Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaHiligaynonWaray
   

Hindi mapaluluhod ang rebolusyonaryong kilusan sa paglalagay din ng EU sa NPA at kay Kasamang Sison sa FTO list!

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Nobyembre 01, 2002

Nangangarap nang gising ang papet na gubyernong Macapagal-Arroyo sa ilusyon nitong ang pagkakadeklara ng European Union nitong Oktubre 28 na isasama ang New People's Army at si Kasamang Jose Ma. Sison sa kanilang listahan ng mga teroristang organisasyon ay makapagtutulak sa rebolusyonaryong kilusan na sumuko o bitiwan na ang armadong pakikibaka. Ipinagmamalaki ni Foreign Affairs Secretary Blas Ople na sa pamamagitan nito, mapupwersa ang CPP at NDFP na manikluhod sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa ilalim ng di makatarungan at di rasonableng mga kundisyong gusto ng papet na gubyerno.

Sa pagtataguyod din ng sarili nilang imperyalistang interes habang nagsusunud-sunuran sa anti-"teroristang" linya ng US, sinagasaan ng EU ang mismong ipinagmamalaki nilang konsepto ng due process at inilagay sa listahan ng mga terorista ang mga rebolusyonaryong nakikibaka ayon sa prinsipyo at sa makataong pamamaaraan at puspusang nagtataguyod ng kapakanan ng mamamayan. Bagamat wala itong idinudulot na napakabigat na pinsala sa rebolusyonaryong kilusan liban sa pagpapalabas na sukol na umano ang rebolusyonaryong kilusan at ang mga kinatawan nito, dapat puspusang tuligsain at labanan ang kawalan ng katarungan at hustisya sa ginagawa ng US, EU at papet na rehimeng Macapagal-Arroyo.

Ang rebolusyonaryong kilusan ay pumasok sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa GRP upang mabigyang-daan, kung sakali, ang isang pampulitikang solusyon sa armadong tunggalian o gera sibil na nagaganap ngayon sa Pilipinas. Pagsisikap itong matalakay sa hapag ng negosasyon ang ugat ng armadong tunggalian at magkasundo para wakasan ito sa bentahe ng sambayanan.

Bago ang pormal na negosasyon ay nagkasundo ang dalawang panig sa balangkas, mga prinsipyo at substantibong adyendang susundin sa pormal na pag-uusap, kabilang na ang The Hague Joint Declaration. Maliwanag sa kasunduang ito na may pantay na katayuan ang dalawang panig sa pagpasok sa usapan.

Mahigpit na pinanghahawakan ng NDFP ang pagpapatupad sa siyam pang mahahalagang kasunduan na nakamit na sa usapan, kabilang na ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Laws (CARHRIHL). Hinding-hindi makapapayag ang rebolusyonaryong kilusan na paglaruan at balewalain ng GRP ang mahahalagang kasunduang ito.

Kabaligtaran ng pinalilitaw ng GRP na para ito sa pagpapabalik sa NDPF sa hapag ng usapang pangkapayapaan, sa katunayan, ang pangangampanyang ginagawa ni Ople para ideklara rin ng EU na "terorista" ang NPA at si Kasamang Sison ay tuluyan nang pangwawasak sa usapang pangkapayapaan.

Bago pa ito, todo-todo na ang sabwatan ng US at ng papet na gubyernong Macapagal-Arroyo para tuluy-tuloy na gipitin ang mga konsultant at upisyal ng NDFP sa Europe na may kaugnayan sa negosasyon, sa pangunguna nina Kasamang Jose Ma. Sison at Kasamang Luis Jalandoni.

Hindi makapapayag ang rebolusyonaryong kilusan na yurakan ng papet na GRP ang maningning na rekord, integridad at prestihiyong nakamit at patuloy na inaani nito sa mahigit nang tatlong dekada ng buhay-at-kamatayang pakikibaka laban sa pinakamalulupit na mga atake ng mga sunud-sunod na mga papet na rehimen sa Pilipinas.

Maliwanag ang nauna nang paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan na kung ayaw ng papet na gubyernong Macapagal-Arroyo sa negosasyong pangkapayapaan at maggigiit ng pagsuko ng NDFP ay nakahanda itong maghintay sa alinmang papalit sa rehimeng Arroyo. Hindi na rin naman magtatagal sa kapangyarihan ang kasalukuyang rehimen.

Samantala, magpapatuloy ang rebolusyonaryong kilusan sa pagpupundar ng isang lipunang nagtatamasa ng tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, nariyan man o wala ang usapang pangkapayapaan. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.