Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Paigtingin ang mga Pakikibakang Bayan Hanggang Maibagsak ang Rehimeng US-Macapagal-Arroyo!

Gregorio Ba�ares
Tagapagsalita
National Democratic Front of the Philippines-Bicol
Oktubre 31, 2004

Sumasambulat ang galit ng mamamayan laban sa walang taros na pagsasamantala at pang-aapi ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo at mga dayuhang monopolyo-kapitalista na siyang ugat ng napakalubhang krisis sa buong lipunan. Lumalakas ang kahilingan ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pagbabago at namumuo ang isang malakas na sigwa na magpapatalsik sa bulok, kontra-mamamayan, at anti-demokratikong rehimeng Macapagal-Arroyo.

Ipinakita ng matagumpay na tigil-pasada ng mga drayber at opereytor sa buong Bikol at malakas na suporta ng mamamayan, ang nagngangalit na damdamin ng mamamayan laban sa tila walang katapusang pahirap ng naghaharing rehimeng Macapagal-Arroyo at ng mga dayuhang negosyo sa bansa.

Hindi lang ang mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, at iba pang maralita sa syudad ang matinding hinahagupit ng krisis. Dumaraing ang mga karaniwang empleyado sa gubyerno at pribadong sektor, ang mga propesyunal, mga maliliit at gitnang negosyante, mga karaniwang sundalo at maliliit na burukrata at upisyal ng gubyerno, dahil sa patuloy na pagdausdos ng kanilang kita at pamumuhay.

Matagal nang nakapako ang kanilang kakarampot na sahod sa kabila ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina, singil sa kuryente at tubig, dagdag na pamasahe at iba pang babayarin, at pagsirit ng presyo ng mga saligang pangangailangan at iba pang konsumo ng mamamayan. Kung kaya't mahigit 90% na ng mamamayan ang nasadlak sa kahirapan sa kasalukuyan at lumala ang kagutuman, matinding kasalatan, at paghihikahos.

Higit pa itong palalalain ng kontra-mamamayang dikta ng IMF-WB-WTO na walong bagong batas sa pagbubuwis, dagdag na pangungutang, pagbibenta ng natitirang ari-arian ng gubyerno, pagtanggal sa mahigit 420,000 empleyado ng gubyerno, at pagbawas sa dati nang kakarampot na badyet sa serbisyong panlipunan sa ngalan ng pagtitipid.

Dahil sa lubha ng krisis sa ekonomya, tumitindi ang away at agawan ng yaman at pakinabang ng iba't ibang grupo ng naghaharing uri at nalalantad sa publiko ang talamak na korapsyon, katiwalian, at kabulukan sa lahat ng ahensya ng gubyerno kabilang ang AFP, PNP at Malakanyang. Laganap ang demoralisasyon at diskuntento sa hanay ng mga nakababatang upisyal at karaniwang sundalo ng Armed Forces of the Philippines, at marami sa kanila ang nagpapakana ng pagkilos upang ibagsak ang rehimeng Macapagal-Arroyo.

Habang lumulubha ang krisis sa ekonomya at pulitika, tumitindi ang pasistang atake ng gubyerno laban sa mamamayang nagpuprotesta at lumalaban. Umiigting ang militarisasyon sa kanayunan at kalunsuran at pinag-iibayo ang operasyong saywar sa mamamayan upang labanan ang rebolusyonaryong kilusan.

Sa harap ng napakalubhang krisis at lumalawak na kahilingan ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pagbabago, dapat samantalahin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pagkakataon upang ubos-kayang abutin, imulat, organisahin, at pakilusin ang mamamayan upang maituon ang pinakamalakas na bigwas sa korap, bulok, at kontra-mamamayang rehimeng Macapagal-Arroyo.

Nananawagan ang National Democratic Front sa lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at mga syudad ng Bikol na makiisa at makipagtulungan sa lahat ng progresibo, demokratiko, at makabayang pwersa upang patindihin ang mga pakikibakang bayan at kilos-protesta hanggang maibagsak ang inutil na rehimen.

Kailangang abutin ang milyun-milyong Bikolano sa pamamagitan ng masikhay na gawaing propaganda-edukasyon at mga taktika ng pakikipag-alyansa, pag-oorganisa ng iba't ibang samahang hayag at lihim, at mapangahas na pakilusin sila sa iba't ibang porma ng paglaban at paunlarin ito sa ganap na rebolusyonaryong pakikibaka.

Kailangang patampukin ang armadong pakikibaka at ilunsad ang mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan bilang pinakamataas at pinakamahalagang porma ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan.

Walang ibang kagyat na kalutasan sa labis-labis na paghihirap ng mamamayan kundi ang pagwakas sa rehimeng US-Macapagal-Arroyo at pagtatayo ng isang gubyerno ng nagkakaisang prente ng mamamayan.

Maaaring ipatupad ng progresibong gubyerno ang mga programang tunay na lulutas sa napakalubhang krisis sa pananalapi at ekonomya ng bansa tulad ng tunay na reporma sa lupa, makabayang industriyalisasyon, at pagwawaksi sa lahat ng mapang-aping patakarang neoliberal tulad ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon ng ekonomya.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.