Kinukundena ng PKP ang pagpatay kina Roger Mariano, Arnel Manalo at iba pang mamamahayag
Gregorio "Ka Roger" Rosal Spokesperson Communist Party of the Philippines
Agosto 07, 2004
Lubos na kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang karahasan sa mga mamamahayag, laluna't nagiging lubhang laganap na ang pagpatay at tangkang pagpatay sa kanila. Isang mamamahayag sa Ilocos Norte at isa pa sa Batangas ang pinaslang at ilan pang mamamahayag sa Cebu ang tinangkang paslangin nitong mga nagdaang araw.
Nakikiramay kami sa mga inulila ni Arnel Manalo, manunulat ng pahayagang Bulgar at brodkaster sa MBC-DZRH na pinaslang nitong Agosto 5 sa Bauan,Batangas, gayundin sa mga inulila ni Roger Mariano, brodkaster ng MBC-DZJC na pinaslang noong Hulyo 31 sa Laoag, Ilocos Norte.
Sina Manalo at Mariano, katulad ng nakararami sa mahigit 50 iba pang mamamahayag na pinaslang mula 1986 ay nanindigan laban sa mga katiwalian at krimen. Ang pagpaslang sa kanila ay muling nagpapatampok sa malaking sagka sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa at matinding peligrong kinakaharap ng mga Pilipinong mamamahayag, laluna yaong mga naglalantad sa korapsyon at terorismo ng mga reaksyunaryong pulitiko, mga warlord at mga upisyal militar.
Sa pagkakataong ito, nais kong balikan ang pahayag na inilibas ng PKP noong Setyembre 9, 2003:
"Isang malaking kahungkagan ang ipinamamarali ng reaksyunaryong gubyerno na 'pinakamalaya ang pamamahayag sa Pilipinas.' Katunayan, isa sa pinakasupil sa daigdig ang pamamahayag sa Pilipinas. Tampok ang Pilipinas bilang isa sa bansa kung saan pinakamaraming pinapaslang na mga mamamahayag. Nitong mga nagdaang buwan, hindi kukulangin sa limang mamamahayag na ang pinaslang ng pinaghihinalaang tauhan o kasabwat sa militar ng malalaking taong kinalaban ng mga mamamahayag. Tampok rin ang iba't ibang paraan ng panunupil sa karapatan at kalayaan sa pamamahayag, tulad ng mga pamemresyur ng Malakanyang, ng mga malalaking pulitiko, malalaking negosyante at militar. Sa pakikipagsabwatan sa mga nasa kapangyarihan o dahil sa presyur mula sa kanila, ipinapataw din ng mga kapitalistang may-ari ng kumpanyang masmidya ang 'self-censorship' sa kanilang mga reporter, editor at komentarista. Laganap ang pagsasampa ng mga kasong libel sa sinumang mamamahayag na nagsisiwalat ng mga kaso ng katiwalian, panunuba, karahasan at iba pang kabulukan. Talamak din ang journalism' kung saan kalakaran na ang panunuhol nang malaki sa mga mamamahayag para baluktutin ang mga balita at propaganda pabor sa mga nanunuhol.
Sa ilalim ng kasalukuyang bulok na sistema kung saan ang gubyerno ay pinaghaharian ng mga reaksyunaryo at korap na pulitiko, patuloy na kailangang ipaglaban ng mamamayan ang kalayaan sa pamamahayag.
Sa harap ng lahat ng ito, nagpupugay kami sa mga prinsipyadong mamamahayag na puspusang naninindigan para sa mamamayan, laban sa korapsyon at katiwalian sa gubyerno, laban sa pagpapakapapet sa imperyalismong US at pagtataguyod nito ng imperyalistang globalisasyon at armadong panghihimasok ng US sa bansa, laban sa all-out war ng gubyerno at AFP, militarisasyon at mga paglabag sa karapatang-tao at karahasan laban sa mamamayan."
Back to top
|