Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Gloria Macapagal Arroyo:
Kaaway ng mga Guro, Kaaway ng Sambayanang Pilipino!

Pahayag ng KAGUMA sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro
Oktubre 5, 2005

Ngayong araw na ito, Oktubre 5, Pandaigdigang Araw ng mga Guro, isang maalab na pagbati sa malawak na bilang ng mga guro sa buong kapuluan at sa lahat ng kadre't kasapi ng KAGUMA (Katipunan ng mga Gurong Makabayan), sa patuloy na pakikibaka at pagpupunyagi laban sa pagsasamantala at panunupil ng mga kaaway na naghaharing uri.
Nasa pusod ng mga pakikibakang ito sa kasalukuyan ang pagpapatalsik sa punong representante ng bulok na naghaharing sistema � ang bulok na Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ipinagdiriwang din natin ang ating lumalakas na pagkakaisa bilang mga guro na mulat na isinasanib ang ating lakas sa inaaping uri at sektor ng lipunan upang makamit ang ating mga demokratiko at rebolusyonaryong mithiin.

GMA: Nasa Bingit ng Pagbagsak, Paborable ang Kondisyon para Dito

Bilang na ang araw ni GMA bilang pekeng pangulo. Napakapaborable ng kondisyon upang tuluyan nang mapatalsik si GMA sa pwesto.

Una na dito ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing uri na patuloy na naglulublob sa masang guro at sambayanang Pilipino sa pagdurusa.

Paparami ang bilang ng mamamayang naghahangad ng rebolusyonaryong pagbabago para sa pambansa at panlipunang paglaya mula sa patuloy na pang-aalipin ng dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Sa sektor ng edukasyon, damang dama natin ang epekto ng krisis na ito dahil pinakamalubha ang krisis sa edukasyon sa ilalim ni GMA.

Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan, ni singko ay walang ibinigay ang rehimeng Arroyo para sa dagdag na sweldo. Pati ang utos ni GMA noong Setyembre 9 na maglaan na ng isang bilyong pisong pambayad sa COLA matapos ang paborableng desisyon ng Korte Suprema ay parang kending binawi niyang muli nitong Setyembre 22. Di na makaagapay ang ating sweldo sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin tulad ng pagkain, gasolina, at marapi pang gastusin.

Pambayad-utang pa rin sa dayuhan ang prayoridad ni GMA sa halip na pondo para sa edukasyon at sa serbisyong-sosyal. Sa bawat pisong kita ng gobyerno, 94 sentimos ang nakalaan para sa pambayad-utang. Maliban sa pamalagiang kakulangan sa guro, libro, klasrum, upuan, atbp., nakakabahala ang patuloy na pagbagsak ng kalidad ng pampublikong edukasyon. Sa halip na makita ng rehimen Arroyo ang kanyang responsibilidad sa krisis na ito, sa ating mga guro ibinubunton ang sisi!

Pangalawa, ang krisis pang-sosyo-ekonomiko na nagluluwal ng pampulitikang krisis ng naghaharing sistema.

Ang iniluluwal na kontradiksyon ng krisis sa mismong hanay ng mga reaksyunaryong uri ay nagpapahina sa kabuuang naghaharing sistema. Di sila nagtatagumpay sa pagsawata sa mga karibal nilang kapwa reaksyunaryo at sa mga pwersang rebolusyunaryo.

Desperado si GMA na maipreserba ang kanyang pwesto sa Malacanang, ngunit di umubra ang kanilang panlilinlang at paggamit ng karahasan. Sa halip, mas bumibilis ang pagpapaksyon sa hanay ng pwersang militar at pulis, at umaalis na sa poder ni GMA ang dati niyang mga kaalyado at kaibigan.

Kabilang sa mga umalis sa pwesto ang dating kalihim ng DepEd. Samantala, kamakailan lang ay sinisibak na ng Malacanang sa pwesto, sa pamamagitan ng di maipaliwanag na "thank you" letter, si DepEd Undersecretary Miguel Luz dahil ayaw ni Luz pagamit na daluyan ng panuhol na pondo para sa mga kaalyado ni GMA ang DepEd.

Mabilis na ibinunsod ng "Hello Garci tapes" ang bangayan at biyakan sa hanay ng mga reaksyunaryo sa loob at labas ng gobyerno. Pinatunayan kasi ng pag-amin at ng "I am sorry" ni GMA sa "Hello Garci tapes" na higit pa sa pagiging immoral at paglabag sa batas ang kanyang ginawa. Guilty si GMA sa pandaraya, panloloko, pandarahas at pagwawaldas ng pondo ng publiko nitong 2004 Presidential Election.

Sa paglakas ng kilusang masang nananawagan sa pagpapatalsik kay GMA sa poder, ibayo pang pinatindi ng kampo ni GMA ang pagmamaniobra, panloloko, pandarahas at pagwawaldas ng pondo ng publiko � tampok ang pananakot at bilihan ng mga witness sa mga kasong dinidinig laban sa samut-saring katiwalian ni GMA at ng kanyang pamilya; at ang pagbili ng boto sa loob at labas ng konggreso para maalpasan ang kasong impeachment.

Nitong huli, mas pinatindi ni GMA ang atake sa ating mga batayang karapatan sa pamamahayag at pagprotesta � "No permit, no rally", "Calibrated Preemptive Response" at iba pang patakarang marahas na kumikitil sa ating mga karapatan. Kulang na nga lang na hayagang ideklara ang pag-iral ng Martial Law.

Pangatlo, sa kabila ng paggamit ng islogang "gera laban sa terorismo" na udyok ng imperyalismong US at ng dagdag na makabagong pandigmang gamit at pagsasanay, bigo pa rin ang rehimeng Arroyo na supilin ang papalaking bilang ng mamamayang nagtataguyod sa rebolusyonaryong kilusan na pinamumunuan at pinangungunahan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Bigo ang rehimeng Arroyo sa kanyang walang humpay na paninira at pagsalakay sa hanay ng mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa. Kumbaga, lumang tugtugin na ang islogang labanan ang "terorismo", "destabilisasyon" at "panggugulo ng oposisyon". Ang mga pasistang patakarang hinuhugot sa praktika ng Martial Law ng dating diktadurang Marcos ay di kayang buhusan ang nag-uumapoy na suklam at galit ng mamamayan laban sa rehimeng Arroyo.

Habang tumatagal sa poder ang mabaho at napahiwalay nang rehimeng Arroyo ay isang bentahe rin para sa ligal na demokratikong kilusang masa at sa armadong rebolusyonaryong kilusang masa. Sa pagkukumahog ng rehimeng Arroyo na isalba ang kanyang sarili, lalong lumulubha ang kanyang pagkakahiwalay sa masa at lalong umiigting ang krisis ng lipunan.

Sa isang banda, mas nabibigyan ng panahon ang rebolusyonaryong pwersa para sa pagsagpang sa inisyatiba at sa pagpapatindi ng mga taktikal na opensiba. Dahil lubos na ang kabulukan at paghihingalo ng rehimeng Arroyo, isang kagyat na usapin na ang pagpapatalsik kay GMA sa lalong madaling panahon.

Malaking Hamon sa Ating mga Guro



Ibayo nating palawakin at palakasin ang pagkakaisa at pakikibaka ng masang guro laban sa pangunahing kaaway ng guro at mamamayan sa kasalukuyan � si Gloria Macapagal Arroyo!

Mahalagang maisanib natin ang ating boses at lakas sa hayag na kilusang masang nagpupunyagi para patalsikin si GMA. Makipagtulungan tayo sa iba't ibang sektor upang tuluyang mapatalsik sa poder si GMA.

Pero mas higit pa dito ang ating tungkulin. Bilang mga rebolusyunaryong guro, tungkulin at responsibilidad nating pamunuan at pangunahan ang mga pagkilos ng masang guro at ng mamamayan � hindi lamang upang labanan at patalsikin ang kasalukuyang korap, pahirap, pasista at papet na rehimen Arroyo � kundi higit pa upang labanan at wasakin ang bulok na mapagsamantala't mapanupil na sistemang panlipunan na kinakatawan mismo ni Arroyo.

Patuloy na nahuhubaran ang rehimeng Arroyo at ang mga kasabwat nito sa loob at labas ng gobyerno at ng pasistang militar (AFP-PNP) bilang mga instrumento ng imperyalismo at ng lokal na reaksyon sa pagpapatupad ng mga anti-guro at anti-mamamayang patakaran.

Sa pagsusulong ng ating gawain sa pag-oorganisa, pagmumulat at pagpapakilos, patampukin natin sa hanay ng mga guro at mamamayan na ang demokratikong rebolusyong bayan at ang Bagong Hukbong Bayan ang mapagpasyang solusyon at sandata upang wakasan ang rehimeng Arroyo at ang bulok na sistema.

Magpakahusay tayo sa pag-ani ng bunga ng ating solidong pag-oorganisa at direktang mag-ambag ng tauhan at suporta para sa iba't ibang gawain ng armadong rebolusyon, sa kalunsuran lalo na sa kanayunan.

Habang umiigting ang digmang bayan, tayong mga guro sa kalunsuran at sa kanayunan ay maraming pwedeng iambag sa rebolusyunaryong kilusan.

Ang pagpapasigla ng ating partisipasyon sa mga hayag at lihim na gawain at pagkilos sa lunsod at sa kanayunan ay tuwiran nang ambag sa rumaragasang rebolusyonaryong kilusang masa na nagpupursiging ibagsak ang bulok na sistemang pinaghaharian ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at naglalayong itatag sa hinaharap ang isang bagong malaya at demokratikong lipunang Pilipino.

Ibagsak ang bulok na rehimeng Macapagal-Arroyo!

Ibagsak ang bulok na sistemang pinaghaharian ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo!

Ibayong palawakin, palakasin at patindihin ang rebolusyonaryong kilusang guro sa buong bansa!

Isanib and ating lakas sa hanay ng nakikibakang maralita at anakpawis!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Mabuhay ang Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA)!

Mabuhay ang Masang Guro at Sambayanang Pilipino!
Pambansang Konseho
Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA)
Kasapi: National Democratic Front of the Philippines (NDFP)



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.