Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Bigyang-sikad sa darating na taon ang malaki, mabilis at lahatang-panig na pagsulong ng Partido Komunista ng Pilipinas at rebolusyonaryong kilusan

Pahayag sa ika-34 na anibersaryo ng PKP

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Disyembre 26, 2002

Nagbibigay-pugay ako sa lahat ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa okasyon ng ika-34 na anibersaryo ng ating pinakamamahal na Partido Komunista ng Pilipinas. Nais ko ring magbigay-parangal sa lahat ng mga kasamang nagbuwis ng buhay sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Sadyang napakapaborable ng kalagayan upang sumulong nang malaki, mabilis at lahatang-panig ang rebolusyonaryong kilusan sa darating at mga susunod pang taon.

Ang di pangkaraniwang pagsidhi ngayon ng krisis ng naghaharing sistema ay lalo pang lalala sa susunod na taon dulot ng sobra-sobrang pagpapakapapet ni Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US, ng napakalupit na pasistang terorismo at ng grabeng pangungurakot laluna ng Malakanyang.

Papadausdos pang lalo ang ekonomya sa taong 2003. Tinatayang aabot sa di pa napapantayang antas ang depisito sa badyet, panlabas na utang, debalwasyon ng piso at disempleyo. Kulang na kulang ang pondo ng gubyerno at pumapasok na puhunan. Kaya't ang desperadong plano ni Arroyo ay nakatali na naman sa dagdag pang utang ng gubyerno, mga panlabas na utang at buwis na ipapataw sa mamamayan.

Grabe ang dinaranas na kahirapan ng mamamayan bunsod ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, denasyunalisasyon at iba pang patakarang dikta ng IMF. Bagsak ang produksyon. Dumarami pa ang walang trabaho. Mababa ang sahod. Lugi ang mga magsasaka. Gipit ang mga lokal na negosyante. Sa kabila nito, lalo pang pinag-iibayo ni Arroyo ang pagpapatupad ng neoliberalisasyon.

Modernisasyon ng agrikultura ang susing programa raw niya ngayon. Pero ang talagang gusto niya'y itransporma ang bansa para maging malawakang plantasyon ng mga di-karaniwang tanim para sa eksport at maging palaasa na lamang sa importasyon ng bigas at mga pangunahing kinokonsumong pagkain.

Sobra-sobra ang pagpapakapapet ni Macapagal-Arroyo sa super-teroristang US. Lahat na lamang ay ginagawa niya upang masiyahan ang numero unong terorista sa mundo. Ang istatus ng Pilipinas bilang isang malaking base militar ng US ay lalo pang pinagtibay sa pagpirma sa Mutual Logistics Support Agreement (MLSA). Ang bilang ng tropang Amerikanong matagalang nagbabase sa Pilipinas simula Enero 2002 ay siyang pinakamarami mula nang isinara ang mga base militar ng US noong 1991. Balak ngayong gamitin ang Pilipinas bilang lunsaran sa paggegera sa Iraq, na kating-kating isagawa na ng US.

Napakalupit ng todo-todong teroristang digma ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Ito ay digmang walang kinikilalang batas. Nagdudulot ito ng walang kapantay na pinsala laluna sa kanayunan, hindi pa sa Bagong Hukbong Bayan, kundi sa karaniwang mamamayan. Ginawang laboratoryo ang Mindoro para sa walang singlupit na kontra-rebolusyonaryong kampanya ng AFP na balak nilang palaganapin sa iba pang teritoryong saklaw ng NPA sa buong bansa. Ang malawakan at walang pakundangang pang-aabuso sa Mindoro ay lubusang sinusuportahan ni Macapagal-Arroyo. Ang kasuka-sukang pagsabit niya ng medalya sa Berdugo ng Mindoro na si Col. Jovito Palparan, ay mistulang pagpaparangal sa mapang-abuso at pusakal na 204th Brigade.

Duguan din ang rekord ng Task Force Banahaw at mga yunit sa ilalim nito, ng Task Force Seagull at 2nd ID sa Southern Tagalog at ng 5th ID sa Northern Luzon; ng 702nd Bridage sa Nueva Ecija; ng 202nd Brigade sa Rizal; ng 203rd Bridage at 1st at 4th Marine Brigade sa Camarines Norte at Sur; ng 302nd Brigade sa Bohol; ng 303rd Brigade at 61st IB sa Negros; ng Task Force Panay at 12th IB sa Panay; ng 4th ID sa Northeastern Mindanao; ng 6th ID sa South at Far South Mindanao; at ng iba't ibang yunit ng Southern Command na walang habas na nananalasa sa Basilan, Jolo, Zamboanga, Maguindanao, Lanao at iba pang lugar ng mamamayang Moro.

Haling na haling sa pakikipaggera si Arroyo sa ngalan ng anti-terorismo. Sinagasaan niya ang usapang pangkapayapaan. Lahat ng mga kasunduang GRP-NDF ay kanyang ibinasura. Para sa kanyang todo-todong pagkapapet sa US at sa pagsasagawa ng teroristang digma laban sa rebolusyonaryong kilusan, isang hadlang na lamang ang usapang pangkapayapaan.

Ang pagbasurang ito sa usapang pangkapayapaan ay tinuligsa ng simbahan, mga pulitikong oposisyon at kaalyado, pati ng iba't ibang mga organisasyong progresibo at patriyotiko. Puspusan nilang pinabulaanan ang sinasabi ni Macapagal-Arroyo na 95% ng mamamayan ay sumusuporta sa kanyang todo-todong digma. Lalo itong napabulaanan ng sarbey kamakailan ng Pulse Asia kung saan 68% ng mga tinanong nila ay sumusuporta sa usapang pangkapayapaan.

Malawakang kinukundena ng mamamayan ang ginawang pagbabansag sa PKP/NPA na "terorista" at tinututulan ang pagsagasa ng Malakanyang sa usapang pangkapayapaan. Ito ang nagtulak sa Malakanyang ng magdeklara nitong Disyembre ng apat na araw na ceasefire at pagsabing handa itong muling makipag-usap sa NDFP.

Lagi tayong bukas na makipag-usap sa alinmang gubyernong nagnanais makipag-usap at makipagkasundo para lutasin ang mga ugat ng umiiral na gera sibil at kamtin ang tunay na kapayapaan sa bansa. Ngunit kailangang patunayan ng rehimen na totoong gusto nitong maituloy ang usapan.

Sa usapin ng militarisasyon, pasismo at paglabag sa karapatang-tao, lalong nagiging kamukha na ni Macapagal-Arroyo si Marcos. Inilalapit niya nang inilalapit ang bansa sa batas militar. Sa maraming lugar sa kanayunan, absolutong nangingibabaw ang kapangyarihan ng militar at palamuti na lamang ang gubyernong sibilyan.

Sa usapin naman ng pangungurakot, kamukhang-kamukha na ni Macapagal-Arroyo si Estrada. Kung tutuusin, mas pangit pa siya kay Estrada kung ang pagbabatayan ay ang bilyun-bilyong kinurakot na ng mag-asawang Arroyo at ng mga taong nasa paligid nila, lalo na ngayong nagkakandarapa silang makapag-ipon ng malaking pondo para sa eleksyon sa 2004.

Isang malaking milagro kung mananalo pa si Macapagal-Arroyo sa 2004. Hinahangad niyang makuha ang basbas ng US at desperadong nag-iipon ng malaking kaban ng pondong pang-eleksyon.

Bagsak na bagsak ang kanyang popularidad at lubos na siyang nahihiwalay dahil sa kanyang sobra-sobrang pagkapapet, malupit na pasismo at terorismo at walang-awat na pangungurakot. Dumarami ang umaasang papalit sa kanya kabilang na ang dati at kasalukuyang niyang mga kaalyado. Nagdudulot ito ng pagsidhi ng bangayan sa hanay ng mga reaksyunaryo. Ang papasidhing pang-aapi at panunupil sa mamamayan ay nagbubunsod ng malawakang paglaban sa kalunsuran at kanayunan.

Lalong malinaw na ipinapakita ng krisis ng naghaharing sistema na walang ibang masusulingan ang mamamayan kundi ang rebolusyonaryong kilusan.

Lubos nang nakabawi ang Partido at rebolusyonaryong kilusan mula sa malalaking pinsala at pag-atras dulot ng mga kamalian at kahinaan sa nakaraan. Sa nagdaang tatlong taon makaraan ang kilusang pagwawasto noong 1992-1998, tuluy-tuloy na lumakas ang Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Ang organisadong masa, saklaw at lakas ng Partido ay halos kapantay na o higit pa sa pinakamalakas na inabot nito noong kalagitnaan ng dekada 1980. Kongkretong resulta ang mga ito ng matagumpay na paglulunsad ng kilusang pagwawasto at muling pagtitibay ng mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo. Ibayong malalim at matibay ang pagkakaisa ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.

Higit kailanman, mas malakas at nasa mahusay na katayuan ang PKP at rebolusyonaryong kilusan upang sumulong nang malaki, mabilis at lahatang-panig sa darating at mga susunod pang taon.

Binibigyang-diin ng PKP at rebolusyonaryong kilusan ang pag-iibayo pa ng mga pakikibaka ng mamamayan para isulong ang kanilang mga demokratiko at lehitimong interes at tutulan ang mga anti-mamamayan at antinasyunal na programa, pakana at hakbangin ng sabwatang Bush-Macapagal-Arroyo.

Ibayong palalakasin ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan ang mga pakikibakang agraryo at iba pang pakikibaka ng mga magsasaka laban sa mga pinsala ng imperyalistang "globalisasyon" at neoliberal na programa ng rehimen; at sa kalunsuran, ang mga pakikibaka ng mga manggagawa, malaproletaryado, ordinaryong kawani at iba pang inaaping sektor para sa kani-kanilang mga demokratiko at pangkabuhayang interes. Patuloy na palalawakin at patatatagin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, nagkakaisang prente at mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga larangang gerilya.

Ipinakikita ng mga matagumpay na taktikal na opensiba ng BHB nitong nagdaang mga buwan na determinadong isulong at paigtingin ng PKP/BHB ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Sa taong 2003, nakahanda ang BHB na bigyang-sikad ang paglulunsad ng mas madalas, mas marami at mas malalaking taktikal na opensiba laban sa AFP at iba pang mga pasistang makinarya ng reaksyunaryong estado. Inaasahan nating matatamo ng BHB ang higit pang mga tagumpay sa larangan ng armadong pakikibaka.

Itinataguyod ng PKP at mga rebolusyonaryong pwersa ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mga patriyotikong pwersa laban sa panghihimasok-militar at pakikialam ng imperyalismong US at sa sobrang pagkapapet ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Itinataguyod rin ng PKP ang pinakamalawak na pagkakaisa laban sa walang-habas na terorismo at garapalang pandarambong ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Nakahanda ang PKP na makipagkaisa sa mga patriyotiko at demokratikong pwersa at malawak na mamamayan upang patalsikin sa Malakanyang si Macapagal-Arroyo.

Ang dilim na dulot ng sumisidhing krisis ng naghaharing sistema ay pinupunit ng liwanag na hatid ng Partido Komunista ng Pilipinas at rebolusyonaryong kilusan para sa sambayanang Pilipino. Kung saan malakas ang pag-oorganisa at mga pakikibakang masang isinusulong ng Partido, laluna sa mga larangang gerilya, ang gayong liwanag ay nasisilayan sa mga kongkretong tagumpay at benepisyong natatamo ng mamamayan.

Ang mga tagumpay na ito ay lalong nagpapatibay sa determinasyon ng PKP na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Sa okasyon ng ating ika-34 na anibersaryo, ipagbunyi natin ang mga tagumpay na ito ng proletaryado at sambayanang Pilipino. Sa darating na taon, magpunyagi tayong lahat upang kamtin ang mas malalaki at mas maraming tagumpay sa lahat ng aspeto ng rebolusyonaryong kilusan.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.