Mga guro at kawani ng gubyerno, ibayong pag-alabin ang kilusang protesta laban sa pahirap ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo!
Pambansang Komiteng Tagapagpaganap Katipunan ng mga Gurong Makabayan � National Democratic Front of the Philippines (KAGUMA � NDF)
Marso 28, 2005 Lubos na makabuluhan ang pagdiriwang ngayong Marso ng ika-34 na anibersaryo ng KAGUMA-NDF (Katipunan ng mga Gurong Makabayan - National Democratic Front of the Philippines). Muli itong nagpupugay sa libu-libong guro na matagumpay na naglunsad ng pambansang araw ng protesta, sa pamumuno ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), nitong Marso 16, 2005 laban sa kontra-guro at kontra mamamayang rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Nauna rito noong Enero 28 ay sinugod na ng mahigit 2,500 guro na may tangan ng mga sulo, plakard at istrimer ang Mendiola upang sindihan ang pambansang protesta sa pagpasok ng 2005.
Kabilang ang mga nagprotestang guro nitong Marso 16 sa mahigit 10,000 kawani ng gubyerno, sa pamumuno ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (COURAGE), at manggagawang pangkalusugan, sa pamumuno ng Alliance of Health Workers (AHW) na nagbuklod sa ilalim ng malawak na alyansang All-Government Employees' Unity (All-G.E. Unity) at nagpasyang maglunsad ng pambansang kilusang protesta upang igiit ang karapatan ng mga guro't kawaning publiko para sa dagdag na sweldo't benepisyo, pag-rechannel ng badyet sa pagbabayad ng dayuhang utang para sa edukasyon at serbisyong publiko, at pagbasura sa panukalang dagdag VAT (value added tax).
Mendiola! Mendiola!
Sa Metro Manila, halos 5,000 guro, kawani ng gubyerno at manggagawang pangkalusugan ang lumabas at nagmartsa sa lansangan mula sa iba't ibang paaralan, opisina at hospital. Nagtipon sila sa harapan ng UST sa Espana at sama-samang nagmartsa patungo sa Mendiola. Militante nilang kinumpronta at binutas ang dalawang beses na barikada ng anti-riot squad at trak ng bombero ng PNP (Philippine National Police) sa P. Noval at Morayta.
Dalawang libong manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na naunang nagmartsa at nagprotesta sa Mendiola para sa dagdag na sahod at laban sa VAT, ang sumalubong sa hanay ng mga guro, kawani ng gubyerno at manggagawang pangkalusugan na hinarang ng trak ng bumbero at anti-riot squad ng PNP sa Morayta.
Sa tulong ng mga manggagawa ng KMU ay nakubkob at nasukol sa isang kanto ng Morayta at Recto ang trak ng bombero at anti-riot squad ng PNP. Kaya matalinong nakamaniobra at militanteng nakahulagpos sa barikada ng PNP ang libu-libong guro, kawani ng gubyerno at manggagawang pangkalusugan pasugod sa Mendiola. Umalingawngaw sa kahabaan ng Recto patungong Mendiola ang mga sigaw na: Mendiola! Mendiola! ... Ang Guro, Ang Bayan, Ngayon ay Lumalaban! ... Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!
Nag-alab sa Mendiola hangang gabi ang rali at programa ng protesta laban sa pahirap at manhid na rehimeng Macapagal Arroyo. Kaakibat ng kahilingan para sa P3,000 across-the-board salary increase ay mariing binatikos ng All-G.E. Unity ang pag-apruba ng Malacanang sa PhP 907.56 bilyong pambansang badyet ngayong taon na walang probisyon para sa pagtataas ng sweldo ng mga kawani ng gubyerno. Samantala, sangkatlo ng badyet ang mapupunta sa pagbabayad ng utang. Ipinahayag ng mga guro't kawani na hindi na makaagapay ang kanilang sweldong nakapako mula pa noong 2001 at patuloy na bumabagsak ang halaga kumpara sa cost of living sa gitna ng walang patid na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gastusin.
Malakas na ipinahayag ng All-G.E. Unity ang kanilang matinding pagtutol sa plano ng rehimeng Macapagal-Arroyo na idikta at ipilit na aprubahan ng Konggreso't Senado ang kontra-mahirap at kontra-mamamayang mga buwis tulad ng VAT para lang makalikom ng bilyun-bilyong pondong pambayad sa dayuhang utang, pangtustos sa gastusing militar, at pagpapabundat sa korapsyon at luho ng rehimeng Macapagal-Arroyo at mga kronis nito.
Mariin ding ipinanawagan ng All-G.E. Unity na ibasura ang planong malawakang tanggalan ng manggagawa't empleydo ng gubyerno ayon sa inilabas na Executive Order 366 ng Malacanang. Patuloy na inihayag ng All-G.E. Unity ang kanilang paglaban sa mga anti-kawaning patakaran ng GSIS sa ilalim ng korap at mapanupil na pangangasiwa ng masugid na tauhan ni GMA na si Winston Garcia.
Ang daan-daang nagrali at nagprotestang guro sa Mendiola ay nagmula sa iba't ibang asosasyon at pederayon ng pampublikong guro sa Maynila, Quezon City, Navotas, Caloocan, Muntinlupa at Taguig. Kasama nila ang mga dekano, propesor at kawani ng U.P. Diliman, U.P. Manila, U.P. Los Banos, EARIST, R.T.U., P.N.U. at P.U.P. na nagbuklod sa ilalim ng bagong tatag na All-State Colleges & Universities Academic & Administrative Staff Caucus (All-S.C.U. Caucus)
Ang daan-daang manggagawang pangkalusugan, kasama ng mga doktor, nars, at ilan nilang pasyente, at ilang superbisor at dekano ng ilang kolehiyong pangmedesina, na nagrali't nagprotesta sa Mendiola ay nagmula naman sa iba't ibang hospital at institusyon tulad ng PGH, Department of Health, Tondo General Hospital, Jose Reyes Medical Center, San Lazaro Hospital, National Mental Hospital, Fabella Maternity Hospital, Eulogio Amang Rodriguez Hospital, RITM, Philippine Heart Center, National Kidney Institute, at Philippine Children's Medical Center.
Ang daan-daang kawani ng gubyerno naman na nagrali at nagprotesta sa Mendiola ay nagmula sa iba't ibang departamento, ahensya, government-owned & -controlled corporations (GOCC) at government financial institutions (GFI).
Nagliyab ang Protesta sa Central Luzon!
Nagliyab sa iba't ibang sentrong lunsod at bayan ng Central Luzon ang militanteng protesta ng daan-daang guro at kawani ng gubyerno. Kasanib sila sa multisektoral na pangrehiyong protesta ng mamamayan ng Central Luzon laban sa tumitinding pagpapahirap at terorismo ng rehimeng Macapagal-Arroyo.
Halos 1,000 guro at kawani ng gubyerno ang lumahok at kumilos sa iba't ibang porma ng protesta tulad ng caravan, rali, piket, noise barrage, pagdidikit ng mga plakard at pagsasabit ng mga istrimer sa mga paaralan at opisina para sa kahilingang dagdagan ang sweldo at ang badyet sa edukasyon at serbisyong publiko, ibasura ang VAT at ang napakataas na singil sa expressway (NLEX), irolbak ang presyo ng langis, labanan ang terorismo ng estado, atbp.
Sa Tarlac, pinangunahan ng mga empleyado ng City Hall ang protesta sa pamamagitan ng mass leave, kakapit-bisig ang mga guro ng buong division na kalahating araw lamang nagturo. Militanteng nagmartsa sa kalsada at nagrali sa sentro ang mahigit sa 150 guro at empleyado ng gubyerno.
Sa Pampanga, mahigit sa 200 guro at kawani ng gubyerno ang nagsilbing bulto at naging mapagpasya sa prodyeksyon ng mga isyu't kahilingan ng mamamayan sa mutisektoral na militanteng rali't protesta sa San Fernando.
Sa Zambales, naghilera ang mga plakard ng protesta ng mga guro na nakadikit sa mga paaralan sa buong kahabaan ng highway mula Subic hanggang Iba. Samantala, mahigit sa 50 guro at kawani ng gubyerno ang nagrali at nagprotesta, kasama ng mahigit 50 kabataan, kababaihan at anakpawis sa Olongapo.
Sa Nueva Ecija, mahigit sa 130 guro at kawani ng gubyerno, sakay ng 13 jeepney ang lumahok sa caravan mula Cabiao patungo sa Pampanga. Lumahok sila sa multisektoral na rali at protesta sa San Fernando. Samantala, sa Bulacan, mahigit sa 300 guro at kawani ng gubyerno ang lumahok sa rali't protesta sa Malolos.
Nag-alab ang Protesta sa iba pang Rehiyon!
Sa Bacolod City, mahigit 150 guro at kawani ng gubyerno ang lumahok sa "Via Crisis" (Kalbaryo ng mga Empleyado ng Gubyerno) sa Fountain of Justice. Daan-daan ding guro at empleyado ng gubyerno ang lumahok sa protesta sa Iloilo City, Vigan, Bontoc, Santiago, Baguio, Albay, Masbate, Cebu, Ormoc, Tacloban, Butuan, Kidapawan, at General Santos City.
Sadyang Manhid at Walanghiya ang Malacanang!
Sadyang manhid at walanghiya ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Patuloy itong nagpapalusot at ang tanging isinagot sa protesta ng mga guro, kawani ng gubyerno at manggagawang pangkalusugan ay: "walang pondo ang gubyerno."
Para sa dagdag na sweldo at sa dagdag na badyet sa edukasyon at serbisyong publiko - laging wala raw pondo ang gubyerno! Ngunit para sa pambayad ng dayuhang utang na di naman napakikinabangan ng taumbayan ay may nakalaang Php 646 bilyon, samantalang Php 111 bilyon lamang ang para sa edukasyon! Para sa dagdag na badyet ng mersenaryo't di produktibong AFP (Armed Forces of the Philippines) ay may nakalaang Php 46.1 bilyon. At para sa korapsyon at luho ng rehimeng Macapagal-Arroyo at mga kamag-anak at kronis nito ay 20% ng procurement budget ang nilulustay sa pondo ng gubyerno!
Sadyang inutil, manhid at walang-hiya ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa kapakanan ng mga guro at mamamayan. Ngunit napakaamo at sagad-sagarin namang tuta at utusan ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa interes, dikta at pandarambong ng mga imperyalista at ng mga kasapakat nitong lokal na mapagsamantalang uring kumprador-asendero, kabilang na ang mga malalaking burukrata-kapitalista at mga heneral-opisyales ng mersenaryong AFP at PNP.
Si Gloria Macapagal-Arroyo na mismo ang nagtutulak na aprubahan na ng Konggreso't Senado ang dagdag na VAT at ang panukalang itaas ang samut-saring buwis at singil sa tubig, kuryente, komunikasyon at transportasyon na pangunahin naman papasanin ng mahihirap at anakpawis. Ang Malaca�ang na mismo ang nangunguna sa pag-apruba at pag-aanunsyo ng lingguhang pagtaas ng presyo ng langis at gasolina para magpatuloy sa pagkamal ng supertubo ang mga dambuhalang dayuhang kompanya ng langis.
Kasabay ng papatinding pagpapahirap sa mamamayan ay pinatitindi rin ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang panunupil, pasismo at terorismo ng estado sa taumbayan.
Talagang walang maasahang matinong tugon at makabuluhang pakinabang ang mga guro, kawaning publiko, at manggagawang pangkalusugan sa reaksyunaryo, pahirap at pasistang rehimeng Macapagal-Arroyo.
Ang ganitong kalagayan ay nagsisilbi lamang hamon para sa mga guro upang higit pang pagtibayin ang kanilang kapasyahang lumaban, palawakin at palakasin pa ang kilusang protesta, at ilunsad ang serye ng papalawak, papalakas at papatinding pakikibaka laban sa rehimeng Macapagal-Arroyo.
Ibayong Pag-alabin ang Kilusang Protesta!
Ibayong palawakin at pahigpitin ang pagkakaisa ng mga guro, kawani ng gubyerno, at manggagawang pangkalusugan! Mahigpit na makipagkapit-bisig sa mga manggagawa, anakpawis at iba pang pinagsasamantalahan at inaaping uri't sektor ng lipunan! At ibayong pag-alabin ang militanteng protesta at paglaban hanggang makayanan nang ilunsad ng daan-daang libong guro at kawani ng gubyerno ang serye ng malakihang rali, koordinadong mass leave at pambansang welga na mapagpasyang kukumpronta at maniningil sa pahirap at pasistang rehimeng Macapagal-Arroyo!
Ipinamalas ng una at ikalawang pambansang protesta ng libu-libong guro at kawani ng gubyerno sa Mendiola at sa buong kapuluan nitong Enero 28 at Marso 16 ang papalaki, papalawak at papatinding ispontanyo't organisadong protesta at paglaban ng masang guro at kawani ng gubyerno.
Ibayo pa nating pagningasin ang kilusang protesta sa buong bansa hanggang sa maglagablab ang panibagong pag-aalsa ng taumbayang magpapabagsak sa reaksyunaryong rehimeng US-Macapagal-Arroyo!
Mabuhay ang masang guro, kawani ng gubyerno, at manggagawang pangkalusugan! Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Mabuhay ang ika-34 na anibersaryo ng KAGUMA-NDF!
Back to top
|