Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Maikling Kwento
TOC Kaba sa Aking Dibdib


Alas 4:40 ng madaling araw. "Kas, Kas Alan! Meron ka bang baong kanin diyan? Mahapdi na ang aking sikmura. Nahulog kasi sa ilog na tinawid natin kanina 'yung dala kong nakabalot sa dahon ng saging." Sus! Mabuti na lang at tinawag ako ng kasamang katabi ko; pinapapak na ng langgam ang sarili kong baon. Kaning malamig,plas nilagang itlog at tuyo, ikwals almusal. Nahirapan akong lunukin ang pagkain kahit gutom. Naninigas na rin ang aking lalamunan sa tindi ng lamig. Namamanhid ang aking buong katawan sa dalawang oras na pagkakadapa. Walang tent, wala ni sako na mayayakap.

Buong gabi kaming naglakad. Mahigpit ang patakaran, bawal magplaslayt. Nakapaa lamang 'pag grabado ang daan. Hay! Bituka ko na lang yata ang walang pulikat dito. May ilang kasamang dumadaing sa napakalayong lakaran. Kesyo, bakit daw sa gubat pa dumaan, gabi naman ang lakad. Makakarating kaya kami nang maaga nito?

"Nahulog sa butas si Kasamang Kwatog! Abutan ng tali. Kuyumin ang plaslayt. Ayan na. Shh, pasa walang ingay." Malalaman talaga dit kung sino ang maiksi ang pasensya sa lakaran. Gayunman, maiging pagsasanay ito sa pagtangan ng disiplina. Kung ano ang tatagal, ang pasensya o ang lakaran. Kailan kaya ako matututo ng tatlong S (secrecy, speed, surprise)?

Pangalawang beses na itong pagsisikap na makuha ang regular na kilos ng kaaway. Pinag-aralan ang mga daan at tereyn para sa staging, widrohan at pusisyunan. Noong una, ikakasa na sana ang trabaho. Ngunit nabulabog ang plano nang malasing si Mang Tinong at mapadaldal nang husto sa tindahan. Resulta, may ilang masa ang binugbog sa interogasyon ng mga gwardya ng konsesyon. Wala namang umamin. Pero may ilang nagsilikas. Mula noon, inilihim na kay Mang Tinong ang lahat ng gawain ng KTO(Komiteng Tagapag-organisa). Pinalipas muna ang ilang buwan bago binalikan ang target.

Alas 4:45. Kinse minutos na lang at dadaan na ang kaaway. Isang puting van na Kia na serbis ng mga gwardya. Lahat ay galing sa militar-- kung hindi man aktibo'y mga retiradong sundalo. Walo palagi ang sakay ng van kasama ang drayber at puro malalakas na kalibre ng riple ang dala. Nagrerekorida ito tuwing Martes mula Crossing hanggang Base 3. Pagkatapos, mag-aabang ng maliliit na mangangahoy, ligal man o hindi. Walang pinipili. Hahanapan ng butas ang sinumang pinaghihinalaang nanguha ng kahoy o tabla sa konsesyon.

Ang taktikal na opensibang ito'y matagal nang hinihiling ng masa mula sa anim na baryo. Marami nang kargadang tabla ang kinumpiska ng mga gwardya. Kasama na rito ang mga tablang gagamitin sana ng KTO para sa itatayong upisina at tindahan ng kooperatiba, na mahalaga sa pagpapasigla ng mga komunal na kailangan ng mga organisasyong masa.

Marami nang masa ang kinumpiskahan ng mga pedidos at tabla na gagawing bahay. Binabaklas at sinusunog pati dingding na nakakabit na sa bahay. Kinukumpiska pati kalabaw at chainsaw. At kung merong papalag ay bugbog-sarado. Meron na ngang pinatay. Kay daming bawal! Bawal kumuha ng kahoy sa konsesyon ng Philwoods. Bawal magsaka. Kahit lupa mo ito. Kahit lupang minana ng mga katutubo sa kanilang mga ninuno.

Alas 4:50. "Nakapwesto na ba ang mga yunit milisya sa bawat iskwad?" tanong ni Ka Jaco, ang CO. "Tiyakin na nakapasok na ang kaaway sa killing zone saka banatan. Hintayin natin ang pinakahuling ulat ng monitoring at kumand."

"Kas, dagdag sigasig." Mayroong namumutla sa mga kasama. May mangiyak-ngiyak. May nag-aastang matapang. Pero wala na marahil mas hihigit pa sa aking nararamdaman; parang maiihi, matatae, masusuka na di ko mawari. Apat na beses na akong nakatikim ng depensibang labanan. Una ko pa lang itong karanasan sa opensibang labanan. Pwes, ilalabas ko lahat ang tapang ko rito. Ngunit bakit kaya di humuhupa ang aking nerbiyos. May kaba sa aking dibdib.

Makapagpaputok kaya ako? Baka mabulabog ako? Masindak. Matamaan. Mamatay. Baka dumating kaagad ang reimporsment ng kaaway. Manindigan lang. Maglingkod sa bayan. Kailangang pag-aralan ang lahat ng tungkulin bilang mandirigma ng hukbong bayan. Nanumpang buhay man ay ialay. "Kas Alan, wala na talagang mapaglagyan ang aking kaba. Ano na lang ang mangyayari sa nililigawan ko kung may mangyari sa akin dito?" narinig kong sabi ng isang kasama. "Di ako na lang ang papalit," pabirong sagot naman ng kanyang katabi.

ALAS 4:55. Shh, "Andiyan na ang kaaway," pasa ng monitoring. Tahimik ang lahat maliban sa kalabugan ng mga dibdib at mabilis na ritmo ng puso. Mayroon pang napapautot sa kaba. Alerto ang tila lumaking mga tenga at mata. Makapagpaputok kaya ako? Baka ako mabulabog? Ma-shock. Matamaan. Mamatay. Pakiramdam ko'y beinte kilo ang M-16 na hawak ko at tila nangangalay ang aking daliri.

Alas 5:00. Umabot na sa dulo ng unang blocking ang nguso ng van. "Banat!" Bra-ta-ta-ta-tat, bra-ta-ta-ta-tat! Umuusok ang mga baril ng main body. May dalawang kaaway na nakatakbo. "Singgol payr! Isa-isang putok!" Prak-pak-pak! "Blocking sa tulay, bilis!"

Sa loob ng 25 minutong bakbakan, tatlo ang patay at dalawa ang sugatan sa mga kaaway. Dalawa ang nakatakbo. Nakumpiska ang tatlong malalakas na kalibreng riple. "Atras!" Mabilis at tiyak ang kilos ng bawat isa. Sa kabila ng pagod, magaan ang katawan ko. Nawala ang kaba sa aking dibdib. Kahit saan ako lumingon, nakangiti ang lahat ng mga kasama. Maaliwalas ang kanilang mukha.

Alas 8:30. Malayo pa sa Sityo Napis, bigla kaming nakarinig ng mga yabag sa kalsada. "Pasa hinto. Alerto!" atas ng kumand. Awtomatikong pumusisyon ang buong pwersa. Bumalik ang kaba sa aking dibdib. Sa pagliko sa kurbada, lumakas ang mga boses. Lumakas ang mga yabag at gayundin ang kalabog sa aking dibdib.

Maya-maya'y tumambad sa amin ang papalapit na masa. "Yehey, yehey! Nadaug, nadaug!" Nag-unahan sila sa pagsalubong hanggang sa mapuno ang kalsada. Nagpalakpakan at nagsayawan ang mga bata. May ilang naglambitin sa mga kasama. May mga kasamang binuhat ng masa, habang nagsasabing, "Daug kita, daug kita! Walang makakatalo!" Napapaiyak ang matatanda. May humahagod sa mukha, sa balikat, sa buhok. Hagod doon, hagod dito sa mga kasama. Abot tenga ang ngiti ng mga kasama. Galak na galak. Tumalab hanggang sa kaibuturan ng aming dibdib.

Naniniwala na ako!



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.