Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaHiligaynon
   

Tugon sa mga usaping lumitaw kaugnay ng pagparusa kay Kintanar

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Pebrero 07, 2003

Nais kong ipahayag ang mga karagdagang pananaw at paglilinaw ng pamunuan ng Partido sa mga usaping lumitaw kaugnay ng pagparusa kay Romulo Kintanar.

Una sa lahat, nais ko muling bigyang-diin na ang pagpataw at pagsasakatuparan ng pinakamabigat na parusa kay Romulo Kintanar ay ganap na wasto at kinakailangan batay sa sumusunod na mga krimeng kapital niya laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa bayan:

1. Ginamit niya ang pangalan at pwersa ng Partido at BHB para sa kanyang mga gawaing gangster noong 1980-1992 sa kabila ng malinaw na pagbabawal ng Partido at BHB sa mga ito.

2. Marami siyang kaso ng pagnanakaw ng malalaking pondo ng Partido noong panahong din iyon.

3. Isa siya sa mga pasimuno sa mga kampanyang panghahati at pangwawasak sa Partido mula 1992 hanggang 2003.

4. Bilang consultant ng AFP at PNP, umuupo siya sa mga pulong at kumperensya ng AFP at PNP para pag-aralan ang takbo ng kampanyang "counter-insurgency" at tumulong sa pagbabalangkas ng mas epektibong mga pamamaraan at taktika laban sa BHB at rebolusyonaryong kilusan.

5. Nagsilbi siyang aktwal na military intelligence agent at special military consultant sa paglulunsad ng kontra-rebolusyonaryong programa at mga plano ng AFP at PNP mula 1992 hanggang 2003. Naging intelligence agent din siya ng NBI.

6. Naging project officer siya sa nabigong tangkang asasinasyon kay Kasamang Jose Ma. Sison noong Mayo 2000.

7. Nagpapaupa siya bilang gun-for-hire, gamit ang kanyang itinatag na security agency bilang prente, at sa gayong kapasidad nasangkot sa ilang kriminal na pagpatay na kinomisyon sa kanya.

8. Malakihang pandarambong sa kaban ng bayan para sa personal na pagpapasasa, kasabwat ang mga pinapasok niyang mga tao sa Bureau of Customs noong 1986 pataas at sa iba pang mga ahensya ng gubyerno.

9. Nagpasimuno at lumahok siya sa marami pang karumaldumal na krimen mula 1992 hanggang 2003.

Ang mga unang kaso ni Kintanar (1-3) ay isinampa sa espesyal na hukumang bayan noong 1993. Kung tutuusin, ang bigat ng mga kaso at kriminal na pananagutan niya sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan hanggang noong panahong iyon ay sapat na upang igawad sa kanya ang pinakamabigat na parusa.

May patakaran ang Partido at rebolusyonaryong kilusan na sa pagsasakatuparan ng rebolusyonaryong hustisya, binibigyang-konsiderasyon ang at ibinubukas ang posibilidad ng pagbigay ng amnestiya sa sinumang nagpapakita ng taos na pagsisisi at kahandaang magwasto sa mga kamaliang nagawa. Inilapat ang patakarang ito sa lahat ng iba pang nagtaksil sa Partido at rebolusyonaryong kilusan, maging kay Kintanar. Subalit wala siyang ipinakita ni katiting na pagsisisi o anumang pagwawasto. Dumami at tuluy-tuloy ang mga naisampang kaso kaugnay ng mga kriminal at kontra-rebolusyonaryong aktibidad niya. Sa ginawang pagrebyu at paghatol ng espesyal na hukumang bayan sa kanyang kaso noong 2002, nabigyang-diin ang mga bagong ebidensyang nagpapatunay na si Kintanar ay nagpatuloy at lalo pang nalulong sa kanyang mga kriminal at kontra-rebolusyonaryong aktibidad mula noong tahasan nang nagtaksil sa Partido at rebolusyonaryong kilusan.

Masahol pa sa kanyang mga kriminal na mga aktibidad ang direkta na niyang pagsanib sa istruktura ng AFP, PNP, NBI at iba pang ahensya sa intelligence ng gubyerno bilang consultant, intelligence agent at espesyal na operatiba ng militar at pulis laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang kanyang pagiging military intelligence agent ay kinukumpirma mismo ng Malakanyang at AFP matapos igawad sa kanya ang parusa ng rebolusyonaryong kilusan noong Enero 23. Sa madaling sabi, hindi niya piniling "manahimik" na lamang at "mamuhay bilang sibilyan" katulad ng sinasabi ng iba, bagkus pinili niyang aktibong lumaban at magpahamak sa rebolusyonaryong kilusan bilang bahagi ng militar ng gubyerno. Kabilang dito ang pakipagsabwatan sa AFP at PNP sa paglulunsad ng mga operasyong militar laban sa BHB at ang naunsyaming planong pagpatay kay Kasamang Jose Ma. Sison noong May 2000, kasabwat ang dating PNP chief na si Panfilo Lacson.

Bunga ng pagpapatunay ng mga krimeng kapital niya, hinatulan siya ng espesyal na hukumang bayan ng pinakamabigat na parusa. Bukod pa rito, bilang military intelligence agent at operative na lumalahok sa pagpaplano ng mga operasyong militar laban sa rebolusyonaryong kilusan, naging isang lehitimong military target na siya alinsunod sa mga internasyunal na tuntunin sa digma na nakasaad sa Section II, Article 43 ng Protocol I ng Geneva Conventions (1949).

Ikalawa. Kinukundena ng Partido ang isterya na nililikha ng mga kontra-rebolusyonaryong taksil, ng Malakanyang at ng AFP sa sinasabi nilang mahabang listahan ng mga lilikidahin, na kinabibilangan ng lahat ng tumiwalag at nagtaksil sa PKP at BHB.

Inilinaw ko sa mga nagdaang pahayag na ang pagpapataw ng pinakamabigat na parusa sa balangkas ng rebolusyonaryong sistema ng hustisya ay inirereserba lamang sa mga taong walang dudang napatunayang may mga krimeng kapital laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Maingat itong pinagpapasyahan at paulit-ulit na nirerebyu ng hukumang bayan upang tiyaking wasto ang desisyon. Inilinaw ko rin kamakailan na sandakot lamang ang mga pinakasagadsaring kriminal at kontra-rebolusyonaryong nahatulang patawan ng pinakamabigat na parusa.

Ngunit ang sistema ng rebolusyonaryong hustisya na lubos na masinop, siyentipiko, makatarungan at makatao ay pinipilit ng Malakanyang, AFP at mga tagapagpakulo nila ng psywar na palitawing arbitraryo at walang kapararakan.

Ang Malakanyang, AFP at mga tagapagpakulo nila ng psywar ay walang katigil-tigil sa paglulubid ng mga istorya upang palabasing kriminal at terorista ang PKP at BHB. Ang nilubid ng Malakanyang na kwentong "NPA hitlist" na kinabibilangan diumano ni Presidential Chief-of-Staff Rigoberto Tiglao at Foreign Affairs Secretary Blas Ople ay paulit-ulit na inilalabas nila sa kanilang mga press release upang palabasing ang BHB ay walang pamimili sa paggamit ng armadong lakas at nagtatarget maging ng mga sibilyan, at na ang pagparusa kay Kintanar ay isang akto ng terorismo.

Singsama ng psywar ng Malakanyang ang malubhang pambabaluktot at paninira sa Partido ng mga kontra-rebolusyonaryong taksil katulad nila Arturo Tabara, Nilo dela Cruz, Nathan Quimpo na pawang may malulubhang krimen at kasalanan sa rebolusyonaryong kilusan. Dumudura sila ng lason at nagpapakalat ng disimpormasyon upang ilarawang anghel si Kintanar at ang mga sarili nila, umiwas sa mga pananagutan nila sa rebolusyonaryong kilusan, palabasing ang pagparusa kay Kintanar ay marahas at wala-sa-lugar na tugon sa tunggalian lamang sa ideolohiya.

Kahit noong nagpapanggap pa siya sa loob ng rebolusyonaryong kilusan at laluna noong tahasan na siyang nagtaksil, si Tabara ay lubos na nakikipagtulungan sa militar at pulis sa pamamagitan ng pagbibigay ng nalalaman niyang lumang impormasyon tungkol sa Partido at rebolusynaryong kilusan. Isa na siyang ganap na mersenaryong nagpapagamit sa pinakamasasahol na reaksyunaryo tulad ni Danding Cojuangco na marami nang utang na dugo sa rebolusyonaryong kilusan at bayan at matinding nang-aapi at nagsasamantala ngayon sa puu-puong libong magsasaka sa Negros, Isabela at iba pang lugar. Trinansporma nina Tabara at dela Cruz ang RPA-ABB di na lamang para maging isang pwersang paramilitar na nakakabit sa AFP at PNP kundi para rin maging isang bayarang private army ni Cojuangco.

Ang kasunduan na pinasok nila sa rehimeng Estrada noong 1999 at muli sa rehimeng Macapagal-Arroyo noong 2002 ay lubos na nagpailalim ng RPA-ABB sa kontrol at awtoridad ng AFP at PNP at nagpatibay sa dati nang impormal na mga kaayusan kung saan ginagamit sila bilang mga pambala sa kanyon ng kontra-rebolusyonaryong digma ng AFP-PNP. Pinapelan ni Kintanar ang pagiging consultant sa usapan para sa pagsuko ng RPA-ABB at tagapamagitan niya sa RPA-ABB at Dept. of Budget and Management para sa paglalabas ng malalaking pondong kailangan umano sa "livelihood projects" ngunit ibinubulsa nina Tabara.

Buong kasinungalingang sinagpang ni Dela Cruz ang pagparusa kay Kintanar upang ipasa sa PKP-BHB ang responsibilidad sa pagpatay ng RPA-ABB kay Filemon "Popoy" Lagman dalawang taon na ang nakaraan. Ito ang hinantungan ng away nina Tabara-Dela Cruz at Lagman sa hatian sa P400 milyong suhol na personal na binigay ng PEA-Amari kay Lagman, kapalit ang pakikipagtulungan ng grupo nina Lagman at Tabara-Dela Cruz sa pagpapalayas ng mga maralita ng lunsod na naninirahan noon sa Freedom Island, Parañaque. Lipos sa galit ang grupo nila Tabara-Dela Cruz matapos ibulsa ni Lagman ang bulto ng kinita sa suhol at tirhan na lamang ang RPA-ABB ng mismis.

Pinalilitaw naman ni Quimpo na ang gawaing gangster ni Kintanar ay bahagi lamang ng pagpapatupad ng kanyang mga "upisyal na tungkulin" alinsunod sa atas ng sentro ng Partido. Nais niyang ilarawan si Kintanar na isang "tapat na sundalo" taliwas sa katotohanang ang mga gawaing gangster ni Kintanar ay inilingid niya sa sentral na pamunuan ng Partido at ang mga pakinabang sa mga ito ay sinarili at pinagpasasaan niya at ng mga bulok niyang kasapakat. Pinangtatakip din ni Quimpo ang ganitong pangangatwiran sa kanyang personal at pangunahing responsibilidad sa paglulunsad at pagsasakatuparan ng Kampanyang Ahos sa Mindanao noong 1984-85, bilang pinuno ng caretaker committee, labag sa mga patakaran at prinsipyo ng Partido at lingid sa kaalaman ng sentral na pamunuan ng PKP.

Ikatlo. Kinukundena ng Partido ang pagturing na "terorista" at "kriminal" sa mga lehitimong gawaing rebolusyonaryo at pampulitikang pakikibaka laban sa reaksyunaryo at papet na mga patakaran at paghahari at laban sa mga pinakamasahol na lumalabag sa mga karapatan at kapakanan ng mamamayan.

Sa desperasyong palitawing "terorista" at "kriminal" ang BHB, pilit inilalarawan ng Malakanyang na si Kintanar ay isang "mabuting tao" na "pumili ng landas ng kapayapaan" kasabay ng tahasang pag-aamin din ng Malakanyang at AFP na "nagtatrabaho siya bilang military intelligence agent."

Desperado rin silang suhayan ang paratang nilang "terorista" si Kasamang Jose Ma. Sison sa pamamagitan ng pagdadawit sa kanya sa mga tampok na kaso ng pagpataw ng BHB ng rebolusyonaryong parusa sa mga sagadsaring kalaban ng bayan, tulad nina Romulo Kintanar at Col. Rodolfo Aguinaldo at pagsasampa umano ng mga kasong ito sa United Nations. Ginagawa ito ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa tangkang panggigipit sa PKP-BHB-NDF at negotiating panel para sa usapang pangkapayapaan upang ipapilit ang pagtanggap ng hinanda nilang dokumento ng pagpapasuko sa PKP-BHB-NDF sa anyo ng panukala nilang "Final Peace Agreement."

Kahit ang simpleng trabaho ng tagapagsalita ng Partido na maglahad ng paninindigan ng PKP at rebolusyonaryong kilusan ay nais ituring na "kriminal" at "terorista"; at dahil dito, ay nag-anunsyo ng P1 milyong premyo para sa pagdakip ng inyong abang lingkod.

Lahat na lamang nang pwedeng mapulot ay dinadampot at ipinupukol sa Partido at BHB sa desperasyong ilarawan ang rebolusyonaryong kilusan bilang "kriminal" at "terorista".

Subalit sa kadulu-duluhan, walang ibang pinupukol ang rehimeng Macapagal-Arroyo kundi ang sarili nito. Ang ginagawa nitong pagkakanlong sa mga kontra-rebolusyonaryong taksil, kabilang yaong may mabibigat na krimen laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ay malinaw na nagpapakita ng lubos na kabulukan nito. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.