Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Balikatan sa Quezon: Isang Akto ng Probokasyon sa Rebolusyonaryong Mamamayan

National Democratic Front
Southern Tagalog Region
Pebrero 14, 2005

Naglalaro ng apoy ang rehimeng US-Macapagal Arroyo sa paglulunsad ng Balikatan Exercises sa Quezon. Ang imperyalismong US at papet na Macapagal-Arroyo ay nagtatago sa bihis ng isang "relief and other humanitarian missions" para ilunsad ang isang Balikatan Exercises na ang ultimong pakay ay targetin ang rebolusyonaryong kilusan at mga rebolusyonaryong mamamayan. Matagal nang humahanap ng lagusan para ilusot ng US ang kanyang anti-terorismong linya laban sa mga anti-imperyalistang kilusan at mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa iba't ibang panig ng daigdig para sa sarili nitong hegemonyang paghahari sa mundo at sa gayun, bigyan ng matwid na dahilan ang sariling buktot na hangarin para sa isang imperyalistang interbensyon militar at agresyon na nakasakay sa anti-teroristang bandwagon.

Hindi pa man makaahon-ahon ang US sa sariling kinasadlakang kumonoy sa pinasukang adbenturistang gerang agresyon sa Iraq, naghahawan na naman ang US ng pagpapakulo para mag-umpisa ng panibagong mga gerang mapanalakay sa Syria at Iran.

Nasa kalikasan ng imperyalismo ang mga gerang mapanakop at mapandambong. Inuudyukan ito hindi ng purong pagkaganid sa tubo kundi ng mismong kalikasan ng kapitalistang produksyon, ng kumikitid na larangan ng pamumuhunan at merkado, ng umiimpis na tantos ng tubo na bunga ng krisis ng labis na produksyon. Nasa terminal na ang krisis ng kapitalismo sa nabubulok nitong yugto ng monopolyo-kapitalismo. Laging may potensyal na humantong ang krisis na ito sa isang pangkalahatang krisis na nagkakaanyo sa krisis ng labis na produksyon, krisis sa pautang at krisis pinansyal. Ito ang nagtutulak sa mga gerang agresyon-lokal na mga gera at proxy wars ng imperyalismo.

Mahaba ang rekord ng imperyalismong US sa mga gerang agresyon at interbensyong militar sa iba't ibang sulok ng daigdig na nakatarget sa mga kilusang rebolusyonaryo at mga anti-imperyalistang kilusan, mga sosyalistang bansa at maging mga makabayan at progresibong rehimen na nagtataguyod ng pambansang kasarinlan. Walang sinasantong pambansang hangganan at integridad ang mga inilulunsad nitong covert and overt operations sa ibayong dagat para pangalagaan ang interes ng US saan mang panig may banta.

Ilan sa mahabang listahan na mababanggit ay ang probokasyon at pag-upat ng gera laban sa gubyernong Castro ng Cuba sa Bay of Pigs, kudeta laban sa sosyalistang rehimen ni Allende sa Chile at pagtatayo ng mga pasistang rehimen sa Puerto Rico, Argentina, Dominican Republic, Panama, El Salvador, Nicaragua, Honduras, Guatemala sa Latin Amerika; ng interbensyong militar sa Angola, Ethiopia, Congo at marami pang bansa sa Aprika; ng mga proxy war ng Zionistang Israel laban sa mga bansang Arabo sa Gitnang Silangan; ng mga gerang agresyon sa Korea at Indotsina, kudeta sa gubyernong Sukarno sa Indonesia at pagtatayo ng mga gubyernong pasista tulad ni Marcos sa Pilipinas, Suharto sa Indonesia, Rhee ng South Korea, Diem ng South Vietnam at iba pa sa Timog at Silangang Asya.

Matapos ang Cold War, pinangunahan ng US ang paglulunsad ng mga gerang agresyon sa Balkan, Iraq at Afghanistan para kupuhin ang kontrol sa rekursong langis sa Iraq, Caspian Sea at Central Asia. Sa katulad na paraan, pinag-iintresan ng US ang matabang rekursong langis na nasa karagatan ng Palawan, Sulu at Celebes. Sa ganito mauunawaan ang interes ng US sa Pilipinas.

Bilang second front ng imperyalistang gera laban sa terorismo, ang mga ehersisyong militar sa tabing ng Balikatan at mga humanitarian missions sa Pilipinas ay nagbubukas ng tarangkahan para sa mga interbensyong militar--lantad man o disimulado--na ang dulo ay isang gerang agresyon sa bansa. Matapos maubusan na ng mga dahilan para sa isang tuloy-tuloy na interbensyong militar na nakatarget sa sarili nitong likhang halimaw--ang Abu Sayaff, nais ipihit ng US ang interbensyong militar na ito laban sa dalawang rebolusyonaryong pwersa sa bansa--una, ang kilusang pambansa-demokratikong nasa pamumuno ng CPP-NPA-NDFP at mga rebolusyonaryong mamamayan; at pangalawa, ang Moro Islamic Liberation Front-Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF).

Sa kabilang banda, nagkukubli din ang rehimeng Arroyo sa Balikatan exercises para tabingan ang sarili nitong kontra-rebolusyonaryo't mersenaryong misyon laban sa mga mamamayan at mga rebolusyonaryo. Kapwa magkatono ang interes nila ng imperyalismong US na supilin ang mga rebolusyonaryong Pilipino para sa walang taning na reaksyunaryong paghahari sa bansa at preserbasyon ng komon na interes sa ekonomya at pulitika.

Samantala, ang presensya ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Quezon at kagyat na kahanggang mga probinsya ang tanging sagka sa multi-milyong mga proyektong imperyalista tulad ng Laiban Dam Project, Pentaport at iba pang dambuhalang proyekto ng malalaking negosyo't kroni ng rehimeng Arroyo. Sasagasaan ng mga proyektong ito ang lupain at kabuhayan ng masang magsasaka, mga katutubong Dumagat at iba pang demokratikong mga uri. Kung kaya't sa likod ng nakasalang na dambuhalang interes ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri, maaaninag ang tunay na dahilan ng kasalukuyang Balikatan at mga susunod pa.

Ang Balikatan Exercises sa Quezon ay ituturing ng mga pwersang rebolusyonaryo na isang akto ng probokasyon at dapat ubos-kayang labanan at tutulan ng lahat ng mga rebolusyonaryo at patriotikong pwersa na nagpapakahalaga sa soberanya at kasarinlan ng bansa.

Umaapela ang National Democratic Front ng Southern Tagalog sa lahat ng mga makabayan, progresibo at anti-imperyalistang mga pwersa na magkapit-bisig para tutulan at ilantad ang tunay na dahilang nasa likod ng Balikatan sa Quezon at mga kasunod pa. Ang isang malakas na kilusang nagkakaisang-prente ng mga patriotikong pwersa lamang laban sa interbensyong militar ng US sa bansa ang pipigil sa naghaharing pangkating US-GMA para sagasaan ang soberanya at teritoryal na integridad ng bansa at maluwag na buksan ang pinto ng Pilipinas sa panibagong imperyalistang agresyon.

Sa panig ng mga pwersang gerilya, dapat nitong matalinong harapin ang mga aksyong probokasyon ng US para alisan ang imperyalismo at naghaharing pangkating ng moral na otoridad na walang habas na salakayin ang rebolusyon at mamamayan. Gayunman, dapat nitong aktibong harapin, labanan at biguin ang mga probokasyong militar na gagawin ng mga tropang pasista at dayuhan at aktibong magtanggol.

Kaugnay nito, binababalaan namin ang mga tropa ng AFP at US na papasok sa saklaw ng mga larangang gerilya ng Melito Glor Command at magsasagawa ng combat operations (ibig sabihin, lampas sa mga gawaing humanitarian at civic actions) na magiging mga lehitimong target ng mga aksyong militar ng NPA. Habang nagtitimpi at may pagpipigil sa mga bitag ng probokasyon ng US, ang mga pwersang gerilya ay dapat na aktibong magtanggol at ipreserba ang sarili. Dapat nitong ipagtanggol ang integridad ng rebolusyonaryong teritoryo, kapangyarihan at interes ng rebolusyonaryong mamamayan. Ito'y di maipagkakait na likas na karapatan para sa pagpapasya-sa-sarili, kalayaan at kasarinlan ng nakikibakang mamamayang Pilipino. Ito'y makatwiran, makatarungan at lehitimo sa mata ng mga sambayanan ng buong daigdig o maging sa sukatan ng mga panuntunang internasyunal ng mga sibilisadong bansa.###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.