Palakasin ang Partido! Pamunuan ang masa sa pagdaluyong ng paglaban para ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte! Isulong ang rebolusyon!

 

I. Lumalawak na paglaban sa gitna ng pandaigdigang kapitalistang resesyon

II. Pinalulubha ng rehimeng US-Duterte ang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal

III. Matapang na paglaban sa kontra-rebolusyon ni Duterte

IV. Palakasin ang Partido, pamunuan ang pagdaluyong ng paglaban at isulong ang rebolusyon

Translation/s: English | Hiligaynon | Bisaya

Download here: PDF | EPUB | MOBI


 

Puspos ng rebolusyonaryong alab at determinasyon, ipinaaabot ng Komite Sentral ang pinakamainit na pagbati sa lahat ng kasapi at kadre sa okasyon ng ika-52 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Rebolusyonaryong pagbati rin ang ipinaaabot sa lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), mga kasapi ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), mga aktibista ng pambansa-demokratikong kilusang, mga kaibigan at alyado sa loob at labas ng bansa, at mga rebolusyonaryong mandirigma sa buong mundo.

Sa okasyong ito, nagpupugay kami sa lahat ng bayani at martir ng Partido at rebolusyong Pilipino. Nagbibigay kami ng natatanging pagsaludo kina Ka Julius Giron, Ka Fidel V. Agcaoili, Ka Eugenia Magpantay, Ka Agaton Topacio, Ka Randall Echanis at sa iba pang rebolusyonaryong mandirigma na buong-buhay na naglingkod sa bayan at sa pambansa-demokratikong kilusan. Ipinagdiriwang namin ang kanilang buhay at ang di masukat na ambag sa pagsulong ng pambansang demokrasya.

Sa mahigit 50 taon, matatag na pinamunuan ng Partido ang demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas. Di masukat ang mga nakamit at naipagtagumpay nito sa pagbubuo ng Partido alinsunod sa pang-ideolohiyang linyang Marxismo-Leninismo-Maoismo, sa pagtatatag at pamumuno sa hukbong bayan at sa digmang bayan at sa pagbubuo at pagpapalawak sa NDFP.

Malalim na naiugat ng Partido ang sarili sa uring manggagawa at sa lahat ng masang anakpawis at patuloy na nag-oorganisa at nagpapakilos sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa paglalim at paglala ng krisis ng naghaharing sistema, lalong kailangan ngayong isulong ang pakikibaka para wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema at ibagsak ang pinagsanib na maka-uring paghahari ng malalaking burgesyang komprador, ang uring malaking panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista.

Patuloy na nagpapalakas ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Sa kabila ng malupit na paninibasib ng kaaway, ang Partido’y nananatiling solido at matatag, nagkakaisa at determinadong pamunuan ang proletaryado at ang aping masang Pilipino sa pagsulong ng mga rebolusyonaryong pakikibaka at pagkamit ng mas malalaking tagumpay. Kasabay nito, ang mga kadre ng Partido’y nananatiling kritikal-sa-sarili at determinadong pangibabawan ang mga kahinaan at pagkakamali upang mas epektibong pamunuan ang bayan sa mga pakikibaka masa at armadong paglaban.

Matalas ang pagbatid ng Partido at ang buong pandaigdigang kilusang komunista sa krisis na bumabalot ngayong sa buong sistemang kapitalista na lubos na nalantad ang bulok na kaibuturan dahil sa pandemyang Covid-19 at pagkabigo ng mga reaksyunaryong estado na tamang panghawakan ang krisis na nagdulot ng walang kapantay na paghihirap sa masang anakpawis sa buong mundo. Ang krisis ay nagbubunga ng pagyanig sa mga naghaharing rehimen at nagbubunsod ng malawakang paglaban sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Umiiral ang mga kundisyon para sa malakihang pagdaluyong ng mga rebolusyonaryong pakikibakang masa at pagtatatag at pagpapalakas ng mga partido komunista na may kakayahang pamunuan ang dambuhalang bilang ng mga manggagawa at masang anakpawis sa mga imperyalistang bansa, sa iba pang mga bansang kapitalista at sa mga bansang malakolonyal at malapyudal.

Sa nagdaang taon, ang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ay lalong pinalala ng anti-mamamayan, militarista at neoliberal na tugon ng rehimeng US-Duterte sa pandemyang Covid-19 at sa pagtama ng sunud-sunod na kalamidad. Lalong di mabata ang pagdurusa ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino dulot ng walang kapantay na pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Masidhi ang hangarin ng malawak na masa na tapusin ang kanilang pagdurusa.

Para ipreserba ang bulok at batbat-sa-krisis na naghaharing sistema at para makapagpatuloy sa malawakang korapsyon at pandarambong, pinaigting ng rehimeng Duterte ang antikomunistang pagsalakay sa malawak na masa sa anyo ng terorismo ng estado at de facto na batas militar. Ipinailalim nito ang buong estado at lipunan sa lubos na militarisasyon at pasistisasyon. Abala nitong ipinatutupad ang mga iskema para manatili sa kapangyarihan si Duterte at kanyang dynastiya lagpas sa 2022. Ang layunin ay umiwas sa pagsasakdal sa kanyang di mabilang na krimen at palawigin pa ang paghahari niya ng teror at korupsyon. Bumaling ang reaksyunaryong estado sa pinasidhing pampulitikang paniniil upang pigilan ang malakihang pagbabangon ng masa. Magiting na naninindigan ang sambayanang Pilipino at rebolusyonaryong kilusan sa buhay-at-kamatayang paglaban. Nananatiling napakapaborable ng kalagayan para sa pagsulong ng rebolusyon.

Lumalawak na paglaban sa gitna ng pandaigdigang kapitalistang resesyon

Ang pandemyang Covid-19 at ang bigong pagharap ng karamihan ng reaksyunaryong estado sa krisis sa pampublikong kalusugan ay nagpasidhi sa krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema. Nagresulta ang mga ito sa malawakang pagkawasak ng mga produktibong pwersa dahil natigil ang produksyon dulot ng matagalang mga lockdown. Kalakhan ng mga bansa ay dumaranas ngayon ng walang-kapantay na krisis sa iba’t ibang aspeto na nagreresulta sa mas masasahol na porma ng pang-aapi at pagsasamantala at lumilikha ng kundisyon para sa malawakang paglaban ng masa.

Ang mabilis na kumakalat na sakit ay tumama sa mundong lugmok sa krisis at kabulukan. Mabilis nitong niligalig ang mga pampublikong sistema sa kalusugan na mahigit tatlong dekada nang binakbak ng mga pagkaltas sa subsidyo alinsunod sa kaayusang neoliberal na nagtulak sa serbisyong pangkalusugan mula sa pagiging serbisyong panlipunan tungong kapitalistang larangan para sa paghuthot ng tubo. Ang hindi handa at kulang-kulang na mga pampublikong sistema sa kalusugan ay madaling nasagad ng mabilisang paglobo sa mga kaso ng Covid-19.

Dahil dito, nawalan ang mga gubyerno ng kakayanan o tumangging maglaan ng sapat na rekursong pampinansya at tauhan para isagawa ang demokratikong tugon sa pampublikong kalusugan, kaalinsabay ang mga hakbanging sosyo-ekonomiko gaya ng pagsubsidyo sa mga taong nawalan ng trabaho at pagkukunan ng kita. Mas masahol pa, sinamantala ng mga rehimeng awtoritaryan ang pandemya para kumamkam ng karagdagang mga kapangyarihan at magpataw ng hakbanging mapanupil.

Patuloy na kumakalat ang pandemya at pinipilay ang mga bansa sa buong mundo. Mahigit 79 milyon na ang nahawa ng Covid-19 habang lagpas 1.7 milyon na ang namatay dulot ng sakit. Mabilisang sumirit ang bilang ng impeksyon mula Oktubre, pinakamataas rito ang naitala sa United States. Malalaman pa lamang kung mapahihinto o mapababagal ang pagkalat ng bayrus ng mga bakunang sinimulan nang iprodyus ng iilang kumpanya sa parmasyutika. Nag-unahan sa pagprodyus at pagbili ng mga bakuna laban sa Covid-19 ang mayayamang kapitalistang bansa bilang paraan ng muling pagbuhay sa kani-kanilang pambansang ekonomya. Noon pang Seytembre, halos kalahati ng 5.3 bilyong dosis ng bakuna ay nireserba na ng iilang mayayamang bansa na may populasyong 13% lamang ng sa buong daigdig.

Ang kawalan ng kakayahan ng maraming reaksyunaryong estado na balansehin ang mga hakbangin sa ekonomya at pampublikong kalusugan bilang tugon sa Covid-19 ay nagresulta sa pagsidhi at paglalim ng krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema at nagdulot ng malubhang pagdurusa sa daan-daan milyong manggagawa, magsasaka at masang anakpawis.

Bago pa man ang pandemyang Covid-19, dumadanas na ang pandaigdigang kapitalistang sistema ng matagalang resesyon, istagnasyon, at mabagal na paglago mula noong internasyunal na krisis sa pinansya at ekonomya noong 2008. Ang nagdaang mga taon ay kinatangian ng lumalaking imbentaryo ng hindi naibentang mga produkto, pagkalugi ng malalaking kapitalistang kumpanya, pagsasanib at paglamon ng mga kumpanya, pagkatiwangwang at pagkawasak ng mga makina at pagawaan at malawakang disempleyo.

Ang mga lockdown, pagsasara ng mga biyaheng internasyunal at iba pang mga hakbanging nakatuon para labanan ang pandemyang Covid-19 ay nagresulta sa pinakamasahol na pandaigdigang resesyon mula noong Great Depression ng dekada 1930. Ang kasalukuyang resesyon ay mas masaklaw at may kasabay na pagsadsad ng halos lahat ng ekonomya. Tinataya ng International Monetary Fund na babagsak nang 5% ang pandaigdigang gross domestic product (GDP o kabuuang halaga ng lokal na produksyon) ngayong taon, na mas masahol sa 0.1% pagkitid ng GDP noong 2009 kasunod ng krisis sa pinansya. Inaasahang sasahol ang kahirapan at magdudulot ng matinding epekto sa pisikal at mental na kalusugan ng mga mamamayan, at maging sa edukasyon at kapakanan ng kabataan.

Bago sumapit ang 2020, pabagsak na ang galaw ng pandaigdigang ekonomya kung susukatin batay sa daloy ng tuwirang dayong pamumuhunan. Mula US$2 trilyon noong 2015, bumagsak ito tungong US$1.6 trilyon noong nakaraang taon at inaasahang babagsak pa hanggang US$1 trilyon ngayong taon, kasimbaba ng naitala bago 2005. Ang pamumuhunan sa operasyon ng bagong mga empresa ay bumagsak nang 30%.

Higit na pinalalim ng pandaigdigang resesyon ang padron ng ekonomikong istagnasyon. Ang optimistikong taya ng IMF at iba pang mga ahensyang imperyalista na muling sisikad nang 4 hanggang 5% ang ekonomya sa susunod na taon ay nakatuntong sa palagay na ang pagkakaroon ng bakuna kontra Covid-19 ay susundan ng pagtanggal sa mga lockdown, pagbubukas ng mga hangganan at muling pakikipagkalakalan. Sa muling pagtakbo ng ekonomya mula sero, magpopositibo talaga ang mga numero, babalik lamang ito sa dating padron ng istagnasyon at mabagal na paglago bago ang pandemya, laluna sa harap ng mga banta ng malawakang pagkalugi at matatarik na pagsadsad sa sahod at kita ng mga manggagawa at anakpawis.

Mayroon pa ring sobrang suplay ng susing mga produkto gaya ng langis, asero, mga semicondutor, produktong agrikultural, sasakyan at eroplano, gayundin ng serbisyong pantransportasyon at pangkomunikasyon. Ang kapasidad sa produksyon ay patuloy na tumataas resulta ng dagdag na pamumuhunan ng mga nagtutunggaling monopolyong kapitalista sa bagong mga teknolohiya (robotics, artificial intelligence, nanotechnology at iba pa) malayong lampas sa demand na hinihila ng pagbagsak ng kita ng mga pamilya at pagkalugi ng maliliit at katamtamang-laking mga negosyo.

Ang mga kumpanya sa teknolohiyang digital ay nakinabang din sa mga restrikyon sa pandemya dahil sa paglobo ng demand sa mga serbisyo sa internet sa panahon ng lockdown (tulad ng deliberi at mga serbisyong kaakibat ng online na trabaho at kumperensya). Gayunpaman, sa mas malaking aspeto ng ekonomya na lumilikha ng halaga, bumagsak ang karamihan sa mga benta at tubo. Hindi sapat ang katamtamang pagsikad sa benta ng mga produktong agrikultural at metal dulot ng pagluluwag sa mga lockdown at pagbubukas ng mga hangganan ang lumalawak na agwat sa pagitan ng suplay at demand sa iba pang larangan ng produksyon.

Sa partikular, inaasahang aakyat sa US$44 kada bariles ang presyo ng langis sa susunod na taon (mula sa abereyds na US$41 kada bariles ngayong taon) na malayong mas mababa pa rin sa US$61 kada bariles na naitala noong 2019. Ito ay sa kabila ng agresibong interbensyon ng OPEC at Russia para paliitin ang produksyon. Nagsimulang lumaki ang benta ng mga semiconductor ngayong 2020, kasunod ng pagbagsak nito noong 2018, dulot ng paglaki ng demand para sa mga sasakyang walang nagmamaneho, internet of things, big data at rapid wireless communications, ngunit posibleng hindi nito matutumbasan ang inaasahang pinakamataas na paglaki sa produktibong kapasidad pagsapit ng 2021. Patuloy na tumaas ang pandaigdigang kapasidad sa pagprodyus ng asero ngayong taon, laluna sa China, sa kabila ng pagbagsak ng demand, at inaasahang magreresulta sa agwat ng labis na suplay na 700 milyong metriko-tonelada (mula 514 milyong metriko-tonelada noong nakaraang taon).

Makasaysayan ang inabot na antas ng kawalang trabaho at pinatinding pagsasamantala sa mga manggagawa. Tinaya ng International Labor Organization (ILO) na sa kalagitnaan ng 2020, umabot sa 495 milyong manggagawaang ang nawalan ng trabaho. Tinaya rin nito na nasa 1.6 bilyong manggagawa na may mababang kita sa “impormal na sektor” ang matinding naapektuhan ng pansamantala o permanenteng pagkawala ng kanilang pinagkakakitaan. Tumindi ang pagsasamantala sa paggawa sa anyo ng pagpapalawig ng araw ng paggawa sa pamamagitan ng pleksibleng paggawa, work-from-home at iba pang kaayusan ng pagtatrabaho na hindi pumapasok sa upisina, pagbabawas ng gastos sa produksyon sa pamamagitan ng pagpapababa ng sahod o pagpapaliban ng nakatakdang pagtataas nito. Tinaya ng ILO na matarik na bumagsak ang sahod nang 11% o katumbas ng US$3.5 trilyon nawalang kita ng mga manggagawa sa unang tatlong kwarto ng taon.

Bumagsak ang bilang ng ineempleyong mga migranteng manggagawang nitong 2020. Tinatayang dadausdos nang 7.2% (tungong US$508 bilyon) ang remitans sa atrasadong mga bansa. Tinatayang babagsak pa ito nang 7.5% (US$470 bilyon) sa 2021. May 3 milyong migranteng manggagawa sa buong mundo ang nawalan ng trabaho at hindi nakauwi sa kani-kanilang bansa sa kasagsagan ng mga lockdown sa maagang bahagi ng taon.

Sa pagkalugi ng paparaming malalaking korporasyon kabilang ang mga airline, mga tindahan at mall, restoran, gym, mga kumpanya sa turismo at pagbibigay-aliw, lalong makokonsentra sa kamay ng mas kaunting malalaking kapitalista ang kapital at yaman. Ang halaga ng 30 pinakamayayamang bilyunaryo ay mas malaki na kumpara sa 4 na bilyong pinakamahihirap na tao o higit kalahati ng populasyon ng mundo.
Bulnerable ang pandaigdigang sistemang kapitalista sa “debt shock” (o pagkagulantang sa utang) sa susunod na mga taon. Mabilis na lumaki ang halaga ng pandaigdigang utang sa nakalipas na mga buwan. Tumaas nang US$11 trilyon ang pandaigdigang utang dulot ng pagkakandarapa ng mga bansa na magpalitaw ng pondo para tugunan ang pandemya, na tinapatan ng IMF, ADB at iba pang institusyon sa pinansya ng pagluluwag sa mga rekisito at pagpapautang nang mahigit US$1 trilyon, apat na beses na mas malaki kumpara sa pinautang nito noong pandaigdigang krisis sa pinansya sa taong 2008.

Walang kapantay ang laki ngayon ng mga utang. Mula sa US$255 trilyon or 322% ng pandaigdigang GDP noong 2019, tinatayang aabot ito sa US$277 trilyon or 365% ng pandaidigang GDP sa katapusan ng taon. Noong nakaraang taon, nasa 70% ng pandaigdigang utang ay sa abanteng kapitalistang mga bansa. Ang di mababayarang mga utang, kakumbina sa pangmatagalang epekto ng mga lockdown sa ekonomya, ay nagpapalaki sa posibilidad ng “debt shock” sa hinaharap kung saan ang biglang paglaki ng kailangang bayaran ay magreresulta sa maramihang mga bansang di makapagbayad ng utang mapa sa gubyerno, sa mga korporasyon o mga pribadong indibidwal, sa at mabilis na pagluwas ng kapital na portfolio, na magreresulta krisis sa pakaubos ng salapi na hahantong sa mga depisito sa pinansya at pagguho ng lokal na produksyon.

Pinalala ng pagkagulantang sa pandemya ngayong 2020 ang istagnasyon at mabagal na paglago ng mga sentro ng pandaigdigang kapitalismo. Nalulunod ang mga bansang ito sa utang na katumbas sa 432% ng kanilang pinagsamang GDP. Tinatayang katumbas na ng pandaigdigang ekonomya ang kabuuang utang pampubliko o utang ng estado (pinakamataas na sa kasaysayan) na nagpopondo ng mga subsidyong ala-Keynesian sa mga korporasyon at mamimili sa layuning iwasan ang tuluyang pagbagsak ng ekonomya. Lalaki pa ang utang pampubliko sa susunod na mga taon, dulot ng inihahanda na ngayon ng mga gubyerno na mga paketeng pansalba sa mga industriyang pinakaapektado ng krisis tulad ng malalaking transport, airlines at iba pa.

Kumitid ang ekonomya ng US nang 31.4% sa pangalawang kwarto ng taon, pinakamalala mula nang unang nagkaroon ng rekord noong 1947. Pinakamatindi ang tama ng pandemya sa US kung saan halos 19 milyon na ang nahawa at mahigit 334,000 na ang namatay. Matapos gumasta nang $3 trilyon noong Abril-Setyembre para pasikarin ang ekonomya, tinatayang aabot sa US$3.3 trilyon ang depisito ng gubyernong US sa kasalukuyang taon, o tatlong beses na mas mataas kumpara sa nakaraang taon. Nakatakda itong muling gumasta ng $900 bilyon ng pondong “pampasigla” para isalba ang mga kumpanya at pasikarin ang paggasta ng mamamayan. Matapos ang pagkitid ng ekonomya sa pangalawang kwarto, lumago ito nang 33.4% sa pangatlong kwarto pero muling kumitid nang 5% sa huling kwarto, at inaasahang titirik o mas kikitid pa sa unang kwarto ng 2021. Umaabot sa 62 milyong Amerikanong manggagawa ang nawalan ng trabaho mula Marso, at 25 milyon sa kanila ang tumatanggap ng benepisyo sa disempleyo. Nasa 22 milyong pamilya ang naiulat na walang sapat na pagkain (14 milyon ang may mga anak) at 12 milyon ang nawalan ng segurong medikal. Mula US$71 trilyon noong 2019, malamang na tataas tungong US$80 trilyon ang utang ng US sa katapusan ng 2020, o sinlaki halos ng ekonomya nito. Sa panahon ding ito, lumaki ang yaman ng 644 bilyunaryong Amerikano mula $931 milyon tungong US$3.9 trilyon mula Marso, o katumbas ng kabuuang yaman ng kalahati o 165 milyong Amerikano.

Ang kabuuang utang ng mga bansa sa Europe ay tinatayang umaabot na nang US$53 trilyon. Patuloy itong naglulugmok sa mga bansang tulad ng Greece, Spain at Ireland. Nagpatupad ng mga hakbang ang mga estado rito para bigyang-subsidyo ang sahod ng mga manggagawang apektado ng pagbabawas ng oras at sahod, pansamantala o permanenteng sinisante sa panahon ng lockdown at pagsasara ng mga bansa. Gayunpaman, pinagpaliban lamang ng mga ito ang laganap na tanggalan na inaasahang dumami kapag naubos na ang mga subsidyo. Magsisisante pa rin ang malalaking kumpanya ng libu-libong manggagawa, kabilang ang Lufthansa (22,000), Renault (14,600), British Petroleum (10,000), Air France-KLM (7,500) at iba pa. Binabagabag ang United Kingdon ng kawalang katiyakan sa ekonomya dahil sa napipintong paglabas sa European Union sa katapusan ng taon na inaasahang magreresulta mga problema sa suplay, pagbawas sa produksyon at pagkahinto ng mga serbisyong pampinansya sa kabila ng inihabol na kasunduan.

Ang pambansang utang ng Japan ay patuloy na tumataas nang dagdag na US$2 trilyon ngayong taon, at tinatayang aabot sa US$12.2 trilyon o mahigit 260% ng GDP nito. Nakatakda rin itong mangutang ng dagdag na US$960 bilyon para sa programang pampasikad nito. Kumitid nang 8.2% ang ekonomya nito sa gitna ng taon, pinakamalaki mula 1995. Nakikita ng mga ekonomista na babangon ang ekonomya ng Japan pagsapit ng pangatlong kwarto pero hindi ito magiging pangmatagalan dahil nananatiling mababa ang demand para sa mga produktong ineeksport ng Japan (kotse, elektroniks atbp).

Dagdag na nagpapahina sa pandaigdigang kapitalistang sistema ang pagbagal ng paglaki ng ekonomya ng China. Mula 2016, tuluy-tuloy nang kumitid ang ekonomya nito mula 10.6% noong 2010 tungong 6.1% noong 2019 (kalahati na lamang sa rurok ng paglagong 14.2% nito noong 2007). Kumitid ang ekonomya ng China noong unang hati ng 2020 matapos ang mga lockdown ng pandemya. Inaasahang bahagyang lalago ito nang 2% sa katapusan ng taon. Binabalikat ng China ang utang na apat na beses na lumaki sa nakaraang dekada at maaaring umabot nang 335% ng GDP nito sa katapusan ng taon.

Sa paggulantang ng pandemya sa ekonomya, nakahanap din ng dahilan ang mga gubyerno ng mga atrasado at di maunlad na ekonomya na patindihin ang dayong pangungutang, lalong magbukas sa dayong kalakalan at pamumuhunan at magbigay ng dagdag na mga insentiba sa dayong kapital para diumano pabilisin ang pagbangon. Tinatayang nasa 240 milyon ang nawalan ng trabaho sa atrasadong mga bansa. Inaasahan ng mga mananaliksik na ang bilang ng mga nalugmok sa grabeng paghihirap ay madadagdagan nang 420-580 milyon tungong 1.178 milyon (ang may kita na US$1.90 o ₱95 kada araw o mas mababa pa) at hanggang 2,480 milyon (na may kitang US$3.20 o ₱160 kada araw). Karamihan ng nasasadlak sa sukdulang kahirapan ay nasa South Asia at Sub-Saharan Africa.

Lalong tumitingkad ang pambansang katangian ng mga monopolyong kapitalista sa harap ng istagnasyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Mula pa noong krisis sa pinansya noong 2008, tuluy-tuloy na nagpapataw ang US at iba pang nangungunang kapitalistang bansa ng dagdag na proteksyunistang mga hakbang sa ekonomya. Kasabay ito ng pagtulak nila ng liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan sa atrasadong mga kliyenteng-estado sa layuning palakihin ang tubo ng mga monopolyong kapitalista at buhayin ang kani-kanilang pambansang mga ekonomya.

Ang pandaigdigang resesyon ay nagpapaigting ng mga kontradisyon at krisis sa pulitika. Patuloy na sumisidhi ang mga interimperyalistang kontradiksyon. May karera ngayon sa pagkontrol sa produksyon at bentahan bakunang Covid-19 sa pagitan ng malalaking monopolyong kapitalista sa parmasyutika.

Lalong sumaklaw ang labanan sa kalakalan at ekonomya sa pagitan ng US at China mula sumiklab ang gera sa taripa noong unang bahagi ng 2019. Agresibong tinutunggali ngayon ng gubyernong US ang Huawei at ZTE Company, mga higanteng kumpanyang Chinese sa elektroniks na inakusahan nito ng paniniktik, pati na ang Tiktok, kumpanya sa internet. Balak ng US na maglaan ng $2 bilyon para “baklasin at palitan” ang mga kagamitang gawa sa China ng mga imprastrukturang digital nito. Humakbang din ang US para ipagkait ang dayong salapi at pag-aari ng mga pang-estadong kapitalistang Chinese at pagbawalan ang mga kumpanyang Chinese na nasa likod ng pagtatayo ng mga pasilidad militar ng China sa South China Sea.

Abala rin ang imperyalismong US sa pagbubuo ng alyansa sa pulitika at militar kasama ang Japan, United Kingdom, Australia at iba pang bansa laban sa China at Russia. Ang US mismo ang nangunguna sa kawang militar sa pagpakat ng dalawa sa pinakamalaking carrier group nito sa South China Sea at East China Sea sa karagatan malapit sa Japan na inaangkin din ng China. Plano ring ipadala ng United Kingdom ang aircraft carrier at strike group nito sa unang bahagi ng susunod na taon at makipag-ehersisyong militar sa US at Japan. Kinontra nito ang pagsisikap ng China na pahigpitin ang pampulitikang kontrol sa Hong Kong sa pagbigay ng pasaporteng British sa mga residente ng Hong Kong. Hayagan namang nanawagan ang Japan sa Germany na makipag-alyansang nabal kontra sa China.

Sa kabilang panig, patuloy na pinangangalagaan ng China ang internasyunal na interes nito sa ekonomya. Pinalalakas ng China ang pwersang nabal kapwa sa pagpaparami ng mga aircraft carrier para magkarga ng mga tropang Chinese sa ibayong dagat at pagdagdag sa 500-barko ng Coast Guard at mga “milisya” upang pamutiktikan ang South China Sea at East China Sea. Kamakailan, binigyan ng China ang Coast Guard nito, na hawak ng militar, ng awtoridad na wasakin ang mga istruktura ng ibang bansa at akyatin, paalisin o paputukan ang mga sasakyang hindi Chinese sa mga karagatang iligal na inaangkin nito.
Pinalakas nito ang bentahe sa ekonomya sa pagbuo ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), isang kasunduang multilateral kasama ang ASEAN at limang bansa sa Asia-Pacific na hindi kasama ang US. Gamit ang laki ng kanyang ekonomya, inalok ng China ang United Kingdom ng pinalawak na pakikipagkalakalan at pamumuhunan sa harap ng napipintong pagkabigong mabuo ang kasunduan ng UK sa paglabas nito sa EU. Malinaw ang layunin nitong kontrahin ang agresibong tindig ng anti-China na alyansa ng US.

Itinutulak rin ng inter-imperyalistang kontradiksyon ang paglaki ng gastusin sa pananaliksik at produksyon ng armas at bentahan ng mga sandata. Pinalawak ng US ang pananaliksik at produksyon ng armas nukleyar matapos itong umatras sa Intermediate-Range Nuclear Forces Treaty (INF). Nakatakda ring mawalan ng bisa ang New START, isa pang tratadong nagbabawas sa produksyon ng armas nukleyar na pinirmahan noong 2010 ng US at Russia. Noong 2019, ang pandaigdigang gastusin sa militar ay pumaimbulog sa US$1.917 trilyon, 3.6% mas malaki kumpara sa 2018, sa pangunguna ng US, China, India, Russia at Saudi Arabia na gumastos ng 60% ng kabuuan. Gagastos ang United Kingdom ng $78 bilyon para sa militar, pinakamalaki mula noong dekada 1980. Ang kabuuang benta noong 2019 ng 25 pinakamalaking kumpanya sa armas ay umabot sa US$361 bilyon, 8.5% mas malaki kumpara sa 2018. Ang kabuuang eksport ng US ngayong taon ay umabot sa $175 bilyon, 3% mas mataas kumpara noong 2018, o sangkatlo ng kabuuang benta ng armas.

Ang mga bansang naggigiit ng kanilang kasarinlan ay patuloy na inaapi ng mga imperyalistang bansa, laluna ng US, gamit ang mga hakbanging panggigipit sa ekonomya, tahasang interbensyong pampulitika at mga armadong pagsalakay. Sa Venezuela, hayagang sinusuportahan ng US ang mga pwersang oposisyon sa tangkang ibagsak ang rehimeng Bolivarian ni Maduro. Sa maagang bahagi ng taon, ginamit ng US ang drone sa asasinasyon ng lider militar ng Iran. Pinaniniwalaang binasbasan din ng US ang asasinasyon noong Nobyembre sa isang susing siyentistang nukleyar ng Iran. Patuloy namang nakapakat ang mga pwersang militar ng US sa hilagang Syria upang suportahan ang armadong subersyon laban sa rehimeng Assad at para bantayan ang operasyon sa pagmimina ng langis ng Delta Crescent Energy LLC, isang kumpanyang Amerikano na kontrolado ng dating mga upisyal militar at diplomatiko.

Sa harap ng nagtatagal na krisis, lalong pinatitindi ng mga monopolyong kapitalista ang mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa at masang anakpawis. Sinasagad ito para sa pagkamkam ng labis na halaga pangunahin sa pamamagitan ng intensipikasyon ng paggawa, gayundin sa pagpapahaba sa araw ng paggawa at pagbawas sa sahod. Lalo pang tumindi sa ilalim ng pandemya at pagsupil sa karapatan sa pag-uunyon ng mga manggagawa para pigilan silang labanan ang mga patakaran sa pabrika at kaayusan sa empleyo. Bunga nito, dinaranas ng mga manggagawa at masang anakpawis ang lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko at paglubha ng kanilang kalusugang pisikal at mental.

Sa tabing ng anti-terorismo, tumitindi ang militarismo sa mga kapitalistang bansa sa militarisasyon ng pulis, lumalaking papel ng mga pwersang militar at pinaigting na sarbeylans ng estado para supilin ang mga protestang masa. Ang pinakabuhong na ultra-reaksyunaryong ideya at patakaran tulad ng pasismo, rasismo, bigotri (o di pagpaparaya) sa relihiyon at lahi, at kaisipang kontra babae ay tahasan at di tuwirang pinapaypayan ng mga estadong burges upang hati-hatiin ang mga manggagawa at mamamayan. Sa ibang bansa, sinamantala ng mga rehimen ang pandemyang Covid-19 upang mag-ipon ng dagdag na kapangyarihang awtoritaryan para higpitan ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan.

Lumalaban ang mga manggagawa at aping mamamayan sa buong mundo. Sumiklab ang mga protestang masa at mga welga sa maraming bansa kaakibat ng kanilang sigaw para sa trabaho, subsidyong pangkalusugan at pang-ekonomya sa gitna ng mga lockdown, ligtas na mga pagawaan at ligtas na mga paaralan sa harap ng pandemya. Nilalabanan rin nila ang pagsupil sa kanilang mga karapatan. Sumiklab sa kalagitnaan ng taon ang mga aksyong protesta sa buong United States na nilahukan ng 26 milyong mamamayan para iprotesta ang brutalidad ng pulis at rasismo. Sa India, humigit-kumulang 250 milyong magsasaka at manggagawa ang lumahok sa makasaysayang pambansang welga at mga demonstrasyon noong katapusan ng Nobyembre para labanan ang mga patakarang neoliberal pabor sa malalaking mga korporasyong agrikultural at para igiit ang mga hakbangin para sa kagalingang pangkalusugan at pangkabuhayan ng mamamayan. Sumiklab din ang malalaking protesta sa France, Belarus, Guatemala, Nigeria, Hong Kong, Thailand, Indonesia at iba pang bansa laban sa pasista at anti-mamamayang mga patakaran at para ipaglaban ang mga demokratikong reporma. May mga armadong paglaban sa Afghanistan, Kurdistan at iba pang bansa laban sa dayong agresyon at laban sa mapaniil na mga rehimen.

Lumilikha ang pandaigdigang resesyon at krisis sa kalusugan ng kalagayang paborable para sa pag-usbong at paglago ng mga proletaryong rebolusyonaryong pwersa sa buong mundo. Patuloy na nagbabangon ang abanteng mga elemento ng proletaryado sa iba’t ibang bansa. May pagsisikap na pag-aralan at ilapat ang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa partikular na kundisyon ng iba’t ibang bansa upang makapamuno sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan. Patuloy na nagpapalakas ang mga partido komunista at nagpapalalim ng pag-ugat sa masa. Pinamumunuan nila ang mga rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa India at Pilipinas at determinadong itatag ang mga hukbong bayan at isulong ang digmang bayan sa iba pang mga bansang malakolonyal at malapyudal.

Pinalulubha ng rehimeng US-Duterte ang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal

Habang anyong malakas at makapangyarihan ang tiranong si Duterte, ang totoo’y mahina siya at gumigiray-giray sa tuktok ng nabubulok na sistemang binangkarote ng kanyang korapsyon at paninikluhod sa interes ng mga dayuhang kapitalista. Hindi niya magawang busugin ang kanilang kasakiman na hindi sinasaid ang rekurso ng estado para sa batayang pangangailangan ng mamamayan. Sa nagdaang taon, bumulusok sa wala pang kaparis na lalim ang palagiang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal ng Pilipinas sa harap ng kabiguan ng rehimen na tamang harapin ang pandemyang Covid-19 at ang sunud-sunod na mga kalamidad na tumama sa bansa sa nakaraang mga buwan.

Pinalubha ng rehimeng US-Duterte ang krisis ng lipunan at ang paghihirap ng sambayanang Pilipino dahil sa militarisado at inutil na pagtugon sa pandemya, sa korapsyon nito, labis na pagsandig sa dayuhang pangungutang, pagtangging unahin ang pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan, at ganap na pagwalang-bahala sa kanilang kagalingan sa ekonomya. Milyun-milyong manggagawa at anakpawis ang nawalan ng trabaho at kabuhayan at dumanas ng matinding kahirapan at gutom. Habang binabawasan at nililibre ng rehimen sa buwis ang malalaking korporasyon, balak naman nitong patawan ng bagong mga buwis ang mamamayan.

Upang supilin ang pagtutol at oposisyon at pigilan ang mamamayan na lumaban, pinaigting ng pasistang rehimen ang terorismo ng estado kapwa sa kalunsuran at kanayunan sa tabing ng kontra-insurhensya at nagpataw ito ng hayag na pasistang paghahari sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law.

Sa takot nito sa bantang pagharap sa mga lokal at internasyunal na paglilitis sa kanyang malawakang mga krimen, pag-abuso sa karapatang-tao at korapsyon, nagpapakana ang naghaharing pangkating Duterte para makapanatili sa poder. Dahil mahigit 500 araw na lamang siya sa poder, pabibilisin ni Duterte ang pagpapatupad na isa o lahat ng kanyang buktot na iskema para palawigin ang kanyang tiraniya: magdeklara ng “rebolusyonaryong gubyerno” at itatag ang isang pasistang diktadura, isagasa ang pagbabago sa konstitusyon sa ngalan ng “pederalismo,” o tiyakin ang dinastikong paghalili sa pamamagitan ng kontroladong eleksyon para ihalal ang kanyang simpasista, singkurakot at sing-uhaw-sa-kapangyarihang anak na babae o ng isa sa kanyang kampon.

Isang malaking kapalpakan ang tugon ng rehimeng Duterte sa pandemya. Sa umpisa ng pandemya, isinawalang-bahala nito ang mga panawagang isara ang internasyunal na mga hangganan at pinayagang pumasok sa bansa ang 500,000 turista mula China mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero nitong taon na pinagsimulan ng pagkalat ng Covid-19 sa bansa. Sa tabing ng pagtugon sa pandemya, inangkin ni Duterte ang mas masaklaw pang kapangyarihang diktador nang ipataw niya ang isa sa pinakabrutal na lockdown ng militar at pulis at ng di-pangkaraniwang kapangyarihan upang ipihit ang pampublikong pondo. Ang sistemang pangkalusugan, laluna ang pampublikong mga ospital at laboratoryo, gayundin ang mga ahensya sa syentipikong pananaliksik, ay hindi handa at nabubulok dahil sa ilang taon nang kaltas sa badyet. Kulang ang mga nars at manggagawang pangkalusugan na itinatanghal bilang mga bayani. Hindi rin sila nakatatanggap ng makatarungang sahod. Binalewala ni Duterte ang mga panawagan para sa libreng mass testing, libreng pamamahagi ng mga face mask at paketeng pangkalinisan, at agresibong contact-tracing. Takot ang malawak na masa sa bayrus na Covid-19, hindi lamang dahil nakamamatay ito, kundi lalupa dahil sa matataas na bayarin sa pagpapagamot na maaaring umabot ng kalahating milyong piso para sa dalawang-linggong pagpapa-ospital. Inilista ng mga internasyunal na tagasubaybay ang Pilipinas bilang isa sa may pinakamasahol na pagtugon sa Covid-19.

Sa halip na ipihit ang badyet upang palakasin ang kakayahan ng sistemang pangkalusugan at tustusan ang pangangailangan ng milyun-milyong nawalan ng kabuhayan dahil sa lockdown, ibinaling ni Duterte ang pondo para sa paborito niyang mga proyektong imprastruktura. Milyun-milyon ang nawalan ng trabaho at mapagkakakitaan. Pinigilan ng mga restriksyon sa pagbyahe ang pagkalakal ng mga produktong agrikultural na nagresulta sa pagkawala ng kita at pagkalugi ng mga magsasaka. Lubhang huli at lubhang kapos ang subsidyo ng gubyerno. Sinamantala ng rehimen ang mga lockdown at pinagsilbi ito sa interes ng mga korporasyon sa transportasyon sa pamamagitan ng pagbabawal sa puu-puong libong drayber ng dyip na muling pumasada sa kanilang mga ruta. Habang nananalasa ang pandemya, pinabalik sa trabaho ang mga manggagawa nang walang sapat na pampublikong transportasyon, walang garantiya sa ligtas na mga lugar ng trabaho at bawas ang sahod. Dahil walang pondo upang tiyakin ang ligtas na kalagayan sa pag-aaral, pinagsasara ng rehimen ang mga paaralan pabor sa palpak na “distance” at “blended” na sistema ng pag-aaral na nagpahirap sa milyun-milyong guro, estudyante at kanilang mga magulang.

Muling nagpamalas ang rehimen ng hayagang pagsasawalang-bahala sa gitna ng sunud-sunod na kalamidad na tumama sa Luzon na nagpatampok sa mga kahinaan sa pagtugon sa mga sakuna dulot ng pagkaltas pa sa dati nang kakarampot na pondo. Daan-daanlibong pamilya ang nawalan ng bahay at pinaghirapang ari-arian dulot ng malakas na hangin, pagbaha, pagragasa ng putik at pagguho ng lupa. Dahil walang pondo upang umagapay sa mamamayan na makabawi ang nawala sa kanila, milyun-milyon ang iniwan ng rehimen na magsariling sikap sa muling pagtatayo ng kanilang mga bahay at kabuhayan.

Lantad ang kabulukan at pagkaatrasado ng sistemang malakolonyal at malapyudal sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Sa nagdaang apat na taon, dumanas ng papatinding mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi ang masang Pilipino. Ang rehimeng US-Duterte ngayon ang pinamasahol na representasyon ng mga kasamaan ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at siya ring pinakakagyat na dahilan sa paglulunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka. Kahit sa ilalim ng pandemyang Covid-19, nagpataw ito ng anti-mamamayan at neoliberal na mga patakaran na pabor sa malalaking burgesyang kumprador, sa uring malaking panginoong maylupa at malalaking dayuhang kapitalista. Pinatindi ng mga patakarang ito ang pang-aapi at pagsasamantala, pinalalim ang mga di-pagkakapantay-pantay sa lipunan, at pinalubha ang kalagayang sosyo-ekonomiko ng malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang anakpawis.

Dahil sa pandemya at kawalang-kakayahan ng rehimeng Duterte na magbigay ng angkop na tugon, nalantad ang bulok na kalagayan ng naghaharing sistema, partikular ang di industriyal, atrasado at agraryong katangian ng ekonomya ng Pilipinas. Walang sariling kapasidad ang bansa na magmanupaktura ng sapat na mga personal protective equipment, face mask, testing kit at iba pang pangangailangan, at kinailangang magkumahog sa mamahaling mga angkat. Inilantad din nito ang ganap na kawalan ng independyenteng industriyang parmasyutika at pananaliksik sa bakuna na nagtatali sa bansa sa malalaking dayuhang kumpanya sa gamot.

Walang kakayahan ang bansa na lumikha ng karamihan sa mga pangangailangan para sa lokal na produksyon at konsumo. Ang malawak na yaman at mga rekursong natural at lakas paggawa ay kontrolado at pinagsasamantalahan ng multinasyunal na mga korporasyon at kanilang mga lokal na kasosyo. Nakaasa ang produksyon sa inangkat na mga makina at sangkap. Walang nagsasariling lokal na mga industriya at ang industriyal na produksyon ay kontrolado ng malalaking kumpanyang dayuhan at limitado sa mga export-processing zone na bahagi ng pandaigdigang assembly line ng mga korporasyong multinasyunal. Atrasado ang produksyong agrikultural, na kalakha’y gumagamit ng manu-manong paggawa, mga gamit na demano at mga hayop na pansaka. Lubhang limitado ang mga pasilidad sa irigasyon at marami ang sira-sira. Maliitan ang produksyon ng bigas, at kalakha’y dimekanisado at pinahihirapan ng pinababang presyo bunsod ng liberalisasyon sa pag-angkat ng mga labis na dayuhang produktong agrikultural na tinustusan ng kani-kanilang gubyerno. Ibayo pang pinalubha ito ng nagdaang mga bagyo at kawalan ng subsidyo ng estado para umagapay sa lokal na mga magsasaka.

Dahil nakaasa ang bansa sa iniaangkat na mga kagamitan sa produksyon at yaring kalakal, at ang produksyon ay nakatuon sa pag-eeksport ng murang hilaw na materyales at mala-manupaktura may maliit na dagdag na halaga, dumaranas ang Pilipinas ng pamalagiang depisito sa kalakalan. Bago ang 2020, sumirit sa wala pang kaparis na antas ang depisito sa kalakalan ng Pilipinas tungong US$41.44 bilyon noong 2018 at US$42.5 bilyon noong 2019. Bumaba ito sa Abril nitong taon, hindi dahil sa pag-unlad ng kakayanan ng bansa na magsarili, kundi dahil sa matarik na pagbagsak ng mga iniangkat na kalakal (20%) at serbisyo (19%), at pangkalahatang mabagal na pagliit ng mga eksport sa gitna ng lockdown sa ekonomya at nagpapatuloy na pagtumal ng benta para sa mga kalakal na mala-manupaktura sa gitna ng matagalang pandaigdigang istagnasyon. Tumriple ang paglabas ng kapital na portfolio mula $1.2 bilyon sa unang sampung buwan ng 2019 tungong US$3.9 bilyon sa parehong panahon ngayong taon.

Ang napakahabang lockdown ay malubhang nakaapekto sa ekonomya na lumiit nang 10% sa unang tatlong kwarto ng taon, pinakamalala kumpara sa 7.3% na pagliit noong 1984-85. Kahit bago pa ang pandemya, ang paglaki ng GDP sa nakaraang apat na taon sa ilalim ng rehimeng Duterte ay unti-unti nang lumiit resulta ng pagtumal ng demand para sa mga eksport mula sa Pilipinas dulot ng istagnasyon at mabagal na paglago ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Hindi bababa sa pitong milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho sa Abril pa lamang na nagpasirit sa tantos ng disempleyo sa walang kaparis na antas, at humatak sa walang kaparis na pagbaba sa tantos ng “partisipasyon ng lakas paggawa.” Sa kabuuan, hindi bababa sa 8.5 milyong Pilipino ang walang trabaho o 19.4% na tantos ng disempleyo. Dagdag dito, hindi bababa sa 6.3% ang tantos ng kulang sa trabaho na sa katunaya’y walang mga trabaho. Mula 2016, mahigit isang milyong trabaho sa agrikultura ang nawala dahil sa pagpapalayas sa mga magsasaka mula sa kanilang mga lupa dulot ng mga operasyon ng malalaking burgesyang kumprador, konsentrasyon ng lupa, pagkabangkarote at iba pang salik.

Libu-libong maliliit at katamtamang-laking negosyo ang nagsara dahil sa pagkalugi. Pagsapit ng Nobyembre, halos 685,000 migranteng manggagawang Pilipino ang humingi ng ayudang pangkagipitan. Milyun-milyong mamamayan ang nagdarahop. Habang nagbabalak na magpataw ng mas maraming pabigat na buwis sa mamamayan, layon ng rehimen na bawasan ang buwis ng mga korporasyon ng ₱249.4 bilyon hanggang 2022. Inaasahang bababa ang makukulektang buwis ngayon 2020 nang ₱696.2. Inaasahan ding dodoble ang depisito nito tungong ₱1.38 trilyon ngayong taon mula ₱677.6 bilyon noong 2019.

Dahil kulang ang kinikita at desperadong pondohan ang mga proyektong imprastruktura ng malalaking oligarko, hindi magkandaugaga ang rehimeng Duterte sa pangungutang na nagbunsod ng walang kaparis na paglobo sa utang ng Pilipinas. Nitong Agosto 2020, nasa ₱9.6 trilyon na ang pambansang utang ng gubyerno, mas mataas nang ₱1.9 trilyon kumpara sa simula ng taon. Lolobo pa ito tungong ₱10.2 trilyon sa pagtatapos ng taon, ₱12 trilyon sa pagtatapos ng 2021 at ₱13.7 trilyon sa katapusan ng termino ni Duterte. Sa ganitong bilis, ang utang ng gubyerno na ₱6.1 trilyon sa simula ng termino ni Duterte ay lumaki nang higit doble sa loob ng anim na taon, na katumbas ng 59.9% ng GDP ng bansa. Resulta nito, ang mga bayarin sa interes ng utang at sa prinsipal na halaga nito ay aabot sa ₱1.8 trilyon sa 2021, pinakamataas sa sampung taon, at katumbas ng 40% ng badyet sa darating na taon, o 8.1% ng GDP ng bansa.

Dahil desperadong mangutang at makakuha ng mataas na grado sa pangungutang mula sa mga dayuhan, nagkakandarapa ang rehimeng Duterte sa pagpapatupad ng mga patakarang dikta ng dayuhang mga banko at institusyon sa pampinansya. Sa kabila ng pandemya, tumanggi si Duterte at kanyang mga upisyal sa ekonomya na baliktarin ang patakaran ng pagkaltas sa mga subsidyo sa pampublikong kalusugan at edukasyon, at ni hindi sinuspinde ang pagbayad sa mga pabigat na utang. Patuloy nitong itinutulak ang pagbago sa konstitusyon, mga amyenda sa Public Services Act, ang panukalang batas na National Land Use at iba pang katulad na hakbang na pawang naglalayong alisin ang mga pagbabawal sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa at negosyo.

Lantarang anti-mamamayang programa ang badyet ng rehimen sa 2021 na nagbibigay ng pinakamababang prayoridad sa pangangalaga sa pampublikong kalusugan, edukasyon at kagalingang panlipunan. Aabot sa ₱1.1 trilyon ang nakatakdang gastusin sa mga pork barrel na proyektong imprastruktura na walang ambag sa tunay na paglago ng ekonomya at kalakha’y malalaking oligarko at mga loyalista sa pulitika lamang ang nakikinabang. Sa kabilang banda, wala itong plano kung paano susuportahan ang muling pagbuhay sa maliliit at katamtamang-laking negosyo na nangalugi dahil sa lockdown. Tinitiyak nito ang pondo para sa kontra-insurhensya, partikular sa pagbili ng bagong mga helikopter, eroplanong pandigma, mga bomba, kanyon, drone at iba pang sistema ng mga sandata, pero wala itong plano para tiyaking ligtas ang mga paaralanan upang muling magbukas ng harapang mga klase. Habang naglaan lamang ang rehimen ng kakarampot na ₱2.5 bilyon upang pondohan ang pagbili ng bakuna para sa Covid-19 (mula sa kabuuang tayang halaga na mahigit ₱70 bilyon), naglaan ito ng tumataginting na ₱19 bilyon para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at sa maruming gera nito. Nagbigay si Duterte ng humigit-kumulang ₱33 bilyon para sa “modernisasyon ng AFP” pero wala para sa kagyat na pangangailangang mdernisasyon ng mga sistema sa edukasyon at kalusugan.

Habang lumalalim ang krisis sa ekonomya, tumitindi ang krisis sa pulitika ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng Duterte. Nahihiwalay ito sa malapad na hanay ng masang Pilipino at umaasa sa tiranikong pamamaraan ng paghahari, katuwang ang walang-tigil na kampanya para maghasik ng disimpormasyon at takot. Nagpamalas ito ng pangangayupapa sa ekonomya sa China at todong paninikluhod sa imperyalistang US.

Walang natatamasang boluntaryo at buong-pusong pagsuporta ng masa si Duterte. Kung kaya pinipilit niya ang mamamayan na sumunod at tumupad gamit ang militar at pulis na mapanindak na nanghihimasok sa halos lahat ng aspeto ng buhay sibilyan. Itinuturing ng malawak na masa si Duterte na responsable sa kampanya ng maramihang pagpaslang laban sa mahihirap sa huwad na gera kontra droga, sa pagmasaker ng kanilang trabaho at kawalan ng kita at pagkabangkarote, sa pabigat na mga buwis at sumisirit na presyo, at sa pagdudulot ng kagutuman, malawakang kahirapan, karukhaan at ekonomikong desperasyon. Nagngangalit ang malawak na masa sa lantarang korapsyon ni Duterte at kawalang-kabusugang pagratsada sa mga proyektong imprastruktura at sa pag-abuso sa kapangyarihan para maging punong protektor ng mga sindikato ng droga sa bansa.
Pinalalamon at binubundat ni Duterte ang militar at pulis para tiyakin ang katapatan ng mga heneral at sundalo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng hindi nasasaid na mapagkukunan ng bilyun-bilyong kita sa anyo ng mga kikbak sa mga kontratang militar at hati sa tinatawag na mga “programang integrasyon.” Iniangat niya ang kontra-insurhensya bilang sentrong patakaran ng kanyang rehimen na nagbibigay sa AFP at mga heneral nito ng malapad na kapangyarihang itakda ang direksyon ng mga usaping pang-estado.

Huwad ang kampanyang “kontra-korapsyon” ni Duterte. Walang-kabusugan ang kanyang rehimen at nilalamon nito ang lahat. Gamit ang kanyang tiraniya, ipinaiilalim niya sa kanyang kontrol ang lahat ng korapsyon sa gubyerno. Sa tabing ng “kontra-korapsyon,” binabalasa niya ang mga ahensya at pinapalitan ng mas mapagkatitiwalaang tauhan ang mga nagbubulsa nang kani-kanya. Ipinagtatanggol niya ang pinakamalalapit na myembro ng gabinete sa mga kaso ng korapsyon. Nakipag-alyansa siya sa mga Arroyo at mga Marcos na pinahintulutan niyang makaiwas sa kaparusahan. Ipinailalim niya ang Bureau of Customs sa direktang kontrol ng militar para tiyakin ang kanyang kumpletong pagkumpas sa ismagling ng iligal na droga. Ginamit niya ang “narcolist” para pwersahin ang katapatan ng kongreso at mga upisyal ng lokal na gubyerno, gayundin ng mga upisyal sa korte. Ginamit niya ang badyet sa taong 2021 para mamahagi ng pork barrel sa kanyang mga tagasunod na nagpamalas ng absolutong katapatan. Sinamantala niya ang kahirapan ng milyun-milyong mamamayan, ginamit niya ang kapangyarihang pangkagipitan para ipihit sa pinapaborang mga pulitiko ang pondong subsidyo, pagtatayo ng mga isolation facility, pagbili ng mga kagamitan at bakuna, at iba pa.

Ang kasakiman ng naghaharing pangkating Duterte ay nagdudulot ng malalim na bitak at antagonismo sa pagitan ng iba’t ibang mga paksyon ng naghaharing-uri, gayundin sa loob ng naghaharing pangkatin. Humantong ang rehimen sa pagpaslang at pagkulong sa mga kalaban sa pulitika at katunggaling sindikato. Ginagamit ni Duterte ang pananakot laban sa mga katunggaling oligarko para pwersahin silang makipagtulungan at sumuporta o agawin ang kanilang mga negosyo. Ito ay habang ginagamit niya ang kapangyarihan ng estado para magbigay ng pabor at pribilehiyo sa mga kroning oligarko. Dahil tumangging yumuko sa mga kagustuhan ni Duterte, ang mga Lopez ay pinagkaitan ng prangkisa sa pagbrodkas ng higanteng kumpanya sa midya na ABS-CBN. Naglunsad ito ng brutal na kampanya laban sa konserbatibong oposisyon sa pulitika at determinadong pagkaitan sila ng mga pribilehiyo at kapangyarihan sa eleksyong 2022. Lumilitaw din ang disgusto sa hanay ng mga alyado sa pulitika ni Duterte na humantong sa isang kudeta sa Mababang Kapulungan noong Oktubre. Masidhing nagkokompetisyon din ang mga tagasunod ni Duterte para sa pinakamalaking bahagdan sa pagbili at distribusyon ng bakuna sa Covid-19.

Ang malalim na mga bitak sa loob ng militar at pulis ay tiyak na lilitaw habang ang mga pangkatin ng katunggaling naghaharing uri ay mas nagiging agresibo kasabay ng daluyong ng mga protesta sa lansangan. Mayroong mga maka-US na upisyal militar na may lihim na galit sa rehimen dahil sa pagtraydor kaugnay sa teritoryong dagat ng bansa sa China at sa kontratang nagpapahintulot sa bagong kumpanya sa telekomunikasyon na kontrolado ng China na magtirik ng mga cell tower nito sa loob ng mga kampo militar. Habang pinauunlad ni Duterte ang katapatan sa hanay ng mga piling upisyal ng militar at pulis, marami ang hindi natutuwa na mas napapaburan ang mga upisyal na kunektado sa Davao.

Masikhay na ginagampanan ni Duterte ang pagiging hepe ng neokolonyal na estado ng US. Kasabay nito, nagmamanikluhod siya sa dalawang magkatunggaling imperyalistang amo: ang US at China. Habang nangangayupapa para sa mga pabor sa ekonomya, pulitika at militar mula sa dalawang panig, namemeligro rin siyang pag-initan ng alinman sa dalawang nagriribalang mga imperyalistang kapangyarihan.

Nangangayupapa si Duterte sa imperyalistang China, at pumayag na sakupin ang teritoryo ng Pilipinas at magtayo ng mga istrukturang militar sa loob ng ekslusibong sonang pang-ekonomya ng bansa sa South China Sea. Pinahintulutan niya ang China na dambungin ang rekursong dagat ng bansa, wasakin ang ilandaang ektarya ng bahura at humakot ng mga taklobo, isda at ibang rekurso mula sa mga dagat ng Pilipinas. Kapalit nito, nakatatanggap siya ng mga kikbak mula sa pautang at ayuda para sa mga proyektong imprastruktura, gayundin sa mga kasunduan sa pagitan ng kanyang mga kroni at kumpanyang Chinese.
Sa kabilang banda, nagpapakatuta si Duterte sa imperyalismong US at yumuyuko sa dominanteng kapangyarihan nito. Patuloy niyang ipinatutupad ang mga imposisyon sa ekonomya ng mga institusyon sa pinansya na kontrolado ng imperyalismong US at nananatiling tapat at sunud-sunuran sa gubyernong US at pwersang militar nito. Lahat ng hindi pantay na kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas ay protektado sa ilalim ni Duterte. Nagpanggap siyang tatapusin ang Visiting Forces Agreement (VFA) noong Pebrero ngunit kalauna’y isinuspinde ito. Ang intensyon niya talaga ay magkaroon ng renegosasyon para itulak ang hinihingi niyang mas malaking suportang militar para sa kontra-insurhensya na pinaunlakan naman ng US. Sa tuluy-tuloy na pagpondo, pagsasanay at pag-aarmas sa AFP, ang imperyalismong US ang malaking na tagasulsol sa pasistang rehimeng Duterte. Sa ilalim ng Operation Pacific Eagle-Philippines, patuloy na ginagamit ng mga pwersang militar ng US ang bansa bilang lunsaran ng mga operasyong militar sa ibayong dagat, sa tabing ng mga war games at pagsasanay, at ng tinatawag nitong mga “freedom of navigation operations” o operasyon sa malayang paglalayag sa South China Sea at East China Sea.

Matatag na iniluklok ni Duterte ang kanyang sarili bilang isang pasistang tirano nang walang tahasang pagdedeklara ng batas militar. Nagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law noong Hulyo, na sa katunayan ay isang batas sa terorismo ng estado. Ang rehimen ay mistulang pinatatakbo ng huntang sibil-militar sa porma ng NTF-ELCAC na nagsailalim sa lahat ng ahensya ng estado sa ilalim ng kontrol ng militar. Tuluyan nitong isinara ang pintuan para sa usapang pangkapayapaan sa NDFP noon pang 2017. Laganap at paparami ang paglabag sa karapatang-tao.

Sa takot na magkaroon ng daluyong ng mga protestang masa laban sa paghahasik nito ng teror, korapsyon at pagsasantabi sa kagalingan ng mamamayan, pinaigting ng rehimeng Duterte ang kampanyang panunupil sa mga ligal na demokratikong pwersa sa kalunsuran at kanayunan. Ang sunud-sunod na walang-awang pagpaslang sa mga konsultant pangkapayapaan, rebolusyonaryo at aktibista, gayundin ang ibang porma ng panunupil ng mga pwersa ng estado sa nagdaang mga buwan ay nagpasiklab sa internasyunal na pagkundena sa at nagdulot ng internasyunal na pagkakahiwalay ng rehimeng Duterte.

Para magkamal ng dagdag na kapangyarihang pampulitika, patibayin ang kanyang tiraniya at panatilihin ang paghahari, pinaigting ni Duterte ang mga operasyong kontra-insurhensya na mayroong deklaradong layunin na durugin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) bago matapos ang kanyang termino sa 2022. Pinalawig ang saklaw ng kampanyang kontra-insurhensya ng AFP sa ilalim ni Duterte para ibilang ang hindi armadong populasyon sa kanayunan, gayundin ang malawak na masa sa kalunsuran.

Simula 2017, ang AFP, kasama ang PNP, ay nagbuo ng may 27 bagong batalyong pangmaniobra at ikinonsentra ang kanilang mga pwersa sa walong rehiyon — sa Southern Tagalog, Southern Mindanao, Eastern Visayas, North Central Mindanao, Bicol (na mayroong 14-20 batalyon kada rehiyon); at Northeast Mindanao, Negros at Far South Mindanao (na mayroong higit-kumulang 10 batalyon kada rehiyon). Umaabot sa 124 batalyon o 40 brigada ng kontra-insurhensyang tropa ang nakapakat sa walong rehiyong ito. Mayroong umaabot sa 23 batalyon ng tropa ng AFP na nakakalat sa Western Mindanao, Cagayan Valley, Ilocos-Cordillera, Central Luzon, Panay at Central Visayas. Layon ng AFP na kumpletuhin ang rekrutment ng 9,000 tauhan ng CAFGU na magdadala sa kabuuang bilang ng mga tropang paramilitar tungong 70,000. Tumatanggap din ang AFP ng tulong pangkombat mula sa US sa porma ng mga drone na pangsarbeylans at rekorida at sasakyang pangkombat.

Naglulustay ang AFP ng bilyun-bilyong piso para panatilihin ang dumaraming tropa at arsenal nito ng mga drone pangsarbeylans, fighter jet at mga helikopter, bombang panghimpapawid, mga mortar at howitzer. Naglaan na ang rehimeng Duterte ng higit ₱200 bilyon para sa militar at may plano itong bumili ng mga sarplas na makabagong mga armas na ibinibenta ng US at mga subsidyaryo nito.

Naglulunsad ng sunud-sunod ng nakapokus na operasyong militar ang mga pasistang armadong pwersa sa buong bansa. Tumatagal ang mga nakapokus na operasyong militar nang ilang linggo hanggang anim na buwan at kadalasa’y sumasaklaw sa mga hangganan ng mga prubinsya o bayan. Ang mga operasyong ito ay gumagamit ng mga taktika ng “gradual constriction”, na may layuning maglunsad ng mga operasyong paggalugad laban sa mga yunit ng BHB para sagupain sila sa mga mapagpasyang labanan. Ang mga malawakang-saklaw na operasyong ito ay nakapagdulot ng makabuluhang pinsala sa ilang mga yunit ng BHB. Subalit, mayorya sa mga yunit ng BHB ay pangkalahatang nakaakma at nagpakadalubhasa sa gerilyang kontra-maniobra para ipawalambisa ang malakihang mga operasyon ng kaaway, at sa gayo’y tiyak na pagsasayang nila ng pera at rekurso.

Bagong katangian ng mga operasyong kontra-gerilya ng AFP ang mga “surgical bombing” na gumagamit ng 500-librang mga bomba. Mas iigting ang ganitong mga operasyon sa susunod na mga taon sa harap ng pagbili ng bagong mga fighter jet ng militar, mga helikopter at drone. Ikinukumbina ang mga ito sa mas madalas na paggamit ng mga kanyon na may iba’t ibang kalibre ng bomba. Layunin ng mga paghuhulog ng bomba mula sa himpapawid at operasyong panganganyon na “gulantangin at sindakin” ang BHB at ang masa, at bulabugin ang mga yunit ng BHB at para bulabugin ang kanilang mga plano. Subalit, ang mga bomba ay kadalasang ibinabagsak malapit sa mga baryo sa kanayunan at komunidad sa kabundukan at nagreresulta sa pagkawasak ng mga sakahan at sibilyang imprastruktura. Sa isang pambobomba sa Pambujan, Northern Samar, sariling mga tropa ng AFP ang nahulugan ng kanilang bomba.

Pinaigting ng pasistang rehimen ang brutal na maruming gera nito laban sa sibilyang populasyon sa kanayunan kung saan sangkot ang mga pwersang militar at pulis ni Duterte sa dumaraming bilang ng mga teroristang krimen. Ngayong taon, sunud-sunod ang mga masaker at pagpaslang, pagdukot, pag-aresto, tortyur at pagkukulong sa mga residenteng inaakusahan bilang mga kasapi, simpatisador o tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan. Ang mga pasistang armadong tropa na nabibilang sa mga pangkat ng tinatawag na Retooled Community Service Program o RCSP ay nagkakampo sa loob ng mga sibilyang komunidad para dinakin ang masa na “sumuko,” mag-udyok ng gulo at magpasimula sa paggamit ng droga, pagsusugal, pag-inom, pornograpiya at iba pang nakapipinsalang impluwensya sa komunidad at kabataan para labusawin at sirain ang kaisahan ng mamamayan. Natutulak ang buu-buong mga komunidad na lumikas sa kalagitnaan ng mga operasyong militar ng AFP, paghuhulog ng bomba at panganganyon.

Isang kaakibat na kampanya ng panunupil ang inilulunsad sa mga syudad kung saan tinatarget ng mga pwersang panseguridad ng rehimen ang mga organisador sa paggawa, maralitang lunsod, estudyante, midya at iba pang sektor. Ang pasistang rehimen ay naglulunsad ng walang-tigil na kampanyang red-tagging at anti-komunistang pagtugis at pagbansag na terorista sa mga organisasyong masa at alyansa, kakumbina ng sarbeylans, pag-aresto at pagpaslang. Ang mga atakeng ito ay isinasagawa ng mga pasistang tropa ng rehimen nang walang pananagutan pareho sa mga prubinsya at pambansang kabisera. Hayagang idineklara ng NTF-ELCAC ang layunin nitong pigilan ang mga progresibong grupong party list na muling makaupo sa kongreso, na lalong magpapakitid sa larangan ng ligal na pagkilos. Ang pinakalayunin ng kampanyang ito ay gawing iligal an mga organisasyong masa at pilayin at pigilan silang ihayag ang kagyat na mga daing at kahingian ng masa sa gitna ng krisis at pigilan silang makapamuno sa kanilang mga pakikibakang masa.

Matapang na paglaban sa kontra-rebolusyon ni Duterte

Pinagpupugayan ng Komite Sentral ang buong Partido, ang Bagong Hukbong Bayan, lahat ng rebolusyonaryong pwersa at ang malawak na masang Pilipino sa mahigpit at mapangahas na pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan kahit sa harap ng matinding kontra-rebolusyonaryong kagipitan. Patuloy silang nagpupunyagi at nagpapatupad ng mahihirap na gawain sa paglaban para sa pambansa at demokratikong mga interes ng masa. Ang mga kadre at kasapi ng Partido, Pulang mandirigma, mga atkibista at masa ay matapang na lumalaban sa malupit at kahindik-hindik na anti-komunistang kontra-rebolusyon ng rehimeng Duterte. Kinakatangian ito ng malawakang-saklaw at sustenidong mga armadong opensiba laban sa BHB at matinding kampanyang panunupil laban sa mga organisasyong masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan.

Ang lumulubhang pang-aapi at pagsasamantala, at mga teroristang atake ng estado na pinakawalan ng rehimeng US-Duterte ay pumupukaw sa malapad na masa ng sambayanang Pilipino na maglunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka para ipaglaban ang kanilang pambansa at demokratikong adhikain. Sila rin ay naglulunsad ng iba pang porma ng paglaban para depensahan ang kanilang mga karapatan at ipaglaban ang kanilang mga kahingian para sa kagyat na ginhawa sa harap ng mabilis na sumasadsad na kalagayang panlipunan. Hindi papayag ang mamamayan na habampanahon nilang titiisin ang di mabatang pagdurusa sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.

Puspusang naglulunsad ng armadong pakikibaka ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa sa kabila ng mahigpit na kahirapang ipinamamalas ng malawakang-saklaw, sustenido at brutal na kontrarebolusyonaryong mga opensiba at kampanyang panunupil. Pinauunlad ng mga yunit ng BHB ang mga taktikang gerilya habang kumahaharap sa pinatinding mga operasyong kontra-gerilya sa kalupaan at himpapawid ng armadong pwersa ng kaaway na malayong higit na nakalalamang sa usapin ng armas at rekurso.

Matagumpay na binigo ng hukbong bayan ang hayag na deklaradong plano ng kaaway na durugin ang BHB na unang itinakda noong katapusan ng 2018, kalauna’y iniusog sa katapusan ng 2020 at kamakailan ay pinalawig muli hanggang 2022. Sa nagdaang taon, bigo ang AFP na wasakin ang kahit anong mayor na rehiyunal o pambansang sentro sa kumand ng BHB. Mahigit isang taon na lamang ang nalalabi sa AFP at tiyak na mabibigo itong muli.

Bagaman may ilang yunit ng BHB na dumanas ng ilang seryosong pag-atras, sa kabuuan, ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB ay nakaiwas sa mga pagkatalo at patuloy na inaangkop ang wastong mga pamamaraan sa gerilyang pakikipaglaban sa malupit na kampanyang gera ng kaaway. Sila ay nagpapakadalubhasa sa mga taktikang gerilya ng konsentrasyon, pagkakalat at paglilipat, pagkukumbina sa gawaing militar at masa (armadong pakikibaka at pampulitikang pakikibaka) para igpawan ang todong kampanya sa armadong kontra-rebolusyon ng kaaway, ipawalang-saysay at gawing inutil ang malawakang-saklaw na mga operasyon ng kaaway at ibayong palalimin ang suporta ng masa sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang ilunsad ang mga pakikibakang antipyudal, anti-imperyalista at anti-pasista.

Para pangibabawan ang mga nakapokus na operasyong militar ng kaaway, ang mga yunit ng BHB ay matalinong gumagamit ng mas malawak na erya para sa mainobra sa pamamagitan ng pagpapalawak sa mga bagong teritoryo at pagrekober sa mga lumang erya at pagbubuo ng mga bagong larangang gerilya, habang sinusustine ang mga pampulitika at militar na pakikibaka sa mga nakatayong erya ng mga laranang gerilya. Sa ganito, maiiwasan nila ang tendensyang ikulong ang sarili sa makitid na erya at labis na konsentrasyon ng mga pwersa. Mayroong mahuhusay na karanasan sa pagpapalawak ng teritoryong gerilya sa mga rehiyon ng Southern Tagalog, Bicol, Negros at Eastern Visayas, na nakapailalim sa kontrol ng militar simula 2018 sa bisa ng Memorandum Order No. 32. Ang rebolusyonaryong masa ay pinakikilos ng BHB para magsakatuparan ng mga kritikal na tungkulin sa pagpapalawak ng BHB at pagrekober sa mga eryang gerilya.

Ang pagpapalawak ng mga eryang gerilya ng operasyon ay nagbigay-daan sa mga yunit ng BHB para mas maging pleksible. Ang mga interyor na erya ay mas mahigpit na naidudutong sa mga kapatagan, sa sistema ng daanan at erya sa baybay-dagat kung saan maaari nilang mas paborableng birahin ang bulnerableng mga daang pinapasukan at nilalabasan ng kaaway, at kung saan maaari silang magpalawak ng gawain sa paniktik, gawaing alyansa at pampulitikang pakikibaka ng masa. Maaari nilang pansamantalang ilipat ang kanilang mga sentro ng operasyon, gawing mga pakpak ang dating mga sentro habang sila ay patuloy na gitgitang nakikisagupa sa mga lumang sentro. Nagkakaroon ng kakayahan ang mga sentro ng kumand na magtayo ng mga kampo sa iba’t ibang lugar.

Patuloy na pinalalakas ng BHB ang opensibong diwa at postura nito. Sa lahat ng panahon, sinusunggaban nila ang inisyatiba, ikinukumpas ang tyempo ng digmaan at umiiwas sa mga depensiba. Sa matalinong pag-iwas sa mga matitigas na target at pagpuntirya lamang sa nahihiwalay, nakahiwalay, mahina at pagod na mga yunit ng AFP at PNP, ang mga yunit ng BHB ay nakapaglunsad ng matatagumpay na taktikal na opensiba laban sa kaaway ngayong taon. Mayroong natatanging mga halimbawa ng taktikal na opensiba sa Bicol, Southern Tagalog, Negros, Eastern Visayas, Northeast Mindanao, North Central Mindanao at Far South Mindanao kung saan binigwasan ng mga yunit ng BHB ang nag-ooperasyong mga tropa ng kaaway na nagsasgawa ng nakapokus na operasyong militar. Ngayong taon, nakapaglunsad ang BHB ng ilandaang mga opensibang militar sa buong bansa.

Ang mga yunit ng BHB ay mulat na nagpapatupad ng mahigpit na antas ng disiplinang gerilya para ipawalangsaysay ang mas mataas na kakayahang militar ng kaaway. Umiiwas silang matiktikan ng kaaway gamit ang tao at mga kagamitang elektroniko sa pamamagitan ng paggamit ng apoy na walang usok, paglalakad na walang iniiwang bakas, paggamit sa kadiliman ng gabi, pagsamantala sa natural na mga panabing at kweba at matalinong paggamit sa mga elektronikong gadyet at signal sa komunikasyon. Umiiwas sila sa mga lumang ruta at nagbubukas ng mga bagong sikretong ruta para lumipat mula sa isang erya tungo sa isa pa. Sa mahigpit na pakikipagtulungan sa rebolusyonaryong masa, nagagawa nilang panatilihing bingi at bulag ang kaaway.

Halos inaanunsyo ng kaaway ang kanilang planong maghulog ng bomba dahil sa maiingay na drone, rekorida ng mga helikopter at maramihang paggalaw ng tropa ng kaaway. Mas madalas kaysa hindi, ang mga yunit ng BHB ay nakalipat na sa ibang erya bago pa makapaghulog ng bomba at manganyon ang kaaway. Naglulustay ng bilyun-bilyong piso ang kaaway sa ganitong mga walang-kwentang operasyon. Sa pagbasa sa mga galaw ng kaaway (pagdami ng tropa, paggamit ng pangsarbeylans na drone, paglalagak at pagpupwesto ng mga kanyon, pinatinding operasyon sa pantiktik at iba pa), nakapagsasagawa ng mga maniobra ang BHB bago pa man kumilos ang kaaway. Sa pagpapalawak ng kanilang erya ng operasyon, ang mga yunit ng BHB ay maaaring makalipat sa malapit o malayong distansya para lumayo sa pokus ng kaaway at bumira sa tagiliran o likuran nito.

Kasama ang Partido at hukbong bayan, makakayanang makatagal at komprehensibong labanan ng rebolusyonaryong masa, kanilang mga organisasyong masa at sangay ng Partido ang panunupil ng kaaway sa kanilang mga baryo gaanupaman katagal. Sa gabay, alalay at inspirasyon dala ng kanilang mga Pulang mandirigma, ang rebolusyonaryong masa sa mga erya ng gerilyang base at larangang gerilya ay pukpukang lumalaban sa kampanya ng armadong panunupil ng kaaway.

Sa mga lugar na nakapailalim sa mga nakapokus na operasyong militar at kung saan inookupa ng mga pwersa ng kaaway ang kanilang mga komunidad, iniaangkop ng masang magsasaka ang wastong pamamaraan ng paglaban na ibabangga ang kanilang kolektibong kagustuhan laban sa armadong lakas ng kaaway. Sa gabay ng larangang gerilya o ng mga komiteng subrehiyon ng Partido at mga yunit ng BHB, ang rebolusyonaryong masa ay kolektibong tumitindig sa pamamagitan ng pagpapalakas at pagpapagana sa kanilang mga organisasyong masa at kanilang mga sangay ng Partido sa lokalidad. Marapat na isagawa ang walang kapagurang propaganda at edukasyon para labnaan ang disimpormasyon at kasinungalingan ng kaaway, gamit ang lahat ng posible at akmang mga paraan ng pagpapalaganap ng impormasyon kabilang ang pamamahagi ng dyaryo, polyeto, pagbabalita sa radyo, paggamit ng kartun o infographics, pagpapakalat ng mga audio file at iba pa.

Sa pamamagitan ng puspusang propaganda at pag-oorganisa, ang masa ay nagiging aktibo sa pulitika at pinupuspos ng diwa ng paglaban. Lumalaban sila sa iba’t ibang malikhain at militanteng paraan tulad ng kolektibong pagbabalewala sa pagpapatawag ng militar, pagsuway sa mga utos ng militar na magpatupad ng gawain, paglulunsad ng mga rali sa baryo ng mga magsasakang armado ng itak na nananawagang palayain ang mga inarestong residente, pangingibabaw sa boses ng militar sa mga tinatawag na dayalogo sa pamamagitan ng paglalahad ng kanilang kagyat na mga isyu sa ekonomya at paggigiit na panagutin ang militar sa kanilang paglabag sa karapatan, pagbabaklas sa mga poster at istrimer sa propaganda ng kaaway, pagsisiwalat sa pagdambong sa mga pondo para sa “integrasyon sa komunidad” at “surrender,” pagsasagawa at pagkoordina sa mga fact-finding mission, at iba pa. Maaari silang magpakana ng napakaraming plano at rason para biguin ang plano ng kaaway na magbuo ng mga lokal na pwersang paramilitar o magtayo ng detatsment sa loob ng o malapit sa baryo.

Nakagagawa ang masa at hukbong bayan ng malikhain at epektibong mga paraan ng komunikasyon at organisasyon upang iwasan ang pagmamanman ng kaaway, tulad ng sikretong mga paraan ng pagpasa ng impormasyon, paglulunsad ng mga sikretong pulong sa loob o labas ng baryo, lihim na mga paraan ng pagkalap ng suplay para sa hukbong bayan, pagdaos ng sikretong mga asembliya ng barangay, paglulunsad ng antipyudal na mga pakikibaka na hindi natitiktikan ng kaaway, at paggamit ng dalawahang taktika nang sa gayon ay nakapagpapatuloy ang mga sosyoekonomikong proyekto ng mga lokal na organisasyong masa kahit sa tungki ng ilong ng kaaway.

Sa pamamagitan ng mahigpit na koordinasyon sa lokal na mga organisasyong masa, sangay ng Partido, at lokal na milisya, naglulunsad ang BHB ng epektibong mga operasyong kontra-paniktik upang tukuyin at inyutralisa ang mga espiya ng kaaway at distrungkahin ang lambat paniktik ng kaaway sa baryo para tulungang mapalakas ang loob ng masa. Nagpapakat rin ang BHB ng maliliit na tim upang magsagawa ng mga operasyong isnayp at partisano laban sa mga yunit ng kaaway o mga tauhang nakahiwalay sa kanilang sentro para mag-igib o maligo sa mga ilog, bumili ng mga suplay, magsabong at magsugal, makipag-inuman at iba pa. Sa ibang rehiyon, napakikilos ang masa upang tumulong sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba gamit ang mga eksplosibong command-detonated para magdulot ng pinsala sa mga tropa ng kaaway at sirain at kanilang kabuuang plano.

Hindi maitatanggi na dumanas ng mga pagkatalo ngayong taon ang ilang yunit ng BHB at larangang gerilya dahil sa internal na mga kahinaan at pagkukulang. Hindi agad na nakaangkop ang ilang kumand sa pinaigting na mga operasyong panghimpapawid at pangkati , at magpatupad at magsagawa ng bagong mga taktikang gerilya at pamamaraan upang biguin at gapiin ang malawakan at sustenidong mga opensiba ng kaaway. Kailangan pang magpakadalubhasa ng ilang kumand ng BHB sa wastong pagpapakat ng mga pwersa at kadre upang ibalanse kapwa ang gawain sa militar at pulitika at sumulong nang paalun-alon. Ang kawalang-kakayahang ito ay nagresulta alinman sa labis na pagkakalat ng pwersa kung saan ang maliliit o pinaliit na mga platun ay sumasaklaw ng sobrang lawak na lugar, o sa pagkukulong ng sarili kung saan nililimita ng mga yunit ang kanilang mga operasyon sa limitadong mga lugar. Mayroon ding problema ng matagalang konsentrasyon o labis na konsentrasyon kung saan mahabang panahon na nakatipon ang malalaking yunit upang maghanda para sa taktikal na opensiba laban sa matitigas na target o magbigay-seguridad sa napakatatagal na aktibidad.

Malubha ring naapektuhan ang ilang gerilyang baseng purok ng walang habas na mga operasyon ng kaaway dahil sa kawalang-kakayahan ng mga komite ng Partido sa larangan gerilya at mga yunit ng BHB na gabayan at tulungan ang lokal na mga sangay at ang masa na labanan ang armadong pag-okupa ng kaaway sa mga baryo, saywar, kampanyang “surender” at todong pasistang panunupil at kontra-rebolusyonaryong dahas. Sa mga lugar kung saan nabigo ang Partido na magbigay ng mahigpit na pamumuno, o kung hindi maipagtanggol ng BHB ang masa at ikoordina ang kanilang kolektibong tugon, nadidisorganisa at nagkanya-kanya ang baseng masa dulot ng sustenidong kampanyang ng mga RCSP ng AFP sa panggigipit, pagbabanta, pagpatay at pag-aresto, gayundin ng pabalat-bungang mga proyektong pangkabuhayan at iba pang aktibidad na pansaywar, kaya nagagawa ng kaaway na papasukin ang mapangwasak na mga negosyo na umaagaw ng lupa at umookupa sa lupaing ninuno ng minoryang mamamayan.

Sa pamamagitan ng masikhay na gawain at pagkatuto sa mga positibong abanteng karanasan, hindi maglalaon ay maiigpawan ang mga kabiguan sa ilang larangang gerilya at rehiyon.

Habang pinangingibabawan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang walang-humpay na armadong kontra-rebolusyon ng rehimeng Duterte laban sa BHB at ang maruming gera laban sa masa, at tuluy-tuloy na sumusulong at nag-iipon ng lakas, ang ligal na demokratikong mga pwersa ay singgiting na nilalabanan ang todong kampanyang panunupil, mga atake laban sa mga karapatang pampulitika at sibil, at panunupil sa ilalim ng hindi deklaradong paghaharing batas militar ng rehimeng Duterte.

Sa kalunsuran, pinakilos ng demokratiko at patriyotikong mga pwersa ang kanilang mga pwersa sa kabila ng matinding paghihigpit na ipinataw ng militaristang lockdown ng rehimen, upang iprotesta ang pagsasabatas ng batas sa terorismo ng estado (ATL) noong Hulyo. Libu-libo ang naglunsad ng mga demonstrasyon upang tuligsain ang ATL at ang hindi deklaradong batas militar ni Duterte sa kabila ng mga banta ng pagsupil ng pulis. Hindi napigilan ng mga pag-aresto sa mga dadalo sa rali ang paglulunsad ng mga piket at iba pang porma ng aksyon.

Dagdag sa ATL, iba’t iba pang isyu ang nagpasiklab ng mga aksyong protesta nitong nakaraang mga buwan kabilang ang pagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN na sinalubong ng linggong mga protesta sa kalsada na nilahukan ng malalapad na seksyon ng lipunang Pilipino.
Ginatungan din ng bigong pagtugon ni Duterte sa pandemyang Covid-19 ang galit sa hanay ng masa, laluna ang pinahabang lockdown at kabiguang magbigay ng kagyat at sapat na ayudang pang-ekonomya sa mamamayan upang pakainin ang kanilang mga pamilya. Sa nagdaang mga buwan, nagpahayag ng malawakang galit sa social media ang mamamayan laban sa pagtanggi ng rehimen na magsagawa ng libreng mass testing para subaybayan at kontrolin ang pagkalat ng bayrus na Covid-19, ang lansakang korapsyon sa pagbili ng DOH ng mga kagamitang medikal, pagtangging parusahan ang mga upisyal ng pulis na lumalabag sa kanilang sariling mga alituntunin, matinding parusa sa mga lumalabag sa karpyu, gayundin sa mga drayber ng dyip na naggigiit sa kanilang karapatang makabalik sa mga kalsada, kawalan ng kumpensasyon at hazard pay para sa mga nars, pahirap na mga restriksyon sa pagbyahe, bigay-bawi na mga patakarang inilalabas ng mga upisyal militar na itinalagang mangasiwa sa krisis pangkalusugan, at maraming iba pa. Ang pambabarat sa planong bumili ng mga bakuna para sa Covid-19 ay pumupukaw sa diskuntento sa hanay ng mamamayan.

Pinasiklab din ang galit ng mamamayan ng mabagal at kulang na tugon ng rehimeng Duterte sa mga sakuna matapos ang magkakasunod na mga bagyo noong Nobyembre. Ang mga biktima ng sakunda ay nagsisimulang magmartsa sa mga kalsada upang igiit ang ayuda at subsidyo bilang kompensasyon sa mga nawala sa kanila.

Pinupukaw ng matinding krisis sa ekonomya ang mamamayan na igiit ang kagyat na ginhawa. Pinalalakas ng mga unyon ang hiyaw ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod, hazard pay sa pagtrabaho sa panahon ng pandemya, regulasyon sa kaligtasan sa trabaho, regularisasyon at paggalang sa kanilang mga karapatan sa pag-uunyon. Naglunsad ng mga protesta ang mga estudyante laban sa magastos na “blended” na sistema ng pag-aaral at kakulangan ng pondong inilaan ng estado para tiyakin ang ligtas na kalagayan sa mga eskwelahan para sa muling pagbubukas ng harapang mga klase sa gitna ng pandemya.

Pinukaw din ng tiraniya at anti-komunistang mga atake ng rehimeng Duterte ang galit ng mamamayan at mga protestang masa. Malawakang galit ang ipinahayag kapwa rito at sa ibayong dagat laban sa ekstrahudisyal na mga pagpaslang, sunud-sunod na pag-aresto, pagkulong at pagsampa ng gawa-gawang kasong kriminal laban sa mga organisador ng mga manggagawa, aktibistang magsasaka, tagapagtanggol sa karapatang-tao, manggagawa sa midya at iba pa, gayundin ang walang-tigil na pag-red-tag ni Duterte at kanyang mga heneral laban sa di-armadong ligal na demokratikong mga organisasyon, at mga personalidad na nagpahayag ng kritikal na opinyon sa rehimen.

Patuloy na lumalakas ang nagkakaisang prente laban sa tiraniya at paghahari ng teror ni Duterte. Lalong nagiging militante ang mga propesyunal, maliliit na negosyante, taong-simbahan, akademiko at iba pang sektor ng panggitnang uri at natutulak na iambag ang kanilang mga boses laban sa mga ekstrahudisyal na pagpatay, pag-aresto, pampulitikang panunupil, pag-red-tag at iba pang paglabag ng mga pwersa ng estado sa mga karapatan para busalan ang mga lumalaban. Pinupukaw din sila na magprotesta laban sa korapsyon, awtoritaryanismo at pagmonopolisa ng kapangyarihan, pagpapakatuta sa dayuhang mga amo at pagbenta ng rehimen sa soberanya ng bansa, at iba pang sakit ng lipunan. Naging mas maingay ang konserbatibong oposisyon sa kanilang mga kritisismo sa rehimen pero nagbubuhos ng mas maraming pagsisikap sa paghahanda para sa eleksyong 2022 sa halip na tumulong sa pagpalakas ng mga protestang masa, hindi tulad noong 1983-1986 at mga buwan bago ang pagpapatalsik sa rehimeng Estrada.
Ang panaka-nakang mga protesta sa nagdaang ilang buwan ay pagpapakita ng malalim at malawakang galit ng malapad na masa ng sambayanang Pilipino laban sa kontra-mamamayan at militaristang mga patakaran ng rehimeng Duterte na direktang nagresulta sa matinding paghihirap laluna sa hanay ng masang anakpawis. Sumiklab ang mga ito sa kabila ng militaristang mga paghihigpit at todong mga atake laban sa ligal na demokratikong mga pwersa na naglayong takutin sila, sirain at guluhin ang kanilang gawain at ilihis ang kanilang lakas. Nakatakdang lumaki pang lalo ang mga protestang ito sa darating na mga buwan dahil ipinababalikat sa malawak na masa ng mamamayan ang bigat ng krisis sa ekonomya na pinalubha ng pagnanakaw at korapsyon ng rehimeng Duterte. Patuloy na umaalingawngaw ang panawagan ng mamamayang Pilipino para sa pagpapatalsik kay Duterte o pagpapabitiw sa kanya.

Palakasin ang Partido, pamunuan ang pagdaluyong ng paglaban at isulong ang rebolusyon

Ang lumalalim at lumulubhang krisis ng malapyudal at malakolonyal na sistema sa ilalim ng pasistang diktadurang US-Duterte ay lumilikha ng kundisyon para matipon bilang isang makapangyarihang daluyong ang demokratiko at rebolusyonaryong paglaban ng mamamayang Pilipino, kapwa sa larangan ng mga protesta sa lansangan at armadong paglaban.

Dapat samantalahin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang lahat ng pagkakataong ibinubukas ng kasalukuyang sitwasyon para magpalakas sa pamamagitan ng pamumuno sa malawak na masa tungo sa mas matataas na mga antas ng paglaban. Bilang pinakamalaking organisadong rebolusyonaryong pwersa at malalim na nakaugat sa inaaping mga uri at panggitang mga sektor, ang Partido ay nasa pinakamahusay na pusisyon para pamunuan ang pakikibaka laban sa tiranikong rehimen at biguin ang plano ni Duterte na panatilihin ang kanyang dinastiya sa poder.

Pinamumunuan ng Partido ang demokratikong rebolusyong bayan na naglalayong wakasan ang sistemang malakolonyal at malapyudal. Absolutong pinamumunuan nito ang Bagong Hukbong Bayan at inilulunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka para ibagsak ang makauring diktadura ng malalaking burgesyang kumprador, malalaking panginoong maylupa at burukratang kapitalista.

Sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, sinusunod ng Partido ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Ipinupundar nito ang BHB mula maliit tungong malaki at mula mahina tungong malakas sa panahon ng estratehikong depensiba, hanggang sa maabot ang estratehikong pagkakapatas sa kaaway at magkaroon ng sapat na kakakayanan para maglunsad ng estratehikong opensiba para kubkubin ang kalunsuran, ibagsak ang reaksyunaryong estado at palitan ito ng demokratikong gubyernong bayan.

Ang Partido ay malalim na nakaugat sa malawak na masa. Hinahawakan nito ang BHB bilang pinakamakapangyarihang ekspresyon ng batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka. Ang mga sangay ng Partido ay itinatatag sa lahat ng yunit ng BHB para magbigay kapwa ng estratehiko at taktikal na pamumuno. Ang BHB ang pinakamahalagang armas ng Partido na pangunahing kumukuha ng lakas mula sa uring magsasaka sa pamamagitan ng pagbubuo sa kanilang mga organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika, at paglulunsad ng agraryong rebolusyon para gapiin ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan.

Para pamunuan ang pagdaluyong ng paglaban ng mamamayan, dapat matalas na gagapin ng Partido ang obhetibong mga kundisyon, kritikal-sa-sariling tasahin ang kalagayan para pangibabawan ang mga kahinaan at kakulangan nito, at komprehensibong palakasin ang sarili sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ang Partido at ang rebolusyonaryong pwersa ay dapat na walang-kapaguran, matapang, at mapangahas na isulong ang kanilang mga gawain sa pag-oorganisa, pagpupukaw at pagpapakilos sa masa gaanuman kahirap o katindi ang kagipitan.

Ang konsolidasyon ng Partido sa ideolohiya ang pinakamahalagang elemento sa pagpapalakas ng sarili at pag-aangat ng kakayanan nito sa pamumuno sa masa.

Habang inilulunsad ang buhay-at-kamatayang pakikibaka laban sa brutal at uhaw-sa-dugong tiraniya, dapat na patatagin ng mga kadre ng Partido sa lahat ng antas ang kanilang mga sarili at ihanda ang isip para harapin at pangibabawan ang mga kahirapan at kagipitan at iwaksi ang paghahangad ng kaginhawaan at kaluwagan. Ang mga kadre ng Partido ay dapat maging modelo ng katatagan habang hinaharap at pinangingibabawan ang mga kabiguan sa pamamagitan ng kritikal na pagsusuri at masusing pagpaplano at ubos-kayang paggampan sa kanilang mga tungkulin.

Dapat nilang laging sikapin na itaas ang antas ng kanilang gawain. Dapat silang matutong mamuno habang lumalaban kasama ng masa at hukbo. Dapat silang mapuspos ng diwang opensibo at mapanlaban, na hindi hinahayaang madaig ng kaaway ang kanilang kapasyahang magmartsa pasulong. Dapat handa silang buong tapang na labanan ang kaaway at tutulan ang imbing mga pakana at plano nito sa lahat ng panahon. Dapat nilang punahin at iwaksi ang konserbatismo, pagkapasibo, katamaran at pagkakampante na nagreresulta sa burukratismo at sa “gaya lang ng dati” na estilo ng paggampan.

Dapat na maging mulat ang Partido at ang mga kadre nito sa kanilang tungkulin sa pagpukaw at pagmomobilisa sa masa. Dapat silang magsumikap na palalimin, palawakin at palakasin ang pag-ugat ng Partido sa masa. Dapat wala silang kapaguran sa paggagawaing masa, pagpopropaganda, pagbubuo ng baseng masa, konsolidasyon at ekspansyon. Ang mga myembro at komite ng Partido ay dapat mulat sa lahat ng panahon sa kanilang tungkulin na iangat ang pampulitikang kamulatan ng masa at ang kanilang determinasyon at kakayanang lumaban. Dapat bigyang inspirasyon ng Partido ang bagong mga aktibista at lider sa hanay ng masa. Dapat lagi nitong itaguyod ang mga hinihingi ng masa at maging mulat sa kanilang kagalingan.

Ang Partido ay dapat patuloy na maging masikhay sa paglulunsad ng Tatlong-Antas na Programa sa Pag-aaral. Dapat nitong tiyakin na makapag-aral ng Batayang Kurso ang mga kandidatong kasapi sa panahon ng kanilang kandidatura para mapanghawakan ang saligang linya sa ideolohiya at pulitika ng Partido. Ang mga bagong ganap na kasapi ay dapat mag-aral ng Intermedyang Kurso isang taon pagkapanumpa upang mahigpit nilang mapanghawakan ang linya at programa ng Partido sa paghahambing nito sa rebolusyonaryong mga karanasan ng China, Vietnam at iba pang bansa. Ang mga kadre ng Partido sa namumunong mga komite at rehiyon pababa sa antas-distrito at seksyon ay dapat kolektibong mag-aral ng Abanteng Kurso para mas mahigpit na mapanghawakan ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at mailapat ito sa kanilang gawain.

Kinakailangan nilang maglunsad ng mga pananaliksik, panlipunang imbestigasyon at makauring pagsusuri sa saklaw ng kanilang pamumuno para matukoy ang mga problema at kahingian ng masa, at palalimin ang pag-intindi ng Partido sa obhetibong mga kalagayan ng malakolonyal at malapyudal na sistema.

Dapat matatag na labanan ng Partido ang lahat ng tipo ng rebisyunismo. Habang lumalakas ang Partido, mas lalo itong inaatake sa lahat ng panig ng mga reaksyunaryo, kontra-rebolusyonaryo, mga Trotskiyista, ultra-“Kaliwa,” at nagpapanggap na mga Maoista. Kinukwestyon ng mga rebisyunista ang linya at pagsusuri ng Partido sa lipunang Pilipino, partikular ang pangangailangang maglunsad ng demokratikong rebolusyong bayan at matagalang digmang bayan para wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema. Layunin ng mga atakeng ito na ipawalang-saysay ang Partido at pahinain ito sa loob, at udyukan ito na magkamali. Dapat palalimin ng mga kadre ng Partido ang kanilang pag-unawa sa kontra-rebisyunismo para palakasin ang kapasyahan at iangat ang antas ng kanilang gawain.

Dapat matapat at kritikal-sa-sariling pag-aralan at tasahin ng lahat ng mga komite ng Partido ang kanilang gawain. Kinakailangan nilang pana-panahong sumahin ang kanilang paggampan para iangat ang kanilang trabaho sa mas mataas na antas. Lahat ng mga myembro ng Partido ay dapat na magpuna at punahin ang sarili para matukoy at mapangibabawan ang kanilang mga kahinaan at kakulangan, labanan ang dogmatismo (teoryang hiwalay sa praktika) at empirisismo (praktikang hindi ginagabayan ng teorya o hindi naiangat sa antas ng teorya), suhetibismo at lahat ng tipo ng oportunismo. Dapat ibayong paunlarin ang kanilang mga kalakasan at kakayanan. Dapat silang laging maging matatag sa pagkokonsolida at pagpapalakas ng Partido.

Dapat masusing pag-aralan ng lahat ng mga komite ng Partido ang mga tagubilin ng Komite Sentral, partikular na yaong pana-panahong inilalabas ng Komiteng Tagapagpaganap.

Dapat na sanayin ng Partido ang mga kadre nito at mga kumander ng BHB sa tungkulin ng pamumuno sa mga yunit ng BHB sa lahat ng antas. Ang pangangailangang maglunsad ng malawakan at todong pakikidigmang gerilya ay tumutukoy sa pangangailangang sanayin ang libu-libong may kakayahang mamuno sa mga platun ng BHB at magdirihe ng gawain ng mga larangang gerilya sa mga subrehiyon, sa paglulunsad ng mga taktikal na mga opensiba, at sa pagpapakilos sa masang magsasaka sa kanilang mga pakikibakang antipyudal.

Dapat palakasin ng Partido ang sarili nito sa organisasyon. Dapat nitong ibayong palawakin ang kasapian at lagpasan ang mga antas na naabot sa nakaraan. Dapat nitong palawakin ang mga sangay at magtatag ng paparaming mga sangay sa mga yunit ng hukbong bayan, pagawaan, maralitang komunidad, kampus ng mga paaralan at kolehiyo, upisina, baryo at komunidad sa kanayunan. Dapat maging bahagi ng plano ng bawat sangay ng Partido ang pagtatag ng mas maraming sangay sa kalapit na mga erya.

Sa kabila ng umiiral na gipit na kalagayan, lahat ng komite ng Partido at kumand ng BHB ay dapat magdaos ng regular na mga pulong para tiyakin ang pagkakaisa. Ang mga pulong ay dapat pinaghandaang mabuti, maiksi at malaman. Dapat magdaos ng mga espesyal na kumperensya sa hanay ng mga kadre para makapagbahaginan at makapagpalitan ng mga impormasyon at karanasan. Ang mga impormasyon at pagtatasa sa abanteng mga karanasan sa iba’t ibang linyang gawain ay dapat maibahagi para mapakinabangan ng ibang mga komite. Dapat magkaroon ng sistema ng komunikasyon sa pagitan ng mga namumunong komite ng Partido sa mga yunit ng hukbong saklaw ng parehong erya ng operasyon para maging maalam ang isa’t isa sa kilos ng kaaway.

Dapat tiyakin ang seguridad ng namumunong mga komite at kadre ng Partido. Sa kanayunan, dapat silang maging mga modelo ng disiplinang gerilya sa pamumuno sa mga yunit ng BHB at pagpapatupad ng mga patakaran para panatilihin ang pagiging lihim at iwasan ang depensibong mga labanan sa kaaway. Ang pagkakakilanlan ng mga namumunong kadre sa mga baryo ay kinakailangang istriktong ilihim sa kaaway. Sa kalunsuran, dapat malalim na mag-ugat ang mga kadre ng Partido sa hanay ng mga manggagawa at masang anakpawis at maging mahusay sa ligtas na mga estilo ng pamumuno. Dapat nilang patuloy na palakasin ang lihim na network ng mga kaibigan, alyado at tagasuporta. Dapat silang magplano at kumilos nang maagap para iwasan ang kara-karakang pagkilos. Dapat lagi silang handang tumungo sa kanayunan para magpakanlong sa mga sona at baseng gerilya.

Ang mga organisasyon ng Partido ay dapat palakasin alinsunod sa mga prinsipyo ng demokratikong sentralismo, na tumutukoy sa sentralisadong pamumunong nakabatay sa demokrasya, at inisyatibang demokratiko sa ilalim ng sentral na pamumuno at paggabay. Dapat iwaksi ang lahat ng porma ng burukratismo at ultrademokrasya.

Lahat ng komite ng Partido ay dapat mulat na magsumite ng regular (arawan, lingguhan, buwanan) at espesyal na mga ulat at impormasyon para ipaalam sa kanilang namumunong komite ang katayuan ng kanilang trabaho at humingi ng gabay at patakarang tagubilin. Sa kabilang panig, ang mga namumunong komite ay dapat maglabas ng napapanahong tagubilin, paglilinaw, patakaran at magbigay ng kinakailangan o kritikal na impormasyon para gabayan ang saklaw nilang mga komite. Dapat maisaayos ang maaasahan at ligtas na sistema ng komunikasyon upang tiyakin ang tuluy-tuloy na daloy ng mga ulat, impormasyon at mga tagubilin. Lahat ito’y mahalaga para panatilihing malusog ang demokratikong sentralismo.

Dapat palakasin ng Partido ang sarili nito sa pulitika. Dapat nitong pukawin, organisahin at maramihang pakilusin ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino at buuin ang pinakamalapad na nagkakaisang prente ng lahat ng demokratiko at patriyotikong pwersa para ibagsak ang pasistang rehimen at biguin ang plano nitong panatilihin ang sarili sa poder.

Dapat itong maging matapang at mapangahas para epektibong pamunuan ang malawak na masa ng mamamayang Pilipino sa pagluwal ng daluyong ng kanilang pakikibaka laban sa pasistang rehimeng US-Duterte, para pangibabawan ang todo-largang kontra-rebolusyonaryong digma ng kaaway, at isulong ang digmang bayan.
Ang Partido ay dapat malalim na mag-ugat at magpalawak sa hanay ng masa. Ang masa ang susi sa pagtatagumpay ng anumang gampanin ng Partido. Dapat laging sikapin ng Partido na mulatin, organisahin at pakilusin ang malawak na masa sa pamamagitan ng pagkabig sa mga panggitnang pwersa at pagsamantala sa mga bitak sa hanay ng kaaway para makipagkaisa sa pansamantalang mga alyado at ihiwalay ang pinakamasama at pinakamalupit na mga reaksyunaryo. Dapat nating iwasan ang sektaryanismo at komandismo na tumutukoy sa kakayanang magpakilos lamang ng maliit na abanteng seksyon nang hindi nahihikayat ang panggitnang mga pwersa. Sa kabilang banda, dapat nating iwasan ang buntotismo, repormismo at konserbatismo na nangangahulugang mahuli sa panggitang seksyon at bigong iangat ang rebolusyonaryong kamulatan ng masa at kanilang determinasyong lumaban.

Sa pamumuno ng Partido, ang malawak na masa ng mamamayang Pilipino kapwa sa kalunsuran at kanayunan ay dapat na maglunsad ng mga pakikibakang masa para isulong ang kanilang kapakanan sa harap ng lumulubhang krisis sa ekonomya at tumitinding pang-aapi at pagsasamantala. Ang kanilang mga pakikibakang pang-ekonomya ay nakaugnay sa kanilang pakikibaka laban sa pinaigting na panunupil dahil kailangan nilang gamitin ang kanilang mga karapatan para ihayag ang kanilang mga hinaing at ipamalas ang kanilang galit. Ang kanilang demokratikong mga pakikibaka ay dapat ibayong iugnay sa mas malawak na rebolusyonaryong layon. Sa kabila ng panggigipit, pagbabanta at todong atake ng tiranikong rehimeng Duterte, dapat patuloy na lumaban ang ligal na demokratikong mga pwersa.

Sa kanayunan, dapat isulong ng Partido ang antipyudal na pakikibaka para imulat at pakilusin nang milyun-milyon ang masang magsasaka at manggagawang-bukid. Ang mga kundisyon sa kanayunan ay hinog para isulong ang antipyudal na pakikibaka habang dinaranas ng masang magsasaka ang mas masasahol na porma ng pagsasamantala at pang-aapi.

Ang antipyudal na kilusang magsasaka ay isang kilusan para sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagwawakas sa usura, pagkuha ng makatwirang presyo para sa kanilang mga produkto at iba pang mga repormang agraryo. Dapat ding labanan ng masang magsasaka ang pagpasok ng mga operasyong pagmimina, plantasyon, turismo, enerhiya at iba pang empresang nagpapalayas sa kanila mula sa kanilang mga sakahan at lupaing ninuno. Ang mga pakikibakang ito ay bumubuo sa pangkalahatang rebolusyonaryong pakikibaka na nakaugnay sa malawak at todong gerilyang pakikidigma at pagbubuo ng mga larangang gerilya sa ilalim ng pamumuno ng Partido. Sa proseso, nabubuo at napatitibay ang batayang alyansa para sa paglulunsad ng armadong pakikibaka. Nabubuo ang antipyudal na nagkakaisang prente sa pamamagitan ng pagsalig pangunahin sa mahihirap at mababang-panggitang mga magsasaka at manggagawang bukid, paghikayat sa panggitnang seksyon ng mga magsasaka, at pagnyutralisa sa mayayamang magsasaka para ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa. Binubuo ang mga rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka, kabataan, kababaihan, mangingisda at minoryang mamamayan. Itinatatag ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika alinsunod sa linya ng nagkakaisang prente.

Ang mga antipyudal na pakikibaka ay nakaugnay sa antipasista at anti-imperyalistang mga pakikibaka at nakabalangkas sa pagbubuo ng pambansa-demokratikong nagkakaisang prente. Ang iba pang mga patriyotiko at demokratikong mga pwersang hindi magsasaka ay namumulat, habang hinihikayat ang mayayamang magsasaka, at nakikipagtulungan sa iba pang di maaasahang alyado laban sa komun na kaaway.

Sa kalunsuran, dapat iangat ng Partido ang antas ng malawak na anti-imperyalista at antipasistang kilusang masa ng mga manggagawa, malaproletaryadong tagalunsod, estudyante at kabataan, at iba pang intelektwal at propesyunal na may mababang kita. Dapat maglunsad ang malawak na masa ng malawakan at sustenidong mga pakikibaka sa ekonomya na dapat nakaugnay at itinataas sa antas ng mga pakikibakang pampulitika. Pangunahing kabilang dito ang mga pakikibakang unyon ng mga manggagawa, pakikibaka para sa trabaho at pabahay ng mga maralitang tagalunsod, pakikibaka laban sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin at matrikula sa edukasyon, at pagpapanawagan para sa libre at dekalidad na edukasyon, serbisyong kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan. Ang mga pakikibakang ito ay nagkakaroon ng katangiang pampulitikal laluna sa harap ng tumitinding panunupil na naglalayong pigilan silang ihayag ang kanilang mga hinaing at isulong ang kanilang mga panawagan.

Sa harap ng malubhang krisis sa kalusugan at ekonomya, dapat na magkaisa at kumilos ang malawak na masang api para sa kagyat na mga repormang sosyoekonomiko kabilang ang kagyat na dagdag-sahod, pinansyal at pangkalusugang ayuda, subsidyong sosyo-ekonomiko, suspensyon o pagpapababa sa paniningil ng upa, pagkansela sa mga utang, libreng mass testing, libreng pagpapa-ospital para sa mga nagkakasakit ng Covid-19, libreng pagbabakuna at iba pang mga hakbang na may kaugnayan sa kanilang kagalingang pangkalusugan at pangkabuhayan. Dapat nilang pakilusin ang kanilang hanay at ilunsad ang kolektibong militanteng mga pagkilos para panagutin ang rehimeng Duterte sa kanilang mga paghihirap at pagdurusa. Ang iba pang patriyotiko at demokratikong mga pwersa, kabilang na ang mga petiburges na mga intelektwal at propesyunal, ay dapat na pakilusin para makibaka para sa kanilang kagyat na demokratikong mga panawagan at suportahan ang panawagan ng masang anakpawis. Ang mga manggagawang pangkalusugan ay dapat magkaisa at isigaw ang panawagang dagdag-sahod, hazard pay, libreng testing, libreng bakuna at iba pa. Dapat pakilusin ng mga estudyante at kabataan ang kanilang hanay para labanan ang pagtataas ng matrikula at, kasama ang mga guro, isulong ang panawagan para sa mas mataas na pampublikong subsidyo para sa pagtatayo ng ligtas-sa-kalusugang mga paaralan at pahintulutan ang harapang mga klase, at para sa libreng pamamahagi ng libreng mga kagamitan at akses sa mas malawak na serbisyo sa internet para suportahan ang edukasyong online.

Ang malawak na antipasistang nagkakaisang prente ay dapat patuloy na palakasin at patatagin para lumaban. Dapat silang patuloy na manawagan para sa pagbabasura ng Anti-Terror Law (ATL), at pagwawakas sa kampanyang pamamaslang sa ilalim ng huwad na gera kontra droga, ekstrahudisyal na pamamaslang, pag-aresto at pagkulong sa mga aktibista, at pagbubuwag sa NTF-ELCAC na nangunguna sa maduming gera ni Duterte laban sa di-armadong masa.

Gamit ang ATL, itinutulak ni Duterte ang todong iligalisasyon ng lahat ng porma ng patriyotiko at demokratikong mga organisasyon at progresibong mga organisasyong party-list na aktibong nagpuprotesta laban sa pasismo, katiwalian at pangangayupapa ng rehimen sa mga dayuhan. Ang mga ligal na demokratikong pwersa ay dapat handang ipagtanggol sa abot ng makakaya ang kanilang mga ligal na karapatan habang gumagamit ng mga pleksible at malikhaing mga pamamaraan ng pagpapatuloy sa pagsasagawa ng propaganda, pag-oorganisa at pagpapakilos para palakasin ang kanilang kakayahang pamunuan ang masa. Dagdag pa, dapat silang gumamit ng mga hakbang para tiyakin ang kanilang kaligtasan habang nagsusulong ng puspusang pakikibaka. Maaari silang gumamit ng mga pamamaraan sa komunikasyon at koordinasyon upang makaiwas sa paniniktik ng estado.

Dapat mabilisang kumilos ang Partido at lahat ng rebolusyong pwersa para tiyakin ang kaligtasan ng mga target ng pampulitikang asasinasyon. Maaari silang ikanlong ng mga lokal na yunit ng BHB, o kung hindi kaya, ay ilipat sa ibang mga baryo o erya sa loob o labas ng larangang gerilya.

Dapat walang kapaguran nating ilunsad ang gawaing propaganda para ilantad ng mga kasinungalingan, disimpormasyon at saywar ng kaaway na naglalayong pahinain ang diwa ng mamamayan at ang kanilang kapasyahang maglunsad ng rebolusyon. Ang mga nakalimbag na kopya ng Ang Bayan at mga pahayag ng Partido, BHB at NDF ay dapat regular na paramihin at ipamahagi. Gumamit ng iba pang mga paraan ng pagpaparami gamit ang mga smartphone o cellphone para palaganapin ang AB at iba pang publikasyon, pahayag, mga balita, awit at ibang audio, bidyo at iba pang rebolusyonaryo at progresibong propaganda at magagamit sa edukasyon.

Dapat igiit ng mga rebolusyonaryong pwersa ang linyang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan at iwaksi ang mga negosasyon ng pasistang rehimen para sa “pagsurender.” Dapat nilang igiit na ang nagpapatuloy na armadong tunggalian sa bansa ay malulutas sa pamamagitan lamang ng pagwawakas sa magpagsamantala at mapang-aping sistema. Dapat nilang ilantad at batikusin ang rehimeng Duterte sa pagsasara nito sa pintuan ng negosasyong pangkapayapaan bilang paraan para tugunan at resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian. Dapat nilang batikusin ang rehimen sa paggamit ng brutal na maduming digma na kinakatangian ng mga armadong atake laban sa mga di-armadong silbilyan at malawakang masasahol na pang-aabuso sa karapatang-tao. Dapat nilang batikusin ang rehimen sa pagsangkalan sa “gera kontra-terorismo” para sarhan ang usapang pangkapayapaan.

Dapat patuloy na idirihe ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan para tuluy-tuloy na isulong ang matagalang digmang bayan sa buong bansa at biguin at pambansang opensiba ng pasistang kaaway. Nakalalamang ang kaaway sa aspetong militar, pero mas mahina sa pulitika. Layon nitong panatilihin ang mapang-api at mapagsamantalang sistema at wala itong suporta ng masa. Dapat patuloy na iangat ng Partido ang kakayanan ng BHB sa paglulunsad ng malawakan at todong gerilyang pakikidigma sa patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa.

Sa paglulunsad ng digmang bayan, dapat nating mahusay na ikumbina ang armado at pulitikal na mga pakikibaka, ang gawaing militar at gawaing masa, ang pagpapaunlad sa gerilyang pakikidigma at pagpapakilos sa malawak na kilusang bayan.

Dapat imulat ng Partido at BHB ang masang magsasaka sa mga sonang gerilya at baseng erya, at tutok na pamunuan ang kanilang aktibo at puspusang paglaban sa nakapokus na mga atake ng kaaway. Dapat nilang mahigpit na gabayan ang masa sa mga pamamaraan ng kolektibong paglaban, gamit ang magkatambal na taktika ng ligal at iligal na mga porma ng aksyon, kumprontasyon at armadong pagdepensa.

Dapat matatag na paunlarin ng Partido ang antipyudal na pakikibakang masa bilang susi sa pagpapakilos at pagkuha ng suporta at partisipasyon ng masang magsasaka sa armadong paglaban. Ang BHB ay patuloy na lalakas at magtatagumpay na pangibabawan ang todong opensiba ng kaaway kung makakayanan nitong paunlarin at isulong ang makapangyarihang antipyudal na kilusan sa buong bansa. Dapat itong magsumikap sa paglulunsad ng antipyudal na mga pakikibaka kahit sa mga eryang nasa ilalim ng mga nakapokus na operasyon, at maging sa mga eryang ekspansyon at rekoberi. Ang BHB ay dapat kumatuwang sa masa sa paglulunsad ng kanilang mga kampanya at pagtatatag ng kanilang mga organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika.

Dapat nating sikaping iangat ang inisyatiba at kapasidad ng masa na maglunsad ng mga pakikibakang pampulitika at itatag ang kanilang mga organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na dapat “ilibre” ang BHB sa gawaing masa para magsagawa lamang ng gawaing militar. Ang BHB ay dapat laging maging aktibo sa mga gawaing propaganda, edukasyon, kultura, medikal at produksyon kasama ng masa. Ang presensya at partisipasyon ng BHB ay dapat laging makita habang inaalalayan nila ang masa sa paglulunsad ng kanilang mga pakikibaka.

Dapat isustine ng Partido ang gawain sa pulitika sa loob ng BHB para itaas ang rebolusyonaryong kamulatan at determinasyon ng mga Pulang mandirigma. Dapat iwasan ng mga yunit ng BHB na nagtatagal na nakahiwalay ang kanilang mga mandirigma sa gawaing masa na nagpapahina sa kanilang militansya at nagpapababa sa kanilang kalidad sa pulitika. Hangarin ng mga Pulang mandirigma ang mapalapit sa masa at magsilbi sa kanila sa kanilang mga pangangailangan at pakikibaka sa araw-araw. Dapat irekulta sa Partido ang mga abanteng elemento sa hanay ng mga Pulang mandirigma. Dapat itayo at ikonsolida ang mga sangay ng Partido sa bawat kumpanya ng BHB.

Dapat patuloy na pamunuan ng Partido ang BHB para igpawan ang mga problema ng pagkulong ng sarili sa makitid na erya sa pamamagitan ng sustenidong ekspansyon sa bagong mga erya at pagrekober sa lumang mga teritoryo. Maaring ilipat ng BHB ang lugar ng operasyon nito kapag nahaharap sa konsentradong lakas ng kaaway sa isang erya, habang ipinagpapatuloy ang gawain sa pulitika sa eryang kinukubkob ng mga pasistang tropa at naglulunsad ng napapanahon at akmang mga armadong atake laban sa mga pasistang tropa. Dapat pamunuan ng Partido ang BHB sa pagbubuo ng bagong mga larangang gerilya at pagsasagawa ng kinakailangang reorganisasyon sa lakas-kumpanyang mga larangang gerilya sa loob ng mga subrehiyon para tiyakin ang akmang balanse ng gawaing masa at gawaing militar at tuluy-tuloy na ekspansyon at paglaki ng BHB at mga teritoryo nito.

Dapat palakasin ng Partido ang diwa at posturang opensibo ng BHB sa pakikidigmang gerilya. Kailangan nitong makuha ang inisyatiba at itakda ang tyempo ng digma. Dapat itong maglunsad ng mga taktikal na opensiba para bigwasan ang mahihinang bahagi ng kaaway para matiyak ang tagumpay, makapagpalakas at matiyak ang tuluy-tuloy na paglaki ng BHB. Dapat mapadugo ng BHB ang kaaway sa isang libong sugat at pagbayarin sa lahat ng mga krimen nito.

Dapat manguna ang Partido sa pagkikintal ng disiplina sa BHB. Maiiwasan nito ang mga depensibong labanan sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa disiplina sa lahat ng panahon. Dapat nitong ipawalambisa ang modernong mga armas ng kaaway sa pamamagitan ng pagkakait dito ng asintadong mga target.

Dapat patuloy na magpakadalubhasa ang BHB sa mga taktika ng konsentrasyon, dispersal at paglilipat para maiwasan ang pangunahing pwersang panagupa ng kaaway, itulak itong sumuntok sa hangin sa kanilang malakihan at magagastos na operasyon, at pagkatapos ay salakayin ang mas mahihinang pwersa nito mula sa gilid o likuran.

Dapat palakasin ng Partido ang pamumuno nito sa antas-rehiyon, subrehiyon at larangang gerilya, at sa iba’t ibang antas ng kumand at yunit ng BHB. Dapat epektibong mapamunuan ng Partido ang BHB sa pagtatayo ng mga subrehiyon bilang mga teatro ng digma para matiyak ang balanse at koordinasyon sa pagitan ng mga larangang gerilya, pakikibaka sa pulitika at militar, at sa mga lugar na interyor at kapatagan.

Dapat itaas ng BHB ang kapasidad nito sa pagdedeploy ng mga pwersa alinsunod sa mga alintuntin sa istruktura ng pwersa ng Partido para matiyak ang wastong balanse ng gawain sa pulitika at militar, at para mahigpit na mapanatili ang inisyatiba at pleksibilidad sa pagdedeploy ng mga yunit ng BHB sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya. Isa itong susing tungkulin ng Partido sa pagdidirehe ng digmang bayan.

Kailangan magbigay tayo ng dagdag na atensyon sa paglulunsad ng gawaing pulitika at propaganda sa hanay ng militar, pulis at paramilitar. Mayorya sa kanila ay nagmumula sa inaaping mga uri. Marami ang dumaranas ng pang-aapi at pang-aabuso ng nakatataas na mga upisyal. Malapit sila sa masang anakpawis at madalas na mayroong mga kamag-anak sa rebolusyonaryong mga organisasyong masa. Dapat silang imulat sa pamamagitan ng paglalantad sa kabulukan ng nahaharing sistema na kanilang pinagsisilbihan at ipinananatili. Dapat natin silang hikayatin para maunaawan ang pagkamakatarungan ng armadong rebolusyon na isinusulong ng kanilang mga kapatid sa uri at manawagan sa kanila na tumigil sa pagsasagawa ng pasistang mga krimen laban sa mamamayan. Dapat ipagpatuloy ang maluwag na pagtrato ng BHB sa mga nabibihag na kaaway para ipakita sa kanila na wala silang dapat ikatakot sa pagsuko kung nasusukol, at hindi nila kailangang makipagpatayan sa mga sagupaan sa pagitan nila at ng BHB. Dapat nating isistematisa at itaas ang antas ng pagpapabaliktad para dumami ang mga tropa ng kaaaway na lalabas sa serbisyo at babaling sa rebolusyon.

Dapat patuloy na makipag-ugnayan ang Partido sa mga pwersang anti-imperyalista at rebolusyonaryo sa buong mundo. Kailangan nating mag-abot ng lahat ng porma ng pakikipagkaisa at tulong sa lahat ng inaaping mamamayan sa kanilang pakikibaka para sa kalayaan, demokrasya at sosyalismo laban sa naghaharing reaksyunaryong mga estado sa kani-kanilang mga bansa. Kasabay nito, kailangan nating magtipon ng simpatya at suporta para sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa pasistang rehimeng US-Duterte para lalupa itong ihiwalay sa internasyunal na komunidad.

Habang pinangungunahan at isinusulong ng Partido ang demokratikong rebolusyong bayan, kailangang handa itong sumagupa sa mas malalaki at mas masahol na kontra-rebolusyonaryong pananalakay. Bilang kasalukuyang tagapamahala ng naghaharing reaksyunaryong estado, ginagamit ng rehimeng US-Duterte ang buong makinarya ng estado para ilunsad ang isang madugong kampanya para wasakin ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at ang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan. Pinangungunahan ng walang kabusugang tiranong si Duterte ang kontra-rebolusyonaryong gera na nagsisilbi sa sarili nitong layuning magkamal ng dagdag na yaman at kapangyarihan, at panatilihin ang kanyang dinastiyang pampulitika. Lumilikha siya ng malalalim na kontradiksyon at bitak sa loob ng naghaharing sistema na nagbubunsod naman ng mga kundisyong higit na paborable sa pagsusulong ng rebolusyon.

Sa pamumuno ng Partido, tiyak na iigting ang rebolusyonaryong mga pakikibakang masa sa darating na taon. Ang malubhang sosyo-ekonomikong kundisyon ng mamamayan sa gitna ng pandemya at sunud-sunod na kalamidad ay isang kumukulong bulkan na napipintong sumabog nang may matinding pagngangalit. Sa pangunguna ng Partido, determinado ang malawak na masa ng sambayanan na labanan ang pasistang mga atake, pabagsakin ang rehimeng US-Duterte at isulong ang digmang bayan.

Back to top

Palakasin ang Partido! Pamunuan ang masa sa pagdaluyong ng paglaban para ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte! Isulong ang rebolusyon!