Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisaya
   

Magkaisa, kundenahin at labanan ang armadong agresyon ng US sa Iraq

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Marso 18, 2003

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang unilateral at buong kahambugang pagdedeklara ng 48-oras na ultimatum laban sa Iraq at pagtuloy na rin ng gerang agresyon nito sa Iraq sa paglampas ng ultimatum na ito.

Walang anumang karapatan ang imperyalismong US na idikta sa Iraq kung sino ang gusto nilang mamuno sa bansa. Walang anumang karapatan ang ibang bayan na maglunsad ng armadong agresyon sa Iraq sa pagdadahilang hindi kusang aalis si Iraqi President Saddam Hussein. Lubos ang karapatan at responsibilidad ng gubyerno at mamamayang Iraqi na piliin ang mamumuno sa kanila. Lubos ang karapatan ng Iraq na labanan, puksain at lipulin ang mga dayong armadong pwersa at biguin ang tangkang papaghariin doon ang imperyalistang kapangyarihan ng US.

Ipinakita ng walang kapararakang pananagasa ni Bush sa mga prosesong internasyunal at diplomatiko na wala itong balak na pumailalim sa kapasyahan ng higit na nakararaming bansa sa buong daigdig. Dahil hindi makuha ang gusto nito sa pamamagitan ng United Nations, inunahan at isinaisantabi na ito ng US. Ang unilateralismong ito ng US ay itinutulak ng masidhing pagnanais na pasaklawin ang hegemonismo nito sa Iraq, magtayo ng papet na rehimen dito at angkinin ang yamang langis ng bansa. Tulak na rin ito ng desperasyon ng imperyalistang US sa harap ng napakasidhing krisis sa ekonomya.

Nagpupugay ang PKP sa ipinamamalas na militansya ng mamamayang Iraqi para ipagtanggol ang soberanya ng kanilang bansa at tutulan ang mga dikta ng superpower na imperyalistang US. Walang ibang dapat gawin ang mamamayang Iraqi kundi ang maglunsad ng isang patriyotikong gera laban sa agresyon ng US.

Sa harap ng imperyalistang panggegera ng US sa Iraq, ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa daigdig ay dapat maglunsad ng lahat ng posibleng paraan at anyo ng pakikibaka para ibagsak ang imperyalismong US.

Kailangang makiisa ang rebolusyonaryo at mamamayang Pilipino at lahat ng rebolusyonaryo at mamamayan sa daigdig sa paglaban ng mamamayang Iraqi sa armadong agresyon ng US. Sa pagyurak ng US sa soberyanya at kasarinlan ng Iraq, nilalapastangan ng US ang mga saligang prinsipyo ng sibilisadong relasyon sa pagitan ng mga bansa. Lalo ring lumalaki ang banta ng agresyon ng US sa Pilipinas. Kailangang kundenahin at labanan sa lahat ng posibleng paraan ang bulag na pagsuporta ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa imperyalistang amo nito. Kailangang ibagsak ang mga gubyernong sumusuporta sa gerang agresyon ng US sa Iraq.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa US at iba pang mapandigma at pasistang kasapakat ng US sa "coalition of the willing" ay kailangang maglunsad ng lahat ng posibleng anyo ng pakikibaka-ligal at iligal, armado and di armado-upang pigilan ang agresyon laban sa Iraq at bigwasan ang mga imperyalistang gubyerno nina George W. Bush ng US, Tony Blair ng UK, Jose Maria Aznar ng Spain at John Howard ng Australia. Lubusang wasto ang panawagan sa mamamayan ng mga imperyalistang bansang ito na itransporma ang imperyalistang gera sa mga gera sibil laban sa kani-kanilang mapandigmang mga gubyerno. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.