Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Sanaysay
TOC Ilang Gintong Butil ng Pag-aalay


Dakila ang maraming pangalan sa rebolusyonaryong kasaysayan ng Timog Mindanao. Nananatiling buhay ang ilan, dahil sa mga yunit gerilya ng Bagong Hukbong Bayan na sa kanila ipinangalan. Ang iba naman ay kumikilos na lamang sa alaala ng masang kanilang pinaglingkuran. Sumagi man sa isip o mabaon na sa limot, ang mga bayani ng Timog Mindanao ay naikintal na sa kolektibong kamalayan na sumasaklaw sa mahigit tatlong dekada ng ating digmang bayan.

Ang magsulat tungkol sa mga bayani ng rehiyon ay pagsulat din ng kasaysayan ng pakikibaka sa Timog Mindanao. Isang maurirat na gawain kung kayat kailangang tumbasan ng kasinupan upang hindi lamang manatiling buhay ang alaala ng mga rebolusyonaryong martir, kundi upang ang kanilang pamana ay patuloy na uminog at maging bukal ng walang katapusang pagdaloy ng buhay at pakikibaka.

Magsimula tayo sa ilang kasamang ang naging buhay at kamatayan ay binigyang-pugay na ng rehiyon. Ang pagiging huwaran nila'y inspirasyon para sa atin na nagpapatuloy sa pakikibaka.

Ka Perry

Uliran na proletaryadong lider at mandirigma ng hukbong bayan. Ang buhay niya ay pagdiriwang na lubusang naisakatuparan sa loob ng digmang bayan.

Maykaya ang pamilya na kanyang pinagmulan. Si Ka Perry ay isang estudyante ng Fine Arts sa tanyag na Unibersidad ng Pilipinas. Naging kasapi siya dito ng elitistang Upsilon Sigma Phi, ang kapatiran na pinanggagalingan ng marami sa malalaking burukrata at naghaharing-uri, kabilang na ang pasistang diktador na si Ferdinand Marcos.

Kabilang si Ka Perry sa bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryong iniluwal ng Unang Sigwa ng 1970. Habang nakalubog sa kilusang estudyante, siya ay lumahok sa gawaing pangkultura bilang myembro ng Panday Sining ng Kabataang Makabayan. Nag-organisa siya ng mga kapwa estudyante't artista, at pinalahok sila sa mga dula sa lansangan sa mga kilos protesta laban sa pasistang diktador. At dito, sa pagsasadula ng buhay ng malawak na masa, kanyang naisalig ang matatag na paninindigan.

Nang ideklara ni Marcos ang batas militar noong 1972, si Ka Perry ay nagpatuloy sa pakikibaka sa kilusang lihim sa kalunsuran. Pagkalipas ng dalawang taon, siya at ang kanyang asawa ay itinalaga sa Mindanao.

Sa kabundukan ng Timog Mindanao napanday si Ka Perry at namuno sa Front 3, isa sa pinakamaunlad na sonang gerilyang naitatag sa buong Mindanao noong panahong iyon.

Ang dokumentong Ang Ating Mahihigpit na Tungkulin (1976) ang naging teoretikal na gabay sa pagkilos ni Ka Perry. Mataman niya itong inilapat sa partikular na kalagayan ng larangan sa gitna ng malakas na palo at impluwensya ng maling linya na magbubunga ng malalaking kamalian sa hinaharap.

Ngunit dahil sa matimping pamumuno ni Ka Perry, ang Front 3 ay naging isang larangang maunlad sa iba't ibang linya ng gawain: sa gawaing masa, militar, medikal, at syempre pa, sa gawaing pang-kultura. Kaakibat ng pag-abanteng ito ay ang pagtatalaga ng mga kadre nila sa ibang larangan tulad ng Surigao del Norte, Dulong Timog Mindanao, at maging sa Bohol sa Kabisayaan.

Sinasabing nagniningning ang mga mata at lumiliwanag ang mukha ni Ka Perry kung siya'y nagsasalita. Laluna kung siya'y biglang bibigkas ng tula. O di kaya'y aawit, na laging nagpapasilay ng ngiti sa masa't mga kasama.

Noong 1983, pinamunuan niya ang pagbubuo ng Main Regional Guerilla Unit (MRGU) na sasaklaw ng Hilagang Cotabato at ng mga probinsya ng Davao.

Isang mahusay na kasama at kadre si Kasamang Perry. Kaya naman walang tigil siyang tinugis ng mga kaaway. Noong Pebrero 5, 1985, habang siya'y may isang mahalagang gawain sa Cebu, ang mga pasista ay nagkaroon ng pagkakataon. Tinadtad nila ng bala ang katawan ni Ka Perry. Siya'y 31 taong gulang lamang noon.

Upang manatiling buhay ang alaala, pamana at kabayanihan ni Ka Perry, ikinarangal ng BHB sa Timog Mindanao na dalhin ng panrehiyong kumand nito ang pangalang Merardo Arce Command.

Ka Paking

Kilalang aktibista na si Godofredo Guimbaolibot, o Ka Paking/Roel Agustin, nang siya'y sumampa sa Bagong Hukbong Bayan noong 1982. Siya noon ang kapitan ng barangay ng New Leyte sa Maco, isang bayan sa Davao del Norte. Dito matatagpuan ang North Davao Mining Company, isang kumpan yang nagmimina ng ginto. Dahil sa kanyang walang tigil na pagpupunyagi para sa interes ng mga manggagawa't magbubukid, pinag-initan ng kumpanyang ito si Ka Paking at ang kanyang pamilya. Ang naiwang pagpipilian na lamang niya ay ang mamundok. "Tanging sa rebolusyon at armadong pakikibaka tayo tunay na makakapaglingkod sa masa," ang madalas niyang sagot sa mga nagtatanong kung bakit pinili niya ang mahirap na buhay ng Pulang mandirigma.

Bilang Pulang mandirigma, natutunan ni Ka Paking ang pakikidigmang gerilya sa loob ng MRGU. Siya'y naging upisyal sa administrasyon ng naturang yunit. Sa unang mga taon ng regularisasyon, nakipaglaban si Ka Paking sa maraming aksyong militar. Isang tampok na engkwentro nito ang nangyaring labanan sa pagitan ng BHB at ni Nonoy Frias, isang panatikong lider ng kultong pulahan. Sa naturang labanan, binasag ng asintadong si Ka Paking ang suhetibistang pagtingin ng ilang kasama sa kulto nang pabagsakin niya sa isang putok lamang ang kultistang lider.

Pero dumating ang pinakamatinding pagsubok kay Ka Paking noong 1986. Pinaghinalaan siyang ahente ng kaaway at pinauwi nang dahil sa Kampanyang Ahos. Dinanas niya ang pinakamasakit na paghamon sa kanyang rebolusyonaryong paninindigan at pag-unawa. Subalit hindi nawala ang tiwala niya sa mga kasama habang sinusubukan niya ang lahat ng paraan para malinis ang kanyang pangalan.

Paglipas ng dalawang taon, lubusang naunawaan ng mga kasama ang kanilang pagkakamali at mabilis na ibinalik si Ka Paking sa katayuan bilang panrehiyong kagawad ng Partido. Humingi ng tawad ang kanyang kolektibo, "Ipagpaumanhin mo kami, Ka Paking, dahil sa aming pagiging suhetibo at di makatarungan." At sa kanyang panig naman ay malumanay na nagpahayag si Ka Paking, "Ang pagtitiwala sa mga kasama at sa masa ang pinakamahalagang sangkap ng buhay ng Partido." At ang ganitong halimbawa ng pagiging bukas ay humimok sa maraming kasama na magpatuloy sa pakikibaka.

Mahusay at masinsin sa pag-oorganisa si Ka Paking, isa sa mga kadreng aktibong kumilos sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa Timog Mindanao. Sa kanyang mapanlikhang paggabay, nabawi ang mga sonang gerilyang dati'y nangawala, at ang kilusang magbubukid ay sumulong. Kilala siya sa kanyang calibrated approach sa pagsasagawa ng gawaing masa. Nangangahulugan ito ng wastong pagtitimbang-timbang, ng pagiging kumprehensibo at malikhain sa paglalapat ng linyang pampulitika sa balangkas ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya.

Likas siyang magaling sa gawaing nagkakaisang prente, laluna sa paghawak sa mga alyadong madalas sumanggguni upang hilingang mamagitan, o gustong makipag-usap, o nais lamang makipag-ugnayan sa kilusan. Tumpak ang mga lumad na Mandaya sa pagbansag sa kanya bilang isang matandang pantas na laging handang tumulong sa paglutas ng kanilang mga problema. Tunay ngang mahusay lumutas ng problema si Ka Paking, na hindi nasisiyahan hanggat hindi makahanap ng tamang kasagutan sa mga usapin. Kaya isa siya sa nagsikap para mapalakas at maitaguyod ang institusyon ng rebolusyonaryong hukumang bayan sa rehiyon.

Wala rin siyang pagod sa pag-aaral. "Kailangang magpakahusay tayo sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa mga uri!" ang himok niya sa lahat. Sa ganito, kahit na pinakabagong Armed Propaganda Team (APT) ay binabahaginan niya ng pinakamahuhusay na pamamaraan sa pagsasagawa ng gawaing masa. Si Ka Paking mismo ay nagpamalas ng kanyang matalas na pag-unawa sa umiiral na kalagayan at sa pagtitimbang ng pwersa. Ang kanyang kaalaman at laging pagtingin sa hinaharap ay naging napakahalaga sa pagbubuo ng mga patakaran at kapasyahan.

Napakamalumanay ni Ka Paking, kung kayat maraming kasamang nagnanais na makasama siya. Kahit na ang mga kabataang kadre mula sa kalunsuran ay kinagigiliwan siya dahil sa kanyang malalim na paggagap sa teoryang MLM, sa lokal at pandaigdigang kasaysayan, at sa mga kasalukuyang pangyayari.

Bilang isang maalalahaning asawa at mapagkalingang ama sa anim na anak, walang-sawa at walang-pagod si Ka Paking sa paglilinaw sa kanila sa mga rebolusyonaryong layunin ng kilusan. Patuloy na nagdurusa ang kanyang pamilya sa patuloy na pananakot ng pasistang militar. Noong 1997, dalawa sa mga anak niya ang sumapi sa BHB, at lubos itong nagpaligaya kay Ka Paking. Sa isang liham niya sa kanyang anak na si Ka Keno, buong pagpupuri niyang sinabing, "Ika'y malaki na nga, isang rebolusyonaryong hinubog ng iyong walang-humpay na paglilingkod sa mga inaapi't pinagsasamantalahan." At tunay ngang nanindigan ang binatang rebolusyonaryo, hanggang sa ibinuwal siya ng mga kaaway noong Oktubre 23,1999. Ngunit si Ka Paking ay wala na sa panahon ng kabayanihan ng kanyang anak, na sumunod lamang sa kanya.

Noong Agosto 2, 1999, si Ka Paking at si Ka JR na isang medik ng BHB, kasama ang dalawang sibilyan, ay hinuli sa tsekpoynt ng 60th IB ng militar. Kinabukasan, natagpuan silang patay sa pambansang haywey sa Mawab, Compostela Valley. May mga tanda ng pagpapahirap at paglapastangan sa kanilang mga katawan.

Ang kamatayan ni Ka Paking ay yumanig sa buong rebolusyonaryong pwersa ng Timog Mindanao na nagbuhos ng dalamhati, galit at rebolusyonaryong alab. Sa kanyang libing, taas-kamaong nagpahayag para sa lahat ang isang kabataang kasama: "Ka Paking, dakilang rebolusyonaryo, ano pa ang aming magagawa o masasabi bilang pagpupugay na karapat-dapat sa iyo? Wala nang iba pa kundi ang panatilihing maningning at nagliliyab ang iyong alaala, sa aming taos-pusong paglilingkod sa sambayanan, sa patuloy na pakikibaka hanggang sa kahuli-hulihang hininga, hanggang sa tagumpay!"

Ka Ingko

"Widro na lang kayo, hindi na ako mabubuhay pa, 'wag na kayong patali!" Ito ang pinakahuling katagang binitawan ni Ka Ingko matapos siyang tamaan sa tiyan ng tatlong bala ng M-14 sa isang ambus noong Nobyembre 17, 2000 sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte.

Kahit na sa huling sandali ng kanyang buhay, ipinakita ni Ka Ingko ang pinakamataas na anyo ng sakripisyo-ang hindi pagbibigay halaga sa sarili sa harap ng kamatayan.

Isinilang si Ka Ingko noong Disyembre 11, 1965. Galing sa uring magsasaka, dinanas niya hindi lamang ang matinding kahirapan kundi pati na rin ang lungkot ng paghiwalay ng kanyang pamilya. Maaga siyang naghanapbuhay bilang tagahugas ng hulmahan ng tinapay sa panaderya, news boy at car washer noong kabataan niya. Tumulong din siya sa pagsasaka sa lupa ng kanyang tiyuhin habang tinatapos ang elementarya.

Kahit natulak siya sa ilang panahon sa gawaing lumpen upang mabuhay, nagpursige siya sa pagsasaka para makapag-aral hanggang maabot niya ang ikalawang taon ng hayskul. Ayon sa kanyang asawa, "Sanay siya sa hirap at simpleng kalagayan, sanay na malayo sa magulang at kapatid, marunong dumiskarte sa buhay."

Sa gulang na 17, nag-umpisa siya sa pagkilos bilang kasapi ng grupong pang-organisa ng mga kabataang magsasaka. Noong 1987, nagpultaym siya sa Pulang Bagani Command. Nagsimula siya bilang medik. Pagkalipas ng isang buwan, nadeploy siya sa Djanggo Edilberto Canoy Command, ang dating yunit partisano sa lungsod ng Davao. Gumampan siya ng iba't ibang tungkulin: medik, tim lider, pinansya at lohistika, lider ng iskwad, hanggang sa kalauna'y naging bise kumander siya nito. Nang lusawin ang yunit noong 1991, pinamunuan niya ang ilang nanatiling partisano.

Noong 1993, kabilang si Ka Ingko sa namumunong komite ng lungsod ng Davao. Mula 1994 hanggang sa kanyang kamatayan, ibinalik siya sa bulubunduking bahagi ng lungsod at kumilos bilang isang kadreng pulitiko-militar. Nahuli si Ka Ingko noong 1995 sa isang baryo sa Davao del Norte, ngunit nakatakas agad.

Kung may kailanma'y hindi malilimutan ang mga kasama, ito'y ang pagiging mapag-aruga at pasensyoso ni Ka Ingko. Bata man o matanda, baguhan o matagal na sa kilusan, hindi siya namimili ng pakikitunguhan. Tahimik siya pero madaling makipagkaibigan dahil sa asal niyang kalugud-lugod at kasiya-siya. Ngunit hindi rin siya liberal pagdating sa punahan, at walang kasamang sumasama ang loob sa kanyang pagpuna na laging nasa lugar. At si Ka Ingko ay hindi lamang huwarang kasama. Isa rin siyang modelong magulang at asawa. Bilang ama ng dalawang batang lalaki, siya ang nag-aasikaso sa lahat sa panahong magkakasama sila ng kanyang pamilya.

Natagpuan ni Ka Ingko ang rebolusyonaryong landas sa panahon ng lihis. Pero isa siya sa mabilis na tumanggap ng malaking hamon na isakatuparan ang kilusang pagwawasto sa gitna ng maraming sakripisyo at pagsubok. Hindi matatawaran ang naitulong ni Ka Ingko sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ng Timog Mindanao. Ito ay nakaukit na sa isipan ng masa at mga kasama at sa kasaysayan ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

"Sa dibdib ng masang pinagsasamantalahan

Inyong nakita ang tanglaw ng liwanag

May pananalig sa dagundong ng mga tambol

Sa martsa ng mga inaapi."

-- Roel Agustin



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.