BAKAHIN ANG PAGTINDI NG TERORISMO NG U.S. AT NG PAPET NA ESTADO (Mensahe sa mga Nagpoprotestang Masa at Organisasyon sa Setyembre 21, 2004)
Prof. Jose Ma. Sison National Democratic Front of the Philippines Chief Political Consultant
Setyembre 21, 2004
Biktima ng dalawang uri ng terorismo ang mamamayang Pilipino. Ang una ay kinabibilangan ng pang-araw-araw na karahasan na dulot ng pagsasamantala ng imperyalismong US at ng lokal na mga nagsasamantalang uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Ang ikalawa ay kinabibilangan ng lantarang paggamit ng karahasan o pagbabantang gumamit nito ng mga armadong pwersa at iba pang mapaniil na instrumento ng papet na estado at imperyalistang amo nito.
Puspusang nalalantad ang terorismo kapwa ng mga imperyalista at papet na estado habang ang sosyo-ekonomiko at pampulitikang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema ay lumalala at nagbubunsod ng mga gerang agresyon at malawakang panunupil sa mamamayan. Muling umiiral ang kalagayan kung saan ipinagmamayabang pa ng imperyalismong US at ng mga papet na Pilipino ang kanilang paggamit ng kamay na bakal.
Nararapat at kinakailangang gunitain ng mamamayang Pilipino ang pagpapataw ng batas militar at pasistang diktadura ng papet na rehimeng Marcos noong Setyembre 21, 1972 at maglunsad ng mga protestang masa laban sa sistema ng pang-aapi at pagsasamantala, sa lumalalang krisis at umiigting na terorismo na pinapawalan ng US at ng papet na rehimeng Macapagal-Arroyo.
Isang pag-aalsang bayan ang nagpabagsak kay Marcos noong 1986. Subalit ang mga sumunod na presidente at naghaharing pangkatin ay nagmula rin sa nagsasamantalang uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Kahit ang mga Marcos at mga kroni nila ay muling namamayagpag sa loob ng naghaharing sistema, at nakikibahagi sa kapangyarihan ng mga reaksyunaryong nakinabang sa pagbabagsak sa pasistang diktador noong 1986. Nagkabalasahan lang at muling nagbahaginan ng kapangyarihan at kayamanan sa hanay ng mga pamilya at pangkatin sa loob ng mga nagsasamantalang uri.
Sa inagurasyon kamakailan ng librong At Home in the World (Portrait of a Revolutionary) sa UP Bahay Kalinaw, tinukoy ng kapwa kong awtor na ang mga Marcos at malalaki nilang kroni ay naging ligtas sa kaparusahan at nakapanumbalik na sa poder. Ipinakikita lamang nito kung gaano kabulok ang naghaharing sistema at kung gaano kalaki ang pangangailangan para tuluy-tuloy na paigtingin ng mamamayan ang paggamit ng kanilang kapangyarihan upang mailuwal ang isang makatarungang sistemang panlipunan.
Ikinatutuwa ko ang katatagan at militansya ng malawak na masa ng mamamayan na maglunsad ng mga aksyong protesta at magpahayag ng kanilang pambansa at demokratikong mga kahilingan. Nakikiisa ako sa masa at mga patriyotikong pwersang naglulunsad ng mga mobilisasyong masa. Dapat patuloy tayong manindigan at lumaban para sa ating pambansa at demokratikong mga karapatan at interes.
Mataas ang tantos ng disempleyo. Bumabagsak ang kita ng masang anakpawis at mga panggitnang saray sa lipunan. Dumadausdos ang halaga ng piso. Subalit pinahihintulutan ng reaksyunaryong rehimen ang pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at singil sa mga batayang serbisyo. Nagpapataw ito ng pabigat nang pabigat na mga buwis sa mamamayan at nagpapatupad ng mga hakbangin sa pagtitipid upang patuloy na makapaglaan ng rekurso para sa pagbabayad ng utang, burukratikong korapsyon at mas mataas na gastos-militar.
Tugon ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa dumaraming protesta ng mamamayan ang pagpapatindi ng brutal na paniniil sa mga nagpoprotestang manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, propesyunal, maliliit at panggitnang negosyante, taong simbahan, mga etniko at relihiyosong minorya at iba pang mamamayan. Nais ng rehimeng pigilin ang mamamayang bakahin ang neokolonyalismo at umahon mula sa kahirapan, pagkaatrasado at pagkakautang sa mga dayuhang kapitalista sa pinansya.
Ang kasalukuyang masidhing krisis sa ekonomya at pinansya ay bunga ng pagsasamantala ng mga pwersa ng dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo. Bilang mga sagadsagarang papet, inililingid ng mga burukratang kapitalista ang pananagutan ng dayuhang monopolyong kapitalismo sa pagpapanatili ng malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng bansa, sa pagpapalalim ng pagkaatrasado nito, sa paghikayat sa burukratikong korapsyon at sa pagbubunsod ng mga depisit at panlabas na utang.
Sa walang katuturang pag-asang makakuha ng ilang konsesyon mula sa US, kabilang na ang dagdag na ayudang militar at pampinansya, pinag-iibayo ng rehimen ang pagpapakapapet nito at ipinapakana ang pag-amyenda sa konstitusyon ng 1987 upang pawiin ang lahat ng pambansang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan, bawasan at bagbagin ang mga batayang demokratikong karapatan at pahintulutan ang imperyalismong US na magtayo ng mga base militar at magpakat ng mga pwersang militar sa bansa.
Alinsunod sa pinagkakaisahang mga prinsipyo ng pambansang soberanya, demokrasya at katarungang panlipunan, ipinupursige ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pakikipagnegosasyon sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) upang makapagbuo ng mga komprehensibong kasunduan tungkol sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, mga repormang panlipunan at pang-ekonomya, mga repormang pampulitika at konstitusyunal at sa pagwawakas sa labanan at redeployment ng mga pwersa.
Samantalang ang US at ang GRP sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo ay patuloy na humahadlang sa pagsusulong sa negosasyong pangkapayapaan, pinatatatag ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa ang kanilang kapasyahan at pinag-iibayo ang kanilang pakikibaka para makapagpalakas. Kahit nakapagtatag na sila ng rebolusyonaryong gubyerno ng mga manggagawa at magsasaka, handa pa rin silang makipagtalakayan sa lahat ng bukas na positibong pwersa tungkol sa layunin at pamamaraan ng pagluluwal ng isang bagong demokratikong gubyerno.
Dapat ipagpatuloy ng mamamayang Pilipino ang paglulunsad ng lahat ng uri ng paglaban sa kasalukuyang tumitinding krisis at sa terorismo ng imperyalismong US at papet na estado at sa gayon ay sumulong sa matagalang pakikibaka para sa bagong Pilipinas na lubos na malaya, demokratiko, nagtataglay ng katarungang panlipunan, maunlad at payapa. ###
Back to top
|