Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Sanlibong Sulo ng Pambansang Protesta, Sinindihan ng mga Guro sa Mendiola!

Pambansang Komiteng Tagapagpaganap
Katipunan ng mga Gurong Makabayan � National Democratic Front of the Philippines
(KAGUMA � NDF)
Enero 31, 2005

Taas-kamaong nagpupugay ang KAGUMA-NDF (Katipunan ng mga Gurong Makabayan � National Democratic Front of the Philippines) sa libu-libong gurong matagumpay na nagdaos ng pambansang araw ng protesta laban sa kontra-guro at kontra-mamamayang rehimeng Macapagal-Arroyo, na pinamunuan ng Alliance of Concerned Teachers nitong ika-28 ng Enero, 2005.

Sanlibong Sulo ng Protesta sa Mendiola

Militanteng nagmartsa at sumugod sa Mendiola ang 2,500 guro ng Maynila sa pamumuno ng MPSTA (Manila Public School Teachers' Association).

Kasama nila ang ilang daang guro mula sa iba't ibang pederasyon ng Metro Manila, mga kabataang estudyante sa pangunguna ng Anakbayan at LFS (League of Filipino Students), at mga magulang.

Alas-kwatro ng hapon nagsimulang magtipon-tipon sa Morayta hanggang tumulak magmartsa ang militanteng kaguruan. Pinuno ng kanilang siksik na hanay ang isang linya ng Recto mula Morayta patungong Mendiola. Pinatingkad ng papalubog na sikat ng araw ang mga bitbit nilang plakard, istrimer at mga nagniningas na sulo ng protesta.

Pinaalingawngaw ng salimbayang pahayag ng mga guro ang kanilang galit at paniningil sa kontra-guro at kontra-mamamayang patakaran at pamumuno ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Bitbit ang kaisahang lumaban ng kani-kanilang masang kasapian, nagpalitan ng pahayag ang mga lider at kinatawan ng 74 paaralan sa Maynila; pederasyon ng mga guro sa Taguig-Pateros, Muntinlupa, Pasay, Para�aque, Makati, Mandaluyong, Navotas, Valenzuela, at Bulacan; mga guro at kawani ng Unibersidad ng Pilipinas, at mga kabatang estudyante.

Mariin nilang siningil ang pahirap at mapanupil na gubyernong Macapagal-Arroyo sa dinaranas ng mga guro, kawani, estudyante at mamamayan. Ito ang salarin sa pinakamalubhang krisis ngayon sa sektor ng edukasyon, dulot ng garapalang pambabarat sa pondo para sa edukasyon habang hinihigop naman ang bulto nito sa pambayad-utang, badyet ng mga reaksyunaryong sundalo't pulis, at sa luho, bisyo't kurapsyon ng mga malalaking opisyales ng militar at gubyerno. Sa 2005 badyet ng gubyerno, P646 bilyon ang inilaan sa pambayad-utang na di naman napakikinabangan ng taumbayan, samantalang P111 bilyon lamang ang para sa edukasyon.

Matalas nilang kinundina ang niratsadang pag-apruba ng Konggreso sa dagdag na 2% sa VAT (12 % value-added tax) na iniutos ng aroganteng gubyernong Macapagal-Arroyo alinsunod sa dikta ng International Monetary Fund. Tiyak na itutulak ng paniningil ng 12% VAT ang ibayong pagtaas ng presyo't singil ng mga pangkonsumong produkto at serbisyo na tuwirang papasanin ng taumbayan, lalo na ng mga maralita, anakpawis at maliliit na propesyunal tulad ng guro.

Sama-sama at buong-tapang nilang iginigiit at ipinaglalaban ang lehitimo nilang kahilingang dagdagan ng P3,000 across-the-board ang sweldo ng mga guro at kawani; itaas ang badyet sa edukasyon (dagdag na P72 bilyon sa minimum upang mapunuan ang mga kagyat na pangangailan tulad ng dagdag na suweldo, kakulangan sa guro, klasrum, libro, upuan, atbp. sa batayang edukasyon); at, pag-rechannel ng pambayad-utang sa edukasyon � ibalik ang pera sa taumbayan, huwag ipambayad sa mga utang na hindi naman napakinabangan ng mamamayan!

Mainit na Protesta sa Metro Manila

Katanghaliang tirik ng araw nang sama-samang lumabas ng kanilang paaralan at opisina ang ilang-daang guro, estudyante, at kawani ng gubyerno sa pangunguna ng Quezon City Public School Teachers Alliance, ACT, at COURAGE upang magdaos ng koordinadong piket-protesta sa kalibutan ng Quezon Memorial Circle. Pinainit naman ang gabi nang nagsama-samang muli at nagdaos ng protest-vigil ang 300 guro't kabataang estudyante sa isang paaralan sa Batasan.

Hindi rin napigilan ng kanilang batak na oras ng pagtatrabaho ang militanteng manggagawang pangkalusugan sa Philippine Heart Center sa Quezon City nang mapanlikha nilang ginamit ang oras ng tanghalian upang isiwalat ang kumakalam nang sikmura ng kanilang mga pamilya. Kasabay ito ng maiinit ding kilos-protesta ng daan-daang mga manggagawang pangkalusugan sa Philippine General Hospital, San Lazaro Hospital, Jose Reyes Hospital, Tondo General Hospital at central office ng Department of Health sa Maynila.

Samantala, ilampung kabataan estudyante ang militanteng sumugod at nagprotesta sa Senado habang nagaganap ang deliberasyon sa badyet.

Salimbayang Protesta sa Iba�t Ibang Rehiyon

Sa Vigan, nagmartsa sa sentrong bayan ang 150 guro, kawani, at estudyante ng University of Northern Philippines. Sa La Union, Baguio, at Mountain Province, naglunsad din ng mga sama-samang pagkilos ang kaguruan, kawani ng gubyerno, at estudyante.

Sa Tarlac City, nagdaos ng motorcade-rally ang mga guro mula sa 9 na paaralan. Sinuportahan sila ng mga kawani ng gubyernong lokal. Sa Cabanatuan City, Angeles City, at ilang bayan ng Bulacan, naglunsad ng rali at streamer-hanging ang mga guro, estudiante at magulang sa ilang paaralan.

Sa Bacolod, nagmartsa ang 500 mga guro at nagdaos ng programa sa harap ng kapitolyo. Kasama nila ang mga kabataan, maralitang tagalunsod, at mga kawani ng gubyerno. Sa Iloilo City, nagdaos din ng rali at candlelighting. Sa Davao, kumilos ang mga guro mula sa 12 paaralan.

Reaksyunaryong Tugon ng Malakanyang

Nayanig ng malakas na protesta ang Malakanyang na pilit na tumatakas sa kahilingan ng mga guro. Ang nagbibingi-bingihang si DepEd Secretary Butch Abad ay sukong nagpahayag sa telebisyon ng kanyang tugon sa protesta. Naobligang sabihin ni Secretary Abad ang pagkilala sa "pangangailangan ng salary hike at sa mahirap na working conditions ng teachers." Subalit kagyat din niyang tinuran na mahirap itong ibigay ng gubyernong Arroyo dahil daw sa krisis pampinansya.

Lalo ring nalantad ang kainutilan at arogansya ng Malakanyang sa harap ng masang guro nang sabihin ni Presidential spokesperson Bunye na "negatibo ang mensahe o ehemplong ipinakita ng mga guro sa paglahok nila sa pagkilos."

Wala talagang aasahang matinong tugon at makabuluhang pakinabang ang masang guro at ang mamamayan sa reaksyunaryo, kontra-guro at kontra-mamamayang gubyernong Macapagal-Arroyo.

Ngunit ang ganitong matapang na pagkumpronta sa rehimen nang sama-sama ay nagsisilbing inspirasyon sa mga guro upang higit pang pagtibayin ang kanilang kapasyahang lumaban at kamtin ang tagumpay.

Pag-alabin pa ang Militanteng Protesta at Paglaban!

Kaya ang sigaw ng masang guro at taumbayan: Sobra na! Tama na! Labanan at wakasan na ang ibayong pagpapahirap at pambubusabos ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa kabuhayan at karapatan ng masang guro at mamamayan!

Ipinamalas ng matagumpay na pambansang protesta ng libu-libong guro sa Mendiola at sa buong kapuluan nitong ika-28 ng Enero ang papalaki, papalawak at papatinding ispontanyo't organisadong protesta at paglaban ng masang guro.

Ibayong lumalalim at tumitibay ang batayan para kagyat na magbuklod ang masang guro, kasama ng kawani ng gubyerno, manggagawa sa pampublikong kalusugan, kabataang estudyante at mga magulang nila sa Metro Manila at sa buong bansa para sama-sama at militanteng igiit at ipagtagumpay ang kanilang lehitimong mga kahilingan.

Ibayo pang palawakin, palakasin at patindihin ang nasimulan nang kilusang protesta para ipaglaban at ipagtagumpay sa abot ng makakaya ang mga kahilingang itaas ang sweldo, dagdagan ang badyet sa edukasyon, i-rechannel ang pambayad utang sa serbisyong publiko, at ibasura ang panibagong VAT at iba pang pahirap na buwis.

Ilunsad ang iba't ibang mapanlikha at epektibong porma at antas ng gawaing pagmumulat, pagtitipon at pagpapakilos upang maabot, maorganisa at mapakilos ang pinakamalawak at pinakamaraming bilang ng masang guro sa buong bansa upang makapaglunsad ng makapangyarihang daluyong ng protesta, kabilang na ang paglulunsad ng malaganap at koordinadong mass leave at welga.

Mahigpit na ikawing at itaas ang mga sektoral na kahilingan at pakikibaka ng masang guro sa mga pang-multisektoral at pampulitikang kahilingan at pakikibaka ng mamamayan upang tuluyan nang singilin, itakwil at patalsikin ang reaskyunaryong gubyernong Macapagal-Arroyo.

Nasindihan na ng mga guro ang sanlibong sulo ng pambansang protesta sa Mendiola. Pagningasin pa natin ito sa buong bansa hanggang sa maglagablab ang panibagong pag-aalsa ng taumbayang magpapabagsak sa reaksyunaryong gubyernong Macapagal-Arroyo!

Mabuhay ang masang guro!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.