Pahayag sa pag-atake ng NPA sa kampo ng sundalo sa Rodriguez, Rizal at sa Paghingi ng Paumanhin sa nadamay na sibilyan.
Armando "Ka Ruben" Guevarra Tagapagsalita Narciso Antazo Aramil Command New People's Army-Rizal
Marso 02, 2005
Inatake ng mga pwersa ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-RIZAL) ang kampo/detatsment ng Philippine Army sa Puray, Rodriguez, Rizal noong gabi ng Pebrero 28, 2005. Layunin na pag-atake na parusahan ang mga pwersa ng 80th IB-PA na pangunahing mga tagapaglabag ng karapatang pantao at matinding inabuso ang mga mamamayan ng Rodriguez, Rizal. Ang pag-atake sa detatsment ay bilang pagtugon sa pangkalahatang panawagan ng buong rebolusyonaryong kilusan na maglunsad ng mga taktikal na opensiba upang papanagutin ang mga sagadsaring tagalabag sa karapatang pantao at sa mga sumusupil sa mamamayan.
Ayon sa opisyal na ulat ng yunit na naglunsad ng nasabing taktikal na opensiba ay nagsimula ang putukan bandang alas-8 ng gabi. Matapos ang ilang sandaling putukan ay narinig ng mga tropa na may nagkakandaingay na mga babae kung kaya't kagyat nilang itinigil ang pag-atake sa detachment at nilisan ang lugar. Ang pasya na kagyat na itigil ang pag-atake ay nakabatay sa pagtalima ng mga pwersa ng Bagong Hukbong Bayan sa pangkalahatang patakaran ng rebolusyonaryong kilusan na mahigpit na nagbabawal sa paglunsad ng pag-atake na may madadamay na sibilyan. Napakalaki ng pagpapahalaga ng Bagong Hukbong Bayan sa kapakanan ng mamamayan. Gayunpaman, sa kabila ng pag-iingat ng mga pwersa ng Bagong Hukbong Bayan ay nadamay sa labanan ang isang bata at ang kanyang nanay.
Ang pagkadamay sa labanang ito ng 2 sibilyan, si Ligaya Doroteo na nasugatan at ang anak nitong i Berlen Doroteo, isang 3 taong gulang na kamag-anak ng isang miyembro ng CAFGU na nakatalaga sa nasabing detatsment ay labis naming ikinalulungkot.
Nais naming ipaabot sa mga kamag-anak ng dalawang (2) sibilyan na nadamay sa labanan ang aming taimtim at tapat na paghingi ng paumanhin. Hindi namin sinasadya ang pagkasugat ni Ligaya Doroteo at lalong hindi namin ininteres na mamatay si Berlen Doroteo. Nakahanda kaming panagutan ang nangyaring ito at nakahanda rin kaming magbigay ng danyos perwisyo sa dalawang sibilyan. Sa ngayon ay gumagawa na kami ng kongretong hakbang upang maiwasto ang naging kahinaang ito. Kinakausap na namin ang kapamilya ng dalawang nadamay na sibilyan para humingi ng paumanhin sa nangyari at ipaabot ang aming tulong para sa pagpapagamot ni Ligaya at para sa burol at pagpapalibing kay Berlen.
Kaalinsabay ay mahigpit naming kinukundena ang AFP sa ginawa nilang pagpapatira ng mg sibilyan sa kanilang detatsment at ang paglalagay ng kanilang kampo sa gitna ng kabahayan ng mga mamamayan. Malinaw na ito ay paglabag sa Internasyunal na Makataong Batas na nagbabawal sa ganitong mga gawi ng AFP. Alam din ng AFP na ang kanilang mga kampo/detatsment ay mga target ng taktikal na opensiba ng BHB kung kaya't hindi dapat sila nagpapatira ng sibilyan sa kanilang mga detatsment para hindi madamay ang mga sibilyan sa labanan ng AFP at NPA.
Nanawagan din kami sa mamamayan ng Puray, Rodriguez at sa iba pang lugar sa lalawigan ng Rizal na iwasan nila ang pagtira sa mga kampo.detatsment ng militar upang hindi sila madamay sa aramadong labanan. Ang mga kampo/detatsment ng sundalo ay lehitimong target ng mga taktikal na opensiba ng NPA at tiyak na ang nangyari sa Puray ay mauulit pa. Pinakamainan ding gawin ninyo na kumbinsihin ang mga kamag-anak ninyong naobligang maging kasapi ng CAFGU na umalis na sa kanilang gawain nang sa gayon ay mabuhay ng matahimik sa kani-kanilang lugar.
Sa huli'y nananawagan kami sa lahat ng mga CAFGU na nakabase sa lalawigan ng Rizal na iwanan niyo na ang trabaho ninyo bilang CAFGU at mabuhay ng matahimik sa inyong mga lugar. Walang saysay na magbuwis kayo ng buhay para lamang ipagtanggol ang gobyernong Arroyo na wala namang ginawa kundi ang pahirapan at higit pang pagsamantalahan ang maralitang mamamayan na siya namang pinagmulan ninyo. Nanawagan din kami sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan ng Rodriguez at iba pang bayan ng lalawigan ng Rizal na kagyat na ipaalis ang mga kampo ng militar sa matataaong lugar nang sa gayon ay maiwasan ang pagkadamay ng sibilyan sa anumang armadong labanan sa pagitan ng AFP at NPA.
Back to top
|