Kondenahin Ang Dinastiya Dy Sa Pagpapasara Sa Bombo Radyo!
Salvador del Pueblo Tagapagpahayag National Democratic Front Northeastern Luzon
Pebrero 18, 2004
Mariin naming kinokondena ang Dinastiya Dy sa pinakahuling akto ng panunupil at pagyurak sa kalayaan at karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag at sa pamamahayag. Ito na ang pangalawang pagkakataon na ipinasara ng dinastiya ang himpilan ng Bombo Radyo.
Muling napatunayan na hindi kinikilala ng dinastiya ang katuwiran at demokratikong mga karapatan ng mamamayan. Ito ay desperadong hakbangin ng isang nabubulok na pamilya sa pangunguna ni Gobernador Faustino Dy Jr, na nagpupumilit at kapit-tukong pinanatili ang sarili sa poder.
Malinaw ang mga palatandaan na ang dinastiya ay mabilis nang nahihiwalay sa mamamayan. Kinakailangan na nitong gumamit ng panunupil upang lubusang patahimikin ang pinakamasiglang tagapagtambol at daluyan ng boses ng mamamayan sa himpapawid at ganap na makapaghari sa probinsya.
Walang pinag-iba ang hakbanging ito sa pagpataw ng isang rehimeng militar kung saan ang unang tinitiyak na ikandado at patahimikin ng estado ay ang masmidya. Binubusalan ang anumang puwang na magkaroon ng daluyan at maigiit ng mamamayan ang kanilang mga batayang karapatang pampulitika, pang-ekonomiya at kalayaang sibil.
Ngunit malaking pagkakamali ito ng dinastiya. Nagsisilbing buhay na halimbawa ang kanilang hakbangin upang mailarawan ang pasistang paghahari, warlordismo, diktadura at autoritarianismo. Lalo lamang nitong ginigising at pinatatalas ang diwang palaban at kontra-dinastiyang sentimyento ng mamamayan.
Itinuturing ng rebolusyonaryong kilusan na dagdag sa humahabang listahan ng mga pananagutang kriminal ng dinastiya Dy ang pinakahuling paglabag na ito. Nanawagan kami sa mamamayan ng buong rehiyon ng Lambak ng Cagayan at sa Silangang Kordilyera na suportahan ang Bombo Radyo sa panibagong laban na ito. Lumahok sa mga pagkilos ng mamamayan upang muling mabuksan ang himpilan ng radyo. Hindi lamang interes ng Bombo kundi interes ng mamamayan ang nakasalang sa usaping ito.
Igiit at ipaglaban ang kalayaan at karapatan sa pamamahayag!
Buksan ang Bombo Radyo!
Labanan at wakasan na ang dinastiya!
Back to top
|