Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Magkaisa laban sa mga pasistang atake ng rehimeng US-Arroyo!
Biguin ang mga hakbangin sa pagpapataw ng batas militar!

Mensahe sa ika-32 anibersaryo ng National Democratic Front

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Abril 24, 2005

Isang mainit na rebolusyonaryong pagbati ang ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mga upisyal at buong kasapian ng National Democratic Front (NDF) sa okasyon ng ika-32 anibersaryo ng pagtatatag nito.

Ang mga tagumpay ng NDF sa pagbubuo ng malawak at matatag na pagkakaisa ng mamamayang Pilipino para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan ay nagsisilbi ngayong isa sa pinakaimportanteng sandata sa paglaban ng masang manggagawa at magsasaka laban sa pang-aapi at pagsasamantala.

Sa pamamagitan ng NDF, natitipon ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mga demokratiko at patriyotikong uri na lumalaban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at nakukuha ang malawak na suporta sa loob at labas ng bansa para sa rebolusyong Pilipino.

Ang lumalawak na suportang tinatamasa ng rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng NDF ay taliwas sa lumalalang pagkakahiwalay ng reaksyunaryong estado na nagsisilbi sa makitid na interes ng mga mapagsamantala at mapang-aping naghaharing uri sa Pilipinas.

Bunga ng puspusang pagsusulong ng rebolusyon at mga pagsisikap ng NDF, ang rebolusyong Pilipino ay tumatamasa ng mataas na prestihiyo sa labas ng bansa. Kilala ang rebolusyong Pilipino sa kakayahan nitong tumindig sa sariling paa at sumandig sa malawak na suporta ng mamamayang Pilipino.

Kabaligtaran nito, kilala ang reaksyunaryong estado sa Pilipinas sa pagiging parasitong sumisipsip sa dugo ng mamamayan at nabubuhay lamang sa pautang at suportang materyal ng imperyalismong US kapalit ng pagsuko ng kalayaan at kayamanan ng bansa. Sa walang tigil na paglala ng krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal, lalong nagiging mapang-api at mapanupil ang reaksyunaryong estado. Nagdudulot ito ng papatinding paghihirap at pagsasamantala sa mamamayang Pilipino.

Sa kasalukuyan, ang demokratikong rebolusyong bayan ang tanging bagay na nakapagbibigay sa mamamayang Pilipino ng pag-asa na magkakaroon ng maaliwalas na bukas para sa kanilang mga anak at susunod nilang salinlahi.

Labis-labis ang desperasyon ng rehimeng US-Arroyo, ang kasalukyang tagapangalaga ng reaksyunaryong estado, sa harap ng tuluy-tuloy na paglakas ng rebolusyong Pilipino, ang pag-igting ng pakikibaka ng iba't ibang sektor at paglala ng krisis ng naghaharing sistema.

Tulad ng diktadurang Marcos, nais ng rehimeng Arroyo na puksain ang lahat ng anyo ng paglaban ng mamamayang Pilipino sa hangaring pawiin ang lahat ng hadlang sa korapsyon ng mga nasa poder, sa pagpapatupad ng mga mapang-aping patakaran sa ekonomya at pagpapakapapet nito sa imperyalismong US.

Partikular na target ng mga teroristang atake ng rehimeng US-Arroyo ang mga di armadong pwersang progresibo. Nitong nakaraang ilang buwan, sunud-sunod ang pagpatay sa mga lider ng mga progresibong partido at mga makamasang organisasyong nagtataguyod sa interes ng mga aping sektor. Ang mga pasistang hakbanging ito ay pawang paghahanda sa lantarang pasistang paghahari sa pamamagitan ng batas militar o iba pang anyo ng tahasang pagkakait sa mamamayan ng kanilang mga karapatang sibil at pampulitika.

Sa punto de bista ng rehimeng Arroyo, kaaway ng estado ang mga progresibong pwersang di armado. Ang mga pwersang ito ang nangunguna sa paglalantad sa korapsyon; sa pagbatikos at paglaban sa mga mapang-aping patakaran sa ekonomya; sa pagtuligsa sa pakikialam ng US at pagyurak sa ating pambansang soberanya; sa pagkundena sa pagsasamantala ng mga dayuhang kapitalista; sa pananawagan para sa karagdagang sahod at tunay na reporma sa lupa; at sa iba pang pagkilos upang itaguyod ang interes ng mga api at pinagsasamantalahan.

Nagngangalit ang imperyalismong US at ang sagad-sagaring mga reaksyunaryo sa mga pwersang progresibo sapagkat sa kanilang pagkilos ay lalong lumilinaw sa mata ng mamamayang Pilipino ang pagiging bulok at mapang-api ng kasalukuyang naghaharing sistema at nakikita ang katwiran para sa rebolusyonaryong pagbabago ng lipunan.

Kung tutuusin, nagpapatiwakal ang rehimeng US-Arroyo sa pagsasagawa nito ng mga hakbangin tungo sa lantarang pasistang paghahari. Katulad ng pagpapataw ng diktadurang US-Marcos ng batas militar, ang tahasang mga pasistang hakbangin ng rehimeng Arroyo, sa udyok ng imperyalismong US, ay lalo lamang maglalantad sa mamamayang Pilipino ng pangangailangang wakasan ang paghahari nito at magpapabilis sa pagpapabagsak nito sa poder.

Pinatutunayan ng kasaysayan na ang paggamit sa lantarang pasismo ay palatandaan, hindi ng lakas, kundi ng internal na kahinaan at kawalan ng katatagan ng naghaharing estado. Ipinakikita nito na ang isang instrumento ng paghahari--ang paggamit ng palamuti ng demokrasya upang linlangin ang mamamayan--ay hindi na epektibo upang tiyakin ang mapayapang pagtalima sa lahat ng patakaran at batas ng reaksyunaryong paghahari. Dahil dito, lalong sumasandig ang estado sa paggamit ng mga instrumento ng karahasan upang pwersahin ang mamamayan na tanggapin ang paghahari ng kasalukuyang rehimen.

Sa harap ng sitwasyong ito, kailangang puspusang kumilos ang mga rebolusyonaryong pwersa upang lalong palawakin at patatagin ang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino at nang epektibo nilang mabaka at mabigo ang mga hakbangin tungo sa pasistang paghahari. Sa bagay na ito, gaganap ng nangungunang papel ang National Democratic Front bilang instrumento ng pagkakaisa at pakikibaka ng mamamayang Pilipino. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.