Ikinagagalak ng Mamamayan ang Pagtatapos ng Pagkapusakal ni Arturo Tabara
Frank Fernandez Spokesperson NDF - Negros
Oktubre 11, 2004
Mainit na tinatanggap ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa Negros ang balita tungkol sa pagwawakas ng pagkapusakal ni Arturo Tabara.
Hindi makalimutan ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang mga nagawang krimen ni Arturo Tabara sa Negros noong nagpapanggap pa siyang nasa Partido at Bagong Hukbong Bayan noong dekada �80 at maagang bahagi ng dekada �90. Ilan sa pinakamasasahol ang mga sumusunod:
- Noong 1992-1993, pinamunuan niya ang paglunsad ng operasyong demolisyon laban sa rebolusyonaryong kilusan na nagresulta sa malaking pinsala sa Partido at Hukbo sa pamamagitan ng kanyang panunulsol sa mga rebolusyonaryong pwersa na tumiwalag at umalsa laban sa Komite Sentral at Pangkalahatang Kumand ng BHB; at
- Iligal niyang ginamit ang awtoridad ng sentro ng Partido sa pagpapalaganap ng mga kidnap-for-ransom at iba pang gangster operations sa Negros. Pinakamatingkad ang pinasimunuan niyang pagdukot kay Rolando Florete, may-ari ng Bombo Radyo Philippines noong 1989, at isang Japanese citizen na si Mr. Mizuno noong 1990, pawang labag sa patakaran ng Partido at sa ispisipikong pagbabawal ng sentro ng Partido.
Mula noong 1994 hanggang 2004, nang nahiwalay at nailantad na si Arturo Tabara bilang ahenteng paniktik ng AFP at gangster, lalo pang lumubha ang kanyang nagawang mga krimen. Ang pinamunuan niyang RPMP/RPA-ABB ay naging armadong kasangkapan niya para sa kanyang mga iligal at kriminal na operasyon. Pinagsilbi rin niya ang RPA-ABB bilang espesyal na para-militar na grupo laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Ilan sa kanyang mga dagdag na mabibigat na krimen ay ang mga sumusunod:
- Bilang security adviser ni Eduardo �Danding� Cojuangco Jr, responsable si Tabara sa pagbenta at pag-areglo sa RPA-ABB upang magsilbing private goons ni �Pacman� para sa malawakang pangangamkam nito ng mga lupain ng mga magsasaka sa saklaw ng mga syudad ng Canlaon, Kabankalan, Sipalay, Bago at La Carlota at mga bayan ng Don Salvador Benedicto at La Castellana, lahat sa isla ng Negros;
- Pangunahing responsable sina Tabara at si Luwalhati Carapali sa pagbibigay ng misyon sa RPA-ABB upang mag-hold up sa Municipal Treasurer�s Office ng bayan ng Sta. Catalina, Negros Oriental at pagsamsam ng P220,000 mula rito noong Mayo 2002. Sa operasyong ito walang-awang pinaslang ng RPA-ABB sina Lito Dagat, Virgie Edreal, Dondon Dinsay, at isa pang empleyado.
- Pinagsilbi niyang goons ng dinastiyang dela Cruz ng Don Salvador Benedicto, Negros Occidental ang RPA-ABB. Nasangkot ang RPA-ABB at dinastiyang dela Cruz sa walang pakundangang logging operations sa kagubatan ng nasabing bayan.
- Ibinenta ni Tabara ang serbisyo ng RPA-ABB para mailusot si Mr. Koenig, isang Swiss citizen, sa kasong panggagahasa ng isang dalaga sa Dumaguete City, Negros Oriental. Ginamit ang RPA-ABB sa pananakot sa biktima ng rape, sa mga magulang at mga nagtataguyod ng karapatan ng biktima upang hindi matuloy ang paglilitis sa korte.
- Sa nakaraang halalan, ibinenta ni Tabara ang serbisyo ng RPA-ABB kay Iggy Arroyo at iba pang mga reaksyunaryong pulitiko, upang takutin ang mga botante at tiyakin ang pagkapanalo ng naturang mga pulitiko.
- Nangikil sina Tabara ng P100,000 hanggang milyon-milyong piso mula sa mga indibiwal na mga negosyante at asendero sa pamamagitan ng pagpapanggap na nagbubuwis sila para sa rebolusyonaryong kilusan. Upang linlangin ang mga negosyante at asendero, ginamit nila ang pangalan at logo ng CPP/NPA/NDF at ang lagda ni Ka Frank Fernandez sa pinapadala nilang mga sulat.
Matagal nang hinihiling ng mamamayan ang pagwawakas ng mga krimen nina Tabara na nagpapahirap sa kanila. Nabawasan ang rehimeng Arroyo at AFP/PNP ng isang maaasahang katulong nila sa paglaban sa rebolusyonaryong kilusan. Sa kabilang banda, nabasawan din ang mamamayan ng isang nagpapahirap sa kanila. Sa kanyang kamatayan, nabigyan ng katuparan ang matagal nang pagnanais ng mamamayan para sa hustisya kaugnay ng kanyang masasahol na krimen.
Nananawagan kami sa mga natitirang lider at tauhan ng RPA-ABB sa Negros na tumiwalag na sa kanilang napasukang kriminal na organisasyon at ibalik sa rebolusyonaryong kilusan ang hawak nilang mga armas. Hinihiling namin sa mga lokal na pulitiko at mga panginoong maylupa na kumukupkop sa RPA-ABB na talikuran at ipagkait ang suporta sa kanila.
Nananawagan din kami sa mamamayan na patuloy na ilantad at labanan ang kriminal at kontra-rebolusyonaryong RPA-ABB at ang patuloy na pakikipagsabwatan nito sa rehimeng Arroyo, kay �Danding� Cojuangco at iba pang mga pusakal na naghaharing burukrata, panginoong maylupa at kriminal sa rehiyon.#
Back to top
|