Pahayag Hinggil sa Pamamaril sa mga Sundalo ng 80th IB-PA
Armando "Ka Ruben" Guevarra Tagapagsalita Narciso Antazo Aramil Command New People's Army-Rizal
Pebrero 01, 2005
Binaril hanggang sa mapatay ni Armando de la Cruz ang tatlong (3) sundalong kabilang sa 80th Infantry Batallion-Philippine Army Habang nasa kalagitnaan ng kanilang operasyong military sa kanayunan at kabundukan ng Rizal. Ang mg sundalong binaril at napatay ay sina Corporal Lacambra, Private First Class Morales at Private First Class Jobelado. Naganap ang insidente ng pamamaril noong Enero 28, 2005 sa ganap na ika-6 ng umaga sa Sitio Angelo, Lumutan, Tanay, Rizal.
Si Armando de la Cruz na kilala sa tawag na Ka. Arvee nung siya ay nasa kilusan pa ay isa sa mga ex-NPA na mapayapang namumuhay sa kanilang lugar nang siya ay pwersahang pasukuin ng mga military noong 2003. Matapos siyang pasukuin ng labag sa kanyang kagustuhan ay pwersahan naman siyang ginagawang giya sa mga operasyong military para sa diumanong pagtugis sa mga pwersa ng Bagong Hukbong Bayan sa lalawigan ng Rizal na wala naming ibang ginawa kundi ang pinsalain ang buhay at kabuhayan ng mga magsasaka at katutubo sa lalawigan.
Sa mga pagkakataong pwersahan siyang ginagawang giya ng military ay labis din ang pang-aabusong dinaranas niya sa kamay ng mga berdugong military sa pangunguna ng kanyang handler na si Cpl. Lacambra. Nariyang murahin siya, laitin at saktan ng walang pakundangan ng mga sundalo. Kaya�t sa huli ay pinagpasyahan na ni Ka Arvee na palayain ang kanyang sarili sa kamay ng mga abusadong militar sa pamamagitan ng pamamaril hanggang sa kanyang mapatay ang tatlong sundalong nagsama sa kanya sa operasyon. Matapos na mapatay ang tatlo ay kagyat na umatras si Ka. Arvee, bitbit ang armas na nakuha sa mga sundalo, sa teritoryong saklaw ng rebolusyonaryong gobyernong bayan upang umugnay at bumalik na sa piling ng kanyang dating mga kasama sa Bagong Hukbong Bayan. Sa kasalukuyan ay nasa ligtas na lugar si Ka. Arvee malayo sa patuloy na nag-ooperasyong mga military sa buong kabundukan ng Rizal.
Ang ganitong pangyayari ay muling nagpapatunay sa matagal na naming pahayag na bigo ang reaksyunaryong AFP-PNP ng rehimeng Macapagal-Arroyo na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan. Bigong-bigo sila sa layunin nilang kunin ang puso at isipan ng mamamayan ng lalawigan dahil sa katangian nilang mersenaryo at mapanupil sa mamamayan. Ang pwersahang pagpapasuko at pagpapagiya sa mga operasyong militar sa mamamayan ay parang batong kinuha ng kaaway upang pukpukin ang kanilang sarili. Totoong sa isang panahon ay nakalikha ng takot ang ginawang panunupil ng mga berdugong military sa mamamayan subalit ang marahas nilang panunupil ay siya ring nagpapaypay sa pagkamuhi ng mamamayan sa kanila at humahantong ang mamamayan sa katulad ng ginawa ni Ka. Arvee. Ang nangyaring ito ay tiyak na hindi siyang pinakahuli. Nakakatiyak kami na marami pang mga dating kasama at masa na pwersahang pinasuko at nirekluta ng kaaway bilang CAFGU ay tutularan ang ginawa ni Ka. Arvee.
Sa huli'y muli kaming nananawagan sa mga ex-NPA at sa mga pwersahang nereklutang CAFGU na kagyat na makipag-ugnayan sa anumang yunit ng NAAC-NPA-Rizal para makipaglinawan sa kanilang katayuan. Maari ninyong isuko sa NPA ang armas na ibinigay sa inyo ng mga militar, magbigay ng mga impormasyon hinggil sa AFP-PNP at sa maksimum ay tularan ang ginawa ni Ka Arvee na papanagutin sa kanilang kasalanan ang mga militar at isaayos ang pagbabalik bilang mga pulang mandirigma na tapat na nagtatanggol sa interes ng sambayanan. Ang tunay nating kalaban ay hindi ang mga katulad nating maralita kundi ang rehimeng Macapagal-Arroyo patuloy na nagsasamantala at nagpapahirap sa mamamayan. Pagbayarin natin ng mahal ang mga alipores ng rehimeng ito na lansakang nilalapastangan ang ating karapatang pantao.
Back to top
|