Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Ka Vicky, nasa puso ka ng bawat guro at mamamayang lumalaban



Pagpupugay ng KAGUMA kay Ka Vicky

Kami, ang mga kasapi at pamunuan ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) ay taos pusong ipinapaabot ang pakikidalamhati sa buong pamilya ni Ka Vicky Samonte.

Setyembre 30, 2005, bandang alas 10:30 ng gabi, habang pauwi sa kanilang bahay sa Bliss Project, Mancarogo, Bislig City sakay ng isang tricycle kasama ang kapwa guro, ay walang awang sinaksak ng isang di kilalang lalaki sa likurang bahagi ng katawan si Ka Vicky, tumagos ito sa kanyang puso na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Mariing kinukondena ng KAGUMA ang patraydor at walang awang pagpaslang kay Ka Vicky. Walang kapantay ang ating kalungkutan sa pagpanaw ng isang tunay na guro ng bayan na mulat na ipinaglaban ang interes at kagalingan ng mamamayang Pilipino.

Si Ka Vicky ang nahalal na Tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Bislig City Chapter noong 1994. Nahalal din siyang member ng National Council ng ACT-National. Sa nakaraang 25 taon, siya ay nagtuturo sa Andres Soriano College at nitong June 2005 ay naging presidente ng Andres Soriano College Employees Association na pumaloob sa pederasyon ng Kilusang Mayo Uno (ASCEA-KMU).

Dahil sa kanyang aktibong partisipasyon sa iba't ibang organisasyon, nahalal din siyang Tagapangulo ng isang asosasyon ng mga Drivers and Operators of Cumawas and Mancarogo, Pangulo ng Castillo Bagong Lipunan Homeowners Association, at Gen.Sec. ng Bislig City Alliance of Transport Association. Liban pa dito, siya rin ang tumatayong Tagapangulo ng Bayan Muna-Bislig City Chapter. Sa kanyang kasigasigan, marami ang nagtiwala sa kanyang kakayahan at dedikasyon.

Sa pagnanais na lubos na maunawan ang ugat ng problema ng lipunang Pilipino - kahit pagod na sa maghapong pagtuturo - ay patuloy ang pakikisalamuha at pakikipagtulungan ni Ka Vicky sa mga organisasyong masa sa hanay ng manggagawa at magsasaka. Dahil dito ay lubos niyang naintindihan ang pangangailangan ng rebolusyunaryong pagbabago sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan. Mula rito ay walang kapagurang kumilos at gumampan si Ka Vicky ng iba't ibang rebolusyonaryong gawain. Pinamunuan ni Ka Vicky ang pagtatayo ng tsapter ng KAGUMA sa kanilang lugar.

Ang lubusang pagkabulok at desperasyon ng pasistang rehimeng Arroyo na manatili sa poder ang nagtutulak sa mga berdugong tauhan at goons nito sa AFP-PNP at paramilitary upang gumamit ng dahas at terorismo laban sa mga rebolusyonaryo at mamamayan. Mahirap isipin na walang kinalaman ang rehimeng Arroyo sa pagpaslang kay Ka Vicky. Naging target nila si Ka Vicky dahil sa aktibo niyang papel sa pag-oorganisa sa hanay ng mga guro, kawani at mamamayan, at sa markado niyang papel sa malapad na alyansang nagtutulak sa pagpapatalsik kay GMA.

Sa gitna ng pakikibaka, kailanma'y hindi nawalan ng pag-asa si Ka Vicky na magwawagi ang rebolusyon. Sa kanilang lugar, damang-dama rin niya ang napakalaking bilang ng mamamayang nagtataguyod sa rebolusyunaryong adhikain at nag-aaruga sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ito ang kanyang inspirasyon sa pagkilos bago nanghimasok ang mga galamay ng rehimeng Arroyo upang wakasan ang kanyang buhay.

Tangan ni Ka Vicky sa kanyang hantungan ang paniniwala na ang mga saligang pagbabago sa lipunan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng lubos na pagtatagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon. Isalin natin ang ating pagdalamhati sa pagyakap din sa mga dakilang prinsipyo't adhikaing taglay ni Ka Vicky bilang isang gurong makabayan at rebolusyunaryo.

Tulad ni Ka Vicky, batid natin na mahalagang tuloy-tuloy na tanganan ng mamamayan - kabilang tayong mga guro - ang sandata ng militante at rebolusyonaryong pakikihamok sa mga pang-ekonomya, pampulitika at panlipunang usapin at pakikibaka upang pawiin nang tuluyan ang nabubulok na mapagsamantala at mapanupil na sistema at nang sa gayo'y malikha na ang bagong malaya at demokratikong lipunan.

Ngayong ika-5 ng Oktubre, sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Guro, hindi man natin makasama si Ka Vicky sa patuloy na pagmartsa at paglaban, ay patuloy pa rin nating siyang makakapiling sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kanyang mga mithiin para sa bayan!

Hindi tumitigil ang rehimeng Arroyo at kanyang mga alipures upang pagtakpan ang malalaking kriminal na pananagutan ni Arroyo at ilihis ang ating laban. Ang mga hakbangin nilang ito pati na ang pagpaslang sa mga lider ng demokratikong kilusan tulad ni Ka Vicky ay lalo lamang nagpahaba ng listahan ng mga karumaldumal na krimen ng rehimeng Arroyo sa taumbayan. Di sila magtatagumpay at sa halip ay higit pang lalalim ang pagkamuhi ng publiko sa buong naghaharing uri na kinakatawan ng rehimeng Arroyo.

Ang kapit-tukong pagmamatigas ni Arroyo na manatili sa poder sa kabila ng malawakang protestang nananawagan ng kanyang pagpapatalsik ay napakapaborable sa pagpapalawak at pagpapalakas ng ating rebolusyonaryong hanay. Ibayong naglalagablab ang rebolusyunaryong diwa ng mga guro at mamamayan. Kaya samantalahin natin ang init nito upang mapabilis ang pagsusulong ng iba't ibang rebolusyonaryong gawain, ang pagsusulong ng digmang bayan, at ang pagkakamit ng ganap na tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon!

Tiyakin natin na mas maraming katulad ni Ka Vicky ang lilitaw sa ating hanay na handang manindigan para sa rebolusyon. Magpakahusay din tayo sa pagkonsolida ng ating organisasyong masa habang binibigyan diin ang mga gawain at pakikibakang pampulitika. Planuhin ang direktang pag-aambag di lamang ng rekurso kundi pati ng tauhan para sa Bagong Hukbong Bayan at iba pang gawain sa kanayunan.

Higit na kailangan ngayon na pabilisin pa ang pagpapataas sa antas ng kamulatan, pagpapakilos at pagbibigkis sa malawak na masa ng sambayanan upang mailunsad ang papalawak na mga protesta hanggang sa rumagasa ang dambuhalang pag-aalsang bayan laban sa pasistang rehimeng Arroyo.

Sa ganitong paraan natin mailalapit sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka di lamang ang mga guro kundi pati ang malaking bilang ng mamamayang Pilipino. Sa ganitong paraan din natin mabibigyan ng tunay na kahulugan ang pagbawi sa pagdadalamhati sa pagpaslang ng rehimeng Arroyo kay Ka Vicky.

Muli, sa ating pagpupugay sa walang kapantay na kadakilaan ng sakripisyo ni Ka Vicky para sa rebolusyon, isapuso natin ang kanyang mga adhikain para sa bayan hanggang sa maipagtagumpay ito.

Pinaslang ka nila, Ka Vicky.

Ngunit may isang bagay na di kayang supilin ng dahas ng rehimeng Arroyo at ng buong reaksyunaryong uri - ang mga dakilang alaala at inspirasyong iniwan mo Ka Vicky sa aming hanay upang ipagpatuloy at ipagtagumpay ang laban ng sambayanan.

Hindi ka namin bibiguin. Mabuhay ka, Ka Vicky!


Pambansang Konseho
Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA)
Kasapi: National Democratic Front of the Philippines (NDFP)



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.