Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Pagpapaigting ng Armadong Rebolusyon ang Tamang Tugon sa Walang Kapantay na Pagtindi ng Krisis

Central Committee
Communist Party of the Philippines
Setyembre 21, 2004

Walang kapantay ang tindi ng krisis at kinakaladkad nito ang reaksyunaryong naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa panibagong antas ng pagkabulok at pagguho. Ang krisis na ito ay hindi maihihiwalay na bahagi ng malalang krisis ng sistemang imperyalista sa buong daigdig. Ang masang manggagawa at magsasaka at iba pang maralita ang pinakamatindi at pinakamalupit na hinahagupit nito.

Pinakalitaw na mga palatandaan ng krisis ang hindi maampat na pagdurugo ng sektor publiko sanhi ng pagbagsak ng kita at di makontrol na paglobo ng depisit sa badyet at utang ng gubyerno. Bangkrap at lubog na lubog sa utang ang reaksyunaryong gubyerno. Sinasakal ito ng sobrang laki ng bayarin sa utang at minumulto ng nakaambang banta ng kumpletong pagkabigong mapinansyahan ang gastos sa operasyon at iba pang mga bayarin.

Umaabot na ang kabuuang utang ng sektor publiko sa P6 trilyon-halos 130% ng Gross Domestic Product (GDP) at maraming ulit na lampas sa pandaigdigang pamantayang 25% ng GDP para sa kainamang antas ng utang publiko. Sa loob ng nakaraang dalawang dekada, mahigit doble ang inilaki ng utang ng reaksyunaryong gubyerno kumpara sa inilaki ng nominal na ekonomya at lalong higit pa kumpara sa sisinghap-singhap at hindi lumalagong tunay na ekonomya. Pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas ang inutang ng rehimeng Arroyo sa unang tatlong taon nito. Sa 2005 mahigit P700 bilyon (o 70% ng kita ng gubyerno) ang napupunta lamang sa bayad-utang, na ang mahigit P300 bilyon ay para lamang sa interes. Ang kabuuang utang panlabas ng Pilipinas ay umabot na sa halos $60 bilyon (mahigit P3.3 trilyon) at ang taunang bayad-utang ng gubyerno para dito ay umabot na sa halos P400 bilyon.

Pero higit na mahalagang tukuyin ang pagbagsak ng produksyon at ng tunay na ekonomya bilang dahilan sa likod ng mga litaw na problema sa pananalapi. Ang pangunahing ugat ng talamak at napakalubhang krisis sa kabuhayan-na sadyang pinagtatakpan ng reaksyunaryong gubyerno at mga ekonomistang burgis na promotor ng "globalisasyon"-ay ang pag-iral ng atrasado, lugmok-sa-krisis at bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema ng ekonomya at lipunan, na higit pang pinasasahol ng walang habas na pananalasa ng mga dambuhalang bangkong internasyunal at mga monopolyong korporasyong transnasyunal sa ilalim ng patakarang "globalisasyon," liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon.

Ang papet na rehimeng Arroyo ay pikit-matang sunud-sunuran sa mga dikta ng imperyalismong US at mga ahensyang internasyunal na kontrolado nito, pangunahin ang IMF-WB-WTO. Kaalinsabay, pinaigting ng US ang kanyang diplomasyang pangkalakalan at tuwirang panghihimasok, gamit ang mga ahensyang tulad ng USAID (United States Agency for International Development) at AGILE (Accelerating Growth, Investment and Liberalization with Equity), para ipataw ang mga batas, patakaran at programang pabor sa malaking negosyong US at nagtataguyod sa "globalisasyon," liberalisasyon at deregulasyon. Walang renda ang pandarambong ng mga dayuhang monopolyong kapitalista sa lakas paggawa at likas na yaman ng bansa. Pumipiga sila ng superganansya sa pamamagitan ng kalakalang kolonyal, usurang internasyunal, manipulasyon sa mga kontrata, ispekulasyon sa mga sapi at pananalapi, pagsakmal sa mga korporasyong pag-aari ng estado sa presyong bargeyn, murang hilaw na materyales, at iba pang sari-saring panggagantso at pakana. Hinuhuthot ng imperyalistang "globalisasyon" ang masang manggagawa at magsasaka, ang mga propesyunal, intelektwal at iba pang petiburgesyang syudad, at maging ang mga negosyanteng panggitna.

Sinasagasaan ng imperyalistang "globalisasyon" ang anupamang natitirang proteksyon sa lokal na industriya at ekonomya at sinasagkaan ang pambansang industriyalisasyon at pag-unlad. Kasabwat ang lokal na malaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa, sinasamsam at minomonopolisa ng mga imperyalista ang mga estratehikong sektor ng ekonomya, kabilang ang mga negosyo at serbisyong pampubliko. Maging ang agrikultura ay sinasalanta ng pagbaha ng mga imported na palay, mais, prutas, gulay, asukal, isda, karne, tabako, bawang at iba pang produktong agrikultural.

Todong binubuksan sa dayuhang monopolyong kapital ang lokal na pamilihan at negosyo habang ang mga industriya at negosyong lokal ay inoobligang makipagsabayan sa brutal na kumpetisyon sa pandaigdigang pamilihang nalulukob ng labis na produksyon at labis na suplay ng halos lahat ng tipo ng kalakal. Noon pang huling bahagi ng dekadang 1970 bumagsak dahil sa sobrang suplay ang presyo at pamilihang internasyunal para sa mga tradisyunal na eksport na hilaw na materyales gaya ng asukal, troso, kopra, mineral at iba pang katulad. Hindi pa nakakabawi ang mga ito hanggang ngayon. Mula huling bahagi ng dekadang 1980 tumindi naman ang krisis sa sobrang produksyon ng mga mumurahing malamanupaktura gaya ng kasuotan at sapatos, laruan, mga elektronikong produktong pangkonsumo, at iba pang katulad. At mula 2000 bumagsak maging ang pamilihan para sa mga mamahaling produktong high-tech.

Wala pang katulad sa nakaraang 50 taon ang lala ng nagaganap na pagbagsak ng lokal na agrikultura at industriya dulot ng matumal na benta sa pamilihang internasyunal at pagdagsa ng imported na mga produkto, kasabay pa ang paglala ng ismagling na kasabwat mismo ang mga taga-Malakanyang. Pinakamatinding tinatamaan ang industriya ng asukal, gulay, manok at baboy, semento, produktong katad, kasuotan at iba pa. Ang tuluyang pag-alis ng kota sa kasuotan sa US sa susunod na taon ay pinaniniwalaang maglilibing sa lokal na industriya ng kasuotan.

Ang matinding krisis ay lalo pang pinasasahol ng talamak na korapsyon sa reaksyunaryong gubyerno. Walang kapantay ang paglaki, paglawak, paglubha at kawalan ng pakundangan ng pangungurakot at pandarambong ng matataas na burukratang sibil at militar. Tinatayang umaabot sa mahigit 20% ng kabuuang badyet ng reaksyunaryong gubyerno o mga P200 bilyon ang taunang nawawala dulot ng korapsyon. Sa nakaraang eleksyon, bilyun-bilyong pondo ng PAGCOR, Philhealth, NIA, Department of Agriculture, Quedancor at iba pang ahensya ng gubyerno ang garapal na ginamit para sa kampanya ni Arroyo at ng partido niya.

Taun-taon P90 bilyon ang badyet ng AFP, PNP at ng paniniktik ng Malakanyang bukod sa bilyun-bilyon pang nakatago sa badyet ng iba't ibang departamento at ahensya na ginagasta ng reaksyunaryong militar o di kaya'y para sa pangangailangan at mga operasyon nila. Nilulustay ang pondong ito sa pagmamanman at pagsupil sa mamamayan, laluna ang mga lumalaban na buong bangis na sinasalakay. Kinukurakot din ito ng matataas na upisyal ng militar at pulisya.

Sa kabuuan, lalo pang naging atrasado, palyado, bulok, bangkrap at lugmok ang kabuhayan ng Pilipinas. Habang nakagapos sa imperyalistang "globalisasyon," ang bulok na ekonomyang malapyudal ay lubos na walang pag-asang makaahon sa krisis. Lahat ng palatandaan ay nagbabadya ng patuloy at higit pang paglala sa halip na paglubay ng krisis.

Labis-labis na ang paghihirap ng masang manggagawa at magsasaka at iba pang maralitang binibiktima ng laganap na disempleyo, pagbagsak ng kabuhayan, kawalang kasiguruhan sa kita, at matinding kasalatan sa mga saligang pangangailangan. Ang masama ay lalo pang titindi ang kanilang mga tinitiis bunga ng krisis at ng walang patawad na pagpiga pa ng papet na rehimeng Arroyo upang maipasa sa mga uring pinagsasamantalahan at inaapi ang buong pasanin sa krisis.

Ang papet na rehimen ay desperadong naghahagilap ng dagdag na kita at pondong maipantutustos sa operasyon at mga bayarin ng reaksyunaryong gubyerno-habang pinangangalagaan ang superganansya ng mga dayuhang monopolyo at tinitiyak ang bayad-utang sa mga dambuhalang bangkong internasyunal at lokal. Patung-patong na buwis, sunud-sunod na pagtataas ng presyo at walang katapusang paghihigpit ng sinturon ang inoobliga ng reaksyunaryong gubyerno sa taumbayan. Wala pang isang buwan matapos ipangako sa kanila ni Arroyo ang buwan at mga bituin sa kanyang tinaguriang 10-puntong programa, hindi na makahinga ang taumbayan sa sunud-sunod na pait at pahirap na isinusubo sa kanila ng papet na gubyerno. Walong bagong buwis na naglalayong kumulekta ng dagdag na P80 bilyon hanggang P127 bilyon ang itinutulak ng Malakanyang na aprubahan ng Kongreso para ipambayad sa utang at gastusin sa operasyon ng NAPOCOR at iba pang korporasyong pag-aari ng gubyerno.

Samantala, ang mga dambuhalang bangkong internasyunal at lokal ay tinitiyak na makatatanggap ng kanilang dambuhalang interes at singil sa pautang. Ang mga monopolyong korporasyon ay pinagpapasasa sa libre o di kaya'y pakitang-taong buwis, mga kontratang hindi patas, napakataas na rate of return on investment na may garantiya ng batas at iba pang sari-saring kaluwagan at pakinabang. Sa katunayan, ang daan-daang bilyong bayarin sa buwis at taripa na nailibre ng mga monopolyong kapitalista at mga lokal na kasosyo nila-bukod pa sa matatabang subsidyo at insentibong bigay sa kanila sa ilalim ng mga patakarang nagtataguyod sa "globalisasyon" at liberalisasyon-ang isa sa pinakamalaking dahilan sa pagbagsak ng kita at pagdurugo ng gubyerno sa nakaraang walong taon. Umaabot sa P400 bilyon taun-taon ang halaga ng mga insentibong wala namang maipakitang ibinubungang makabuluhang pag-unlad at paglago.

Para daw makapagtipid, inianunsyo ng reaksyunaryong gubyerno ang balak na pagsibak sa 30% o 420,000 sa 1.4 million kawani ng gubyerno. Sa kabilang banda, walang namang tigil ang pangungurakot, katiwalian at paglustay sa kaban ng bayan ng malalaking burukratang kapitalista. Kamakailan, nabulgar ang iskandalosong sweldo, alawans at honorarium ng matataas na upisyal ng mga korporasyong pag-aari ng gubyerno na ang ila'y umaabot sa halos P10 milyon, bukod pa sa naglalakihang mga pribilehiyo, luho at kurakot. Alam ng madla na ang mga pusisyon sa mga korporasyong ito ay gamit na pabuya sa pinakamalapit na mga tagasuporta sa pulitika, kroni at kamag-anak ng naghaharing paksyong reaksyunaryo. Dahil gatasan ng mga nasa poder at ng kasabwat nilang lokal at dayuhang mga ispekulador at manunuba, ang mga korporasyong ito ay tambak sa mga kontratang baluktot, nalulugi ng daan-daang bilyon bawat taon, lubog sa utang, malakihang lumulustay ng pondong publiko, at nangungunang sanhi ng gabundok na utang at depisit ng reaksyunaryong gubyerno.

Mahigpit na hinahadlangan ng reaksyunaryong rehimen ang makatarungang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa at sweldo ng mga kawani sa gubyerno habang todo-larga sa paulit-ulit at sobra-sobrang pagtataas ng singil ng mga dambuhalang kompanya ng langis at pampublikong yutilidad. Walang awa at walang pakundangang kinakaltasan ang pondo para sa mga serbisyong publiko at panlipunan kahit dati nang lubhang kapos, atrasado, naghihingalo at uhaw na uhaw sa pondo ang sistema ng pampublikong edukasyon, kalusugan at pabahay at labis nang busabos ang pamumuhay ng karaniwang mamamayan.

Isang paraan ng pagtabas sa gastos sa mga serbisyong panlipunan ang suspensyon ng 20% ng Internal Revenue Allotment o IRA ng mga gubyernong lokal na nangangasiwa sa mga serbisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong panlipunan na binitawan ng pambansang gubyerno. Kaalinsabay, ang pagbawas o suspensyon ng IRA na nagsisilbing "pork barrel" ng mga pulitikong lokal ay isang paraan din ng naghaharing paksyon na bawasan ang hati sa kurakot ng mas maliliit at mas mahihinang reaksyunaryo.

Bunsod ng pagbagsak ng ekonomya, ibayong lumiliit ang kurakot na pwedeng pag-agawan ng mga reaksyunaryong naghaharing uri. Ang resulta ay ibayong pag-igting ng agawan at bangayan nila. Gustong sakmalin ng naghaharing paksyong Arroyo ang kalakhan ng kurakot, kontrolin ang pondo ng gubyerno, pati syempre ang paghahati sa kurakot at pabor, at sa gayon, mas palakasin pa ang dominasyon nila sa reaksyunaryong pulitika. Upang solong makopo ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas kilala sa tawag na "pork barrel" ng Kongreso at dati nang animo'y pondong pribado na pinaghahati-hatian at pinagpipistahan ng korap at reaksyunaryong mga senador at kongresista, itinutulak ng mga alipuris ng Malakanyang ang "line-item budgeting" at ihinahanap ng bagong kolyar ang kinasusuklamang PDAF.

Ang mga batikos sa "pork barrel" ng Kongreso ay ginagantihan ng mga senador at kongresista ng pagpuntirya sa di hamak na mas malaking "pork barrel" ng Malakanyang-ang pondong sosyal at para sa paniktik, sa iskandalo sa mga korporasyong pag-aari ng gubyerno, at paglustay ng pondong publiko sa kampanya sa eleksyon. Maging sa loob ng koalisyong kontrolado ni Arroyo ay mabilis na lumilitaw ang mga bitak at lumalakas ang mga reklamo. Maingay na pinagbabangayan ng Malakanyang at Kongreso ang mga bagong buwis na gustong ipataw ng una.

Ang pagsambulat ng krisis sa pananalapi at ekonomya ay lalong nagsusulsol sa mga reaksyunaryong anti-Arroyo na nagpupuyos pa ang galit sa malawakang dayaan sa katatapos na eleksyon. May kanikanilang mga galaw at pakana ang mga paksyon nina Estrada, Honasan, Danding Cojuangco, FPJ at mga Marcos para ipitin, hadlangan at igupo ang naghaharing paksyon. Nababalot ng mga paratang at bantang deestabilisasyon at kontra-deestabilisasyon ang mga girian at maniobrahan ng mga reaksyunaryong magkakaribal sa pulitika.

Nasa gitna ng gulo ang mga makapangyarihang paksyon sa loob ng reaksyunaryong militar at pulisya kaya pwedeng mabilis na bumaling sa karahasan ang mga alitan ng mga reaksyunaryo. Kapuna-puna ang mga retiradong heneral sa mga nagpapanukala sa pag-agaw ng AFP sa kapangyarihan at pagtatayo ng civilian-military junta. Aktibo sila sa mga aksyong protesta at mga pagtitipong inoorganisa ng mga reaksyunaryong anti-Arroyo, samantalang ipinupwesto sa matataas na pusisyong sibilyan ang mga retiradong heneral na kabig ng naghaharing paksyon. Maigting ang intrigahan, maniobrahan at agawan sa pusisyon, mga pribilehiyo at kurakot ng mga paksyon sa militar at pulisya.

Ang AFP at PNP ay hindi lamang inutil sa pagsugpo sa malaganap at malalang kriminalidad. Mga mataas na pinunong militar at pulis mismo ang utak o di kaya'y protektor ng pinakamalalaking sindikato sa ismagling, kidnapping for ransom, panghoholdap ng mga banko, huweteng at iba pang iligal na sugal, iligal na droga at iba pang gawaing kriminal.

Laganap ang diskontento sa hanay ng karaniwang sundalo at nakabababa't kabataang upisyal ng militar at pulisya dahil sa malalang kurakutan, korupsyon, paboritismo at kriminalidad ng matataas na upisyal, kawalan ng demokrasya sa loob ng AFP at PNP, kapabayaan sa kanilang kapakanan at kaligtasan, at malubhang pagkakahiwalay sa masa bunga ng mga patakaran at gawaing anti-mamamayan at pasista. Dumarami ang hindi na makatiis sa mersenaryong pakikipagkutsabahan sa bulok na mga reaksyunaryong pulitiko at ang paninikluhod at paninibilhan sa mga dayuhang imperyalistang nagpapaigting ng kanilang armadong interbensyon base sa imbitasyon ng Malakanyang at Kampo Aguinaldo. Aktibo ang mga grupong lihim na nag-aahita at nag-oorganisa sa loob ng AFP at PNP. Paminsan-minsan ay pumuputok ang mga armadong protesta gaya ng sa Oakwood o di kaya ang mga indibidwal na paglantad at pagbatikos sa mga kasamaan sa AFP at PNP. Palatandaan ang mga ito ng kumukulong kalagayan sa loob ng reaksyunaryong militar at pulisya.

Sa ngalan ng gerang "kontra-terorismo" pinaiigting ng imperyalismong US ang interbensyong militar at itinutulak ang lalong pagpapatindi ng pasismo at pasisasyon sa bansa. Sa pamamagitan ng walang patid na serye ng mga "pagsasanay" na Balikatan at walang patlang na relyebo ng mga tauhan, ang US ay muling nakapagpipirmi sa bansa ng kanyang mga tropa, armas at kagamitang militar kahit wala pang lantad na baseng militar. Tuluy-tuloy na minamasahe ng mga propagandista ng US ang upinyong publiko para ipatanggap ang mas malawak at mas lantad na armadong panghihimasok hindi lamang laban sa kakarampot na pulutong ng Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah kundi maging sa tunay na mas malalaking target nila, ang MILF-BMA at ang NDF at BHB. Pinatahimik ng US ang gusot kaugnay ng pagpapauwi ng mga tropang Pilipino sa Iraq dahil pinangangalagaan nito ang kanyang pusisyon at mga operasyon sa Mindanao.

Tuluy-tuloy ang kampanya ng mga propagandista ng imperyalismong US para mas palakihin pa ang badyet ng AFP at PNP at mga operasyong "kontra-terorista." Itinutulak din nila ang mga batas na lalong maghihigpit at maglilimita sa mga karapatan ng karaniwang mamamayan alang-alang sa mas malakas at mas largadong pagtugis at pagsalakay sa mga pinaghihinalaan at pinaparatangang "terorista," isang elastikong kategorya na pwedeng banatin para saklawin maging ang mga ordinaryong welgista at iba pang nagpuprotesta.

Sa sarili nito, ikinakasa na ng reaksyunaryong rehimeng Arroyo ang mas agresibong pagmamanman at pagsalakay sa itinuturing nitong mga kalaban. Walang humpay ang mga operasyon at kampanyang militar laban sa mga larangang gerilya ng BHB. Sa kabila ng kagipitan sa pondo, patuloy na binubuo ang mga bagong batalyon ng Philippine Army at mga yunit ng CAFGU sa iba't ibang sulok ng kapuluan. Pagkatapos ng eleksyon agad pinaigting ang mga opensibang militar at mga operasyong SOT at RSOT sa mga baryo at bayan sa iba't ibang probinsya sa lahat ng rehiyon. Tinatarget hindi lamang ang mga lugar na tukoy na kinikilusan ng mga yunit ng BHB kundi maging ang mga lugar na aktibo ang mga protesta at pakikibakang masa at nagbigay ng malaking boto sa mga progresibong partidong party list.

Ang mga pasistang kahayupang paulit-ulit at walang pakundangang isinasagawa sa Mindoro, na pambansang prayoridad ng AFP sa gera laban sa armadong rebolusyon, ay mas pinalalaganap pa sa ibang rehiyon at probinsya para sindakin sa takot ang mamamayan. Dumadalas at lumalaganap ang mga pagdukot, pagpaslang, iligal na pag-aresto at iligal na paghalughog. Sinasaklaw ng mga operasyong SOT at RSOT maging ang mga poblasyon at syudad sa probinsya na nagpapakita ng lakas at impluwensya ang ligal na kilusang demokratiko.

Upang apulain ang galit ng masa at paypayan ang mga ilusyong repormista iniaalok ng reaksyunaryong rehimen ang pagbabago sa konstitusyon. Ilang ulit nang bumabaling dito ang mga reaksyunaryo kapag nililigalig ng di karaniwang tindi ng krisis ang naghaharing sistema. Pero dala ng aral sa mga nakaraang karanasan, nagmamatyag ang taumbayan dahil mas malamang na gamitin iyon ng mga reaksyunaryo para alisin ang anupamang natitirang konstitusyunal na sagwil sa "globalisasyon," liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon, gayundin sa libreng interbensyon at operasyong militar ng US sa bansa. Gustong gayahin din ni Arroyo si Marcos at sangkalanin ang pagbabago sa anyo ng gubyerno para magtagal sa Malakanyang nang lampas sa 2010.

Lalong kamuhi-muhi para sa malawak na masa ng sambayanan ang mapagsamantala, mapang-api, papet at bulok na reaksyunaryong makauring paghahari ng malaking burgesyang kumprador at uring malaking panginoong maylupa. Walang hangganan ang kasakiman ng imperyalismong US at mga lokal na alipuris nito. Lahat ng pasistang panunupil at kalupitan ay kanilang gagawin para masugpo ang paglaban ng mga inaapi at mapanatili ang kanilang makauring paghahari. Tanging nasa armadong demokratikong rebolusyong bayan ang kaligtasan ng bayan mula sa kasamaan ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Napapanahong itanim sa isip ang mga leksyong ito ng kasaysayan laluna't inaalala ng bayan ang buktot na imposisyon ng pasistang paghaharing diktador ng pangkating US-Marcos 32 taon na ang nakalilipas. Nagpatuloy kahit pagkabagsak ni Marcos ang mga istruktura, patakaran at gawing pasista. Nanatiling tampok na katangian ng reaksyunaryong paghahari ang walang pakundangang paglapastangan sa kapakanan at karapatan ng masa ng sambayanan.

Saklot ng panibagong katindihan ng krisis ang naghihingalong sistemang malakolonyal at malapyudal. Nag-iibayo ang kalupitan nito pero kaalinsabay, nag-iibayo rin ang poot at kahandaang lumaban ng masang pinagsasamantalahan at inaapi. Nakahanda ang Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong kilusan na pangunahan ang malawak na masa ng sambayanan sa ubos-kayang pagsusulong ng pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista. Nakahanda ang mga rebolusyonaryong pwersa na ubos-kayang paigtingin ang armadong rebolusyon at labanan at pagbayarin ang mga reaksyunaryo at pasistang naghaharing uri, laluna ang naghaharing reaksyunaryo at papet na rehimeng US-Arroyo. Nakahanda rin ang mga rebolusyonaryong pwersa na makipagkapit-bisig sa lahat ng pwersa at elementong progresibo at demokratiko alang-alang sa pakikibaka at adhikaing pambansa at demokratiko. Magkukusa ang mga rebolusyonaryong pwersa na umugnay, makipagkaisa at makipagtulungan sa lahat ng pwersang mapagkaibigan para labanan ang mga sagadsaring papet, reaksyunaryo at pasista na ngayon ay kinakatawan pangunahin ng naghaharing rehimeng US-Arroyo.

Nananawagan ang Komite Sentral ng Partido sa lahat ng yunit at kasapi ng Partido, gayundin sa lahat ng yunit ng BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa na lalong pag-ibayuhin ang pagsisikap para matupad ang mga tungkuling itinakda ng tatlong-taong programang pinagtibay ng ika-11 Plenum ng Komite Sentral. Alinsunod sa programang ito at sa mahigpit na hinihingi ng kasalukuyang kalagayan, kailangang isulong ang sumusunod na mga partikular na tungkulin:

  1. Mapangahas na palawakin at palakasin ang pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista. Ituon ang pinakamalakas na hambalos sa reaksyunaryong rehimeng US-Arroyo para ihiwalay at pabagsakin ito. Gayunman, ipagpatuloy ang pagsingil sa at huwag hayaang makalusot ang mga reaksyunaryong anti-Arroyo na malalaking pasistang kriminal at mandarambong na hindi pa nakapananagot sa kanilang mga kasalanan.
  2. Mapangahas na palawakin at paigtingin ang rebolusyonaryong pakikidigmang gerilya. Palawakin at palakasin ang hukbong bayan. Pahusayin ang mga platung gerilya bilang saligang pormasyon sa pagpapalaganap ng pakikidigmang gerilya sa kasalukuyang yugto. Magpunyagi sa pagpapaunlad ng ilang laking-kompanyang larangang gerilya sa bawat rehiyon para makapag-ipon ng sapat na lakas at makagpasigla ng pakikidigmang gerilya at kilusang masa bilang preparasyon sa higit pang pagpapalawak sa lahat o halos lahat ng mga distrito at munisipalidad. Magpakahusay sa mga taktikang gerilya ng pleksible at napapanahong pagkokonsentra, paghihiwahiwalay at paglipat para magampanan ang mga tungkulin sa pagbubuo ng baseng masa, paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, pagpapalakas ng hukbo, pagbigo sa mga pagsalakay ng kaaway, at iba pa. Higit pang palaganapin at padalasin ang mga taktikal na opensibang kayang ipanalo.
  3. Mapangahas na palawakin at palakasin ang mga kampanya at pakikibakang masa ng mga magsasaka. Bigyan ng pangunahing diin ang pagsusulong ng mga pakikibakang antipyudal, habang inaasikaso ang iba pang tipo ng mga kampanyang masa sa pulitika, organisasyon, ekonomya, edukasyon, kultura at kalusugan. Pabilisin ang pag-oorganisa ng milyun-milyong magsasaka sa mga samahang masang sumasaklaw sa buu-buong baryo at bayan, habang tinitiyak ang pagiging solido ng mga organisasyong masa at pinahuhusay ang mga sikretong paraan ng pagkilos. Itayo ang mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika sa pinakamaunlad na kulumpon ng mga baryo. Palawakin at palakasin ang pakikibaka sa makahayop na pasistang panunupil sa masang magsasaka. Padagundungin sa buong kapuluan ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa.
  4. Mapangahas na palawakin ang ligal na demokratikong kilusan sa kalunsuran at kabayanan. Isulong ang malawak na kilusang masa para sa pagtatanggol ng kabuhayan, kagalingan at mga demokratikong karapatan ng mga manggagawa, magsasaka, iba pang maralita ng lunsod, mga propesyunal at intelektwal, maliliit na negosyante at iba pang uri at saray na inaagrabyado ng imperyalismo, reaksyon at pasismo. Ipaglaban ang makatarungang kahilingan sa dagdag na sahod ng mga manggagawa, umento sa sweldo ng mga kawani, kabuhayan para sa walang trabaho, pabahay para sa mga maralita, at disente at makataong pamumuhay para sa lahat. Ipaglaban ang pagbibigay-prayoridad sa kagalingang panlipunan at tutulan ang lalong pagbundat sa mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista, mga panginoong maylupa at malalaking burukratang kapitalista. Labanan ang mga patakaran at hakbanging nagdudulot ng malawakang disempleyo, kaswalisasyon, paglabag sa mga demokratikong karapatan at iba pang anyo ng ibayong panggigipit sa mga manggagawa. Itaguyod ang demokratikong karapatan ng mamamayan sa pag-uunyon, pag-oorganisa, sama-samang pagkilos at paglaban sa pang-aapi at pambubusabos.
  5. Kabigin ang mga panggitnang pwersa, kabilang ang mga taong-simbahan, mga mamamahayag, mga propesyunal, maliliit at panggitnang negosyante at iba pa, para lumahok sa kilusang anti-"globalisasyon" at sumuporta sa mga pakikibaka laban sa pasismo at iba pang pakikibaka ng batayang masa. Paigtingin ang kilusang protesta laban sa imperyalistang "globalisasyon," liberalisasyon, deregulasyon at iba pang imperyalistang panghihimasok at imposisyon na sumasalanta sa kabuhayan ng karaniwang mamamayan. Itaguyod ang makabayang industriyalisasyon at kagalingang bayan laban sa imperyalistang "globalisasyon" at liberalisasyon. Isulong ang pinakamalawak na nagkakaisang prente ng lahat ng uri at sektor na inaagrabyado ng imperyalistang "globalisasyon."
  6. Isulong ang kilusang protesta laban sa pandarambong at malakihang korapsyon kapwa ng mga nakaraan at kasalukuyang rehimen, at laban sa mga panibagong pasanin at pahirap na ipinapataw ng rehimeng US-Arroyo sa mamamayan.
  7. Tutulan at labanan ang todo-todong gerang kontrarebolusyonaryo ng rehimeng US-Arroyo sa ngalan ng "antiterorismo." Labanan ang malawakang militarisasyon, tumitinding pasistang panunupil at paglabag sa mga karapatang-tao ng mamamayan. Itaguyod ang CARHRIHL para ipagtanggol ang mga karapatan at kapakanan ng mamamayan at labanan ang anti-komunistang paninira at kampanya ng reaksyunaryong gubyerno at mga armadong pwersa nito.
  8. Palawakin at palakasin ang kilusang protesta laban sa interbensyong militar at pagtutulak ng pasistang terorismo ng US sa ngalan ng gerang "kontra-terorismo." Tutulan ang agresyong militar ng imperyalismong US sa iba't ibang dako ng daigdig.
  9. Palakasin at sinsinin ang rebolusyonaryo at progresibong propaganda at edukasyong pampulitika sa hanay ng mamamayan. Malawakang isiwalat sa sambayanan ang tunay na ugat ng krisis sa malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng lipunan, pananalasa ng imperyalistang "globalisasyon," teroristang gera at interbensyon ng US, at mga hambalos ng pandaigdigang krisis ng imperyalismo. Matiyagang magpaliwanag sa mamamayan para labanan ang sistematiko at walang humpay na kasinungalingan, saywar at paninira ng reaksyunaryong gubyerno at AFP. Engganyuhin ang kasigasigan ng mamamayan sa armadong rebolusyon at pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.
  10. Samantalahin at mas paigtingin pa ang mga hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo upang labanan ang mga pakanang anti-masa, anti-demokratiko at anti-nasyunal at ihiwalay at labanan ang pinakamalaki at pinakamasahol na mga papet ng imperyalismo.Palawakin ang ugnay at pakikipag-alyansa sa mga grupo at elemento sa hanay ng mga naghaharing uri na handang makipagtulungan sa mga rebolusyonaryong pwersa para sa mutwal na pakinabang at para sa kabutihan ng masa ng sambayanan.

Wala nang iba pang mapagpipilian ang sambayanang nakasandal na sa pader bunga ng lumulubhang krisis sa bayan at sa daigdig at ng malulupit na antinasyunal at antimamamayang hakbangin ng papet na rehimen at amo nitong imperyalista kundi ang lumaban at magrebolusyon. Nasa pagrerebolusyon lamang ang tunay na kalutasan sa walang katapusan nilang paghihirap sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal at sa harap ng walang patumanggang mga atake ng imperyalismo.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.