Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Pagbati sa Chadli Molintas Command sa matagumpay na pagwasak sa rebulto ni Marcos

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Disyembre 29, 2002

Sa ngalan ng buong Partido Komunista, binabati ko ang mga pwersa sa ilalim ng Chadli Molintas Command at masang sumuporta sa kanila sa pagwasak sa isang nananatiling napakalaking simbolo ng pasistang diktadurang Marcos.

Ang pagwasak sa kamuhi-muhing rebulto ni Marcos sa Tuba, Benguet ay lubos na ikinagalak ng mamamayang Pilipino.

Ang pagwasak nito ay pagpapahayag ng di pa nauupos na matinding galit ng mamamayan sa pasistang diktadura at sa kabiguan ng sunud-sunod na rehimen mula Aquino hanggang sa kasalukuyan na parusahan ang mga Marcos at pangunahing alipures nila.

Tanda rin ito ng determinasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa na kamtin ang ganap na hustisya para sa mamamayan na dumanas ng grabeng pang-aapi at pagsasamantala sa tuta, pasista at bulok na diktadurang Marcos.

Mula sa pagiging simbolo ng pagsamba sa diktadura, ang nawasak na rebulto ni Marcos ngayo'y sagisag ng kalunus-lunos na kalagayan ng hustisya at karapatang-tao sa Pilipinas.

Patuloy na namamayagpag ang nalalabi sa mga prinsipal na personaheng nagpasimuno at nakinabang noong panahon ng batas militar. Wala pa ni isa sa kanila ang naparurusahan sa kanilang mga kasalanan sa sambayanan. Kabilang dito si Imelda Marcos at anak nila ni Marcos na sina Bongbong, Imee at Irene, si Danding Cojuangco, Roberto Benedicto, Henry Disini at iba pang mga pulitiko at malaking kapitalistang komprador.

Matapos ang halos 17 taon mula nang pinabagsak ang diktadurang Marcos sa pamamagitan ng pag-aalsang Edsa, ganap na nakapanumbalik sa pulitika at negosyo ang mga Marcos at alipures nila. Ni isang sentimo, ay walang nabawi si ilambilyong dolyar na ninakaw ng mga Marcos sa kabang-yaman. Ni isang biktima ng pang-aabuso ay hindi pa nakatatanggap ng danyos perwisyos mula sa mga nagdaang gubyerno.

Ang mga gubyernong Aquino, Ramos, Estrada at Macapagal-Arroyo ay pawang nabigong parusahan ang pinakapusakal na mga alipures ni Marcos at mga umabuso sa karapatang-tao. Katunayan, sa ilalim ng mga gubyernong ito, isa-isa silang nakabalik sa loob ng bansa at nakapanumbalik sa pwesto.

Tanging ang rebolusyonaryong kilusan ang nasusulingan ng mamamayan sa pagkamit ng katarungan mula sa matinding pang-aapi at pagpapahirap na dinanas nila sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Kabilang sa mga hakbanging isinagawa ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay nito ay ang pagparusa kay Col. Rodolfo Aguinaldo, isang notoryus na tortyurer at pasistang upisyal ng AFP. Ang pagparusa sa kanya ng Bagong Hukbong Bayan noong 2000 ay lubusang pinalakpakan ng mamamayang Pilipino, laluna ng mamamayan sa Cagayan Valley na dumanas ng sobra-sobrang pagpapahirap sa ilalim ng pasistang pang-aabuso ni Aguinaldo.

Kaugnay nito, nananatiling may bisa ang direktiba ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas na arestuhin, litisin at parusahan ang mga prinsipal na personaheng nagpatupad ng batas militar at nakinabang sa diktadurang Marcos.

Nasa mga rebolusyonaryong pwersa ang panahon at inisyatiba kung kailan at papaano ito ipatutupad. Tulad ni Aguinaldo, kailanman at saanman, ang mga Marcos at alipures nila ay aabutan at aabutan ng rebolusyonaryong katarungan. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.