Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaWaray
   

Tungkol sa terorismo ng imperyalismong US at rehimeng Macapagal-Arroyo

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Setyembre 12, 2002

Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa paggunita sa pagkamatay ng libu-libong mamamayang Amerikano at iba pang nasyunalidad na biktima ng teroristang atake noong Setyembre 11, 2001 sa WTC at Pentagon sa USA

Matatandaang noong nakaraang taon, ipinahayag namin ang pagkundena ng Partido Komunista dito. Kasabay nito'y kinundena rin ng PKP ang mas laganap at mas masahol na terorismo ng imperyalismong US na araw-araw na sumasalanta sa milyun-milyong mamamayan sa buong mundo.

Makalipas ang isang taon, lalong idinidiin ng PKP ang paninindigan nito laban sa terorismo, laluna sa terorismo ng imperyalismong US na sumasalanta ngayon sa buong mundo. Ang idineklarang "digmang kontra-terorismo" at "digmang walang hangganan" ay nagdudulot ngayon ng walang kapantay na kahirapan at pagdurusa sa mamamayan ng Afghanistan, nagbabanta na ibayong bibigwasan ang Iraq at nagbabanta ng pagsiklab ng mas malawakang gera.

Ginagamit ngayon ng imperyalismong US ang "digmang kontra-terorismo" bilang sangkalan para sa pagpapalawak ng kapangyarihan nito sa buong mundo. Pinipilipit nito ang kamay ng lahat ng bansa, niyuyurakan ang kanilang soberanya at binabalewala ang mga internasyunal na institusyon, kasunduan at mga pamantayan sa sibilisadong relasyon ng mga malalayang bansa.

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang terorismo, panggegera at pang-uupat ng gera ng imperyalismong US. Kinukundena rin ng PKP ang rehimeng Macapagal-Arroyo na walang ginawa kundi ang bulag na pagsunod sa bawat utos ng amo nitong si US President Bush.

Sadyang iresponsable, walang-batayan at malisyoso ang pagbabansag ng imperyalismong US at rehimeng Macapagal-Arroyo na terorista ang PKP at BHB. Pilipit ang pangangatwiran ni Macapagal-Arroyo na mga "generic terrorist" ang PKP at BHB dahil ito'y nagsusulong ang armadong pakikibaka na naglalayong pabagsakin ang reaksyunaryong gubyerno. Kung mayroong katiting man lang na kaalaman sa internasyunal na batas si Macapagal-Arroyo, dapat na alam niya na malawakang tinatanggap sa daigdig na may pagkakaiba ang terorismo at rebolusyonaryong armadong paglaban sa isang mapang-aping estado na kagaya ng papet na republika ng Pilipinas

Ang ganitong pagbabansag sa PKP at BHB ay ginawa lamang upang mabigyang-katwiran ang tuluy-tuloy na presensya ng mga tropang Amerikano sa bansa. Sa nakaraang taon, ginamit ng imperyalismong US at papet na rehimeng Macapagal-Arroyo ang "digmang kontra-terorismo" upang muling ibalik ang mga tropang Amerikano sa bansa at tiyakin ang permanenteng presensya ng mga ito. Ginamit at patuloy na gagamitin ng US ang paglulunsad ng mga magkasanib na pagsasanay-militar bilang pantabing sa direktang armadong panghihimasok ng US sa mga panloob na usapin ng Pilipinas.

Naninindigan ang PKP at Bagong Hukbong Bayan na walang lugar at taliwas ang terorismo sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at labag ito sa mga internasyunal na pamantayan sa kondukta ng digmaan. Ang paninindigang ito ay hindi lamang ipinahayag ni Ka Roger, kundi naka-ukit sa mga batayang prinsipyo at alituntunin na araw-araw na ipinatutupad ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa praktika, kung gumagamit ng terorismo ang PKP at BHB, at kung pineperwisyo, inaapi at tinatakot nito ang mamamayan, disinsana'y walang rebolusyonaryong armadong pakikibaka na laganap sa buong bansa ngayon, na sinusuportahan at itinataguyod ng milyun-milyong Pilipino at araw-araw na lumalawak at lumalakas.

Walang lugar ang terorismo sa pagsusulong ng digmang bayan. Taliwas ito sa mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo. Katunayan, hindi susulong bilang isang malawakang pangmasang pagsisikap ang rebolusyon kung ito ay gumagamit ng terorismo at sumasalanta sa interes at kapakanan ng masa.

Sa pananaw ng imperyalismong US at reaksyunaryong estado, ang Partido at BHB ay "terorista" dahil ang simulain, mga prinsipyo at gawain nito'y naghahatid ng takot at pinsala sa kanila. Ngunit ito'y sa kanila lamang.

Sa mata ng masang mga manggagawa at magsasaka, ang tunay na terorista ay ang mersenaryong AFP at PNP at iba pang mga mersenaryong armadong pangkat ng reaksyunaryong rehimen. Sistematikong ginagamit ng reaksyunaryong estado ang teroristang gawain tulad ng pambobomba, pagpapaulan ng bala, iligal na pang-aaresto, pwersahang pagpapalikas, pagsosona, pagdukot, tortyur at pagpatay sa mga sibilyan upang takutin ang mga tao at lupigin ang kanilang diwang mapanlaban.

Lalo pa ito ngayong pagtitibayin sa pamamagitan ng panukalang batas na Anti-Terrorism kun� na nakahain ngayon sa kongreso. Kung magiging batas, lalong magiging walang pakundangan, walang pinipili at walang hangganan ang pagmamalupit, pagmamalabis at pang-aabuso ng mersenaryong AFP laban sa sinumang ituring na kalaban ni Macapagal-Arroyo at reaksyunaryong estado.

Ang terorismo ay taliwas sa mga rebolusyonaryong prinsipyo at labag sa mga istriktong patakarang ipinatutupad ng mga mandirigma ng BHB. Ang pagrespeto at pangangalaga sa mga ari-arian, pananim, kabuhayan at kapakanan ng masa ay palagiang prinsipal sa lahat na isinasaisip at kilos ng Partido at BHB. Anumang nagawang taliwas o labag sa prinsipyong ito'y matamang pinupuna at iwinawasto at pinarurusahan kung malubha.

Hindi maitanggi ng AFP na patuloy na lumalawak ang BHB at rebolusyonaryong kilusan. Pero upang hindi mapahiya at pagtakpan ang tunay na dahilan ng paglawak ng rebolusyonaryong kilusan, sinasabi ng mga utak-ipis na upisyal militar na lumalawak ang impluwensya ng BHB dahil umano sa maraming lugar ang pwersado nilang naiwanan dahil kailangang ideploy ang ilang batalyon sa Basilan upang tugisin ang Abu Sayyaf (na sa kabila ng libu-libong tropa ay nananatili pa ring nakapananalanta).

Ang katwirang ito'y sadyang baluktot at isang malaking kasinungalingan. Dahil ang totoo, hindi kailanman nawala sa sipat ng mga baril at kanyon ng AFP at PNP ang BHB. Kahit noong iutos ni Macapagal-Arroyo ang pagtugis sa Abu Sayyaf, nanatiling humigit-kumulang 75% ng pwersa ng AFP o halos 200,000 tropa ang nakadeploy sa mga sonang gerilya. Subalit kahit ito'y hindi nakapigil sa pagsulong ng BHB. Sa isla ng Mindoro na itinuturing na pambansang prayoridad ni Macapagal-Arroyo mismo, patuloy na lumalawak ang BHB sa kabila ng deployment doon ng 9 na batalyon ng pwersang panagupa ng AFP at PNP at sa kabila ng walang habas na pamamaslang ng mga sibilyan, mga paglabag sa karapatang-tao at pamiminsala sa kabuhayan ng masa.

Sa buong bansa, aabot na ngayon sa 128 ang mga larangang gerilya kinikilusan ng BHB mula sa mahigit 100 noong 2001 bago lamang maupo si Macapagal-Arroyo. Sinasabi pa ni Macapagal-Arroyo na ang mga pagsulong na ito ng BHB ay bunsod ng teroristang pananakot ng BHB sa masa. Kung gayon, hinahamon namin sila na magpakita ng kahit isang kaso man lamang ng sinasabi nilang pananakot sa masa na kumpleto ng mga apidabit at ebidensya at hindi panay kwento at kathang-isip. Sama-sama naming puntahan, imbestigahan at alamin ang tunay na mga pangyayari at tiyak na lalabas ang kaototohanan.

Kasabay nito, hinahamon namin sila na patunayang hindi sila ang mga terorista at pabulaanan ang napakarami nang kaso ng paglabag sa karapatang-tao laluna sa Basilan, Mindoro at Laguna. Hinahamon namin silang harapin ang mga ebidensya at bigyang bayad-pinsala ang kanilang mga biktima.

Bakit ayaw ng papet na rehimen at reaksyunaryo at mersenaryong militar nito na ipatupad ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law at itayo ang kaakibat nitong Joint Monitoring Committee gayong ang kasunduang ito ay nalagdaan na ng dalawang prinsipal sa negosasyong pangkapayapaan? (GRP at NDFP)

Bakit hindi niratipikahan ng papet na gubyernong Arroyo ang Inernational Criminal Court (ICC) na kasama mismo ang GRP sa pagtataguyod dito noong una sa Rome Convention. At tahasang inamin at walang kahiya-hiyang sinabi ng cabinet oversight committee on national security na natatakot itong gamitin itong (ICC) venue ng mga human rights advocates?

Sa araw na ito, nais naming muling idiin ang paninindigan ng Partido Komunista laban sa terorismo. Kahit ano pang dami ng arsenal ng AFP ang ubusin sa kanilang teroristang kampanya, hindi kailanman aatras o matatakot man lamang ang Partido at rebolusyonaryong mamamayan.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.