Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaWaray
   

Lalong makatuturan at kinakailangan ang usapang pangkapayapaan

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Oktubre 11, 2002

Habang lalong umiigting ang digmang sibil sa Pilipinas, lalong makatuturan at kinakailangan ang usapang pangkapayapaan.

Ito ay upang mapangalagaan ang interes at kapakanan ng mamamayang Pilipino laluna mula sa pang-aabuso ng militar, tiyakin ang pagtataguyod ng mga internasyunal na makataong batas at alituntunin sa digmaan at harapin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa layuning lutasin ang mga ito.

Hindi taliwas, kung gayon, ang pakikipag-usapang pangkapayapaan sa pag-igting ng armadong tunggalian. Bagkus, ito'y lubos na kinakailangan.

Kung kaya't palaging bukas ang Partido Komunista ng Pilipinas at mga rebolusyonaryong organisasyon na humarap sa alinmang rehimeng handa sa seryoso at sinserong pakikipag-usapang pangkapayapaan.

Subalit sadyang walang interes ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa usapang pangkapayapaan. Ganap nang nangingibabaw ang mga militarista na noon pa ma'y sumasagka sa lahat ng mga pagsisikap na itaguyod at isulong ang usapang pangkapayapaan. Samakatwid, hindi na kagulat-gulat ang pahayag ng punong militaristang si Angelo Reyes na "walang katuturan" ang usapang pangkapayapaan na noon pa ma'y siya na ang numero unong hadlang.

Ayaw na ayaw nila Gen. Angelo Reyes na makipag-usapang pangkapayapaan dahil nakasasagka ito sa todo-todong digmang pinakawalan ng mga utak-pulburang pasista. Lubos na siya ngayong sinusuportahan ni Gloria Macapagal-Arroyo na maraming oras para sa "sex" pero walang oras para sa usapang pangkapayapaan. Pawang nasa guniguni lamang ni Macapagal-Arroyo ang sinasabi niyang "95% ng mamamayan" ay "ayaw" na sa usapang pangkapayapaan.

Nakikiisa kami sa iba't ibang mga organisasyong masa, mga pulitiko, mga taong-simbahan, mga duktor, negosyante at iba pang nananawagan na muling buksan ang pormal na usapang pangkapayapaan. Nananatiling buo ang Negotiating Panel ng NDFP. Palagiang nakahanda sina kasamang Luis Jalandoni na humarap sa katapat nitong panel ng GRP.

Nakahanda ang PKP at Bagong Hukbong Bayan na itaguyod ang lahat ng mga kasunduang GRP-NDF kabilang ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Lubos na pinahahalagahan ng PKP at BHB ang mga kasunduang ito, laluna ang CARHRIHL dahil itinataguyod nito ang mga karapatan ng masa at nagtatakda ng mga hakbangin para sa paghahapag ng mga karaingan laban sa pang-aabuso.

Nananawagan kami sa lahat ng grupo at indibidwal na interesado sa usapang pangkapayaan na labanan ang lahat ng maniobra ng mga militarista na ibasura ang usapang pangkapayapaan.

Kasabay nito, nais naming ipahayag ang kahandaan ng PKP at BHB na patuloy na magpunyagi sa armadong pakikibaka at biguin ang todong-digmang rehimeng Macapagal-Arroyo. Magpapatuloy ang mga armadong opensiba ng Bagong Hukbong Bayan upang hadlangan ang mga mapang-abusong tropang militar at ipagtanggol ang interes at mga rebolusyonaryong tagumpay ng mamamayan.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.