Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Pagpupugay sa Romulo Jallores Command sa mahusay na pangangalaga at ligtas na pagpapalaya sa mga bihag ng digma

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Agosto 18, 2004

Alinsunod sa mga patakaran ng Bagong Hukbong Bayan, sa mga batas ng rebolusyonaryong gubyernong bayan, sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), sa mga makataong konsiderasyon at mga pandaigdigang alituntunin sa digmaan, pinalaya ngayong araw ng BHB sa Bikol ang mga prisoner of war (POW) na sina 1Lt. Ronaldo Fidelino at Pfc Ronnel Neme�o.

Ang proseso ng pagpapalaya sa mga POW ay pinagkasunduan ng mga negotiating panel ng GRP (Government of the Republic of the Philippines) at ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines). Sa pamamagitan ng negosasyon, pinagkaisahan ang mga hakbangin para sa ligtas at maayos na pagpapalaya sa mga bihag.

Pangunahin sa mga ito ang pagsasakatuparan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) ng suspension of offensive military and police operations (SOMO/SOPO) sa mga prubinsya ng Camarines Sur at Albay. Ang SOMO/SOPO ay lubos na kinakailangan para mabigyang-daan ang ligtas at maayos na pagpapalaya sa mga POW. Noong una'y nagmatigas ang AFP at PNP laban sa pagpapatupad ng SOMO/SOPO at nagpumilit na "iligtas" ang mga POW sa pamamagitan ng kanilang mapaminsalang "rescue operations". Kundi dahil sa pagmamatigas na ito ng AFP at PNP, napalaya na sana ang mga POW noon pang Abril matapos itong pormal na hilingin ng GRP sa NDF.

Matapos lamang ng matinding presyur ng iba't ibang mga sektor naobliga ang AFP at PNP na kilalanin ang kautusan para sa SOMO/SOPO. Inaasahang magtatagal ito hanggang Agosto 25, o pitong araw matapos ang pagpapalaya sa mga POW. Bilang katumbas na hakbangin, ang NDF ay nag-utos sa BHB sa Bikol na ihinto at iwasan ang mga opensibang militar laban sa AFP at PNP sa mga prubinsya ding iyon.

Nagbibigay-pugay ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mga Pulang mandirigma ng Romulo Jallores Command na nangalaga at nagsakatuparan ng pagpapalaya sa mga naturang POW. Sa pamamagitan ng malalim na suporta ng masa, bakal na disiplina, mataas na rebolusyonaryong kamulatan at matatag na paghawak sa rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika, mahusay na pinangalagaan ng RJC ang mga POW sa nagdaang halos anim na buwan. Iginalang ang karapatan ng mga POW, binigyan ng atensyong medikal at tinrato sa makataong paraan. Hindi sila sinaktan ni gapitik.

Ipinamalas ng RJC ang mahigpit na pagtalima nito sa sariling mga patakaran ng BHB kaugnay ng pangangalaga sa mga bihag, sa mga probisyon ng CARHRIHL at mga kaukulang probisyon ng Geneva Conventions.

Sa mahusay na pangangalaga at pagpapalaya sa mga POW, ipinakita ng RJC ang mataas na disiplina ng BHB bilang isang rebolusyonaryong hukbo. Ang gayong ipinamalas ng BHB ay tuwirang taliwas sa "teroristang pagbabansag" ng imperyalismong US at ng tutang rehimeng Arroyo laban sa PKP at BHB. Ang gayong pagbabansag ay mapabubulaan ng mismong tuwirang karanasan nila Lt. Fidelino at Pfc. Neme�o.

Sadyang sa lalo pang pagsulong ng digmang bayan sa buong bansa, tiyak na mayroon pang ibang mga tauhan ng AFP at PNP na madadakip ng BHB bilang mga POW. Ang pagkilala at mahusay na pagtrato ng BHB sa mga tauhan ng AFP-PNP na sumusurender o nahuhuli sa labanan bilang mga prisoner-of-war ay isang pagsisikap na gawing makatao at sibilisado ang kasalukuyang digmang sibil sa Pilipinas. Mahusay kung ang mga karanasan ni Lt. Fidelino at Pfc. Neme�o ay mapalaganap sa hanay ng AFP at PNP. Ang kanilang karanasan ay nagpapatunay na mas makabubuti para sa mga sundalo at pulis na mapapalaban sa BHB na kusang sumuko kaysa isakripisyo ang buhay para sa digmang nagsisilbi lamang sa interes ng mga naghaharing mapagsamantalang uri.

Ang kontra-rebolusyonaryong digma ng AFP-PNP ay isang digmang laban sa mamamayan. Sa pagsusulong nito, pangunahing binibiktima ng AFP-PNP ang mga di armadong sibilyan. Kung tutuusin, ang rehimeng US-Arroyo ang tunay na terorista.

Maliwanag itong ipinakita maging nitong sa paglulunsad ng AFP ng mga "rescue operations" upang "iligtas" ang dalawang POW. Labis-labis na karahasan ang dinanas ng mamamayan ng Camarines Sur sa kamay ng 42nd Infantry Batallion. Napakaraming naganap na karumal-dumal na kaso ng pagpatay, iligal na pag-aresto, pagkulong at pagtortyur, pagnanakaw, panggagahasa at pangmomolestya sa kababaihan. Kailangang pagbayaran ng AFP ang lubos na pinsalang idinulot nito sa mamamayan sa Tinambac at mga kalapit-bayan.

Maliwanag din itong ipinakikita sa malupit na pagtrato nito ng mga bihag. Taliwas sa makataong pagtrato ng BHB sa mga POW, ang mga mandirigma at aktibistang nadadakip at ikinukulong ng AFP-PNP ay dumaranas ng malulupit na tortyur, pananakot at iba pang matitinding paglabag sa mga karapatang-tao.

Sa pagkakataong ito, nais naming ipahayag ang mariing pagtuligsa sa patuloy na di pagtupad ng matagal nang pangako ng rehimeng Arroyo na pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Walang katarungan, labag sa Doctrinang Hernandez tungkol sa mga pampulitikang kaso at mabigat na paglabag sa mga pampulitikang karapatan at karapatang-tao ang pagtatrato at pagkukulong sa kanila tulad ng mga kriminal.

Inaasahan ng NDFP na tutupdin ng GRP ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal bilang paunang hakbang sa pagtupad ng mga obligasyon nitong nakasaad sa mga kasunduan sa Oslo noong Pebrero at Abril 2004. Ituturing itong positibong hakbangin para sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.