Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaIloko
   

Gloria Macapagal-Arroyo, numero unong hipokrita

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Oktubre 05, 2003

Numero unong hipokrita si Macapagal-Arroyo sa pagsasabing napilitan lamang siyang magbago ng isip dahil sa "mas mataas na simulain" at tanggapin bilang "malaking sakripisyo" ang kapasyahang tumakbo sa 2004. Nakasusuka ang talumpati niyang hayagang pagsisinungaling sa harap ng mamamayang araw-araw na dumaranas ng katakut-takot na kahirapan sa pagkapapet, militarismo, korapsyon at kainutilan ng kanyang rehimen. Nakatambad sa harap ng sambayanang Pilipino kung gaano kalaki ang pakinabang na tinatamasa ni Arroyo at ng kanyang mga kasabwat sa poder sa patuloy na pag-upo niya sa trono ng Malakanyang.

Wala nang bago at kagulat-gulat sa pag-anunsyo ni Gloria Macapagal-Arroyo ng kapasyahan niyang tumakbo sa darating na halalan sa 2004. Matagal nang alam na alam ng buong bayan ang kanyang pagkagumon sa kapangyarihan na lubusan na niyang pinakinabangan. Tinatalikuran na tuloy siya ng nakapag-iisip na mga dating kaalyado.

Ang totoo'y hindi kaya ni Arroyo na talikdan ang milyun-milyong pisong kinakamkam niya at ng kanyang asawa bunga ng korapsyon at malalaking pribilehiyo sa negosyo. Hindi kaya ni Arroyo na talikdan ang bulong sa kanya ng diyos niyang si US President George W. Bush na kanyang pikit-matang sinasamba at pinagsisilbihan.

At ano ang mapapala ng sambayanang Pilipino sa pagnanais ni Arroyo na manatili pa nang anim na taon? Walang dudang ang ihahatid lamang nito ay ibayong kahirapan at pagdurusa sa mamamayang Pilipino, mas malalang korapsyon at ibayong pagkabundat ng mag-asawang Arroyo, mga anak at mga kasapakat nila, mas masahol na pagpapakatuta sa imperyalismong US at mas malalang armadong interbensyon nito sa Pilipinas at ibayong pagtindi ng teroristang karahasan ng estado at kalupitang militar laban sa mamamayan.

Tiyak na todo-todong paglaban ang isasalubong ng mamamayang Pilipino sa inianunsyo ni Arroyo. Para sa mamamayan, napakahaba na ng halos tatlong taong pagkakaluklok sa trono ni Arroyo kung titimbangin ang bigat at dami ng mga problemang pumipipi sa kanilang mga balikat sa ilalim ng kanyang rehimen.

Nagpupuyos na ang damdamin ng mamamayan. "Takbo, Gloria! Tumakbo ka nang palayo! Alis, Gloria, alis! Alis ka na sa Malakanyang!" Ito ang sigaw ng mga gutom. Sigaw ng mga walang hanapbuhay, ng mga nabubuhay sa kahig-tuka, ng mga kabataang hindi makapag-aral, ng mga estudyanteng mulat sa kaapihan at kahirapan, ng mga ordinaryong titser at kawani, ng mga ligalig na sundalo, ng mga nangaluluging negosyante. Ito ang sigaw ng sambayanang Pilipino!

Nagtraydor si Arroyo sa EDSA 2. Ang mga kaso ng korapsyon ng kanyang pamilya at pinakamalalapit na kaibigan at kasapakat sa pulitika ay singlansa ng malalaking kaso ng korapsyon ng kinamuhian at napatalsik na rehimeng Estrada. Samantalang sila'y nangabubundat, ni minsan at ni katiting ay hindi itinaas ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa at karaniwang kawani. Ibinaon na sa limot ang reporma sa lupa at kabaligtaran nito'y binigyang-daan ang malawakang pangangamkam ng lupa ng mga malalaking panginoong maylupa at dayuhang korporasyon at rekonstrasyon ng pag-aari ng lupa sa mga panginoong maylupa, usurero at burges komprador.

Nagtraydor si Arroyo sa pambansang interes. Ibinugaw niya ang pambansang soberanya para lamang mapagbigyan ang layaw ng kanyang imperyalistang amo at mga armadong tropa nito. Lalo pa niyang ibinuyangyang ang ekonomya upang buong-pagkahayok na dambungin ito ng malalaking kapitalistang dayuhan.

Nagtraydor si Arroyo sa demokrasya at kapayapaan! Ibinasura niya ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front at ang lahat ng mga napirmahan nang kasunduan. Ipinangibabaw niya ang kapasyahan ng mga militarista alinsunod sa doktrinang "kontra-terorismo" ng imperyalismong US. Karahasan ang sagot sa mga demonstrasyon. Ang mga nagpapahayag ay pilit pinatatahimik.

Tiyak na itatakwil ng mamamayan si Gloria Arroyo sa 2004�sakaling umabot pa siya sa eleksyon. Ipakikita ng mamamayan ang labis na pagkamuhi sa kanya, kahit na kung tutuusi'y wala rin naman silang gaanong mapagpipilian.

Milagro lamang sa anyo ng labis-labis na pandaraya, pandarahas, panunuhol at maniobra ng US ang maaaring magpanalo sa kanya sa eleksyong 2004. Magkagayunman, ang pagpapatuloy at pagsahol ng mga patakaran at hakbanging ipatutupad niya ang siya ring magbubunsod ng ibayong paglala ng krisis sa kabuhayan at pulitika ng bansa, yayanig sa kanyang rehimen at magpapasiklab ng mas matindi at malawakan pang paglaban ng mamamayan.

Sa pamimilit ni Arroyo na manatili pa sa poder, lalo niyang hinahamon ang mamamayan na ibagsak ang kanyang rehimen at kasabay nitong ibayong pahinain ang buong naghaharing sistema. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.