Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Balikatan Exercise ng USAF at AFP sa Hilagang Quezon haharapin at lalabanan ng malawak na kilusang masa at armadong pakikibaka sa rehiyon

Tirso "Ka Bart" Alcantara
Spokesperson
Melito Glor Command
Southern Tagalog Region
Pebrero 14, 2005

Mariing kinokondena ng Melito Glor Command [MGC] ang ilulunsad na Balikatan Exercises ng magkasanib na tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng United State Armed Forces (USAF) sa saklaw ng mga bayan ng Hilagang Quezon. Ito ay ilulunsad sa balatkayo ng isang "relief and other humanitarian missions". Maliwanag ang motibo ng isinagawang pakunwaring 'relief operation' ng sundalong Amerikano noong Disyembre 2004. Hindi pagtulong sa mga sinalanta ng malaking baha dulot ng bagyo ang pakay kundi isang operasyong surbeylans para sa kontra-rebolusyonaryong layunin ng Balikatan at tuwirang pagtarget sa eryang saklaw ng CPP/NPA/NDF. Malinaw na ang Balikatan Exercise sa Hilagang Quezon ay isang akto ng aksyong probokasyon sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Sa mapagkunwaring layunin ng isang humanitarian and relief mission, tusong nais ilusot ng teroristang si Bush kasabwat ng lokal na papet na si Arroyo ang interbensyunistang layunin ng US sa bansa laban sa pambansa-demokratikong kilusan kahit mangahulugan ng tuwirang pagyurak sa soberanya at kasarinlan ng bansa. Inihahanda nito ang opinyong publiko para sa interbensyon at agresyong militar. Kalkuladong gumagawa ito ng probokasyon sa mga rebolusyonaryo para palawakin ang interbensyon at 'kontra-teroristang gera' na kawangis ng mga inilunsad nitong gerang interbensyon at agresyon sa iba't ibang panig ng daigdig-sa gera sa Balkan, Iraq at mga naunang gerang agresyon sa Timog at Silangang Asya tulad ng sa Korea at Indotsina.

Hindi nalilingid sa mamamayan ng buong daigdig kung paano sinalanta ng US ang mga bansang ito ng kanyang mapangwasak at mapandambong na mga gerang agresyon. Hindi maililihim kung ilang milyong mamamayan ang pinahirapan ng mga gerang ito hwag nang banggitin pa ang mga pinaslang ng mga mapamuksang sandata nito. Hindi maililingid ang lubha ng walang-kaparis na pagkawasak ng mga ekonomya ng mga bansang ito, ng pagkatunaw ng daan-libong mga buhay, ng miserableng buhay na minana't dinadaranas pa kahit makalipas ng ilang henerasyon.

Hindi pilantropo ang US para mag-aksaya ng salapi at rekurso sa mga humanitarian and relief mission nang walang kapalit. Ang pagkaganid nito sa dambuhalang tubo ang nag-uudyok para maglunsad ng mga mapandambong na gera, mag-alaga ng mga papet para protektahan ang imperyalistang interes, marahas na supilin ang mga anti-imperyalistang kilusang rebolusyonaryo, magsagawa ng mga asasinasyong pulitikal sa mga lider at personaheng anti-imperyalista at iba pang karumal-dumal na teroristang aksyon laban sa mamamayan ng daigdig.

Ligalig at sindak ang idudulot ng Balikatan sa mga mamamayan ng Hilagang Quezon lalo ang mga katutubong Dumagat. Tiyakang madidisloka ang kanilang matahimik na pamumuhay. Ngayon pa lamang, isang malaking kordon ng mga combat operations ng mersenaryong AFP ang inilulunsad sa interyor na mga baryo ng Nakar at kahanggang probinsya ng Rizal. Gayundin sa mga baryong balisbisan ng Sierra Madre sa mga probinsya ng Laguna at Quezon. Ang mga combat operations na ito ay kordong panseguridad sa mga tropang Kano na kalahok sa Balikatan.

Sa paanong paraan pa mauunawaan ang isang relief and humanitarian mission ng US na katambal ng mga combat operations ng AFP? Walang isip at nagbubulag-bulagan lamang ang maniniwala sa itinatambol ng duwetong Arroyo at US sa midya.

Sa kunwaring relief and other humanitarian mission ng Balikatan Exercise, nais likhain ng US sa kaisipan ng mamamayan ang ilusyon at opinyong publiko na sila ay matulungin sa mamamayang Pilipino at sa daigdig. Sa ganitong paraan bigyang matuwid at malaya nilang gawin ang mga aksyong opensiba at probokatibo laban sa rebolusyonaryong pwersa, magsagawa ng mga operasyong militar sa linya ng kontra-insurhensya at kontra-terorismo. Dito nakatudla ang tunay na layunin ng Balikatan Exercise-- ang pagsugpo sa itinuturing na kalaban ng Imperyalismong US sa rehiyon ng Timog-silangang Asya.

Mulat na ang mamamayan at batid ng rebolusyonaryong kilusan na ang tunay na layunin ng imperyalismong US ay gamitin ang bansa bilang second front ng inilulunsad nitong "digmang kontra-terorismo" upang makontrol ang rekursong langis sa Timog-silangang Asya katulad ng layunin nitong kontrolin ang rekursong langis sa Iraq at Caspian Sea sa inilunsad ng US na gerang agresyon sa Balkan, Afghanistan at Iraq.

Pinapatunayan ngayon ng mga pangyayari na wasto ang naunang pagsusuri ng rebolusyunaryong kilusan. Ang tunay na layunin ng armadong panghihimasok ng tropang militar ng US sa bansa ay hindi lamang ang pagwasak sa teroristang Abusayyaf sa Mindanao kundi ang pagdurog sa lumalakas at sumusulong na pakikibaka ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Nakahanda ang Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon, kasama ang lahat ng kaalyadong organisasyon nito at rebolusyonaryong mamamayan na ipagtanggol ang teritoryo laban sa tuwirang pananalakay ng tropang Amerikano. Gagawin ng buong armadong pwersa sa ilalim ng Melito Glor Command ang isang aktibong hakbang pandepensa upang ipagtanggol ang base ng rebolusyon at isasagawa lamang ng mga aksyong paminsala laban sa alinman sa magkasanib na tropang militar ng AFP at USAF kung ang alinman sa mga pwersang ito ay umatake sa amin o maging panganib sa alinmang yunit ng hukbong bayan at mamamayan sa lugar. Hindi kami kayang bitagin ng mga aksyong probokatibo ng mga pwersang kabilang sa Balikatan Exercise, sa halip, kikilos ang mga pwersang gerilya para lehitimong magtanggol at ipreserba ang mga tagumpay ng rebolusyon at mamamayan sa lugar.

Ang rehimeng Macapagal-Arroyo ang pangunahing may pananagutan sa kanyang malaking kasalanan ng pagtataksil sa bayan: ang tahasang pagbibigay pahintulot sa mga sundalong Amerikano na ilunsad ang operasyong militar laban sa mamamayang Pilipino.

Kaugnay nito; una, nanawagan kami sa lahat ng mga makabayan at patriotiko na ipagtanggol ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng bansang Pilipinas laban sa tuwirang agresyon ng tropang militar ng imperyalismong US. Hinihikayat namin kayo na maglunsad ng iba't ibang porma ng pakikibaka para ipahayag ang inyong mariing protesta laban sa Balikatan Exercise sa Hilagang Quezon. Ikalawa, nanawagan ang Melito Glor Command sa lahat ng armadong yunit ng BHB na isagawa ang pinakamataas na pagmamatyag at pag-iingat upang hindi sila mapinsala ng marahas na pag-atake ng magkasanib na tropang militar ng Balikatan Exercise. Ilagay ng lahat ng yunit ng NPA ang sarili sa mataas na alerto, aktibong pagtatanggol at paglaban kung ang pwersa ng AFP at USAF ay umatake sa ating posisyon at pinsalain ang base ng rebolusyon. Dakilang tungkulin nating pangalagaan at ipagtanggol ang ating base at interes ng mamamayan sa mga lugar na pinipinsala ng Balikatan. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.