Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Mga Guro ng Bayan -- magkaisa at makiisa sa sambayanan! Patuloy na pag-aralan, isabuhay at ituro ang rebolusyon! Ipagdiwang ang ika-33 taong anibersayo ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan!

Katipunan ng mga Gurong Makabayan
Marso 28, 2004

Tumugon sa hamon ng rebolusyon ang mga guro ng bayan nang idaos ang unang konggreso ng KAGUMA (Katipunan ng mga Gurong Makabayan) noong Marso 28, 1971 -- dalawang taon matapos muling itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), at dalawang taon matapos itatag ng PKP ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) upang isulong ang armadong demokratikong rebolusyong bayan.

Sigwa ng Dekada 70

Sa gitna ng rumaragasang daluyong ng rebolusyonaryong kilusang masa sa Kamaynilaan at mga sentrong bayan sa buong kapuluan, at sa inspirasyon ng umuusbong na armadong pakikibaka ng BHB sa kanayunan noong 1970-71, sama-sama at buong-tapang na nanindigan at nanawagan ang mga makabayang guro at kasapi ng KAGUMA sa lahat ng guro ng bayan, kaisa ng sambayanan, na itransporma ang buong kapuluan bilang isang malaking silid-aralan ng rebolusyon!

Kaya nang ipataw ng diktadurang Marcos ang Batas Militar noong Setyembre 1972, ang KAGUMA at mga kasapi nito, na idineklarang iligal, ay tuwiran nang nagsulong ng rebolusyonaryong kilusang lihim sa kalunsuran at maramihang sumapi sa BHB upang lumahok sa matagalang digmang bayan sa kanayunan.

Rebolusyonaryong Kilusang Lihim

Dahil sa matiyagang gawaing masa, sa pagpapalakas ng mga pakikibaka para sa kagalingan at karapatan ng mga guro, at pag-uugnay ng mga ito sa anti-pasista, antipyudal at anti-imperyalistang pakikibaka ng sambayanan, muling natipon ang lakas ng mga guro at kawani sa edukasyon kahit sa panahon ng pasistang paghahari.

Kaya noong 1985, idinaos ang unang pambansang konggreso ng KAGUMA bilang lihim na organisasyong masa ng mga makabayan at progresibong guro na nagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang guro para sa demokratikong rebolusyong bayan. Bilang kasapi ng National Democratic Front of the Philippines (NDF), mahigpit na nakikiisa ang KAGUMA sa lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang uri't sektor ng lipunang Pilipino sa pagtataguyod ng antipasista, anti-imperyalista at antipyudal na rebolusyonaryong kilusan ng bayan.

Muling Pagdaluyong

Ibayong sumigla ang rebolusyonaryong kilusang guro. Nakapaglunsad ito ng mga matitinding kampanya't pakikibakang masa mula sa lokal hanggang pambansang antas, at matagumpay na iniugnay ang mga pakikibakang ito sa pangkalahatang rebolusyonaryong pakikibaka para ibagsak ang diktadurang US-Marcos, at para ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.

Matapos bumagsak ang diktadurang Marcos, pumalit ang isang nagposturang "liberal-demokratikong" rehimeng US-Aquino. Walang makabuluhang pagbabago na naganap sa kalagayan ng mamamayan. Nanatili ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo bilang ugat na suliranin ng lipunang Pilipino na kinatawan ng naluklok na papet at pasistang rehimeng Aquino.

Kaya nang idinaos ang ikalawang pambansang kongreso ng KAGUMA noong Disyembre 1987, itinaguyod ng KAGUMA ang pangkalahatang tungkulin sa panahong 1988-1990 na higit na isulong ang rebolusyonaryong kilusang guro sa partikular, at ang demokratikong rebolusyong bayan sa pangkalahatan.

Disoryentasyon at Pagkakamali

Nakapaglunsad ng mga matatagumpay na kilos protesta ang kilusang guro para itaas ang sweldo't benepisyo ng mga guro. Tumulong na rin ang mga aktibista ng KAGUMA kasama ng BHB at PKP sa pagbubuo ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika ng mamamayan sa kanayunan sa pamamagitan ng tulong sa mga rebolusyonaryong komite sa edukasyon. May panimula ring pagsisikap na isulong ang literacy campaign o programa sa pagbasa, pagsulat at pagbilang sa hanay ng masang magbubukid at manggagawa.

Gayunman, namayani rin sa rebolusyonaryong kilusang guro at sa KAGUMA ang pampulitikang disoryentasyon sa anyo ng insureksyunismo at repormismo noong mga huling bahagi ng dekada 80 hanggang maagang bahagi ng dekada 90.

Napabayaan ang matiyagang gawaing pang-edukasyon at pag-organisa sa paghahabol sa mga sigwa't magagarbong aksyong masa. Hindi naiangat ang antas ng kamulatan ng masang guro. Hindi naiangat sa pampulitikang pakikibaka ang mga pang-ekonomyang pakikibaka ng mga guro at kawani. Hindi naisanib ang masang guro sa mga pakikibaka ng masang anakpawis. At hindi nakapagpalawak nang husto at nakapagpanday ng maraming kasapi't aktibista ng KAGUMA.

Kalaunan ay pumaloob ang ilang lider-guro at aktibista sa pakikipagkompromiso sa pamahalaan. Nabulid sa repormismo ang mga dating pambansang lider ng KAGUMA at kanilang binitiwan ang mga pundamental na prinsipyo't tungkulin ng KAGUMA at ng demokratikong rebolusyong bayan.

Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto

Sadyang kinailangan ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto na inilunsad ng PKP noong 1992 para muling mailagay sa tamang oryentasyon at direksyon ang KAGUMA at ang rebolusyonaryong pakikibaka ng kaguruan sa Pilipinas.

Sa gabay ng kilusang pagwawasto, mapagpasyang iwinasto at itinakwil ng KAGUMA at ng mga rebolusyonaryong guro ang insureksyunismo't kaliwang oportunismo, at ang kakambal nitong ekonomismo, repormismo't kanang oportunismong dumiskaril at sumabotahe sa kilusang guro. Kaakibat nito ay mapagpasya ring nailantad at naitakwil ang nanggulo, nagpaksyon at nanabotaheng mga kontra-rebolusyonaryong taksil na dating lider at aktibistang guro na ayaw kumilala sa mga pagkakamali at ayaw magwasto at magbago.

Sa gabay ng kilusang pagwawasto, muling pinagtibay at muling itinaguyod ng KAGUMA at ng mga tunay na rebolusyonaryong guro ang mga pundamental na rebolusyonaryong prinsipyo't tungkulin ng KAGUMA at ng buong demokratikong rebolusyong bayan.

Muling naituon ng rebolusyonaryong kilusang guro ang nagpapanibagong lakas nito sa pagsusulong ng mga pang-ekonomya't pampulitikang pakikibaka ng masang guro at mamamayan, kaakibat ng pakikibaka para ilantad, ihiwalay at ibagsak ang sumunod na papet at pasistang rehimeng US-Ramos, at ang humalili rito na papet at pasistang rehimeng US-Estrada hanggang sa ibagsak ito ng dambuhalang pag-aaklas ng taumbayan sa tinaguriang EDSA Dos noong Enero 2001.

Muling Pagpapasigla

Tungo sa muling pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusang guro sa buong kapuluan, at sa paglulubos ng mga tagumpay ng dakilang kilusang pagwawasto sa hanay nito, ay matagumpay na idinaos ang ikatlong pambansang konggreso ng KAGUMA nitong Mayo 2003 sa isang erya ng larangang gerilya sa Gitnang Luzon. Dinaluhan ito ng halos limampung delegado mula sa Ilocos, Cordillera, Cental Luzon, Metro Manila, Southern Tagalog, Bicol, Negros, Panay, Davao at CARAGA region.

Matagumpay na nilagom ng ikatlong pambansang konggreso ng KAGUMA ang mga rebolusyonaryong pakikibaka ng masang guro mula noong 1980 hanggang 1994, at komprehensibong tinasa ang rebolusyonaryong pakikibaka ng masang guro mula noong 1994 hanggang 2002. Mahahalagang aral ang natutunan sa nakaraan na tiyak na magsisilbing inspirasyon at gabay para sa ibayong pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masang guro, kawani't mag-aaral para sa demokratikong rebolusyong bayan.

Matagumpay ding nakapaghalal ng bagong pambansang konseho't liderato ng ikatlong konggreso ng KAGUMA at nakapagbalangkas ng bagong konstitusyon, pangkalahatang programa ng pagkilos at 1-taong plano ng pambansang konseho para sa 2003-2004.

Nagpugay rin ang ikatlong pambansang konggreso ng KAGUMA sa mga kasapi ng KAGUMA at sa mga rebolusyonaryong guro na nag-alay na ng kanilang buhay at naging mga dakilang bayani at martir ng rebolusyong Pilipino, tulad nina kasamang Jessica Sales (UPLB); Evelyn Pacheco (PNU Estudyanteng Guro/BHB-Visayas); Deodoro Buatis (Principal ng Davao); Manuel Guianga-Ola (guro ng Davao); Rafael Quejada (Davao); Luz Pagobo (guro ng Davao); Jun Geronimo (North Cotabato); Rey Rubin (guro ng Binalbagan, Negros Occidental); Ka Toy (Albay); Gabby Gaveria (Bicol); Nona Santaclara (Bicol); July Mendoza (Central Luzon). Nagpupugay ang KAGUMA sa inyong kadakilaan!

Malaking Hamon

Ang malaking hamon ngayon sa KAGUMA ay mapangahas na isulong ang rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng masang guro, kawani't mag-aaral, at mapangahas na magpalawak batay sa pagpapatatag, sa gitna ng napakatinding krisis pang-ekonomya't pampulitika ng bansa at ng buong daigdig.

Kagyat na pangkalahatang tungkulin na ibagsak ang pinakasagadsagaring papet ng Kano, pasista at teroristang rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Biguin natin ang marahas at salaulang pakana at ambisyon ng rehimeng Macapagal-Arroyo na dahasin at dayain ang pambansang eleksyon ngayong Mayo 2004 para patuloy na manatili't makapaghari ito sa Malacanang. Ibagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Ibayong isulong ang armadong demokratikong rebolusyong bayan.

Kaugnay nito ay binalangkas ng pambansang konseho ng KAGUMA ang mga sumusunod na panawagan:

  • Mapangahas na magpalawak at itayo ang mga tsapter ng KAGUMA sa antas probinsya, distrito, at paaralan.
  • Pangunahan ang pakikibaka ng mga guro para sa kanilang karapatan at kapakanan. Gawing militante, progresibo, at makabayan ang mga asosasyon, unyon, at pederasyon ng mga guro.
  • Makipagkaisa, impluwensyahan, at pakilusin ang iba pang mga tradisyunal na pederasyon at asosasyon ng mga guro na hindi pa naaabot ng ating gawaing pag-oorganisa.
  • Makiisa sa mga organisasyon ng kabataang estudyante sa kampanya laban sa mga patakaran sa edukasyon na dikta ng mga imperyalistang institusyon lalo na ang hinggil sa komersyalisasyon at pribatisasyon ng mga SCUs at pagliit ng badyet sa edukasyon.
  • Makiisa at sumuporta sa pakikibaka ng batayang masa para sa kanilang interes at kapakanan. Sumuporta sa mga welga, anti-pyudal na pakikibaka, at kampanya laban sa demolisyon.
  • Labanan ang mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon na lalong naglulugmok sa mamamayan sa kahirapan. Maglunsad ng at/o lumahok sa mga kampanya laban sa pagtaas ng presyo ng mga batayang produkto at serbisyo.
  • Ilantad ang tumitinding agresyon ng imperyalismong US sa buong mundo. Tutulan ang gerang agresyon at okupasyon ng US sa Iraq at sa anumang bahagi ng mundo. Tutulan ang mga joint exercise at tumitinding panghihimasok ng mga tropang US sa bansa.
  • Lumahok sa pakikibaka ng mamamayan laban sa tumitinding militarisasyon at mga terorismo't pasistang atake ng reaksyunaryong estado.
  • Regular na maglabas ng rebolusyonaryong pahayagan at mga rebolusyonaryong pahayag hinggil sa mga mayor na isyu ng mamamayan at mga guro.
  • Itaguyod ang rebolusyonaryong pakikitungo sa pambansang eleksyon ngayong 2004 kung saan dapat ilantad at kondenahin ang reaksyunaryong katangian nito na sumusuhay lamang sa bulok na malakolonyal at malapyudal na katangian ng sistema ng lipunan; ipalaganap ang pambansang demokratikong pagsusuri sa tunay na kalagayan ng lipunan at ang rebolusyonaryong programa at alternatiba; at, maksimisahin ang pagkamit ng mga kongkretong ganansya para sa mamamayan at sa rebolusyon, tulad ng pagpapanalo sa ilang mga progresibong partido at kandidato, pagkuha ng komitment ng pinakamaraming kandidato hinggil sa mga adyenda at patakarang kapakipakinabang sa iba't ibang uri't sektor ng mamamayan, at pagkuha ng pinakamalaking kayang kolektahing suportang pinansyal at teknikal para sa lihim at hayag na rebolusyonaryong kilusan.
  • Ipalaganap ang programa ng pambansang demokratikong rebolusyon sa iba't ibang paraan. Linangin ang pagiging kritikal at mapanuri ng kabataan. Ipalaganap ang edukasyon at kulturang pambansa, syentipiko, at pangmasa.
  • Mag-ambag sa armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pangangalap ng mga gamit, damit, gamot, pondo, at iba pa para sa hukbo. Maglunsad ng programa ng integrasyon sa kanayunan. Tumulong sa pag-aangat ng literasiya ng mga magbubukid at ng mga maralitang tagalungsod. Magrekluta at magpalista para sa Bagong Hukbong Bayan.
  • Itaguyod at suportahan ang NDF (National Democratic Front of the Philippines) sa Usapang Pangkapayapaan nito at sa pagtataguyod ng CARHRIHL (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law) at JMC (Joint Monitoring Committee), sa panukala ng NDF na Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER), at sa iba pang itinataguyod ng NDF at ng demokratikong rebolusyong bayan.
  • Nananatili ang dakilang hamon sa lahat ng mga guro ng bayan, 33 taon na ang lumipas mula ng itatag ang KAGUMA. At magpapatuloy ang rebolusyonaryong pagtugon ng mga makabayan at rebolusyonaryong guro ng bayan hanggang makamit ng sambayanang Pilipino ang rebolusyonaryong tagumpay at pagbabago sa lipunan.

    Patuloy nating pag-aralan, isabuhay at ituro ang rebolusyon! Itransporma ang buong kapuluan bilang isang malaking silid-aralan ng demokratikong rebolusyong bayan!

    Mabuhay ang ika-33 anibersaryo ng KAGUMA!

    Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!

    Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.