Nasamsam na matataas na kalibre ng baril dagdag sa arsenal ng BHB, isang tagumpay para sa mamamayan ng Catanduanes
Ka Theresa Magtanggol Tagapagsalita Eduardo Banaag Command New People's Army - Catanduanes
Enero 25, 2004
Matagumpay na nasamsam ng isang platun ng mga pulang mandirigma ng Eduardo Banaag Command ang mga matataas na kalibre ng baril na nakaimbak sa bahay ni Mayor Armando T. Guerrero ng Gigmoto, Catanduanes mula sa reyd na isinagawa noong Enero 20, 2004 dakong alas-8:30 ng umaga.
Nasugatan sa nasabing reyd si Mayor Guerrero at dalawa pa nitong kasamahan. Walang plano ang BHB na may masaktan sa nasabing kumpiskasyon. Tanging layunin sana nito ay ang makuha ang mga baril, subalit nagmatigas at nanlaban si Mayor Guerrero at kaniyang mga kasamahan kaya napilitan ang BHB na magpaputok para sila ay inyutralisa.
Pilit ikinubli ni Mayor Guerrero at mga lokal na pwersa ng reaksyunaryong gubyerno ang pagkakasamsam ng mga nasabing armas. Pinasubalian din nila na matagumpay na napasok ang bahay ni mayor. Atubili silang ilantad ang pangyayari dahil sa idudulot nitong malaking kahihiyan sa kanila.. Higit sa lahat para pagtakpan ang katotohanang nag-iingat si Mayor Guerrero ng matataas na kalibre ng baril.
Ang pagkakasamsam ng mga baril sa bahay ni Mayor Guerrero ay isang tagumpay para sa mamamayan ng Gigmoto at sa mamamayan ng Catanduanes. Sila mismo ang pinagmulan ng impormasyon tungkol sa mga nakaimbak na baril sa bahay ni Mayor Guerero. Si Mayor Guerrero na dating pulis ay isang "warlord". Ang Security Agency na pag-aari niya ay ang ginagamit na panabing para sa pag-iingat ng matataas na kalibre ng baril. Nagiging instrumento ito ng pananakot sa kanyang mga kalaban sa pulitika at higit sa lahat, sa mga mamamayan ng Gigmoto. Proteksyon din niya ito sa kanyang negosyo sa ilegal na droga.
Walang katotohanan na may "kulay pulitika" ang ginawang reyd kay Mayor Guerrero na ngayon ay tatakbo muli bilang mayor ng Gigmoto. Ang kumpiskasyon ay nakabatay sa programa ng Bagong Hukbong Bayan na sa ngayon ay nagpapalakas. May pangangailangan ang rebolusyonaryong kilusan ng dagdag na armas para ipagtanggol ang sarili at ang interes ng aping mamamayan laban sa panunupil ng reaksyunaryong pwersa. Ito ay para sa pagpapataas ng antas ng armadong paglaban ng sambayanang Pilipino sa mga lokal at mga dayuhang mapang-api at mapagsamantala tungo sa layuning ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon.at ang sosyalismo.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan! Mabuhay ang mamamayan ng Catanduanes! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Ka Theresa Magtanggol Tagapagsalita
Back to top
|