Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Paigtingin ang mga armadong opensiba! Labanan at biguin ang papatinding panunupil at mga hakbangin tungo sa lantarang pasistang paghahari ng rehimeng Arroyo!

Pahayag sa ika-36 na anibersaryo
ng Bagong Hukbong Bayan

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Marso 29, 2005

Ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang tunay na hukbo ng sambayanang Pilipino. Ipinagtatanggol ng BHB ang sambayanang Pilipino laban sa pang-aapi at panunupil ng reaksyunaryo at makadayuhang rehimeng Arroyo at ang mga armadong utusan nito sa militar at pulis.

Nagpupugay ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa lahat ng mga kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa ika-36 na anibersaryo nito sa Marso 29. Alalahanin natin ang mga martir at bayaning nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa bayan.

Ipinagdiriwang ng sambayanang Pilipino ang natipong mga tagumpay ng BHB sa nagdaang taon. Ang BHB ang pangunahing instrumento ng mamamayang Pilipino sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan.

Patuloy na ipinamamalas ng BHB ang superyoridad ng suportang masa at mga taktikang gerilya laban sa mersenaryong Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Ang mga taktikal na opensiba ng BHB sa nagdaang taon ay nagresulta sa pagsamsam ng ilandaang armas, karamiha'y malalakas na sandata. Ang bilang ng baril na nalikom ng BHB ay sapat upang armasan ang ilampung karagdagang platun ng BHB. Gayunpaman, mas mabilis dumami ang bagong mga mandirigma kaysa mga armas. Kaya kailangang-kailangang maglunsad ng mas marami pang mga taktikal na opensiba upang makalikom ng daan-daan pang mga baril mula sa kaaway upang armasan ang patuloy na dumaraming bilang ng mga mandirigma.

Mabilis na lumalawak at lumalalim ang baseng masa ng rebolusyon sa kanayunan. Milyun-milyong mamamayan ang napapabilang sa mga samahang masa at nasasaklaw ng pamamahala ng mga rebolusyonaryong awtoridad na demokratikong inihalal o hinirang ng masa. Pangunahing ipinatutupad nito ang rebolusyong agraryo. Isinusulong ang mga kampanya upang ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura at pataasin ang antas ng produksyon at kita ng masang magsasaka. Kaalinsabay nito, ipinatutupad ang mga programa sa edukasyon, kalusugan, katarungan at depensa para sa kapakinabangan ng mamamayan.

Kailangang-kailangang paigtingin ng BHB ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka laluna sa harap ng tumitinding panunupil ng rehimeng Arroyo sa mamamayang Pilipino. Sunud-sunod ang pamamaslang ng mga armadong tauhan ng rehimeng Arroyo sa mga aktibista at lider-masa . Malupit at marahas na binubuwag ang mga kilos-protesta. Kung tutuusin, umiiral ngayon ang di deklaradong batas militar at ginagamit ang terorismo ng estado upang dahasin ang sambayanan.

Ang sitwasyong ito'y lalo pang lalala kung maisasabatas ang Anti-Terrorism Bill na agresibong itinutulak ni Arroyo sa udyok ng imperyalismong US. Kung magkagayon, tutungo na sa lantarang pasistang paghahari ang rehimeng Arroyo na katulad ng batas militar noong 1972. Katulad noon ni Marcos, puspusan ang pagsisikap ni Arroyo na tiyakin ang katapatan ng mga upisyal militar sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga pabuya at pagkunsinti sa kanilang korapsyon.

Armadong pakikibaka ang pangunahing tugon sa mga hakbangin tungo sa lantarang pasistang paghahari ng rehimeng Arroyo. Ang pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba ng BHB ay kailangang-kailangan upang pahinain at ikalat ang armadong pwersa ng estado na ginagamit sa panunupil sa mamamayan. Makapagbibigay ito ng lakas ng loob sa sambayanang Pilipino na magpunyagi sa kanilang mga militanteng pakikibaka.

Lumalala ang pampulitikang desperasyon ni Arroyo sa harap ng lumalalim at lumalawak na galit ng mamamayan sa mga patakaran ng rehimen na lubhang nagpapasidhi ng paghihirap at kagutuman ng mamamayan. Walang nalilinlang si Arroyo sa sinasabi niyang "nalulutas na" ang krisis sa ekonomya.

Sa kabila ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis, kuryente, tubig at pagkain, binabalak pa ng rehimeng Arroyo na magpataw ng karagdagang mga pasaning buwis sa mamamayan. Kasabay nito, wala pa rin itong renda sa pagbabayad-utang; at wala ring renda sa pagbabawas ng badyet sa kalusugan, edukasyon at iba pang mga serbisyong panlipunan.

Sa isang banda, pinipigilan ng rehimeng Arroyo ang pagtaas ng sahod at sweldo ng mga manggagawa at karaniwang mga kawani. Sa kabilang banda naman, todo-larga ang korapsyon ng matataas na upisyal ng gubyerno at militar. Sa mata ng mamamayang Pilipino, ang rehimeng Arroyo ang pinakakurakot sa lahat ng mga nagdaang rehimen.

Wala ring kapantay ang pagiging papet ni Arroyo sa imperyalismong US at mga dayuhang monopolyong kapitalista. Sa larangan ng ekonomya, lubusang ibinukas ng rehimeng Arroyo ang likas-yaman ng bansa sa pandarambong ng mga dayuhang kapitalista. Labis-labis na pagyurak sa patrimonya ng Pilipinas ang ibubunga ng pagpapatibay sa Mining Act of 1995.

Tahasang nilalapastangan ng papet na rehimeng Arroyo ang pambansang soberanya ng Pilipinas sa pagpapahintulot at paghihikayat sa pagpasok sa bansa ng libu-libong mga tropang pangkombat ng US. Patindi nang patindi ang armadong panghihimasok ng US. Ang pagtagal ng mga ito sa mga lugar sa Timog Katagalugan ay tuwirang nakatuon sa paglaban sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Nakaalerto ang mga armadong rebolusyonaryong pwersa laban sa nakaambang tuwirang paglahok ng mga tropang Amerikano sa mga operasyong pangkombat.

Sabik na sabik ang sambayanang Pilipino na ibagsak ang kasalukuyang rehimen. Kaakibat ito ng kanilang pakikibaka laban sa mga neoliberal na patakaran sa ekonomya, sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis, sa napakalalang korapsyon, sa terorismo ng AFP at tumitinding panghihimasok-militar ng US.

Puspusang kumikilos ang mga rebolusyonaryong pwersa para ibagsak ang rehimeng Arroyo.

Ibayong paiigtingin ng Bagong Hukbong Bayan ang mga armadong opensiba laban sa pangunahin at pinakainaasahang haligi ng teroristang paghahari ng rehimeng Arroyo. Sa taong ito, makakamit ng BHB ang di pa napapantayang mga tagumpay sa pagsusulong ng digmang bayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino! ###

I-download ang VCD format. Ang file ay nasa anyo ng "iso image". I-click dito para sa gabay kung paano gumawa ng VCD mula sa ISO image file. (Download VCD format. This file is stored as an iso image. Click here for guidelines on how to burn VCD from an ISO image file.)

I-download ang DAT file na maaaring paandarin sa Windows. (Download DAT file playable in Windows Media player).


Back to top

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.