Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaHiligaynonWaray
   

TUTULAN AT LABANAN ANG MUTUAL LOGISTICS SUPPORT AGREEMENT AT BATIKUSIN ANG PATRAYDOR NA PAGLALAGDA NITO

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Nobyembre 22, 2002

Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang patraydor na pakikipaglagdaan ng papet na gubyernong Macapagal-Arroyo at ng kinatawan ng imperyalismong US upang mapinalisa ang Mutual Logistics Support Agreement. Pinilit ng papet na rehimen na ipuslit ang pagpapatibay ng MLSA sa pamamagitan ng pag-aapruba nito bilang isang executive agreement lamang sa halip na isang ganap na tratado.

Alam-na-alam ng papet na gubyerno na matindi ang pagtutol ng mamamayan dito, kaya iniwasang masalang ang MLSA sa debate sa senado at publiko, na maglalantad nang husto sa mga tunay na layunin, nilalaman at implikasyon ng kasunduang ito sa kabuuang kapakanan at kinabukasan ng bansa.

Ang mga tumututol sa MLSA ay tinatangka ngayong linlangin ng mga tagatilaok ng papet na rehimen sa pagsasabing inalis na sa kasunduan ang pagkakaroon ng permanenteng base ng US sa Pilipinas at kailangan diumanong may pagsang-ayon ang bansa sa anumang maaaring paggamit ng US sa mga pwersang militar nitong hihimpil sa Pilipinas. Ang mga ito ay pawang panlilinlang. Sa pamamagitan ng pagdaragdag ngayon ng MLSA sa umiiral nang Visiting Forces Agreement, lalong malinaw na ang buong bansang Pilipinas ay gagawin nang base militar ng US.

Ang pagpupuslit ng MLSA ay pikit-mata at asal-aliping pagiging sunud-sunuran ng papet na gubyerno sa amo at dinidiyos nitong imperyalismong US. Nais ng punong papet na si Macapagal-Arroyo na sumunod sa bawat gusto at dikta ng kanyang amo at maging nangunguna at paboritong papet ng US sa Asia. Hibang na inaaakala niyang masusuhayan pa ng anumang inaasahan niyang tulong ng US ang tuluy-tuloy at mabilis na nababangkaroteng gubyerno niya at lalong bumabagsak na pag-asa niyang makapanatili sa kapangyarihan lampas sa 2004.

Sa harap ng paglagda sa MLSA bilang isang executive agreement, hinahamon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang iba't-ibang mga organisasyon, indibidwal at iba pang mga sektor na naniniwala at nagmamalasakit sa soberanya at pambansang integridad ng bansang Pilipinas na lalo pang pag-ibayuhin ang pagtutol at paglaban sa patraydor na paraan ng pagpinalisa nito at sa nakaambang agresyong militar ng tropa ng imperyalismong US na itinataguyod nito. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.