Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Panibagong kalamidad nakaambang sa Hilagang Quezon

Ka Armine
Tagapagsalita
Apolonio Mendoza Command
New People's Army - Quezon
Southern Tagalog
Pebrero 14, 2005

Mariing tinututulan ng Apolonio Mendoza Command (AMC) ang balakin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng United State Armed Forces (USAF) na ilunsad ang joint Balikatan Exercises sa probinsya ng Quezon at partikular sa mga bayan ng Hilagang Quezon sa tabing ng isang "relief and other humanitarian missions". Ito'y magdudulot ng panibagong kalamidad na tatama sa Hilagang Quezon na mas masahol pa sa nakaraan.

Ang planong paglulunsad ng Balikatan sa Quezon ay nagpapatunay lamang na hindi kami nagkamali sa aming naunang pagtaya na ang pagpunta ng mga sundalong Amerikano nuong Disyembre 2004 sa mga bayan ng Hilagang Quezon para sa di umano'y relief operation ay aktibidad para mangalap ng mga impormasyon sa paniktik na gagamitin sa Balikatan. Tiyak kami na ang Balikatan Exercise ay gagamitin din upang unti-unting ihanda ang kaisipan ng mamamayan sa mga susunod pa nilang layuning maglunsad ng mga opensibang militar laban sa mamamayan at rebolusyonaryong pwersa. Naniniwala din kami na ang Balikatan ay gagamitin para ihanda ang daan sa malayang pagpasok ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina. Ang Hilagang Quezon ay bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre at tinatayang may malaking deposito ng iba't ibang uri ng yamang mineral bukod sa iba pang likas na yamang matatagpuan sa lugar. Ang presensya ng sundalong Amerikano ay naglalayong ipataw ang kanilang pang ekonomikong interes sa bansa.

Sa Hilagang Quezon nakatahan ang mga katutubong Dumagat na siyang pangunahing tatamaan ng Balikatan at malawakang pagmimina. Wawasakin ng Balikatan at iba pang interes sa likod nito ang mga lupang ninuno ng katutubong Dumagat. Magdudulot ito ng masidhing kahirapan sa dati nang hikahos na kalagayan ng mga katutubong Dumagat.

Sa tabing ng relief and other humanitarian mission, gagamitin ng tropang Amerikano ang Balikatan bilang panimulang operasyong militar na naglalayong magpunla ng lason sa kaisipan ng mamamayan at kasabay nito lumikha ng ilusyon na ang kanilang presensya sa lugar ay kapaki-pakinabang sa mamamayan. Sa kabila nito, sasamantalahin din nila ang Balikatan para likhain ang paborableng opinyong publiko sa bansa at gumawa ng mga aksyong probokatibo laban sa rebolusyonaryong pwersa upang bigyang katwiran ang kanilang pananatili at tuloy tuloy na operasyong militar sa balangkas ng kontra insurehensya ng papet na rehimeng US-Macapagal Arroyo. Ito ang pangunahing agenda ng Balikatan, ang pagsugpo sa itinuturing nilang kalaban ng bansang Amerika sa kampanya nitong pagharian ang buong daigdig.

Ganito ang ginawa ng mga tropang Amerikano sa Basilan at iba pang bahagi ng Mindanao sa diumano'y paglaban sa terorismo ng grupong Abu Sayaff at iba pang bandidong grupo duon. At kapag hindi natin mailalantad at mabisang malalabanan ay malaya nilang maisasagawa sa iba pang mga probinsya sa pamamagitan ng iba't ibang tipo ng pagbabalatkayo.

Hindi natin kailangan ang tuwirang pakikialam ng mga sundalong Amerikano sa rehabilitasyon ng Hilagang Quezon. Kayang kaya ito ng sambayanang Pilipino basta't lahat ay nagsisikap na magtulungan. Sa kabilang banda, naisakatuparan na ng Bagong Hukbong Bayan sa lugar ang lahat ng kanyang abot na makakaya para tulungan ang mga nasalanta ng kalamidad at ibangon muli ang kanilang nawasak na pamayanan. Ang BHB ay tumulong sa gawaing produksyon, pagtatayo ng mga nasirang bahay, pag-aayos ng sistemang patubig at iba pang sosyo-ekonomikong aktibidad na kapaki-pakinabang sa mamamayan. Naglunsad din ng medical mission at nagsagawa ng mga psychological therapy session sa mga nawalan ng mahal sa buhay at biktima ng kalamidad upang palakasin ang kanilang mga sarili at matatag na humarap sa panibagong hamon sa buhay. Hanggang sa kasalukuyan patuloy pa ring isinasagawa ng Bagong Hukbong Bayan ang dakilang misyon nito na paglingkuran ang sambayanang Pilipino.

Nakahanda ang Bagong Hukbong Bayan, kasama ang lahat ng kaalyadong organisasyon nito at rebolusyonaryong mamamayan sa probinsya ng Quezon na ipagtanggol ang teritoryo laban sa tuwirang pananalakay ng tropang Amerikano. Inilalagay namin ang aming sarili sa aktibong depensa at kikilos nang nararapat sa balangkas ng aktibong pagtatanggol. Hindi kami magpapatangay sa mga aksyong probokatibo ng AFP at USAF. Subalit hindi din kami magdadalawang isip na lumaban at magtanggol kapag may seryosong banta at panganib sa rebolusyonaryong pwersa at mamamayan.

Pinapanagot din namin ang rehimeng GMA sa kanyang malaking kasalanan sa bayan. Ang tahasang pagbibigay pahintulot sa mga sundalong Amerikano na maglunsad ng operasyong militar laban sa mamamayang Pilipino ay pinakamataas na anyo ng KATAKSILAN sa bayan. Ito'y pagyurak sa soberanya at kasarinlan ng bansa at sa mismong sariling reaksyunaryong Saligang Batas ng Pilipinas na kanyang sinumpaang ipagtatanggol. Siya ang pinakahalimbawa ng isang pinuno na walang kaparis ang pagiging sunud-sunuran sa dikta ng imperyalismong Amerikano.

Nanawagan din kami sa lahat ng mga makabayan at patriotiko na ipagtanggol ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng bansang Pilipinas laban sa tuwirang agresyon ng bansang Amerika. Hinihikayat namin kayo na maglunsad ng iba't ibang porma ng pakikibaka para ipahayag ang inyong mariing protesta laban sa Balikatan Exercise sa Quezon. Ngayon na ang panahon para ibuhos ninyo ang matagal nang kinikimkim na poot sa inyong mga dibdib laban sa makadayuhan at anti-mamamayang rehimeng Arroyo. ###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.