Isang bukas na liham ni Fr. Santiago Salas sa mga karaniwang tauhan at nakabababang upisyal ng AFP at PNP sa Silangang Bisayas
Fr. Santiago "Sanny" Salas Spokesperson in Eastern Visayas National Democratic Front of the Philippines
Nobyembre 25, 2004
Mga kapatid sa 8th Infantry Division at Police Regional Office-8,
Bumubukas sa inyo ang mga rebolusyonaryong manggagawa, magsasaka, kababaihan, estudyante, propesyunal, mga taong Simbahan, mga maliliit na negosyante at iba pang demokratikong uri at sektor na bumubuo sa National Democratic Front-Silangang Bisayas. Kapwa tayong mga Pilipino at inaapi ng naghaharing sistema. Batid namin na karamihan sa mga ordinaryong tauhan at nakabababang upisyal ng 8th Infantry Division at Police Regional Office-8 ay nagmumula rin sa mga magsasaka at manggagawa at iba pang mahihirap sa ating lipunan. Marami sa inyo ay galing mismo sa rehiyon at nagtatanong marahil, kung bakit kaharap nila minsan sa larangan ng digmaan ang mga kamag-anak o kaibigan na nasa rebolusyonaryong kilusan.
Ngunit hindi na nakapagtataka sa kasalukuyang panahon kung bakit may rebolusyon, o bakit may diskuntento sa militar at kapulisan, laluna sa loob ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa gitna ng sumisidhing krisis sa kahirapan, kinamumuhian ng mga karaniwang sundalo, nakabababang upisyal at buong sambayanan ang pagsiwalat ng malawakang korapsyon sa mismong pamunuan ng AFP. Kinamumuhian ng karaniwang sundalo ang mababang sweldo, bulok na kagamitan at serbisyong pangkagalingan, at pagtitiis sa hirap ng digmaan, habang nagtatayuan ng magagarang mansyon ang mga milyonaryong heneral ng AFP. Dito sa Silangang Bisayas, bahagi lamang ang mababang katayuan ng mga sundalo at pulis sa mas malawakang kahirapan ng isa sa pinakahikahos na rehiyon ng Pilipinas.
Laging nagmamayabang ang pamunuan ng 8th Infantry Division na kaya nitong supilin ang rebolusyonaryong kilusan. Ngunit, araw-araw, namamasdan ng mga karaniwang kawal at nakabababang upisyal ang papalalang kahirapan na tumutulak sa mamamayan na magrebolusyon. Sa paglalantad ng kalawang ng korapsyon hanggang sa mismong pinakaubod ng AFP, nabibigyang linaw ang mga ordinaryong tauhan at nakabababang upisyal ng 8th Infantry Division. Kayo rin ay mga biktima mismo ng naghaharing sistema na inyong sinumpaang ipagtanggol, ngunit bulok sa kaibuturan.
Walang mapatutunguhan ang pagkukunwari kapwa ng matataas na upisyal militar at sibil ng gubyernong Arroyo na kayang linisin ang AFP. Kung tutuusin, sila-sila mismo ang nagsasabwatan upang mapanatili ang korapsyon sa AFP na kanilang pinakikinabangan. Dapat mamulat ang mga sundalo at nakabababang upisyal ng 8th Infantry Division na bahagi ang korapsyon sa kanilang institusyon ng kabulukan ng buong naghaharing sistema. Walang tunay na demokrasya at serbisyong bayan sa bulok na naghaharing sistema na naglilingkod lamang sa iilan at sa mga dayuhan. Pagmasdan ninyo ang katotohanang ito sa matinding kapabayaan at kahirapan sa Silangang Bisayas.
Ipinapanawagan ng NDF-Silangang Bisayas laluna sa mga sundalo ng 8th Infantry Division na isulong ang sarili ninyong mga protesta at pagkilos para sa demokratikong kahilingan sa iba�t ibang paraan. Malupit na sinusupil ang anumang demokratikong pamamahayag sa loob ng militar, at hindi katanggap-tanggap ang mutiny o kudeta sa malawak na mamamayan. Ngunit maaari pa ring makahanap ng mga paraan upang maipahayag ang inyong mga protesta.
Lagi ring bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa tulong at kooperasyon upang isulong ang inyong interes sa loob ng AFP-PNP at upang makatulong sa interes ng sambayanan. Hinihikayat namin kayo na pag-aralan at magsilbing gabay sa anumang hakbang na inyong gagawin ang inilabas noong Nobyembre 13 ng Partido Komunista ng Pilipinas na �Sampung Punto ng Pagkilos ng mga Armadong Tauhan ng Reaksyunaryong Estado para sa Pagsusulong ng Sariling Kagalingan at Kapakanan ng Sambayanan�. Ito ay ang sumusunod:
Una, magbuo ng mga lihim at ligal na grupo sa loob ng AFP at PNP. Ang mga karaniwang sundalo at pulis at mga nakabababang upisyal ay maaaring magbuklud-buklod batay sa magkakatulad na hinaing laban sa pang-aapi ng matataas na mga heneral ng militar at pulisya.
Ikalawa, kumilos at ipaglaban ang mga demokratikong karapatan at kagalingan ng mga karaniwang sundalo at pulis kabilang ang karampatang sahod, pensyon, mahusay na serbisyong pangkalusugan, pabahay at iba pa. Ilantad at labanan ang korapsyon. Gamitin ang lahat ng pagkakataon para sa pamamahayag, tulad ng pagtawag sa radyo, pagsusulat sa dyaryo at iba pa. Maglunsad ng mga mapayapa at sama-samang pagkilos sa loob at labas ng mga kampo at presinto.
Ikatlo, palalimin ang pag-unawa sa kalagayan ng AFP at buong organisasyong militar. Pag-aralan ang kasaysayan ng AFP bilang isang instrumentong inorganisa ng imperyalismong US upang supilin ang paglaban ng mamamayang Pilipino; at bilang isang instrumentong patuloy na ginagamit upang supilin ang lehitimong mga paglaban ng sambayanan.
Ikaapat, makipagkaisa sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Suportahan ang mga pakikibaka ng bayan laban sa korapsyon, militarismo at dayuhang panghihimasok. Iugnay ang mga karaingan ninyo at ng inyong mga kapamilya sa mas malawak na karaingan ng mamamayang Pilipino laban sa bulok na gubyerno at laban sa mapang-api at mapagsamantalang sistemang panlipunan.
Ikalima, magdaos ng mga progresibong pag-aaral at talakayan tungkol sa kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas. Magparami at mamahagi ng mga progresibong babasahin. Hinihikayat namin kayong pag-aralan ang pambansa-demokratikong rebolusyonaryong programa ng National Democratic Front of the Philippines at programa ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Ika-anim, suwayin ang mga iligal at anti-mamamayang utos ng inyong mga nakatataas na upisyal. Kabilang dito ang panghahalughog sa mga komunidad ng mga magsasaka, iligal na pang-aaresto, pagtortyur, pagpapaulan ng mga bomba o bala sa mga sibilyan at iba pang kautusang nakapipinsala sa mamamayan at lumalabag sa kanilang mga demokratikong karapatan. Pag-aralan ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na kasunduang pinirmahan ng gubyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front. Mangahas na ilantad at labanan ang mga paglabag sa karapatang-tao.
Ikapito, sagkaan ang mga operasyong militar laban sa mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa. Labanan ang bulag na pagpapasugod sa inyo sa digmaan. Sa pagkakataong kayo'y mapapalaban, hinihikayat namin kayong kaagad humingi ng tigil-putukan at isurender ang inyong mga armas sa NPA. Hindi katumbas ng inyong buhay ang ipagtanggol ang isang bulok na organisasyon at isang bulok na sistema. Alalahanin ninyo ang inyong mga pamilya. Sa panig ng NPA, kikilalanin ang inyong mga karapatan at mahusay kayong tatratuhin alinsunod sa mga internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa digmaan.
Ikawalo, umalis sa reaksyunaryong militar at mamuhay bilang karaniwang sibilyan. Mas mainam ito kaysa magpatuloy sa paglilingkod sa bulok na papet at reaksyunaryong militar. Kung naninirahan sa mga sonang gerilya, maaari kayong tulungan ng mga rebolusyonaryong organisasyon na makakita ng alternatibong hanapbuhay.
Ikasiyam, lihim na makipag-ugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Isulong ang Kilusang Lt. Crispin Tagamolila sa loob ng AFP at PNP. Maaari kayong maglabas ng mga armas at iba pang kagamitang pandigma, magpaabot sa NPA ng mga kinakailangang impormasyon sa kilos ng militar o gumampan ng iba pang rebolusyonaryong tungkulin.
Ikasampu, sumanib sa rebolusyonaryong kilusan. Ang inyong mga suliranin, sa katuus-tuusa'y nakaugnay sa mga suliranin ng sambayanang Pilipino at mapagpasyang malulutas lamang sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pagbabago. Maaari kayong sumapi sa NPA o sa mga yunit ng Milisyang Bayan at tuwirang lumahok sa rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka ng sambayanang Pilipino.
Bilang pangwakas, umaasa kami na pag-isipan ninyong mabuti ang kasalukuyang krisis sa inyong hanay, ang lumalalang kalagayan ng bansa, at ang maaari ninyong gawin upang itaguyod ang kagalingan ninyo at ng bayan.
Lubos na sumasainyo,
Fr. Santiago Salas, Tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippines sa Silangang Bisayas
Back to top
|