Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino Bisaya
Read media release   

Ipagdiwang ang ika-35 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! Ipagdiwang ang mga tagumpay sa armadong pakikibaka sa nagdaang taon! Patuloy na paigtingin ang digmang bayan!

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Marso 29, 2004

Buong sigasig nating ipagdiwang ang ika-35 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Magbalik-tanaw tayo sa naging kasaysayan ng digmang bayan sa Pilipinas, sapulin ang mga aral mula rito at tumanaw sa lalo pang pagpapaigting nito sa mga susunod taon.

Ang tuluy-tuloy na paglaganap at paglakas nito sa buong kapuluan mula sa isang maliit at mahinang pwersa, ang malawak at malalim na suportang masa na tinatamasa nito at ang kabiguan ng reaksyunaryong estado na gapiin ito sa kabila ng kasalukuyang superyoridad ng sandatahang pwersa nito sa bilang ng tauhan, lakas ng armas at sa kabila ng malaking suportang pinansyal at materyal mula sa pinakamakapangyarihang imperyalista sa buong mundo-ang lahat ng ito'y patunay ng kawastuan ng linya ng matagalang digmang bayan na itinataguyod ng Bagong Hukbong Bayan sa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ipagbunyi natin ang mga tagumpay ng BHB. Sa okasyong ito ng ika-35 anibersaryo ng BHB, ipinagdiriwang natin ang nakaraang isang taon ng matutunog na tagumpay sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Kaalinsabay, sinasaluduhan at binibigyan natin ng pinakamataas na parangal ang ating mga rebolusyonaryong martir. Kung wala ang kanilang mga naiambag, mga sakripisyo at walang pag-iimbot na pag-aalay ng lahat ng makakaya at pati buhay para sa rebolusyon at sa kapakanan ng sambayanan, hindi sana natin nakamit ang mga tagumpay.

Higit na lumaki ang hukbong bayan sa nagdaang taon. Pinagpupursigihan natin ang pagpaparami ng mga Pulang mandirigma. Nagmumula sila pangunahin sa hanay ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga milisyang bayan sa mga sona at larangang gerilya. Sa pamamagitan ng malawak at sistematikong kampanya sa kalunsuran, dumarami rin ang mga bagong mandirigma na nagmumula sa hanay ng mga manggagawa, maralita ng lunsod, mga kabataan at estudyante. Sa pamamagitan ng puspusang paghihimok at rekrutment, inaasahan ang ilang ulit pang pagdami ng mga sasapi sa BHB sa mga darating na taon.

Muling isinasaayos at higit na pinauunlad ang mga kurso sa pagsasanay ng hukbo. Lahat ay muling pumapailalim sa mga pagsasanay pulitiko-militar. Pinag-iibayo rin ang pagsasanay upang makapagparami at makapagpahusay ng mga Pulang kumander upang makamit ang target na 25% ng mga pwersa ay maging upisyal sa iba't ibang antas.

Pinahuhusay natin ang ideolohikal-pulitikal-kultural na paghuhubog ng mga Pulang mandirigma at Pulang kumander sa pamamagitan ng puspusang pag-aaral at pagsasanay sa mga kursong pampartido, mga kursong pulitikal at mga espesyal na kurso, paglulunsad ng mga pagsasanay at aktibidad pangkultura at paglahok sa mga pampulitikang gawain sa hanay ng mamamayan. Itinutuon natin ang 90% ng kanilang panahon at gawain sa paggagawaing masa at iba pang gawaing pampulitika at 10% sa mga gawaing militar.

Alinsunod sa panawagan ng ika-11 plenum ng Komite Sentral ng PKP, inilulunsad ng iba't ibang yunit ng BHB ang paparami at papadalas na taktikal na opensiba. Mula Hulyo 2003, matagumpay na nakapaglunsad ang BHB ng mahigit isang taktikal na opensiba bawat linggo. Pangunahing target ng BHB ang mga pinakapusakal na yunit ng kaaway.

Binibigyang-diin natin sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ang pampulitikang kahalagahan, kagustuhan ng masa at malilikom na armas. Bago pa man ay tinitiyak ang tagumpay sa bawat taktikal na opensiba sa pamamagitan ng suportang masa, tiyak na intelidyens, mataas na moral ng hukbo, pagsasanay at pagkabisa ng mga pwersa sa ilulunsad na operasyon at mahusay na pamumuno, taktika at teknikang militar.

Sa pagharap sa kaaway, ipinamalas ng BHB ang mataas na kaalaman at kakayahan sa mga taktikang gerilya. Subalit ang susi sa mga pagtatagumpay ng BHB ay ang absolutong pamumuno rito ng Partido, ang dinadala nitong wastong linya sa paglaban at ang tinatamasa nitong malawak at malalim na suportang masa. Ang paglahok at pagtataguyod ng mamamayan sa mga taktikal na opensiba ng BHB ang nagbibigay sa hukbong bayan ng depinidong bentahe sa labanan. Ilang ulit na pinalalaki ng mahigpit na pagkakaisa ng BHB at ng mamamayan ang lakas ng ating hukbong bayan.

Mula sa mga taktikal na opensiba sa nagdaang isang taong pagsusulong ng armadong pakikibaka, nakalikom ang BHB ng ilandaang matataas na kalibreng sandata na makapag-aarmas sa ilampung platun ng mga Pulang mandirigma. Kailangang-kailangan ang mas marami pang sandata upang armasan ang libu-libong inaasahan nating marerekrut sa BHB sa mga susunod na taon.

Sa nagdaang taon, ipinamalas din ng BHB ang mas mataas na kaalaman at kakayahan sa mga taktikang militar. Maging sa mga sitwasyong depensibo, nagagawa ng mga Pulang mandirigma na agawin ang inisyatiba, umiwas sa pinsala at maglunsad ng kontra-atake laban sa kaaway.

Kabaligtaran ng mataas na moral ng mga Pulang mandirigma, batbat ng malawakang demoralisasyon ang reaksyunaryong hukbo dahil sa pagkakalantad ng mga kabulukan, katiwalian at gawaing kriminal sa loob nito, laluna sa hanay ng matataas na upisyal. Lalo pang nadedemoralisa ang mga karaniwang sundalo at nakabababang upisyal ng reaksyunaryong hukbo bunga ng kabiguan ng kanilang mga gerang mapaniil, ng walang pakundangang pagsusuong sa kanila sa di nila matapos-tapos na digmaan, ng pagwawalanghiya ng matataas na upisyal sa mga karaniwang sundalo at kawalan ng pagsasaalang-alang sa kanilang kapakanan, at ng lumalalang pagkakahiwalay ng kanilang hukbo sa masa.

Ang pagkakalugmok nila sa demoralisasyon ay nag-uudyok sa ibang mga sundalo at nakabababang upisyal na maglunsad ng sunud-sunod na mga aksyong protesta at pag-aalsa. Ito rin ang nag-udyok sa pagtiwalag ng isang platun ng CAFGU sa Mindanao noong Agosto 2003 at paglipat nila sa BHB.

Matiyagang pinaliliwanagan ng BHB ang mga sundalo ng AFP at mga pwersa ng PNP at CAFGU upang ilantad ang kabulukan ng mga organisasyong pinaglilingkuran nila, hikayatin silang ipaglaban ang kanilang demokratikong interes at huwag sundin ang mga tiwali, kriminal at anti-mamamayang utos sa kanila, at sa maksimum ay makipagtulungan o sumanib na sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa harap ng pursigidong pagsulong ng digmang bayan, nagiging lalong malupit ang pasista at teroristang kontra-rebolusyonaryong digma ng AFP. Daan-daang libo ang biktima ng mga malawakang operasyon at abusong militar, ng mga pwersahang pagpapalikas at rekonsentrasyon ng populasyon, pagpatay, pamamaril, pagdukot at iligal na pagkukulong, tortyur, panggagahasa, pananakot, pagnanakaw at iba pang pagmamalupit at pagwawalanghiya sa masa.

Humigit-kumulang 12 prayoridad na larangang gerilya lamang ang nakakayanang konsentrahan ng mga tropa ng gubyerno sa isang panahon. Sa naiiwang mahigit 100 iba pang larangang gerilya, maluwag na nakakikilos ang BHB sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagmomobilisa ng masa, sa pagpalawak pa ng rebolusyonaryong baseng masa at sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa nahihiwalay na mga yunit ng kaaway.

Sa mga lugar na kinokonsentrahan ng reaksyunaryong hukbo, kinukumpronta ito at ang reaksyunaryong gubyerno ng mga protesta ng mamamayan mula sa lokal hanggang sa pambansang antas dahil sa dumaraming pang-aabusong militar.

Sa mga darating na taon, lalo pang pag-iibayuhin ng BHB ang pagsusulong ng digmang bayan. Patuloy ang pagpapalakas nito at tiyak na lalagpasan pa nito ang mga tagumpay nitong nagdaang taon. Kung ang bawat isang larangang gerilya ay makapaglulunsad ng isang taktikal na opensiba tuwing tatlong buwan, bukod pa sa mas malalaking taktikal na opensiba ng mga yunit gerilya sa antas rehiyon, di kukulangin sa limang taktikal na opensiba ang bibigwas sa kaaway bawat linggo.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.