Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Mensahe sa okasyon ng ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng Kabataang Makabayan

Partido Komunista ng Pilipinas
(Communist Party of the Philippines)
Pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo
Nobyembre 30, 2004

Rebolusyonaryong pagpupugay ang ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mga upisyal at kasapi ng Kabataang Makabayan (KM), sa okasyon ng ika-40 anibersaryo ng pagtatatag nito. Gayundin, nagpapabot din ng rebolusyonaryong pagpupugay ang PKP sa mga aktibistang minsang naging kasapi ng KM na ngayon ay patuloy na yumayakap at nagsusulong sa rebolusyonaryong adhikain ng mamamayang Pilipino, sa anupamang paraan o anyo.

Sa araw na ito, sariwain natin ang alaala ng mga aktibista ng KM na nagbuwis ng buhay sa paglilingkod sa sambayanan. Taimtim na pinararangalan sila ng Partido. Sila ay tunay na mga martir at bayani ng sambayanang Pilipino.

Ang kasaysayan ng Kabataang Makabayan at ng Partido Komunista ng Pilipinas ay mahigpit na magkaugnay.

Itinatag ang KM noong 1964 sa pangunguna ng mga kabataang lipos ng diwang proletaryado. Puspusang pinalaganap ng KM ang rebolusyonaryong panawagan ng proletaryong Pilipino para sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Buong siglang pinakilos ng KM ang kabataan sa iba't ibang larangan ng pakikibaka at paglilingkod sa sambayanan.

Kabilang ang ilang nangungunang kasapi ng KM sa mga unang kasapi ng PKP nang muli itong itatag noong Disyembre 26, 1968. Gayundin, kabilang sa mga unang nagboluntaryong sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga aktibista ng KM. Kabilang din sila sa mga nangahas na manguna sa pagpupundar ng mga sonang gerilya sa buong kapuluan.

Sa nakaraang 35 taon, libo-libo nang kabataan mula sa hanay ng KM, kapwa sa kanayunan at kalunsuran, ang sumapi sa PKP at BHB. Marami sa mga kadre ng Partido ay kabataan. Mas nakararami sa mga kumander ng BHB ang kabataan. Para sa kabataan, ang Partido Komunista at ang rebolusyonaryong kilusan lamang ang nakapagbibigay sa kanila ng pag-asang magkaroon ng malaya at masagang kinabukasan.

Tuluy-tuloy ang agos ng kabataang sumasapi sa Partido at BHB. Dahil laging mayroong bagong dugo, walang kapaguran ang Partido sa pakikibaka upang wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan.

Kung walang mga kabataang tumitindig at humahalili bilang mga mandirigma at kadre, ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan ay tatanda at manghihina. Salamat sa pagpupunyagi ng KM at mga katuwang nitong organisasyon, ang Partido Komunista at ang rebolusyonaryong kilusan ay walang sawang tinatangkilik at itinataguyod ng kabataang Pilipino. Ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ay hindi tumatanda at hindi kumukupas.

Ang paggunita ng KM sa ika-40 anibersaryo nito ay isinasagawa sa harap ng pagsidhi ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema at pagtindi ng pang-aapi at pagsasamantala sa masang anakpawis. Walang kasintindi sa nakaraang 50 taon ang lawak at lalim ng kahirapan, kagutuman at kaapihang dinaranas ngayon ng mamamayang Pilipino. Ang kabataan ay malupit na pinahihirapan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng edukasyon at mga bilihin at ng malawakang disempleyo. Walang ibang masusulingan ang mamamayan at kabataang Pilipino kundi ang lumaban at isulong ang digmang bayan.

Ang mabilis na paglawak ng kasapian ng Kabataang Makabayan nitong nagdaang mga buwan ay isa sa mga palatandaan ng taimtim na hangarin ng mamamayan at kabataang Pilipino para sa rebolusyonaryong pagbabago. Hinahamon ngayon ang KM na puspusan pang pakilusin at organisahin ang kabataang Pilipino tungo sa ibayong pagsusulong ng mga pakikibaka sa lahat ng larangan, laluna sa larangan ng digmang bayan.

Sa mga darating na panahon, inaasahan ng Partido Komunista na oorganisahin at pangungunahan ng KM ang kabataan sa palaki nang palaking mga pagkilos sa lansangan. Sa harap ng walang habas na pagpapahirap ng rehimeng Arroyo, kailangang-kailangang maglunsad ang mamamayan at kabataan ng malalaking pagkilos. Ito lamang ang paraan upang epektibo nilang malabanan ang walang awat na pagtaas ng presyo ng diesel at iba pang produktong langis, pigilan ang pagtaas ng singil sa kuryente at tubig, labanan ang pagtaas ng matrikula at ang pagpapataw ng mga karagdagang buwis at igiit ang pagtaas ng sahod at sweldo, ang tunay na reporma sa lupa at iba pang demokratikong kahilingan ng mamamayang Pilipino.

Sa batayan ng puspusang pagsusulong ng kapakanan ng bayan, lalo pang lalawak ang kasapian ng KM at maoorganisa ito sa mas marami pang lugar. Kailangan tuluy-tuloy na konsolidahin ng KM ang hanay nito bilang salalayan ng ibayo pang pagpapalawak at pagpapalakas nito.

Kasabay nito, tiwala ang Partido na pag-iibayuhin pa ng KM ang mga isinasagawa na nitong programa ng pagsuporta sa armadong pakikibaka. Labis na ikinalulugod ng Partido at BHB ang mga inilulunsad ninyong kampanya para sa pag-iipon ng mga bala at iba pang kagamitang pandigma, pati na rin para sa mga materyal na pangangailangan ng mga Pulang mandirigma.

Pana-panahon, maaari ding maglunsad ng mga kampanyang "Sumapi sa NPA" sa hanay ng mga aktibista ng KM na katatampukan ng mga pag-aaral na nagdidiin sa pangangailangan ng armadong pakikibaka. Hinihikayat ng PKP ang mga kasapi ng KM na magtungo sa kanayunan upang alamin ang kalagayan ng masang magsasaka sa pamamagitan ng pagsanib sa mga pangkat sa gawaing masa ng BHB. Maaari ring makipagkoordina ang KM sa mga kinauukulang kumand ng BHB para magdaos ng mga saligang pagsasanay-militar sa mga sonang gerilya para sa mga kasapi ng KM sa layuning hikayatin silang sumapi sa BHB.

Nawa'y ang paggunita at pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng KM ay magsilbing pagkakataon upang muling pagtibayin ang inyong paninindigang maglingkod nang walang pag-iimbot sa sambayanang Pilipino at isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan.###

Download Doc file here

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.