Gallery of Heroes and Martyrs

Christopher "Ka Roy" Dumpao


Koresponsal mula sa
Lejo Cawilan Command, NPA-Kalinga

Mula pa sa pagkabata niya, malapit si Christopher "Ka Roy" Dumpao sa mga kasama niya sa NPA. Panglima siya sa walong anak ng pamilyang magsasaka sa Poswoy, Balbalan, Kalinga. Hindi nakapagtapos ng elementarya si Ka Roy dahil sa kahirapan sa buhay. Pero hindi ito naging sagka sa kanyang kasigasigan sa rebolusyonaryong pag-aaral. Mahilig din siyang kumanta at maggitara. Tahimik, matiyaga, masipag, disiplinado, at puno siya ng inisyatiba sa trabaho.

Sumampa si Ka Roy sa NPA noong September 2003. Natapos niya ang Batayang Kurso ng Partido noong 2007 at naging kasapi siya ng Partido noong Oktuber 2008. Sa talas ng kanyang pag-analisa sa mga bagay-bagay, noong nagbigay siya ng pag-aaral sa mga kabataan sa baryo, napahanga sa kanya ang mga dati nang nakakakilala sa kanya.

Naging vice-squad leader siya sa NPA. Isa si Ka Roy sa naaasahan sa gawaing militar. Matapang at maingat siyang humarap sa mga kaaway kahit sa mga biglaang pangyayari. Mahigpit niyang tinanganan ang mga patakarang absolutong hindi iinom nang malalasing. Magalang siya sa pakikihalubilo sa masa.

Pumanaw si Ka Roy dahil sa sakit na tipus noong Agosto 15 habang nananalanta ang bagyong Kiko.

Sa loob nang mahigit limang taon sa NPA, hindi siya huminto o tumamlay sa pagpapatupad ng mga rebolusyonaryong tungkulin. Isa siyang ehemplo ng mga Pulang mandirigma.

Read the original article in Iloko - Dangadang (August - November 2009)


Back to Features