Pahayag sa Pandaigdigang Araw ng Kawalan ng Pagkain
Gregorio Ba�ares Tagapagsalita National Democratic Front of the Philippines-Bicol
Oktubre 21, 2004
Dapat pagbayarin ang rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa nararanasang malubhang pagkagutom ng mamamayang Pilipino. Ang lubusang pagkapapet nito sa imperyalistang programa sa balangkas ng 'globalisasyon' ang nasa likod ng malubhang kagutuman at pagkabusabos ng mga magsasaka, manggagawa at iba pang maralitang mamamayan sa kanayunan at mga syudad.
Ang tunay na ugat ng kagutuman ng mamamayan ay ang pananalasa ng neoliberal na patakaran ng todu-todong liberalisasyon at denasyunalisasyon ng ekonomya, deregulasyon ng mga mayor na industriya ng bansa, at walang patumanggang pagbibenta ng mga ari-arian ng gubyerno sa pribadong sektor subalit may dayuhang puhunan. Idagdag pa rito ang talamak na korupsyon sa lahat ng ahensya ng gubyerno na nagwawaldas ng mahigit P200 bilyon taun-taon ng pondo ng gubyerno.
Ang mga patakarang ito ang nasa likod ng malalang krisis sa pananalapi ng bansa na ang malinaw na mga indikasyon ay ang napakalaking depisit sa taunang badyet, pagbagsak ng kita, patuloy na pagkabaon sa utang, at pagkabangkrap ng reaksyunaryong gubyerno.
Isang lason ang ipinalulunok na 'gamot' ng gubyerno sa mamamayan upang lutasin ang malalang krisis sa pananalapi. Tanging ang IMF-WB ang masisiyahan sa mga panukalang batas sa pagbubuwis at pagtataas ng iba pang bayarin na ipapataw sa mamamayang lugmok na dahil sa walang habas na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina, singil sa kuryente, tubig at pasahe, at ang sumisirit na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kasuklam-suklam ang panawagan ni GMA na dagdag na paghihigpit ng sinturon ng mamamayan at mga pakitang-taong pagtitipid ng mga burukrata habang ang kanyang mga upisyal ay ginagawang gatasan ang GSIS, NAPOCOR, PCSO at iba pang korporasyon at nagsusweldo ng milyun-milyon at nagpapasasa sa luho. Kabi-kabila rin ang nabubunyag na kaso ng katiwalian na sangkot ang mga upisyal ng AFP at Malakanyang.
Walang ibang solusyon sa pamalagiang krisis ng lipunan na madalas ay lubhang bumubulusok kundi ang pagpapatalsik sa sagadsaring papet at kontra-mamamayang rehimeng US-Macapagal-Arroyo at tuluy-tuloy na paunlarin ang rebolusyonaryong pakikibaka hanggang magtagumpay.
Ang NDF at mga rebolusyonaryong pwersa sa Bikol ay makikiisa sa mga progresibo at demokratikong pwersa sa kanayunan at mga syudad upang mag-ambag sa pagpapatalsik sa rehimen.
Dapat bumuhos sa lansangan ng mga syudad at sentrong bayan ng Kabikulan ang malalaking kilos-protesta ng mga magsasaka,manggagawa, maralita sa mga komunidad sa lunsod, kabataang-estudyante at mga propesyunal, relihiyoso, mga maliliit na negosyante, midya at lahat ng aping mamamayan. Higit sa lahat, pagbabayarin ng mahal ng Bagong Hukbong Bayan ang rehimen sa pamamagitan ng malalakas na bigwas ng taktikal na opensiba sa kanayunan, hanggang mapatalsik ito sa Malakanyang sa pamamagitan ng malakas na kilos-protesta ng mamamayan.
Maaring itayo kapalit ng pinatalsik na rehimen ang isang bagong gubyerno na patriyotiko at progresibo, at binubuo ng mga tunay na kinatawan ng mga manggagawa, magsasaka, panggitnang mga uri, at kahit mga burukratang sibil at military personnel na bumabatikos at iwinawaksi ang korapsyon at pagkapapet ng naghaharing rehimen sa US.
Sa gayon ay maaaring magkaisa sa pagpapatupad ng tunay na pagbabagong lulutas sa mga ugat ng pamalagiang krisis at magwawakas sa kontrol ng imperyalismo para sa tunay na kasaganaan at kapayapaan.
Gregorio Ba�ares Tagapagsalita, NDF-Bicol E-mail: [email protected]
Back to top
|