Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Walang hatid na pag-asa sa sambayanang Pilipino ang eleksyon sa Mayo 10

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Mayo 06, 2004

Tulad ng lahat ng iba pang reaksyunaryong eleksyon sa kasaysayan ng papet na republika, ang darating na halalan sa Mayo 10 ay magpapanatili lamang sa naghaharing sistemang pampulitika at maglilikha ng ilusyon ng demokrasya. Hindi maipapahayag ng eleksyong ito ang kagustuhan ng mamamayan at hindi rin ito maaaring maging paraan ng pagpili ng mga lider na tunay na kakatawan sa interes ng sambayanan.

Ang umiiral na sistemang sosyo-ekonomiko, pampulitika, elektoral at pangkultura ang siyang nagtatakda sa dominasyon ng mga reaksyunaryong partido at kandidato sa mga reaksyunaryong eleksyon. Tulad ng dati, sa kalakhan ang halalan sa Mayo 10 ay walang ibang hahantungan kundi ang pagtatakda kung aling kinatawan at paksyon ng mga reaksyunaryong naghaharing uri ang mangingibabaw at makikinabang sa kapangyarihan kapalit ng pangangalaga nila sa reaksyunaryong estado at pagpapanatili ng pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan.

Bagamat ang mga kumakandidato para sa iba't ibang pwesto sa reaksyunaryong gubyerno ay nagtatagisan sa pamamagitan ng populista at repormistang pagsasalita, pyudal na pagpapadrino, pagpapatalastas at mga gimik sa midya at iba pang pagkukunwari upang akitin ang boto ng mamamayan, ang tunay na magtatakda sa resulta ng eleksyon ay ang paggamit ng mga sandata, maton at salapi. Ang kontrol ng iba't ibang kandidato sa mga instrumento ng pamimilit at panghihikayat, kapwa yaong kanila at sa estado, ang kanilang kakayahang makakuha ng malaking bilang ng salaping pangampanya at maraming rekurso laluna mula sa gubyerno, at ang kakayahang mamili ng boto at manipulahin ang bilang ng boto ay palagian nang naging katangian ng reaksyunaryong eleksyon sa bayan at siyang nagtatakda ng resulta nito.

Sa umiiral na sistema at kasalukuyang kalagayan, nakalaan ang pinakamatataas na pusisyon at ang mayorya ng mga pwesto para sa mga kinatawan ng mga naghaharing uri; iilang progresibong partido at kandidato lamang ang hinahayaang manalo sa eleksyon. Napakalaki ng mga balakid na kinakaharap ng mga progresibong partido at kandidato. Mula pa sa simula ay sistematiko na silang ipinupwera.

Ang paglalaan ng batas ng 20% lamang ng mga pwesto sa kongreso para sa mga organisasyon sa party-list na hindi kabilang sa limang pinakamatataas na partidong pulitikal ay patunay na ng pagiging mapag-imbot ng reaksyunaryong eleksyon sa mga progresibo. Mas masahol pa, karamihan ng mga naglalabanan para sa napakalimitadong pwesto ay kontrolado ng iba't ibang interes at paksyon ng mga reaksyunaryong naghaharing uri.

Mas kamuhi-muhi pa ang katotohanan na karakarakang naglulunsad ang mga reaksyunaryong armadong pwersa at iba pang sagad-sagarang pasista ng mababangis at mararahas na atake laban sa mga progresibong partido at kandidato, laluna sa mga panahong nagsisimulang magpahiwatig ng makabuluhang presensya ang mga progresibo sa reaksyunaryong eleksyon. Ito na ang nangyayari sa mahigit 50 taong kasaysayan ng papet na republika.

Noong eleksyon ng 1987, ang progresibong Partido ng Bayan ang siyang nakaranas ng pinakamalaking bilang ng mga pinatay, sinaktan at hinaras. Sa kasalukuyang halalan, ang mga progresibong organisasyon sa party-list tulad ng Bayan Muna, Anakpawis at Anak ng Bayan ang siyang pinupuruhan ng mga pamamaslang at karahasan na karamihan ay kagagawan ng militar at iba pang mga sagad-sagarang pasistang pwersa.

Ang kampanya ng karahasang ito ay kasalukuyang inilulunsad ng kleriko-pasistang National Security Adviser at ahente ng US intelligence na si Norberto Gonzales, kakutsaba ang pamunuan ng AFP at iba pang mga pasista.

Buong kawalang-hiyaan nilang nilalabag ang mga karapatan ng mga demokratikong organisasyon at partido. Dahil sa walang pakundangang karahasan at pasistang panunupil, lalong napakahirap para sa mga progresibo ang lumahok sa larangang parlamentaryo.

Patunay sa husay ng mga progresibo ang kakayahan pa rin nilang magtagumpay at magpunyagi sa larangan ng elektoral na pakikibaka sa kabila ng napakalalaking balakid na kinakaharap nila. Maaaring makinabang ang sambayanang Pilipino sa kanilang presensya sa reaksyunaryong parlamento at iba pang pusisyon sa reaksyunaryong gubyerno. Sa pamamagitan ng paglalantad sa kabulukan ng sistema at pagtatanggol sa pambansa at demokratikong mga karapatan ng mamamayan, nakatutulong sila sa pagpapataas sa kamulatan at militansya ng mamamayan.

Ang pundamental na tungkulin ng Partido Komunista ng Pilipinas kaugnay ng mga eleksyon sa ilalim ng kasalukuyang naghaharing sistema ay ang paglalantad sa kahungkagan ng reaksyunaryong eleksyon at ng reaksyunaryong sistemang pampulitika at tukuyin ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pakikibaka para lutasin ang mga pundamental na suliranin ng mamamayan.

Kasabay nito, inilalapat ng Partido sa larangang elektoral ang patakaran nito sa pakikipagkaisang-prente. Nakikipag-alyansa ito sa mga progresibo at sinasamantala ang pagtalas ng mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo tuwing may eleksyon at kagyat pagkatapos nito upang makakamit ng mga pakinabang para sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa gayong patakaran sa pakikipagkaisang-prente rin nagmumula ang patakaran hinggil sa permit-to-campaign at ang pangangailangang igiit ang rebolusyonaryong pampulitikang kapangyarihan at tiyakin ang proteksyon at pagtataguyod sa interes ng rebolusyonaryong baseng masa at kilusang masa.

Sa pangkalahatan, walang idudulot na pag-asa sa sambayanang Pilipino ang darating sa eleksyon sa Mayo 10 at hindi nito mareresolba ang kanilang malalalim na sosyo-ekonomiko at pampulitikang suliranin. Hindi maaasahan ang halalang ito na magluwal ng mga positibong pundamental na pagbabago sa batayang kalagayan ng lipunang Pilipino. Hindi nito mapakakawalan ang bayan mula sa mahigpit na kapit ng malakolonyal at malapyudal na sistemang batbat ng krisis.

Tanging sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan at ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka bilang prinsipal na anyo ng pakikibaka maibabagsak ng mamamayan ang bulok na neokolonyal at malapyudal na kaayusan at maitatatag ang bagong rebolusyonaryong kaayusan na may pambansang kalayaan, demokrasya, matagalang kapayapaan at kaunlaran. #

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.