Samantalahin ang lumulubhang krisis at paigtingin ang mga opensibang gerilya upang isulong ang bagong demokratikong rebolusyon
Central Committee Communist Party of the Philippines
Disyembre 26, 2004 Malugod nating ipinagdiriwang ang ika-36 na anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas at ang lahat ng tagumpay na naipon ng Partido at sambayanang Pilipino sa bagong demokratikong rebolusyon sa gabay ng Marxismo- Leninismo-Maoismo.
Binabati natin ang lahat ng mga kadre at kasapi ng ating Partido sa lahat ng tagumpay na nakamit sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon. Buo ang kapasyahan nating isulong ang mga tagumpay na ito, magwasto ng mga kamalian at kahinaan at itaas sa bago't mas mataas na antas ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan.
Nakamit natin ang ating mga tagumpay sa pamamagitan ng masikhay na paggawa, puspusang pakikibaka at walang pag-iimbot na pagsasakripisyo. Kagaya ng dati, iniuukol natin ang pinakamataas na parangal sa ating mga rebolusyonaryong martir at bayaning nag-alay ng buhay sa paglilingkod sa bayan.
Makatatamo pa tayo ng higit na mga tagumpay sa pakikibaka upang kumpletuhin ang pambansademokratikong rebolusyon sa pamumuno ng proletaryado at hawanin ang daan para sa rebolusyong sosyalista.
Masasamantala natin ngayon ang lumulubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lokal na naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Mapalalakas natin ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa lahatang-panig na paraan.
Mapaiigting natin ang mga opensiba laban sa kaaway.
1 Krisis ng US at pandaigdigang sistemang kapitalista
Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay nagmumula sa mga pundamental na kontradiksyon sa pagitan ng monopolyong kapital at paggawa, sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan at sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga aping mamamayan at bansa. Sa panahon ng modernong imperyalismo, walang awat na tumitingkad ang kontradiksyon sa pagitan ng sosyal na katangian ng produksyon at pribadong katangian ng pag-angkin sa produkto. Ang paggamit ng mas mataas na teknolohiya at ang higit na kahayukan ng monopolyong burgesya sa ngalan ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" ay lalong nagpalalim at nagpalala sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Walang kaparis ang pagbilis ng konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital sa iilang imperyalistang bansa. Ang pinakamayamang 20% sa daigdig ay nagmamay-ari ng 85% ng kita sa mundo o 150 ulit na mas malaki sa kita ng pinakamahirap na 20%. Ang pinagsamang yaman ng tatlong pinakamayayamang tao sa daigdig, na pawang nasa US, ay mas malaki pa sa gross domestic product (GDP) ng 48 pinakamahihirap na bansang may kabuuang populasyong 600 milyon.
Ang US mismo ay nakaakit at nakapangutang ng napakalaking kapital sa nakaraang mahigit dalawang dekada. Ang kabuuang utang ng pambansang gubyerno ng US ay halos $7.601 trilyon, ayon sa datos ng US Bureau of Treasury. Lumalaki ito nang $2.56 bilyon bawat araw, na kung magpapatuloy ay aabot na sa $8.18 trilyong hangganan na itinakda ng US Senate noong nakaraang buwan sa loob lamang ng 226 araw o sa Nobyembre 17, 2005. Tinatayang $1.6 trilyon ang kabuuang utang ng mga gubyernong estado at lokal.
Idinaragdag dito ng ilang sumusubaybay sa utang ng US ang may $28.1 trilyong utang ng pribadong negosyo at mga pamilya. Sa kauna-unahang pagkakataon mula 1999, nahigitan ng gastos ang kita ng mga pamilya. Lumaki pa ito mula noon. Ang depisit sa kalakalang panlabas ng US ay $579 bilyon noong 2003, mas malaki nang 52% sa $380 bilyon noong 2000.
Nagkaroon ng wala pang kaparis na pagragasa ng mga "pagsasanib" ng mga kumpanya mula 1995 nang samantalahin ng mga higanteng korporasyon ang krisis para lamunin ang mga ariarian ng mas mahihina at mas bulnerableng mga kumpanya. Dadalawang kumpanya na lamang ngayon ang gumagawa ng mga eroplanong komersyal, tatatlong dambuhalang kumpanya ng langis na lamang ang dating "seven sisters" noong dekada 1970 at lalabing- isa (11) na lamang ang noo'y 40 nagsasariling tagagawa ng kotse sa buong mundo. Aabot sa 85% ng pamumuhunan sa buong mundo ang napunta sa mga "pagsasanib" na ito, ibig sabihin, sa mga di-produktibo at napakaispekulatibong maniobra at kumpitensyahan ng mga higanteng monopolyo, habang 15% lamang ang napunta sa pagtatayo ng mga bagong pabrika o industriya at sa pananaliksik at pagpapaunlad.
Isang malaking kasinungalingan ang sinasabing "internasyunalisasyon ng kapital". Sa kalakhan, ang pamumuhunan ay nanatili sa mga imperyalistang bansa at walang pangmatagalan at makabuluhang paglilipat ng produktibong kapital sa mga bansa sa ikatlong daigdig, taliwas sa sinasabi ng mga tagapagtambol ng "globalisasyon". Pinakaesensya at pangunahing diin ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" ang paghadlang o pagwasak sa pambansang industriyal na pag-unlad sa labas ng mga imperyalistang bansa. Katunayan, ang netong nailipat na kapital mula sa mga atrasadong bansa patungo sa mauunlad na bansang kapitalista na nagkahalaga ng $111 bilyon noong 1998 ay halos dumoble tungong $193 bilyon noong 2002.
Ang bahagi ng kabuuang tuwirang dayuhang pamumuhunan na napunta sa mga atrasadong bansa ay 32.6% noong 1990-94. Bumagsak ito tungong 15.9% lamang noong 2000 at umakyat sa 23% ($158 bilyon) noong 2002 at 30% ($172 bilyon) noong 2003. Subalit halos sangkatlo nito�$53 bilyon noong 2002 at $54 bilyon noong 2003�ay napunta sa China. Kung hindi ibibilang ang China, ang porsyento ng tuwirang dayuhang pamumuhunan sa daigdig na napunta sa iba pang atrasadong bansa ay 15.5% lamang noong 2002 at 21% noong 2003.
Nasa depresyon ang mayorya ng mga bansa sa daigdig. Ang mga bansa sa ikatlong daigdig ay mas mabilis na nababaon sa kumunoy ng pagkakautang. Tulad ng Pilipinas, ilang doble na ng kanilang orihinal na utang ang kanilang nabayaran, subalit kailangan pa rin nilang magbayad nang ilang doble ng halagang iyon. Ang utang ng ikatlong daigdig ay $277 bilyon noong 1971, $1.3 trilyon noong 1983 at $2 bilyon noong 1995. Kahit nakapagbayad na sila ng kabuuang $4.5 trilyon sa nakaraang 20 taon, may panlabas na utang pa ring hindi kukulangin sa $2.5 trilyon ang mga bansa sa ikatlong daigdig.
Nagresulta ito sa higit na kapinsalaang pang-ekonomya at panlipunan ng mga bansa sa ikatlong daigdig at mga paurong na bansa sa dating blokeng Soviet, na kalakhan ng inieeksport ay mga hilaw na materyales, mga malamanupaktura at ilang produktong industriyal. Ayon sa International Labor Organization, 2.8 bilyon ang mga taong may trabaho sa buong mundo. Subalit sa mga ito, 1.4 bilyong manggagawa ang nabubuhay sa kulang sa $2 bawat araw, at 550 milyon sa mas mababa sa $1. Lumaki ang pinaliit na upisyal na bilang ng mga walang trabaho, laluna sa hanay ng kabataan. Milyun-milyon ang namamatay taun-taon dulot ng malnutrisyon at kawalan ng maiinom na tubig.
Ang mga sentro ng pandaigdigang kapitalismo, ang US, European Union at Japan, ay matinding hinagupit ng kani-kanilang krisis ng sobrang produksyon at pagbagsak ng pinansya (financial meltdown) at ng depresyon sa mga atrasadong bansa. Tumumal ang kanilang mga ekonomya, sa kabuuan, mula 3.8% noong 2000 tungong 0.8% noong 2001, bahagyang nakabawi tungong 1.7% at 2.8% noong 2002-2004, subalit inaasahang tutumal muli sa 2005-2006. Ang ekonomya ng US, sa partikular, ay tumumal mula 3.8% noong 2000 tungong 0.3% noong 2001, at nakabawi noong kalagitnaan ng 2002 dulot ng malakihang paggasta ng mga konsyumer at ng militar na tinustusan ng malakihang pangungutang.
Sinisikap ng rehimeng Bush na pasiglahin ang ekonomya ng US sa pamamagitan ng pagpapalaki ng produksyong pandigma at paglulunsad ng mga gerang agresyon upang tuluy-tuloy na makonsumo at mapalitan ang imbak nitong mga sandata at makalikha ng mga bagong armas na high-tech. Nanguupat ito ng digmaan, panunupil at tunguhing pasista sa US at sa buong mundo sa pamamagitan ng pagsamantala sa atakeng 9/11 at pagdedeklara ng permanente at panansalang "gera laban sa terorismo."
Ang $435 bilyong badyet sa depensa at ang $100 bilyong gastusing militar na nakatago sa mga aytem na di pangmilitar ay bumubuo nang halos kalahati ng pambansang badyet ng US para sa 2005. Dalawampu't walong porsyento (28%) o $536 bilyon ay nakalaan sa kasalukuyang mga gastusing pangmilitar, kabilang ang $150 bilyon para sa pagbili, pananaliksik at pagpapaunlad, habang karagdagang 14-18% ay para sa mga nakaraang gastos militar sa anyo ng mga pambayad sa interes ng pambansang utang.Bukod rito, humingi si Bush sa Kongreso ng $50 bilyong karagdagang pondo para sa mga operasyon sa Iraq at Afghanistan.
Sa isang tantya, batay sa inilaan ng kongreso, ang gastos sa agresyon ng US sa Iraq ay aabot na sa $152 bilyon sa katapusan ng 2004. Ang pagsalakay pa lamang sa Iraq ay ginastusan na ng $26 bilyon at ang patuloy na okupasyon ay ginagastusan ng $3.9 bilyon buwan-buwan. Di kukulangin sa $5 bilyong halaga ng mga kontrata ang ibinigay sa Halliburton, Bechtel, DynCorp at iba pang korporasyong malapit sa rehimeng Bush. Sa brutal na iskemang pahinain ang Iraq at agawin ang yamang langis nito, sistematikong winasak ng US ang imprastrukturang pang-ekonomya at panlipunan ng bansa at ibinigay ang mga proyektong "pangrekonstruksyon" sa mga korporasyon ng US.
Ang malaking gastos militar ay nagresulta sa bahagya, artipisyal at di maisusustineng pagbangon ng ekonomya noong kalagitnaan ng 2002. Sa kahayukan sa monopolyong supertubo, nakakaligtaan ng US na ang depisit nito sa badyet at kalakalan at ang lumalaking pampublikong utang ay humahatak sa ekonomya ng US tungo sa panibagong yugto ng istagnasyon at pagdausdos.
Bukod sa pagtatangkang muling buhayin ang ekonomya nito sa pamamagitan ng produksyong pandigma, inaagaw ng US ang pinagkukunan at ruta ng suplay ng langis at gas at pinalalawak ang teritoryong pang-ekonomya nito sa pangkalahatan sa pamamagitan ng interbensyong militar at mga gerang agresyon sa Middle East, Central Asia, Balkans, South Asia, East Asia at iba pa. Layunin nitong pahigpitin ang kontrol sa Middle East sa ngalan ng pagpapalaganap ng demokrasya. Sinakop nito ang Iraq at pinalakas ang loob ng rehimeng Sharon na pagpapatayin ang mamamayang Palestino sa Gaza at West Bank.
Sa ngayon, ang US ay lubog sa kumunoy ng Iraq at Afghanistan. Halos 1,500 nang sundalong Amerikano ang napapatay sa Iraq at Afghanistan. Halos 26,000 sundalo na ang nasugatan sa Iraq subalit pinaliliit ito ng Pentagon at sinasabing halos 10,000 lamang. Isandaan-talumpu't anim (136) ang upisyal na bilang ng namatay sa bigong kampanya kamakailan para durugin ang paglaban ng mga Iraqi sa Fallujah at iba pang syudad. Nagpapasabog ang mga mandirigmang Iraqi ng mga tubong daluyan at pasilidad ng langis upang hindi maging kapaki-pakinabang sa US ang agresyon. Sabayan pa ng padausdos na ekonomya, ang lumalaking mga pagkatalo ng US sa Iraq ay nag-uudyok sa mamamayang Amerikano na tutulan ang patakaran ng interbensyon at agresyong militar ng rehimeng Bush sa Middle East, Central Asia at iba pang lugar.
Matapos muling mahalal bunga ng pandaraya, idineklara ni Bush na gagamitin niya ang kanyang kapital pampulitika upang magsulong ng patakaran ng walang rendang agresyon at pandarambong. Dapat kumprontahin ng proletaryado at mamamayan ng daigdig ang tunguhin ng US na palalain ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, mang-upat ng digma at terorismo ng estado sa pandaigdigang saklaw at maghasik ng interbensyong militar at mga gerang agresyon.
Umiigting ang pangunahing kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga aping mamamayan at bansa. Itinutulak ng paglubha ng pandaigdigang krisis sa ekonomya ang mga imperyalista at kanilang mga papet na gumamit ng mas masasahol na anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Kaya umiigting ang mga digma ng pambansang pagpapalaya sa Iraq, Palestine, Afghanistan, Turkey, Nepal, India, Pilipinas, Colombia, Peru at iba pa. Ang mga ito ay naghahatid ng pagasang maputol ang mga galamay ng imperyalismo at nagbibigayinspirasyon sa mamamayan ng daigdig na lumaban hanggang magapi ang imperyalismo sa pandaigdigang saklaw.
Mula't mula'y ikinagagalit na ng US ang tunguhing dekolonisasyon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lalupa't ang mga ito'y aktibong hinikayat at sinuportahan ng mga sosyalistang bansa. Noon pa'y tutol na ito sa mga prinsipyo ng Bandung Conference of Afro- Asian Countries at ng Non-Aligned Movement. Ginamit nito ang neokolonyalismo upang pawalangsaysay ang nominal na kasarinlan ng mga bansang naging malakolonya at dependency1 mula sa pagiging mga kolonya. Bilang kaisa-isang superpower ngayon, sinisikap nitong lalo pang patibayin ang penomenon ng neokolonyalismo at nagsisikap na muling kolonisahin ang ilang bansa sa Africa.
Sa harap ng paglulunsad ng US ng mga gerang agresyon laban sa ilang bansa mula 1991 hanggang sa kasalukuyan, hindi natin dapat maliitin ang kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang bansa (pangunahin ang US) at ng mga bansa at gubyernong naggigiit ng pambansang kasarinlan laban sa labis-labis na mga imposisyon ng imperyalismo at/o bilang sagot sa kahilingan ng mamamayan. Patuloy na naglulunsad ng mga gerang agresyon ang US laban sa Iraq at Afghanistan at nagsasagawa ng interbensyong militar, tulad ng sa Pilipinas, Colombia at Haiti. Pinagbabantaan nito ang ilang bansa, kabilang ang Democratic People's Republic of Korea, China, Cuba, Venezuela, Iran, Syria, Congo at Zimbabwe.
Lumilitaw ang mga kontradiksyon sa pagitan ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan. Tumampok ang ilan sa gayong mga kontradiksyon nang labagin ng US ang UN Charter, ang Geneva Conventions at ang pangdaigdigang batas sa pangkalahatan upang maglunsad ng gerang agresyon laban sa Iraq sa layuning monopolisahin ang yamang langis at balewalain ang mga kontrata ng gubyernong Iraq sa mga kontratistang French, German at Russian. Patuloy na kumukulo ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalista kaugnay ng mga usapin sa pamumuhunan, kalakalan, pinansya at seguridad.
Ibayong pinasisidhi ng lumalalang krisis sa mga imperyalistang bansa ang makauring tunggalian ng monopolyong burgesya at proletaryado. Hinahagupit ng malawakang disempleyo at mas maliliit na kita kapwa ang proletaryado at ang intelihensyang petiburges. Ginagamit din ang sobinismo, rasismo at diskriminasyon sa relihiyon laban sa mga migranteng manggagawa upang ilihis ang atensyon palayo sa mga kapitalistang ugat ng krisis. Nagpapatibay ng mapanupil na mga batas at nagpapatupad ng mga hakbanging may diskriminasyon laban sa mga migrante at refugee sa ngalan ng kontra-terorismo.
Bilang sagot sa lumulubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at sa pagtindi ng pangaapi at pagsasamantala, pinagiibayo ng proletaryado at mamamayan ng daigdig ang iba't ibang anyo ng pakikibaka, kabilang ang malawakang mga kilos protesta, mga welga at armadong pakikibaka. Nagsisikap ang mga partidong Marxista-Leninista na muling pasiglahin ang rebolusyonaryong kilusan sa kani-kanilang bansa at maglatag ng matatag na batayan para muling itayo ang pandaigdigang kilusang komunista. Nagsasama- sama ang mga organisasyon ng mamamayan upang magbuo ng pandaigdigang pagkakaisa at magsagawa ng koordinadong mga aksyong masa laban sa imperyalismong US at iba pang imperyalistang kapangyarihan.
2 Krisis ng lokal na naghaharing sistema
Ang Pilipinas ay isang neokolonyal na buntot ng imperyalismong US. Sa ilalim ng kasalukuyang papet na rehimeng Arroyo, na masugid na tagapagtaguyod ng pagpapanatili ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino, walang kapag-apag- asa ang Pilipinas na makaalpas sa sariling sistemiko at palagiang krisis at sa kasalukuyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Hirap na hirap ang papet na rehimen na makapangutang sa mga imperyalistang tagapagpautang ng sapat na pondong pang-abono sa depisit sa badyet at kalakalan at pambayad ng utang. Kaya napwersa itong aminin ang pag-iral ng isang krisis sa pananalapi ng gubyerno. Sa katunayan, ang krisis ay hindi limitado sa usapin ng pagharap sa lumalaking agwat sa pagitan ng kita at gastos ng gubyerno. Isa itong ganap, kumprehensibo at malalimang krisis sa ekonomya at pinansya ng naghaharing sistema.
Ang malaking nawawala sa kita at paglaki ng gastos na siyang malinaw na dahilan ng dambuhalang depisit sa badyet ay dulot ng paglala ng palagiang krisis ng malapyudal na ekonomya bunsod ng neoliberal na patakaran ng globalisasyon ng "malayang pamilihan." Sa ilalim ng patakarang ito, lumiit ang produksyon para sa lokal na konsumo dahil sa pagtaas ng halaga ng imported na mga sangkap at dahil sa pagtatambak ng mga produkto ng mga kumpanyang dayuhan at malaking kumprador. Pinababagsak ng sobrang suplay sa daigdig ang presyo ng lahat ng hilaw na materyales at mga pang-eksport na mala-manupakturang may mababang dagdag-halaga at nagreresulta ito sa paglaki ng palagiang depisit sa kalakalang panlabas.
Sa ilalim ng liberalisasyon ng importasyon, ang nagpatungpatong na depisit sa kalakalan mula 1995 ay umabot na sa $52.2 bilyon. Umaabot sa `100 bilyon ang nawalang kita taun-taon sa nakaraang 10 taon bunsod ng mga pagkaltas sa taripa at `105 bilyon pa ang nawala bunsod ng pribatisasyon ng mga korporasyong pinagkakakitaan ng gubyerno. Aabot naman sa 20% ng badyet (o katumbas ng `160 bilyon noong nagdaang taon) ang nawawala taun-taon sanhi ng korapsyon, ayon sa isang konserbatibong tantya.
Pinaiigi ng humigit-kumulang P7 bilyon remitans ng mga overseas contract worker ang katayuan ng current account at balance of payments taun-taon. Subalit ang mga ito'y hinuhuthot ng malalaking kumprador at mga dayuhang monopolyo sa pamamagitan ng konsumerismo. Pinalalabas na ang dayuhang pamumuhunan ay napagkukunan ng kailangang-kailangang kapital, subalit sa maksimum ay 40% lamang nito ang tuwirang pamumuhunan, samantalang ang natitira'y mga di-produktibong pamumuhunang portfolio na kalauna'y iniuuwi rin kasama ng tubo. Noong nakaraang taon, ang tuwirang dayuhang pamumuhunan ay umabot lamang sa $1.4 bilyon o 38% ng kabuuang dayuhang pamumuhunan. Dahil ang dayuhan at lokal na pautang na lamang ang naipangaabono sa depisit sa badyet at current account, pumaimbulog ang panlabas na utang tungo sa wala pang kapantay na halos $60 bilyon at ang lokal na utang pampubliko tungo sa halos `2 trilyon. Lumaki naman ang pambayad sa utang tungong mahigit P542 bilyon nitong 2004, na umaabot sa 80.4% ng kita ng gubyerno. Ang tinatayang ibabayad sa interes ng utang sa 2005 ay `301 bilyon o 33.2% ng badyet.
Ipinangangalandakan ng rehimeng Arroyo na malulutas nito ang krisis sa pamamagitan ng pagpapalitaw ng panimulang `83.4 bilyon sa isang bungkos ng di tuwiran at regresibong mga buwis at pagbabawas ng alokasyon sa serbisyong panlipunan at mga lokal na gubyerno. Walang katwiran, kundi man kabaliwan, ang magdagdag ng pasaning buwis sa isang bangkrap at lugmok na ekonomya. Ginagalit nito ang masang anakpawis at mga panggitnang saray ng lipunan na matagal nang pinarurusahan ng mataas na tantos ng disempleyo, malawakang kahirapan at sumasahol na mga serbisyong panlipunan sa kalagayang lugmok ang ekonomya.
Minamaliit ng rehimen ang pagtutol ng publiko sa panukalang mga dagdag na buwis at pagkaltas sa mga serbisyong panlipunan, na ginawa matapos mabunyag ang pandaraya sa eleksyon at pamimili ng boto gamit ang mga rekurso ng gubyerno. Nang matiyak na ang ilang hakbanging panakip-butas tulad ng pagsasabatas ng mga buwis at mukhang sapat nang nagarantiyahan ang mga dayuhang tagapagpautang para muling magpautang, mas tagibang man ang mga kundisyon, kaagad inianunsyo ni Arroyo na tapos na ang krisis sa pananalapi ng gubyerno.
Labis na ikinagagalit ng malawak na masa ng sambayanan ang katotohanang malaking bahagi ng badyet ng reaksyunaryong gubyerno ay napupunta sa pagbabayad ng utang at sa mga pamwersang makinarya ng estado (militar at pulisya) at nagpapataw ng papabigat na mga kundisyon ang mga imperyalistang nagpapautang at lalong iginagapos ang Pilipinas sa walang katapusang siklo ng mga palagiang depisit, konsumerismong nakasalig sa importasyon ng malalaking burukrata at mga nagsasamantalang uri at pagbebenta ng pambansang patrimonya.
Galit ang malawak na masa ng sambayanan sa malawakang pandaraya ng terorismong ginawa ng rehimeng Arroyo upang "manalo" sa eleksyong presidensyal ng 2004. Walang pangingiming binungkal ng pangkating Arroyo ang kabang bayan at kinasabwat ang mga alyado nito sa reaksyunaryong Kongreso upang tiyakin ang kwestyunableng pagwawagi. Kaiba sa mga nagdaang eleksyong pampangulo, ang pinakamahihigpit na kalaban ni Arroyo at mga tagasuporta nila ay hindi tumanggap ng pagkatalo at patuloy na kumukwestyon sa pagiging lehitimo ng rehimen.
Kitang-kita ang kanilang kontradiksyon sa Kongreso, sa mga lokal na gubyerno at sa lumalalang pagkakahati ng militar at pulisya. Ang pagpanaw kamakailan ng pangunahing kalaban ni Arroyo na si Fernando Poe, Jr. ay naging pagkakataon para sa milyun-milyon niyang tagasuporta para ipahayag ang kanilang galit sa rehimen at para magkaisa ang pampulitikang oposisyon sa layuning patalsikin si Arroyo sa pagkapangulo.
Higit ngayon ang pangangayupapa ng rehimen sa imperyalismong US kaugnay ng patakaran ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" at ng tinaguriang gera laban sa terorismo. Ang pagbaligtad kamakailan ng reaksyunaryong Korte Suprema sa desisyon nito laban sa Mining Act ng 1995 ay isang napakapangit na paalala kapwa ng lawak at higpit ng imperyalistang kontrol sa reaksyunaryong estado.
Itinutulak ng naghaharing pangkating Arroyo ang pinakamasasahol na anyo ng pagkatuta at korapsyon hindi lamang sa ehekutibo at lehislatibong sangay ng gubyerno, kundi maging sa hudikatura hanggang sa antas ng Korte Suprema. Ginamit nito ang $50 milyong suhol mula sa mga US, British at Dutch na monopolyong kumpanya ng langis upang bilhin ang mayorya ng mga huwes ng Korte Suprema para baligtarin ngayong buwan ang naunang desisyon ng korte noong Enero 2004 na nagdedeklarang di konstitusyunal ang Mining Act, dahil labag ito sa probisyon ng konstitusyong 1987 na nagbabawal sa mga kumpanyang mahigit 40% pag-aari ng dayuhan na maghanap, magpaunlad at gumamit ng likas na kayamanan ng Pilipinas.
Maaasahan pa ang mas mapaminsalang mga pagbaha at tagtuyot habang nililipol ng mga dayuhang monopolyo at kanilang mga ahenteng malalaking kumprador sa pagmimina, pagtotroso at modernong mga plantasyon ang natitirang kagubatan ng Pilipinas. Binabawasan pang lalo ang produksyong agrikultural para sa lokal na konsumo, pabor sa mga dayuhang monopolyo at malalaking kumprador na dumadambong sa likas na kayamanan. Ginagamit ng mga dayuhang tagapagpautang ang panlabas na utang upang ariin at kontrolin ang likas na yaman ng bansa, isapribado ang mga ari-ariang publiko at bumili ng pangontrol na sapi sa mga pribadong korporasyon. Kasabay nito, pinalalawak ng mga panginoong maylupa ang kanilang mga lupain at pinasasahol ang lokal na pyudalismo.
Bulok sa kaibuturan ang naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa sa usaping sosyo-ekonomiko, pampulitika, pangkultura at moral. Hungkag at katawa-tawa ang islogang matatag na republika. Isa itong bigong pagtatangkang pagtakpan ang palagiang krisis ng sistema at ang kawalang-katatagan, kahinaan at pagkakahiwalay ng rehimen. Gayunman, itinutulak nito ang militar, pulis at paramilitar na mga alipures ng rehimen na maglunsad ng mas brutal na mga atake sa masang anakpawis.
Sa pagsisikap na patatagin ang base ng kapangyarihan nito at sugpuin ang pagbubuo ng isang malawak na nagkakaisang prente laban dito, sinusulsulan ng rehimen ang mga upisyal ng militar at pulisya na magmasaker sa ilang prubinsyang pinili ng mga tagaplanong militar ng US at Pilipinas at atakehin ang mapapayapang welgang manggagawa at kilosprotesta. Duguan ang kamay ng rehimeng Arroyo sa malaon nang serye ng pamamaslang sa mga progresibong lider at aktibistang masa sa Mindoro, Mindanao, Bicol, Quezon at iba pa, mga mamamahayag at iba pang taong-midya, at sa pagmasaker sa mga manggagawa sa Hacienda Luisita.
Ang militar, pulisya at mga handler na imperyalistang US ay pinagkakautangan ng loob at nakahawak sa leeg ng rehimeng Arroyo kaya hinahayaan nito hanggang ang pinakamatataas na upisyal na masangkot sa walang rendang korapsyon kapwa sa paghawak sa pondo ng gubyerno para sa militar at pulisya at pagpapatakbo ng mga kriminal na sindikato at raket. Hindi seryoso ang mga tagausig ng estado sa pag-iimbestiga kay Gen. Carlos Garcia at kanyang mga nakatataas na upisyal sa grabeng pagnanakaw sa pondong pampubliko. Lubhang di angkop ang kasong perjury o pagsisinungaling na isinampa laban kay Garcia sa pagkamkam niya ng daan-daang milyong dolyar na malinaw na kinuha mula sa pondo ng militar.
Kinumpira ng mga internasyunal na ahensya at organisasyon ang ating obserbasyon na ang PNP at AFP ay kabilang sa mga pinakatiwali sa buong mundo. Buu-buong mga kumand ang sangkot sa mga protection racket at mga sindikatong kriminal na sangkot sa iligal na pagtotroso, ismagling, droga, pasugal, kidnapping, carnapping at mga katulad nito. Higit sa ginawa ng mga naunang rehimen, pinagkakalooban ng rehimeng Arroyo ang pinagkakautangang mga heneral ng matataas na pusisyon sa burukrasya, para lalo pa silang makapangurakot ng yaman. Nabubulok at rumurupok ang pamwersang makinarya ng estado sanhi ng madugong ribalan ng mga paksyong militar at pulis sa korapsyon at gawaing kriminal.
Ang kawalang-kredibilidad, kahinaan at pagkakahiwalay ng rehimeng Arroyo ay batid ng US at ng rehimen mismo. Kaya nagkasundo silang ipagpaliban ang pagdaraos ng kumbensyong konstitusyunal bilang pakana upang unahan sa pamamagitan ng alok na baguhin ang anyo ng gubyerno mula presidensyal tungong parlamentaryo ang isang pag-aalsang bayan na naglalayong ibagsak ang kasalukuyang naghaharing pangkatin.
Nagpapakana ang US at ang pinakamasasahol nitong papet na amyendahan ang konstitusyong 1987 upang magpasok ng mga probisyong titibag sa mga karapatang sibil at pampulitika ng sambayanang Pilipino, mag-aalis sa mga nalalabing pambansang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan at magpapawalambisa sa mga pagbabawal sa mga dayuhang base militar at armadong tropa at sa pagpasok, pagdaan at paghihimpil ng mga armas nukleyar, biological, kemikal at iba pang weapons of mass destruction.
Lalu't lalong nahihiwalay ang rehimeng Arroyo habang nagtatangka itong umahon mula sa hukay na ito rin ang may gawa. Bumibigay ito sa labis-labis na mga kahilingan ng mga dayuhang monopolyo at nag-aalok ng mga konsesyon sa mga karibal sa pulitika sa hangaring nyutralisahin sila at hatiin ang oposisyon, habang aroganteng iginigiit ang pagsuko ng PKP-BHB-NDF dito sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa isang walang taning na tigil-putukan. Subalit nakahahalata na ngayon ang oposisyong anti-Arroyo, na nauna nang tumanggi sa mga alok ng rehimen, at mas malamang na ituturing na nitong dagdag na tanda ng kahinaan at desperasyon ang anumang iaalok ng rehimen.
May pananagutan ang rehimen sa paghingi nito sa US, European Council at iba pang gubyerno na ituring at ilista bilang "terorista" ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ang punong konsultant pampulitika ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) upang ipresyur ang NDFP na sumuko sa pakikipag-usap pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), o kung mabigo dito'y paralisahin at kalauna'y wakasan ang mga negosasyong ito.
Labis na nakasalig ang papet na rehimeng Arroyo sa kapangyarihan ng imperyalismong US. Naninindigan ito na makababawi lamang ang ekonomya ng Pilipinas kung susunod ito sa US. At kung hindi posible ang gayong pagbangon ng ekonomya, inaasahan nito ang panghihimasok ng mga tropa at high-tech na sandata ng US para supilin ang bagong demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino. Hindi naiisip ng rehimen na ang ninanais nitong takbo ng mga pangyayari ay maaaring humantong sa pagbagsak nito.
Nagsasabwatan ang US at rehimeng Arroyo para pag-ibayuhin ang interbensyong militar ng US sa ngalan ng pagsusulong ng "gera laban sa terorismo." Naghahalinhinan at pinararami ang mga tropang militar ng US gamit bilang sangkalan ang magkasanib na mga pagsasanay-militar, aksyong sibiko, relief operations at iba pa. Ipinapakat ang mga tropang US sa mga eryang nasa kontrol ng rebolusyonaryong gubyernong bayan at ng BHB.
Kaya tumatanggi ang GRP na makiisa sa NDFP sa pagtataguyod ng may bisa at umiiral na mga kasunduang GRP-NDFP upang labanan ang tinaguriang "terorrist listing" ng US at iba pang dayuhang gubyerno. Ayaw nitong sumang-ayon sa NDFP na muling pagtibayin ang prinsipyo ng pambansang soberanya sa The Hague Joint Declaration laban sa dayong panghihimasok, ang mga garantiya sa kaligtasan at imunidad ng mga awtorisadong tauhan sa negosasyong pangkapayapaan na nilalaman ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees at ang saligang mga karapatan at ang doktrinang Hernandez hinggil sa mga pampulitikang paglabag na nilalaman ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.
Desidido ang rehimen na paralisahin ang negosasyong pangkapayapaan at kalauna'y wakasan ito kung hindi makakamit ang imposible �ang pagsuko ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng NDFP. Ginagawa nitong kundisyon sa muling pagpapatuloy ng pormal na usapan ang walang patutunguhang kahilingang sumuko ang NDFP sa anyo ng pagsangayon sa walang-taning na tigilputukan bago pa man magkaroon ng mga kumprehensibong kasunduan hinggil sa mga repormang panlipunan at pang-ekonomya at mga repormang pampulitika at konstitusyunal.
Alinsunod sa tinaguriang "terrorist listing" ng US at iba pang dayuhang gubyerno bilang pangipit, lalo pang pinagbabantaan ng rehimen ang mga kagawad ng panel at mga konsultant ng NDFP na posible silang patayin at dukutin ng CIA sa ngalan ng antiterorismo at ekstradisyon. Alinsunod sa pagpapaigting ng terorismo ng estado at paghahasik ng mga paglabag sa karapatang-tao laban sa mamamayan, ayaw nitong palayain ang mga bilanggong pulitikal na nakabimbin sa gawagawang mga kaso ng karaniwang krimen, labag sa doktrinang Hernandez hinggil sa mga pampulitikang paglabag. Tuluy-tuloy itong nagmamaniobra upang hadlangan ang pagbabayad-pinsala sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang- tao na nanalo sa mga korte ng US sa kanilang kaso laban sa mga Marcos.
Napakalinaw ng pusakal na pagpapakatuta ng rehimen at ng pakana ng US na tuluyang wakasan ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP at NDF. Dapat manindigan at makibaka ang sambayanang Pilipino at lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa laban sa nag-iibayong mga kampanyang saywar at marahas na panunupil. Dapat tayong maging matatag at matapang sa pagpapaigting ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at iba pang anyo ng pakikibaka.
3 Ang lumalaking pwersa ng rebolusyong Pilipino
Buong-husay na nagagampanan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang namumunong papel nito sa rebolusyong Pilipino. Ito ang abanteng destakamento ng proletaryado na pinapatnubayan ng Marxismo- Leninismo-Maoismo. Binibigyangdireksyon nito ang kondukta ng demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at tinatanglawan ang landas tungo sa yugto ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon bilang transisyon patungong komunismo.
Ang ating Partido ang nangungunang pwersa ng sambayanang Pilipino. Nasa unahan at ubod ito ng rebolusyonaryong kilusang masa, hukbong bayan, mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang tagalunsod, mangingisda, kababaihan, kabataan, propesyunal at iba pang sektor ng lipunan.
Lumakas at sumulong tayo sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka. Natuto tayo nang husto sa mga positibo at negatibong aral mula sa ating karanasan. Nakinabang tayo nang malaki sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa pamamagitan ng muling pagtitibay sa mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo at pagwawasto sa mga kamalian at pagkukulang. Patuloy nating pinalalalim at pinalalawak ang ating rebolusyonaryong kamalayan at pinahuhusay ang ating paggawa at estilo ng paggawa sa pamamagitan ng napapanahon at pana-panahong pagtatasa at ebalwasyon, pagpuna at pagpuna-sa-sarili at mga pulong-pag-aaral kaugnay ng maiinit na isyu.
Ang matagumpay na gawaing pang-ideolohiya ng ating Partido ay kinapapalooban ng pagpapalaganap ng materyalistang dyalektika at pagpapatatag ng ating Marxista- Leninistang paninindigan, pananaw at pamamaraan sa pagharap sa mga usapin ng teorya at praktika. Bukod sa mga pulong kaugnay ng gawain at pag-aaral ng mga organo at yunit ng Partido, naglulunsad ang Partido ng batayan, intermedya at abanteng mga kursong pagaaral upang tiyakin ang antasantas na pag-unlad at pagsulong ng kamalayan ng lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido.
Matagumpay nating nabaka at nagapi ang rebisyunista, empirisista at dogmatikong tipo ng suhetibismo, na sistematikong inilako ng mga lokal na reaksyunaryong pwersa at institusyon at mga taksil. Matagumpay din nating nalabanan at nabigo ang malalaon na at nagpapatuloy na mga ideyang kontra-rebolusyonaryo na ikinakalat ng mga internasyunal na pwersa ng imperyalismo at rebisyunismo, kasabay ng paglalantad ng mga lokal na taksil sa kanilang oportunismo sa pamamagitan ng pag-ugnay at pagsalig sa suporta ng mga Trotskyista, neo- Kautskyista at iba pang internasyunal na pseudo-Marxista.
Sa pandaigdigang saklaw, namumukod ang ating Partido sa pagbaka sa mga pang-ideolohiyang opensibang inilunsad ng mga imperyalista upang maghasik ng kawalang-pag-asa sa hanay ng proletaryado at mamamayan. Ipinangangalandakan ng mga opensibang ito ang "pagbagsak ng sosyalismo" at ang "katapusan ng kasaysayan" kung saan ang kapitalismo at liberal na demokrasya ang pinakarurok at ang di maiiwasang pamamayani ng globalisasyon ng "malayang pamilihan." Tinatangka ng mga imperyalista na isangkalan ang animo'y pananagumpay ng imperyalismo bunga ng neokolonyalismo at ng rebisyunistang pagkakanulo sa sosyalismo.
Epektibong nahadlangan ng Partido ang sarisaring pang-ideolohiyang tunguhing balot ng neoliberal at neokonserbatibong lenggwaheng petiburges. Ang mga tunguhing ito ay iniluluwal ng mga imperyalistang ideolohista at propagandista at pinalalaganap naman ng mga espesyal na ahente ng monopolyo kapitalismo gaya ng mga rebisyunista, sosyal-demokrata, Trotskyista at iba pang antikomunistang petiburges. Sa mapeperang "NGO" at "porum", walang tigil ang mga ahenteng ito sa pagpapanukala ng mga reporma sa ikahuhusay ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Ang katangi-tanging mga tagumpay ng Partido sa gawaing pang-ideolohiya ay sinusuhayan pa ng mga tagumpay sa gawaing pampulitika sa Pilipinas sa gitna ng lumulubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema. Ang krisis ay nagpapalinaw sa kagyat na pangangailangang maglunsad ng digmang bayan at rebolusyong panlipunan at naglalatag ng mainam na kalagayan para sa pagdami ng mga rebolusyonaryong pwersa.
Tuluy-tuloy nating napatutunayan na hindi madudurog ng mga imperyalista ng US at mga tuta nila ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas hangga't tumatalima tayo sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Pawang nangabigo ang 14 na taong pasistang diktadurang Marcos at mga sumunod na rehimeng nag-astang demokratiko. Napinsala at nalagay sa panganib ang rebolusyonaryong kilusan nang salungatin ng mga Kanan at "Kaliwang" oportunistang linya ang pangkalahatang linya. Ngunit ang mga linyang ito ay nahadlangan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.
Sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pakikipagkaisang prente kapwa sa ligal at armadong pakikibaka, naimulat, naorganisa at napakilos ng ating Partido ang milyun-milyong mamamayan. Mula sa mga mapagpasya at militanteng pakikibakang masa, malaking bilang ng mga aktibista ang napalitaw at sumulong pa at naging mga kadre at kasapi ng Partido. Kaya ang ating hanay ay tuluy-tuloy na napupunan at nadaragdagan ng mga kasapi at kandidatong kasaping mahigpit na nakaugnay sa masang anakpawis.
May ilampung libong kasapi ang ating Partido. Mulat sila sa disiplinang bakal. Pinagbubuklod sila ng pangkalahatang linyang pampulitika at ng linyang masa ng Partido. Nagkukusa at nakatitindig sila sa iba't ibang larangan ng gawain at pakikibakang panlipunan. May kakayahan silang tumupad sa pangkalahatan at partikular na mga tungkulin ng rebolusyon. Isinasanib ng ating Partido ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa rebolusyonaryong reporma sa lupa at pagtatayo ng rebolusyonaryong baseng masa.
Lumalakas at sumusulong ang BHB sa pamamagitan ng sistematikong rekrutment ng mga mandirigma mula sa hanay ng mga aktibistang masa, pulitiko-militar na pagsasanay at mga taktikal na opensiba para makasamsam ng mga armas sa kaaway.
Nagsusulong tayo ng reporma sa lupa bilang pangunahing kampanya kampanya upang tupdin ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon at gayo'y hikayatin ang aktibong paglahok at suporta ng masang magsasaka. Masigasig nating inilulunsad ang minimum na programa ng reporma sa lupa at inilalatag ang batayan ng maksimum na programa. Tuluytuloy nating binubuo ang baseng masa. Kinabibilangan ito ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng iba't ibang tipo ng organisasyong masa.
Ang armadong pakikibaka ang pangunahing anyo ng pakikibaka dahil tinutugon nito ang sentral na usapin sa pagrerebolusyon, ang pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika. Libu-libo ang mga kumander at mandirigma ng BHB. Kumikilos sila sa 128 larangang gerilya at sa makabuluhang bahagi ng halos 70 sa 74 na prubinsya, mahigit 800 sa 1,500 munisipalidad at mahigit 10,000 sa 45,000 barangay sa buong bansa.
Habang tumatatag at lumalawak ang ating mga larangang gerilya, dumarami ang masang naoorganisa, lumalahok at nakikinabang sa rebolusyonaryong reporma sa lupa at iba pang pakikibaka sa ilalim ng bandila ng bagong demokratikong rebolusyon. Pinalalawak at pinagdudugtung-dugtong ang mga larangang gerilya upang magkaroon ng mas malawak na maniobrahan at maging mas pleksible ang ating mga pwersang gerilya.
Itinatayo ng BHB ang mga panrehiyong sentro de grabidad, gamit ang mga larangang gerilya bilang malawak na base sa bawat rehiyon. Pinangangalagaan ng mga sentro de grabidad na ito ang seguridad ng mga sentral at panrehiyong kadre at nagsisilbi silang base para pamunuan ang iba't ibang tipo ng kampanyang masa sa panrehiyong saklaw at maglunsad ng mga taktikal na opensibang mas malalaki kaysa dati (nilalahukan ng isa, dalawa o tatlong platun) sa pamamagitan ng pagsasanib ng panrehiyon at panlarangang mga yunit gerilya.
Naabot na ng BHB ang mapagpasyang laki para magpaigting ng mga taktikal na opensiba at makasamsam ng armas sa bilis na walang kaparis sa nakaraan. Naitaas na nito ang kakayahang mang-aresto ng pinakapusakal na mga tuta ng imperyalismong US, pinakatiwaling mga upisyal, pinakamalulupit na lumalabag sa karapatang-tao, pinakamasasahol magsamantala at mga pinuno ng mga sindikato sa iligal na droga at iba pang gawaing kriminal para imbestigahan at, kung may sapat na ebidensya, litisin.
Ginagamit ang patakaran at mga taktika sa pakikipagkaisang prente upang pukawin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong mamamayan para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan, gayundin sa ligal na demokratikong kilusang masa sa kalunsuran. Pinamumunuan ng Partido ang iba't ibang tipo ng alyansa, tulad ng saligang alyansang manggagawa-magsasaka, progresibong alyansa ng masang anakpawis at ng petiburgesyang lunsod, patriyotikong alyansa ng mga progresibong pwersa at ng panggitnang burgesya at malawak na alyansa ng mamamayan at ng ilang reaksyunaryong pwersa laban sa kaaway.
Ang saligang alyansang manggagawa- magsasaka ang pinakamaaasahang pundasyon ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Tinitiyak nito ang makauring pamumuno ng proletaryado at, kaalinsabay, ang suporta ng pinakamalaking pinagsasamantalahang uri sa lipunang Pilipino. Upang maging puspusan at hindi magapi ang demokratikong rebolusyon, dapat buuin ng uring manggagawa ang antipyudal na nagkakaisang prente. Nagagawa ito sa pamamagitan ng pagsalig pangunahin sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, pagkabig sa mga panggitnang magsasaka, pagnyutralisa sa mayayamang magsasaka at pagsamantala sa mga hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng mga despotikong panginoong maylupa.
Sa mga panahon ng krisis tulad ng kasalukuyan, lumalaki ang pagnanais ng petiburgesyang lunsod na makiisa sa masang anakpawis sa isang progresibong alyansang antiimperyalista, antipyudal at antipasista. Papalaking bilang mula sa panggitnang burgesya ang kusang nakikiisa sa mga progresibong pwersa sa isang patriyotikong alyansang anti-imperyalista. Dagdag pa, kumikilos ang ilang seksyon ng mga reaksyunaryo upang umanib sa malawak na alyansa para pabagsakin ang pangkating itinuturing na kaaway, dahil ito ang pinakareaksyunaryo at pinakasunud- sunuran sa imperyalismo.
Sa ngayon, nabubuo ang isang malawak na nagkakaisang prente laban sa rehimeng Arroyo. Sa pagpapakatuta, katiwalian, kalupitan at pangangayupapa ng rehimen, inaalisan ito ng kredibilidad, pinahihina at inihihiwalay ng nagkakaisang prente. Hindi maglalao'y makagagawa ang rehimen ng isang kabulastugang magpapasiklab ng isang pag-aalsang masang katulad ng nagpabagsak kina Marcos noong 1986 at Estrada noong 2001.
Lalakas pa ang mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanan habang nag-iipon ang malawak na nagkakaisang prente ng gabagyong lakas na makapagpapabagsak sa rehimen. Kapag napabagsak na ang rehimen, maaaring hindi pa maging pabor ang balanse ng pwersa para mapasakamay ng mga rebolusyonaryong pwersa ang poder.
Ngunit sa panahong iyon ay mas malakas na sila higit kailanman at mas mahina naman ang naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Gayon na lamang ang inabot na rebolusyonaryong lakas, yaman ng karanasan at taas ng prestihiyo ng Partido kaya dito tumatanaw ang ibang partido komunista at rebolusyonaryong pwersa para makipagpalitan ng ideya, pananaw at karanasan at para magkaroon ng prinsipyadong pagkikipagkaisa at praktikal na kooperasyon. Kaya gumaganap ang Partido ng makabuluhang papel sa pagsisikap na muling itayo ang pandaigdigang kilusang komunista. Kabilang din ito sa mga nangunguna sa pagtatayo ng malawak na pandaigdigang nagkakaisang prente laban sa imperyalismong US.
Lubos nating ikinagagalak ang mga nakamit natin sa gawaing internasyunal. Kabilang sa mga ito ang pagkakabuo ng mga patriyotiko at progresibong organisasyon sa hanay ng ating mga kababayan sa ibayong dagat at ng internasyunal na pagtutulungan at pagsusuportahan sa antas ng mga partido gayundin sa antas ng mga organisasyong masa.
Matibay ang ating paninindigan na ang pinakamahalagang proletaryo- internasyunalistang tungkulin natin ay ang pamunuan ang rebolusyong Pilipino tungo sa tagumpay at kapagdaka'y ibayo pang mag-ambag sa pandaigdigang rebolusyong proletaryo at sa malawak na anti-imperyalistang kilusan ng mamamayan ng daigdig.
4 Samantalahin ang krisis at paigtingin ang mga opensibang gerilya
Dapat samantalahin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema upang isulong ang rebolusyon. Dapat nitong kundenahin nang puspusan ang labis na mapang-api at mapagsamantalang katangian ng imperyalismong US at mga lokal nitong papet. Dapat nitong pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan sa paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.
Sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagpapatatag, dapat magpalakas ang Partido gayundin ang lahat ng iba pang rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino. Dapat palakasin ang BHB, ang National Democratic Front of the Philippines, ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ang mga organisasyong masa. Subok at napanday na sa rebolusyonaryong pakikibaka ang lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa.
Dapat patuloy na bigyangpansin ng PKP ang gawaing pangideolohiya, laluna ang mga paglalagom ng karanasan, mga pormal na kurso ng edukasyong pam-Partido at pagpapaunlad ng gawain sa pamamagitan ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili. Dapat tayong magbantay laban sa mga suhetibistang tunguhin ng pagiisip tulad ng rebisyunismo, empirisismo at dogmatismo at laban sa mga "Kaliwa" at Kanang oportunistang tendensya habang sumusulpot ang mga bagong kalagayang puno kapwa ng mga kahirapan at mga oportunidad.
Dapat imantine at itaguyod ang bwelo at kasigasigan sa pag-aaral at mulat na praktikang iniluwal ng IDKP. Ang mga aral na nahalaw sa pagwawasto sa lahat ng larangan ng gawain ay mahalaga sa pagsusulong ng pakikibaka tungo sa bago at mas mataas na mga antas ng tagumpay. Dapat tayong mahikayat na ibayo pang sumulong sa harap ng malawak na pagkilala sa ating mga tagumpay, habang sira naman ang reputasyon ng mga lokal na reaksyunaryo at taksil gayundin ng mga imperyalista at mga bayaran nilang ideolohista at publisista sa gitna ng lumulubhang pandaigdigang krisis ng kapitalismo.
Dapat pamunuan ng Partido ang BHB sa paglulunsad ng masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya sa yugto ng estratehikong depensiba. Dapat nating ipaglatag ng papalalim at papalawak na baseng masa ang pakikidigmang gerilya sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Ang mga ito ay dapat pasiglahin ng reporma sa lupa at iba pang kampanyang kapaki-pakinabang sa mamamayan. Kailangan ang pagsasanib ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, reporma sa lupa at pagtatayo ng baseng masa para magtagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon.
Dapat atasan ng PKP ang BHB na pag-ibayuhin ang mga armadong taktikal na opensiba laban sa kaaway. Ang dapat ilunsad ng BHB ay yaon lamang mga ambus, reyd at pang-aarestong tiyak na maipagtatagumpay bunga ng tumpak na impormasyon, masinop na pagpaplano, sorpresa at lubos na inisyatiba, superyor na lakas at maagap na pag-atras. Dapat nitong birahin ang pinakabulnerableng mga yunit, instalasyon at linya ng suplay ng kaaway. Dapat nitong arestuhin, litisin at parusahan ang pinakakinamumuhiang mga mapang-api at mapagsamantala.
Dapat sagpangin ng PKP at BHB ang lahat ng pagkakataon para durugin ang kapasyahang lumaban ng kaaway kapwa sa pamamagitan ng proseso ng paglipol sa mga labanan at sa proseso ng disintegrasyon sa pamamagitan ng masikhay na gawaing pampulitika sa hanay ng kaaway at sa mga nabibihag sa digmaan. Dapat nating samantalahing lubos ang paksyunalismo at demoralisasyong kumakalat sa AFP at PNP makaraang mabunyag ang pandidispalko ni Garcia na kung tutuusi'y nagpatunay sa mga akusasyon ng grupong Oakwood laban sa pinakamatataas na upisyal ng AFP.
Dapat tuluy-tuloy na pagaralan at ayusin ng mga responsableng organo ng PKP ang mga tauhan at pamamaraan sa pagpapaunlad ng ugnay sa mga karaniwang sundalo at mga nakabababa't panggitnang upisyal ng militar at pulisya. Dumarami sa kanila ang nagrereklamo at nagpoprotesta laban sa mahihinang klaseng bota, helmet at sandatang iniiisyu sa kanila at sa pagpapasuong sa kanila sa mapapanganib na labanan habang ang mga kumander at kanilang mga upisyal sa lohistika at pinansya ay nagpapakasasa sa kanilang pondo at nagpapatayo ng mga mansyon para sa pagreretiro. Nagpupuyos sila ngayon sa mas matinding disgusto at malalim na galit sa pinakamatataas nilang kumand habang nabubunyag ang katiwalian sa pinakamatataas na antas na higit na malawak kaysa kanilang hininala o nababatid.
Estratehiko nating minamaliit ang high-tech na mga sandata ng imperyalismong US. Hindi sandata kundi ang mamamayang napakikilos ang mapagpasya sa kalalabasan ng digmaan. Epektibo ang mga high-tech na sandata sa pagwasak ng mga nakapirming istruktura, pagpapaluhod sa mga gubyernong hindi suportado ng mamamayan at paglulunsad ng mga mabilisang pananakop.
Subalit oras na masakop na ng US ang isang bansa at magsikap na itong maghakot ng pakinabang, matagumpay na makapaglulunsad ang mamamayan ng pakikidigmang gerilya laban sa mga sundalong Amerikanong magiging bulnerable dahil sa nakapirmi nilang mga pusisyon at mahahabang linya ng suplay. Sa kahuli-hulihan, napupwersang umatras ang mga imperyalista kapag dumarami ang kaswalti at hindi natatamo ang inaasahang pakinabang. Napatunayan na ito sa Vietnam at muling napatutunayan sa Iraq. At tulad rin sa Vietnam, kahit ilang eleksyon ang ilunsad ng US ay hindi mapagmumukhang mga makabayan o demokrata ang mga papet.
Hindi epektibo ang mga hightech na sandata ng US laban sa pakikidigmang gerilya ng mamamayan na napakamakilos at hindi naglalantad ng mga nakapirming target para sa kaaway. Nakukuha ng mga Pulang mandirigma ang superyoridad sa taktika at ang inisyatiba at nalilipol nito ang kaaway sa pamamagitan ng sorpresa at malapitang labanan at sa pagkakataon at lugar na tayo ang nagtatakda. Sa ngayon, ang papet na gubyerno at ang mga pwersang militar, pulis at paramilitar nito ang naglalantad ng sarili at ng kanilang mga nakapirming istruktura at linya ng suplay bilang mga target ng taktikal na opensiba.
Nakahanda ang BHB na labanan ang mga mapanghimasok na tropa ng US at ang mga tropang papet na sinasanay nila upang pumatay ng mga Pilipino. Lalo pa itong inihanda ng pagsasanay pulitiko-militar upang labanan maging ang isang ganap na gerang agresyon ng US. Sinisikap nito ngayong magpaunlad ng kakayahang gumawa at gumamit ng mga sandatang katulad ng ginagamit ngayon ng mga Iraqi. Malaki ang matututunan ng mga Pulang kumander at mandirigma sa matatagumpay na matagalang digma ng pambansang pagpapalaya laban sa agresyon ng US.
Nawawalan ng bisa ang mga cruise missile, high altitude bomber at napakaraming klaseng weapons of mass destruction ng US kapag ang mga tropang mananakop at kaugnay na mga tauhan ng US ay nasa lupa na at nagtatangkang likumin ang pakinabang ng gera. Sila na ang magiging target ng mga riple, granada, rocket-propelled grenade, improbisadong pampasabog, mortar at iba pang pangmalapitang armas ng mamamayan at ng hukbong bayan.
Dapat buuin ng PKP ang malawak na nagkakaisang prente para lalo pang ihiwalay, pahinain at tuluyang pabagsakin ang papet na rehimeng Arroyo. Ang gayong nagkakaisang prente ay mabubuo batay sa alyansang manggagawamagsasaka, alyansa ng mga progresibong pwersa at alyansa ng mga patriyotikong pwersa, na dapat tuluy-tuloy na palakasin sa pamamagitan ng iba't ibang anyo ng pakikibakang masa. Ang malawak na masa ng sambayanan ay nagkamit ng pampulitikang edukasyon at karanasan sa mga nakaraang pakikibaka upang ibagsak ang mga papet na rehimeng Marcos at Estrada. Kapag tama ang mga panawagan at anyo, pamamaraan at kumpas ng pakikibaka, muling mapakikilos ang ilampung libo at daan-daang libo, at kalauna'y ang milyun-milyong mamamayan upang patalsikin ang rehimeng Arroyo.
Dapat manatiling desidido ang ligal na demokratikong kilusan at ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa pakikibaka para ibagsak ang papet na rehimeng Arroyo. Dapat nilang palahukin ang malawak na masa ng mga di organisado, imulat sila at itaas ang kanilang kamalayang pampulitika, organisahin at pakilusin sila sa iba't ibang kampanya at pagkilos. Ang mahalaga ay makapag-ipon ng lakas sa magkakasunod na kampanya sa pamamagitan ng pagtataas ng antas ng kamalayan at pag-oorganisa ng mas maraming mamamayan, laluna mula sa batayang masang anakpawis.
Dapat gamitin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang lahat ng anyo ng pakikibak |