Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Mariing kinukondena ang teroristang pagpapasabog ng bomba sa Davao airport

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Marso 05, 2003

Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pagpapasabog ng bomba kahapon sa Davao International Airport na kumitil sa buhay ng mahigit 20 katao at sumugat sa mahigit 100 pa.

Mariin ding tinutuligsa ang awtomatiko at malisyosong pagpaparatang ng AFP Southern Command na ang karumal-dumal na krimeng ito ay isinagawa ng Moro Islamic Liberation Front, o kaya ng Bagong Hukbong Bayan.

Walang anumang kinalaman ang Partido Komunista Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan o anumang organisasyon sa ilalim ng pamumuno ng PKP sa teroristang pagpapasabog sa Davao o sa anumang akto ng terorismo. Lubos ding kapani-paniwala ang sinabi kahapon ni Eid Kabalu, tagapagsalita ng MILF, na walang kinalaman ang kanilang organisasyon sa karumal-dumal na pangyayaring ito.

Lubos na nakikiramay ang Partido at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa mga biktima ng kriminal na atakeng ito, na pawang mga inosenteng sibilyan. Ipinangangako ng Partido na tutulungan, sa abot ng makakaya nito, ang mga biktima ng pagpapasabog na ito, at papanagutin sa rebolusyonaryong hustisya ang mga salarin.

Anumang grupo o organisasyon ang nagpasimuno sa krimeng ito, malinaw na walang interes ang reaksyunaryong gubyerno na alamin at panagutin ang mga tunay na responsable. Bagkus, ginagawa lamang itong sangkalan para ipagdiinan ang paratang na "terorista" ang MILF at PKP-BHB-NDFP at bigyang-katwiran ang mga hakbangin para ihiwalay at durugin ang mga ito, kasabay ng ibayong panunupil sa mamamayan. Malinaw na ang pinakamakikinabang sa teroristang aktong ito ay walang iba kundi ang papet na gubyernong Macapagal-Arroyo at ang imperyalistang amo nito.

Kapuna-puna ang mabilis na reaksyon ni Presidente Bush ng US na kaagad na nagpahayag ng kahandaang humakbang upang "papananagutin" ang may kagagawan ng pambobomba. Gusto lamang niyang gamitin ang pagkabiktima ng tatlong Amerikano sa Davao upang kunin ang simpatya ng mamamayang Amerikano sa planong deployment ng mga tropa ng US sa Pilipinas.

Bukod sa pagbibigay-katwiran sa ibayong interbensyong militar ng US sa Pilipinas, hindi rin malayong gawing sangkalan ang insidente at maghasik pa ng maraming tulad nitong karahasan ang "dirty tricks and psywar department" ng AFP para ibintang ito sa BHB at MILF at patampukin ang kampanya laban sa "terorismo", magdeklara ng "state of emergency" at pasidhiin ang panunupil sa mga pwersang tumututol sa pinag-ibayong militarisasyon at sa planong agresyong militar ng US sa Pilipinas.

Gagamitin lamang ito ng rehimen para pagtakpan ang matinding krisis na kinasasadlakan nito at piliting patatagin ang sarili nitong paghahari, sa desperadong pag-aakalang makaaahon pa ito.

Sa harap ng ibayong desperasyon at panunupil ng naghaharing rehimen, kailangang higit na bantayan at labanan ng mga rebolusyonaryo at demokratikong pwersa at ng mamamayan ang anumang imbing pakana ng imperyalismong US at ng papet nito na gipitin ang kanilang hanay, sagkaan ang kanilang pagkilos at magpatupad ng represyon. Kailangang ubos-kayang palaparin, patatagin pa at isulong ang kilusang masa at nagkakaisang prente para patalsikin ang rehimeng Macapagal-Arroyo.

Sa harap ng nakaamba nang armadong agresyon ng US sa bansa, kailangan ding pag-ibayuhin ang pagbabantay at paglaban para ilantad at tutulan ang walang-tigil na pagmamaniobra ng imperyalismong US at ng papet nito para likhain ang sitwasyong magpapadulas ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.