Bukas na liham ni "Ka Roger" sa mga karaniwang tauhan at nakabababang upisyal ng AFP at PNP
Gregorio "Ka Roger" Rosal Spokesperson Communist Party of the Philippines
Nobyembre 13, 2004 Mga kapatid,
Muli kaming sumusulat sa inyo bilang mga kapwa Pilipino at mga kapwa inaapi ng naghaharing sistema. Sa pamamagitan ng liham na ito, nawa'y lalong mapatatag ang ugnayan at pakikipagtulungan ninyong mga karaniwang sundalo sa mga rebolusyonaryong pwersa sa hangaring ipagtanggol ang inyong mga demokratikong interes sa loob ng militar at tulungang isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino.
Katulad ninyo marahil, mataman naming sinusubaybayan ang mga balita nitong nagdaang dalawang linggo kaugnay ng mga ibinubunyag na mga kaso ng korapsyon ng mga namumunong milyunaryong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Habang parami nang parami ang mga nabubunyag na kaso ng malalaking korapsyon, lalong nagiging malinaw ang mga dahilan kung bakit napakalalim at napakatindi ng disgusto ninyong mga ordinaryong tauhan at nakabababang upisyal ng militar at pulisya.
Sadyang ang korapsyon ng matataas na upisyal ng AFP ang pinakamalaking dahilan sa likod ng maraming mga pahirap at pang-aapi na dinaranas ninyong mga ordinaryong tauhan ng militar--mula sa mga naaantalang sahod, mga kinakaltas na benepisyo, kawalan ng maayos na pabahay para sa inyong pamilya, kulang at mababang uri ng kagamitan, expired na mga gamot na iniineksyon at ipinakakain sa mga sugatan at maysakit na sundalo, ibinubulsang pondo para sa pensyon, at maraming iba pa ninyong problema.
Sinasabi ng ilan ninyong upisyal na ang kasalukuyang iskandalo ng korapsyon ay magreresulta sa paglilinis ng kalawang ng AFP. Pero paano itong mangyayari kung ang kalawang ay nasa pinaka-ubod ng militar? Kung ang mismong AFP at PNP ay itinatag sa kalawanging batayan ng pagtatanggol sa isang sagad-sa-butong bulok na sistema na pinaghaharian ng mga malalaking burukrata kapitalistang mangungurakot at mandarambong?
Walang pag-asang maalis ang korapsyon sa loob ng AFP; katulad ng, walang pag-asang maalis ang korapsyon sa burukrasyang sibil. Ang korapsyon sa AFP at burukrasya ay hindi lamang bunga ng tiwaling gawain ng ilang indibidwal. Ito ay sistematikong bahagi ng isang estadong walang tunay na demokrasya at hindi tunay na naglilingkod sa interes ng sambayanan. Hindi ba't karaniwang sinasabing "nilamon ng sistema" upang tukuyin ang mga indibidwal na nagsimulang malinis subalit naging tiwali nang maupo sa kapangyarihan.
Hambog na idinedeklara ng mga sibilyang upisyal na isasakatuparan nila ang mga reporma sa loob ng AFP. Katunayan, ang korapsyon sa loob ng AFP ay tuwirang nakadugtong sa korapsyon ng pinakamatataas na upisyal ng bulok na burukrasya at pinakikinabangan ng mga ito. Ito ang laganap na baluktot na pag-unawa ng maraming upisyal ng gubyerno sa prinsipyong "civilian supremacy over the military".
Dahil sa matinding korapsyon sa loob ng AFP at burukrasyang sibil, ang dapat na napupunta sa mamamayan at sa mga karaniwang kawani ng pamahalaan--para sa mas mataas na sweldo o mas mahusay sa serbisyong pampubliko--ay ibinubulsa ng iilan.
Kaya nga't kung tutuusin, bagamat bahagi kayo ng makinaryang pangunahing nagtatanggol sa naghaharing bulok at mapang-aping sistema, kayo man din ay inaapi at pinahihirapan nito.
Alam na alam namin na karamihan sa inyo ay nasa serbisyo ng AFP at PNP hindi dahil nais ninyong ipagtanggol ang naghaharing bulok na sistema. "Trabaho, hindi prinsipyo," ito ang madalas naming naririnig mula sa inyo, kapag naitatanong kung bakit nananatili pa kayo sa loob ng militar at pulis sa kabila ng matinding kabulukan ng mga iyon.
Batid naming marami sa inyo ay nauudyukan ng malalaking iskandalong yumayanig ngayon sa AFP na magsagawa ng mga hakbangin upang igiit ang inyong mga demokratikong kahilingan. Ang pagsasagawa ng gayong mga hakbangin ay marapat lamang. Karapatan ninyo ito. Subalit, katulad ng inyong nalalaman, anumang anyo ng pagpahahayag ng mga hinaing ay kadalasang malupit na sinusupil sa loob ng militar.
Maaari kayong maging mapanlikha upang maisagawa ang inyong mga kilos-protesta. Bukod sa mga kudeta at mutiny, maaari din kayong maglunsad ng iba pang anyo ng pagkilos upang ipahayag ang inyong matinding protesta.
Hinihikayat namin kayong mahigpit na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga rebolusyonaryong pwersa sa inyong lokalidad o sa loob ng inyong mga kampo mismo sa layuning isulong ang inyong interes sa loob ng AFP at PNP; at tumulong sa pagsusulong ng interes ng mamamayang Pilipino.
Kaugnay nito, inilalakip namin dito ang "SAMPUNG PUNTO NG PAGKILOS NG MGA ARMADONG TAUHAN NG REAKSYUNARYONG ESTADO PARA SA PAGSUSULONG NG SARILING KAGALINGAN AT KAPAKANAN NG SAMBAYANAN." Nawa'y magsilbi itong gabay sa inyong mga magiging hakbangin.
lubos na sumasainyo,
Gregorio "Ka Roger" Rosal Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas Nobyembre 13, 2004
Back to top
|