Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Ang National Democratic Front ay di malulupig na moog ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Abril 24, 2003

Sa ngalan ng mga kasapi at kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, ipinaaabot ko ang mainit na rebolusyonaryong pagbati sa lahat ng 17 magkaka-alyadong organisasyong bumubuo ng National Democratic Front sa okasyon ng ika-30 taong anibersaryo nito.

Marapat lamang na sa pagdiriwang sa araw na ito, muling pagtibayin nating lahat ang dedikasyon sa walang kapagurang pakikibaka hanggang sa pagkakamit ng pambansang kalayaan at demokrasya para sa sambayanang Pilipino. Ialay natin ang pagdiriwang na ito sa lahat ng martir at bayani ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sariwain natin ang alaala ni Kasamang Antonio Zumel -- ang yumaong tagapangulo ng NDF na si Manuel Romero -- at humalaw ng inspirasyon sa kanyang lubos na pag-aambag ng buong buhay at talino sa paglilingkod sa bayan.

Ang pagdiriwang na ito ay nagaganap sa gitna ng papatinding krisis sa daigdig at sa ating bansa, na nagsisilbing lalong mainam na kalagayan sa pagsusulong ng rebolusyon. Ito ang matalas na sinuri at inilantad ni Kasamang Armando Liwanag, Tagapangulo ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa kanyang mga pahayag noong Disyembre 26, 2002 at nitong Marso 29, 2003.

Palubha nang palubha ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Pinag-ibayo nito ang tindi ng pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang sektor ng mamamayan. Lalong lumilinaw ang kawastuhan at pangangailangang isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon upang wakasan ang paghihirap at pagdurusa ng sambayanang Pilipino.

Laluna nitong kagyat na nagdaang mga taon, mabilis at lahatang-panig ang pag-aabante ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Puspusang isinasabalikat ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mabibigat na tungkulin sa pagsusulong ng digmang bayan, kilusang masa at nagkakaisang prente.

Sa mas maraming aspeto, muling naabot ng rebolusyonaryong kilusan nitong huli ang rurok nito bago ito hinatak padausdos ng mga kamalian at paglihis sa loob ng mahigit isang dekada na ang nakaraan. Sa kagyat na mga susunod na taon, tiyak ang tunguhing malalagpasan pa natin ang naunang rurok. Nakahanda ang mga rebolusyonaryong pwersa na ibayo pang iabante nang lahatang-panig ang digmang bayan at dalhin ito sa gitnang subyugto ng estratehikong depensiba.

Kabaligtaran ng rebolusyonaryong kilusang nasa kasiglahan ng paglawak at pagsulong, tuluy-tuloy na nabubulok, nahihiwalay at pabagsak ang rehimeng Arroyo. Hindi matiis ng mamamayan ang sobra-sobrang pagkapapet, panunupil at korupsyon nito. Hindi na tumatalab ang kung anu-anong pakulo ng rehimen para makapagpabango at makapanlinlang sa mamamayan. Dumarami at nagiging higit na mahigpit ang oposisyon sa rehimen.

Mabilis na kumakalat at lumalagablab ang apoy ng patriyotismo sa harap ng tumitinding armadong panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas at walang-kaparis na pagpapakapapet ng rehimeng Arroyo. Makatitiyak tayong puspusan nitong sasagkaan ang armadong panghihimasok at agresyon ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas, kasabay ng tuluy-tuloy ding paglaban sa mga pang-ekonomya, pampulitika at iba pang anyo ng imperyalistang panghihimasok, dominasyon at pang-aapi sa bansa.

Sa buong mundo naglalagablab at lumalawak ang pandaigdigang protesta laban sa kasakiman, militarismo at panggegera ng imperyalismong US. Ang mga protesta laban sa armadong pananalakay ng US sa Iraq ay walang kapantay sa kasaysayan. Ang rebolusyonaryong kilusan at mga anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayang Pilipino ay bahagi ng at signipikanteng ambag sa pagsusulong ng pandaigdigang kilusan laban sa imperyalismo at reaksyon at para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo.

Marapat lamang na labanan ang armadong panghihimasok, agresyon at pang-uupat ng gera ng US sa mga rebolusyonaryong kilusan, mga makatarungang pakikibaka ng mamamayan at mga bansang nagtatanggol sa kanilang pambansang soberanya at kasarinlan. Suportahan natin ang sigaw ng mamamayang Iraq na palayasin ang mga armadong tropang Amerikano na sumasakop ngayon sa kanilang bansa. Marapat ring suportahan ang lahat ng mga lehitimong paglaban ng mga mamamayan sa Afghanistan, Palestine at iba pang bago at dating kolonya at malakolonya laban sa okupasyon ng US at iba pang masugid na mga kaalyado nito. Ngayong ang Syria, Iran at North Korea ang siya namang pinag-iinitan naman ng US, marapat lamang na patuloy na tutulan ang paggegera ng US sa mga ito. Sa harap ng tumitinding armadong panghihimasok at papalaking banta ng tuwirang armadong agresyon ng US sa Pilipinas, marapat lamang na patuloy itong tutulan, puspusang paghandaan ang tuwirang paglaban dito at hikayatin ang pinakamalawak na suportang internasyunal para salungatin ito.

Maningning ang rekord ng NDF sa pagtataguyod at pagtatanggol ng mga pambansa-demokratikong interes at rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Sa pamamagitan ng NDF, ibayong napalalawak ang pagtangkilik sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Pilipinas ng iba't ibang sektor sa bansa, hindi lamang sa panig ng mga manggagawa, malamanggagawa at magsasaka, kundi pati sa panig ng iba pang sektor tulad ng mga pambansang minorya, guro, propesyunal, kabataan at estudyante, kawani ng pamahalaan, atbp.

Tampok na papel ng NDF ang pagkakatawan sa rebolusyonaryong kilusan sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa reaksyunaryong gubyerno -- sa kabila ng liko't ikot sa takbo ng negosasyon dulot ng mga sagkang inilalagay dito ng gubyerno.

Signipikante rin ang pagkakatawan ng NDF sa rebolusyonaryong kilusan sa pakikipag-ugnayan sa iba't ibang bansa kabilang na yaong mga kumikilala sa NDF at mga pandaigdigang pagtitipon, organisasyon at institusyon, at paggampan sa iba't ibang mga pandaigdigang proto-diplomatikong aktibidad. Dahil sa gawain ng NDF, marami ang kumikilala sa lehitimong adhikain at gawain ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at kumikilala sa kanyang status of belligerency o ang pagkilala dito bilang isang lehitimong pwersang nakikipagdigma na may sariling kapangyarihang pampulitika, hukbo at teritoryo. Ang malawak na pagkilala at suportang tinatanggap ng NDF ay kalasag laban sa mga pagtatangka ng imperyalismo at reaksyunaryong estado na pagkaitan ang rebolusyonaryong kilusan ng suporta alinsunod sa "gera laban sa terorismo" ng imperyalismong US.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa ay nagagalak sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng NDF. Makinang ang pagkakatawan ng NDF sa rebolusyonaryong kilusan bilang isang di malulupig na moog ng anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasistang pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Magkaisa, labanan at ibagsak ang papet, bulok at mapanupil na rehimeng Macapagal-Arroyo!

Isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka!

Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!

Mabuhay ang National Democratic Front!

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.