikap na pagtakpan ang tindi ng krisis ng disempleyo, inamin ng gubyernong Duterte na ang tantos ng disempleyo ay umabot na sa walang-kapantay na 17.7%.

(5) Nagpatuloy ang kampanya ng mga pagpatay sa sunud-sunod na pagpaslang kay Jory Porquia, koordinador ng Bayan Muna sa Iloilo City noong Abril 30; ang pagdukot at pagpatay kay Carlito Badio, pangkalahatang-kalihim ng Kadamay noong Mayo 28; ang brutal na pagtortyur at pagpatay noong Agosto 10 kay Randall Echanis, tagapangulo ng Anakpawis Partylist at konsultant pangkapayaan ng NDFP; at ang pagpatay sa aktibistang si Zara Alvarez ng Negros noong Agosto 18.

(6) Naipatupad ang pagsasabatas ng Anti-Terror Law sa pamamagitan ng pagratsada nito sa House of Representatives noong Hunyo 3. Nagkabisa ang batas noong Hulyo 18.

(7) Ginawang imposible ng rehimeng Duterte ang tumbasang tigil-putukan sa pagprayoridad nito sa kontra-insurhensya at pagpondo ng brutal na gera sa kanayuan sa halip na ang mga hakbang pangkalusugan upang harapin ang pandemyang Covid-19. Ang kawalan ng tigil-putukan, gayunman, ay nagbibigay sa BHB ng dagdag na puwang para maglunsad ng mga taktikal na opensiba habang lubhang binabanat ng kaaway ang sarili sa pagpataw ng mapanupil na hakbangin tulad ng pagkontrol sa populasyon, pangongotong sa mga tsekpoynt, huwad na proyektong CSP, at mga operasyong pang-intelidyens at pangsaywar na bumabawas sa kanilang tauhan para sa kombat.

Biguin ang kontrarebolusyonaryong digma ng rehimeng US-Duterte! Ibayong palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at lahatang-panig na isulong ang digmang bayan!