Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Singilin ang Rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa Kanyang State-of-the-Nation-Address (SONA)

Gregorio Ba�ares
Tagapagsalita
National Democratic Front of the Philippines-Bicol
Hulyo 26, 2004

Dapat singilin ng mamamayan ang papet na rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa kanyang State-of-the-Nation-Address (SONA) ngayong araw. Sa nakaraang mahigit tatlong taon sa Malakanyang, grabeng pahirap ang idinulot nito sa mamamayang Pilipino. Sa araw na ito, ihahayag ni GMA sa bayan ang dating pakete ng mga kontra-mamamayan, anti-nasyunal, at makadayuhang programa.

Kabilang sa ipinapanukala ng rehimen ang pagbabago ng reaksyunaryong Konstitusyon ng Pilipinas, at ang walong batas sa pagbubuwis na ipapataw sa mamamayan upang makakalap ng pondo ang bangkrap na gubyerno. Nakahanay sa bubuwisan ang mga produktong petrolyo, ang industriya ng telekomunikasyon, ang sigarilyo at alak, ang gross income ng mga kumpanya, at dadagdagan ang dati nang ipinatutupad na Value Added Tax (VAT). Ang mamamayan ang papasan ng lahat ng dagdag na pasaning buwis dahil ipapasa lang ito sa kanila ng mga malalaking kumpanya at negosyante.

Sobra-sobra nang pahirap ito sa mamamayan. Nito lang nakaraang buwan ay ilang beses nang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo, sumirit ang presyo ng mga batayang pangangailangan, dinagdagan ang singil sa pasahe, tubig, kuryente, at matrikula ng mga mag-aaral, habang nakapako ang sahod ng mga manggagawa at karaniwang empleyado. Dapat puspusang tutulan at labanan ito ng mamamayan.

Walang maaasahan ang mamamayan sa ambisyoso ngunit ampaw na sampung-puntong programa ng rehimen. Ni hindi nga nito nakamit ang dating target na isang milyong trabaho, makalikha pa kaya ito ng dagdag na anim hanggang sampung milyong trabaho? Halos 560,000 lang ang nalikhang bagong trabaho noong 2003 at hindi sumapat sa 1.45 milyong mamamayang dagdag na pwersa sa paggawa. Mayroong mahigit sa 4.8 milyong walang trabaho noong 2003. Sa kalagayang walang programa sa tunay na industriyalisasyon, imposibleng makalikha ng milyun-milyong trabaho ang rehimen.

Isang malaking kabalintunaan ang labis na pagpapalobo ng rehimen sa pagpapalaya kay Angelo de la Cruz habang manhid ito sa pang-aapi at pagsasamantala sa milyun-milyong manggagawang Pilipino sa maraming bansa sa Asya, Europa, at sa Amerika. Inaangkin ng rehimen ang tagumpay ng sama-samang pagkilos ng sambayanang Pilipino na naggiit sa pagpapalaya kay de la Cruz, at labis na pinatatampok ito upang pabanguhin ang sarili.

Walang bagong programa ang rehimen para sa tunay na kaunlaran at interes ng mamamayan. Ipinagpapatuloy lang nito ang dati nang kontra-mamamayan at makadayuhang programa ng liberalisasyon, pribatisasyon, at deregulasyon sa ilalim ng patakarang "globalisasyon ng malayang pamilihan".

Dapat nang wakasan ang pang-aapi at pagpapahirap sa mamamayan. Dapat magkaisa at magsama-sama ang lahat ng sektor sa lipunan upang patalsikin ang rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Hindi na dapat hayaang pahabain pa ang pang-aapi at pagsasamantala nito sa mamamayan.



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.