Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Tugon sa mga Balita Kaugnay ng Ambush sa Jones noong Enero 24

Delio Baladon
Spokesperson
NPA-Benito Tesorio Command
South Isabela
Pebrero 08, 2005

Tadtad ng kabulastugan ang ilang balita sa mass media kamakailan tungkol sa naganap na labanan sa pagitan ng NPA at AFP sa sitio Kayangadin, Brgy Dicamay Uno, Jones, Isabela noong Enero 24, 2005. Pawang minanupaktura ang mga ito mula sa gilingan ng kasinungalingan ng 502 Brigade Philippine Army.

Alam ng mga residente sa malapit sa lugar ng pinaglabanan na pawang kayabangan ang sinasabi ni Capt. George Domingo ng 502 Brigade na tatlo o sampung mandirigma ng NPA diumano ang namatay at tatlong kawal naman ng AFP ang nasugatan. Alam nilang wala ni isang hukbo ng NPA ang namatay o nasugatan; kaya naman sa isang balita sa DZRH, sinasabing ayaw magbanggit ang mga mamamayan doon ng pangalan ng mga diumanong NPA na namatay. Alam din ng maraming residente ng Dicamay 1 at Centro ng Jones na 27 tropa ng AFP ang namatay at tatlo pa ang malubhang nasugatan; nasaksihan nila ito mula sa paghakot ng Huey helicopter ng AFP sa kanilang mga patay at sugatan sa lugar ng pinaglabanan hanggang sa pagdiskarga sa mga ito sa ground sa pagitan ng kampo ng 502 Brigade sa Balabal at munisipyo ng Jones.

Hindi totoong malaking kampo ng NPA ang narekober ng AFP sa lugar ng pinaglabanan; naglulubid ng ganitong kasinungalingan si Brig. Gen. Napoleon Malana ng 502 Brigade upang pagtakpan ang matinding pinsala nilang inabot. Ang ilang kubong nakita nila ay mga pansamantalang pahingahan lamang ng isang yunit ng NPA na gumagampan ng gawaing masa sa Forest Region. Ang yunit ding ito ang nagpakat ng ambush sa kanila noong 7:20 n.u. ng Enero 24.

Lalong hindi totoong sampung araw nang naglalabanan ang NPA at AFP simula noong Enero 24. Ang totoo ay patuloy ang malaking operasyon ng AFP sa mga bayan ng Jones, San Guillermo, Echague at San Mariano na ginagamitan nila ng ilang armoured personnel carrier, bomber plane, helicopter gunship, mortar at iba pang malalakas na sandata bunga ng masidhing pagnanais nilang makaganti sa NPA. Pero ligtas na nakaatras ang mga mandirigma ng NPA matapos ang ambush sa Dicamay 1 at muling nakabalik sa piling ng masa.

Sa operasyong ito, sangkaterbang paglabag sa karapatang pantao at batas sa digmaan ang muling isinagawa ng mga pasistang tropa. Katulad ng pandarahas at pagbabanta sa ilang residente ng Brgy, San Isidro, Jones, na pinaratangan nilang nagtatago diumano ng ilang kababaihang NPA, paggamit ng isang bata para mag-guide sa kanilang operasyon.

Pinakamasahol na paglabag nila sa karapatang pantao ang ipinapalaganap nilang pagtatanim nila ng mga land mine sa palibot ng lugar ng pinaglabanan at pagbabawal sa mga mamamayan na huwag magkaingin doon. Walang pakundangan sa kaligtasan ng mga inosenteng sibilyan ang mga land mine na itinanim dahil awtomatikong sumasabog ang mga ito kapag naapakan ng sinuman.

Bago ang ambush ng Enero 24, aktibo ang mga mandirigma ng NPA sa lugar sa pangangampanya laban sa pagtotroso sa natitirang kagubatan ng Forest Region upang maiwasang maulit muli ang mga mapaminsalang pagbaha sa nakaraan na ibinunga ng malawakang pagwasak sa kagubatan. Nagdaos ang AFP ng operasyon upang bulabugin at pinsalain ang yunit ng NPA na nangangampanya upang ipagtanggol ang kagubatan at hayaang makapag-logging ang mga kapitalista sa kagubatan ng San Mariano, San Guillermo, Echague at Jones. Ang natamo nila ay hakbanging pamamarusa mula sa hukbong bayan.



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.