Pahayag hinggil sa Tigil-Putukan
Arman "Ka Arms" Guerrero Tagapagsalita National Democratic Front of the Philippines�Rizal
Disyembre 23, 2004
Ang buong rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ng Rizal sa pangunguna ng NDFP-Rizal ay sumusuporta sa unilateral na deklarasyon para sa 10 araw na tigil-putukan (Ceasefire) na inilabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinasn bilang pakikiisa sa sambayanang Pilipino sa tradisyunal na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at upang bigyang-daan ang selebrasyon ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa sa ika-36 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Pagkakataon din ito para mabilis na maiisagawa ng rebolusyonaryong pwersa ang patuloy na pagtulong sa rehabilitasyon ng mga pininsala ng kalamidad sa lalawigan ng Rizal dulot ng walang habas na Quarrying Operation at pagsira sa kalikasan ng mga gahamang lokal at dayuhang kapitalista sa lalawigan para magkamal ng limpak-limpak na salapi sa kapinsalaan ng mamamayan.
Kaugnay nito, tinatagubilinan namin ang buong armadong pwersa ng rebolusyonaryong kilusan sa pangunguna ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-RIZAL) kabilang na ang mga yunit partisano at Milisyang Bayan na mahigpit na ipatupad ang suspensyon ng armadong opensibang aksyon sa lalawigan ng Rizal laban sa mga pwersang militar, pulis, CAFGU at iba pang armadong yunit ng AFP at PNP mula mamayang ika-12:00 ng hatinggabi, Disyembre 23, 2003 hanggang ika-12:00 ng hatinggabi ng Enero 2, 2004. Sa panahong ito, ang mga opisyal at pwersa ng militar at pulisya na walang malubhang kaso sa mamamayan ay maaring indibidwal na makapasok sa mga base at teritoryo ng rebolusyonaryong gobyerno para personal na bumisita sa mga kamag-anak at kaibigan.
Sa panahon ding ito, lahat ng yunit ng NAAC-NPA-Rizal ay tinatagubilinang patuloy na hawakan ang sandata habang nananatili sa depensibong antas at mananatiling handa sa anumang paglusob ng mga mersenaryong tropa ng AFP at PNP sa teritoryo ng rebolusyonaryong gobyerno. Sa oras na maglunsad ang mga pwersa ng AFP at PNP ng panliligalig at pananalakay sa teritoryo at mga base ng rebolusyonaryong kilusan ay karapatan ng Hukbong Bayan na maglunsad ng mga armadong aksyon upang biguin ang kanilang pag-atake at parusahan sila sa kanilang mga kasalanan sa mamamayan.
Bagama�t nagdeklara ang gobyernong Arroyo ng Suspension of Military Operation (SOMO) ay kinakailangang manatiling hanada at mapagbantay ang rebolusyonaryong kilusan sa anumang pag-atake sa AFP, PNP at iba pang pwersang paramilitary. Sa nakaraang karanasan ng rebolusyonaryong kilusan sa pagtigil ng opensibang aksyon sa panahon ng kapaskuhan ay nariyan lagi ang paglusob ng mga pwersa ng AFP at PNP sa mga yunit ng hukbong bayan. Sa lalawigan ng Rizal, lalupa�t ang tumatayong Commanding Officer 2nd Infantry Division na nakabase sa Tanay, Rizal ay ang Berdugong si Gen. Efren Palparan ay tiyak na patuloy itong mag-aatas sa kanyang mga sundalo na maglunsad ng mga opensibang operasyon sa mga pwersa ng rebolusyonaryong kilusan kahit sa panahon ng kapaskuhan.
Sa ganito�y nananawagan ang NDFP-Rizal sa mga nakababatang opisyal at mga ordinaryong sundalo ng AFP at PNP na nasusuklam sa korapsyon ng kanilang mga opisyal tulad nina Gen. Garcia at Angelo Reyes na huwag sundin ang hindi makatarungang atas sa inyo ni Gen. Orbon. Ipinapain lang kayo sa kamatayan nina Gen. Orbon at mga korapto ninyong opisyal kapalit ng kanilang ambisyon sa promosyon upang makapagpatuloy ng pangungurakot ng pondo na dapat sana�y sainyo mapunta. Karapatan ninyong makapiling ang inyong mga mahal sa buhay at mga kaibigan ngayon panahon ng kapaskuhan. Kung sakaling magpilit sina Gen. Orbon na paglunsarin kayo ng operasyong militar ay biguin ninyo sa pamamagitan ng pag-iwas sa engkwentro sa aming mga pwersa. Kung sakaling sa hindi inaasahang sitwasyon ay makasagupa ninyo ang mga pwersa ng NAAC-NPA-Rizal ay kagyat ninyong isuko ang inyong armas. Walang kabuluhan na ipalit ninyo ang inyong buhay sa pagtatanggol sa isang gobyernong nagpapahirap sa mamamayan.
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN! MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS! MABUHAY ANG NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES! MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!
Back to top
|