Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

Editoryal

Umani ng higit pang lahatang-panig na mga tagumpay ngayong taon

Ngayong 2008, tinatanaw ng Partido ang isang taon ng malalaking lahatang-panig na rebolusyonaryong pagsulong. Ang maniningning na tagumpay at mayamang karanasang natamo noong nakaraang taon kapwa sa ligal na pakikibaka at armadong rebolusyon ay puhunan para sa ibayo pang pag–abante ng rebolusyong Pilipino.

Sa unang taon ng brutal na kampanyang Oplan Bantay Laya (OBL) 2, napilitan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na amining bigo silang kamtin ang mga itinakda nilang target na "durugin" ang ilang larangang gerilya. Bago ito, nalantad sa publiko ang internal na pagtatasa ng AFP tungkol sa kabiguan ng limang taong OBL 1 na siyang sinundan ng kasalukuyang OBL 2. Pawang kabulastugan ang ipinagmamalaki ng AFP na nadurog nila ang 13 larangang gerilya ng BHB noong 2007 at na madudurog nila ang 17 pang larangang gerilya sa unang kwarto lamang ng 2008. Mas malalaki pang kabiguan ang kakaharapin ng AFP dahil sa patuloy na paglagablab ng apoy ng digmang bayan sa buong bansa.

Mula Luzon hanggang Mindanao, binigo ng mga yunit ng BHB ang mga laking-dibisyon, brigada at batalyong kampanyang panunupil na inilunsad ng AFP upang durugin ang tinagurian nilang mga "balwarte" ng armadong rebolusyonaryong kilusan. Sa mga larangang dinumog ng mga pwersa ng AFP, hindi lamang nakapagpreserba ng lakas ang mga yunit ng BHB, patuloy pang nakapagpalalim ang mga ito ng pag-ugat sa masa, nakapagmantine ng inisyatibang militar at naipagtagumpay ang maraming kontra-atake sa kaaway. Kaalinsabay, nakapagpalawak pa at nakapaglunsad ang BHB ng maraming taktikal na opensiba sa mga lugar kung saan relatibong manipis ang pakat ng kaaway.

Isa sa mga tampok na karanasan ang pagharap at pagbigo ng Pulang Diwata Command ng BHB sa kampanyang militar ng 4th Infantry Division ng Philippine Army sa Northeastern Mindanao. Bigo ang sustenidong mga operasyong militar ng AFP na durugin ang dalawang larangang itinuring nitong prayoridad na atakehin. Nakapaglunsad ang mga Pulang mandirigma sa mga larangang ito ng 42 taktikal na opensiba at nakasamsam ng 25 armas. Mahigit 103 tropa ng AFP ang namatay at 50 ang nasugatan.

Sa Panay, naglunsad ang AFP ng mga operasyong laking-brigada at batalyon upang gapiin ang rebolusyonaryong kilusan doon. Ngunit sa katapusan, ang tanging naipagyabang ng AFP ay mga larawan ng mga kampo ng BHB na matagal nang nilisan ng mga gerilya.

Ang pagdagsa ng mga pwersa ng AFP sa isla ay nagbigay sa mga Pulang mandirigma roon ng maraming pagkakataong makapaglunsad ng mga operasyong isnayp at pananambang. Marami sa kaaway ang namatay, samantalang wala kahit isang nasawing Pulang mandirigma. Kabaligtaran ng kasinungalingan ng AFP na gapi na ang rebolusyonaryong kilusan sa isla, kinakitaan pa ang Panay ng signipikanteng paglaki at kasigasigan sa pagtatanggol at paglaban ng kasapian ng Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan sa harap ng matitinding atake ng kaaway (tingnan ang kaugnay na artikulo).

Sa 22 mayor na taktikal na opensiba ng BHB laban sa AFP sa Ilocos-Cordillera, at kahit sa tatlong depensiba kung saan naagaw ng mga gerilya ang inisyatiba, malaki ang nalagas sa mga pwersa ng kaaway. Namatay ang 60 tropa at 38 ang nasugatan sa panig ng AFP. Sa mga labanang ito, apat na upisyal at tauhan ng AFP ang nabihag ng BHB.

Ilan lamang ang mga ito sa matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB sa iba't ibang bahagi ng bansa noong 2007. Marami pang opensiba sa iba't ibang rehiyon na hindi pa naiuulat sa Ang Bayan. Sa ilan pa lamang na naiulat na sa Ang Bayan, di bababa sa 204 na elemento ng kaaway ang namatay at mahigit 149 ang nasugatan. Siyam na mga sundalo at elemento ng CAFGU ang nabihag sa mga engkwentro at kalauna'y pinalaya sa makataong batayan. Naisagawa rin ang pagpaparusa sa mga elemento ng death squad ng AFP na sangkot sa ekstrahudisyal na mga pamamaslang at pagdukot. Pinatawan sila ng parusa matapos ang masusing mga imbestigasyon alinsunod sa mga rebolusyonaryong prosesong hudisyal.

Nasamsam ng BHB ang di bababa sa 327 armas na karamihan ay malalakas na riple, libu-libong bala at samutsaring gamit-militar at kagamitang pangkomunikasyon. Ang mga sandata at gamit na ito ay sapat para armasan ang tatlong kumpanya ng mga bagong mandirigma. Tampok sa mga opensibang ito ang reyd sa Davao Penal Colony kung saan nakasamsam ang mga Pulang mandirigma ng 108 armas nang hindi nagpapaputok.

Alinsunod sa panawagan ng Komite Sentral ng PKP, nakatuon ngayon ang buong rebolusyonaryong kilusan sa lahatang-panig na pagsasaayos ng mga rebolusyonaryong gawain para pag-ibayuhin ang pagsusulong sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan ngayong taon at pabilisin ang pagpasok sa gitnang bahagi ng estratehikong depensibang yugto ng digmang bayan. Habang puspusang nilalabanan ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang panunupil at pagpapahirap ng rehimeng US-Arroyo sa mamamayan, kumikilos sila nang tanaw ang estratehikong layuning agawin ang kapangyarihang pampulitika mula sa mga reaksyunaryong naghaharing uri, wakasan ang buong malakolonyal at malapyudal na paghahari sa bansa, tapusin ang pambansa-demokratikong yugto at tumungo sa mga susunod na yugto ng rebolusyong Pilipino.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.