Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Ang paglaya at pag-uwi ni Angelo dela Cruz ay tagumpay ng sambayanang Pilipino

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Hulyo 20, 2004

Ang inaasahang paglaya at pag-uwi ng Pilipinong bihag na si Angelo dela Cruz ay tagumpay ng sambayanang Pilipino.

Sa nakaraang dalawang linggo, iginiit ng sambayanang Pilipino sa gubyernong Arroyo na iatras ang military contingent nito sa Iraq upang matiyak ang ligtas na paglaya ni dela Cruz mula sa mga bumibihag na Iraqi.

Ang gubyernong Arroyo ay nagmatigas sa simula laban sa anumang panukala na pauwiin ang mga tropa nito sa Iraq. Nagpatumpik-tumpik si Arroyo sa usapin sa loob ng maraming araw, habang higit na nakatuon ang pansin sa pagtitiyak sa imperyalistang panginoon ng tuluy-tuloy na suporta ng kanyang gubyerno sa pananakop ng US sa Iraq.

Kung wala sanang tiyak at kagyat na banta sa mismong buhay ng kanyang tatatlong linggo pa lamang na bagong termino bilang presidente, mas pipiliin ni Arroyo na isakripisyo ang buhay ni Angelo dela Cruz. Para kay Arroyo, ang buhay ng isang overseas contract worker ay walang halaga tulad ng kawalang-halaga ng daan-daan libong Iraqi na namatay o napinsalaan dahil sa pananalakay at pananakop ng US sa Iraq na asal-aliping sinusuportahan ng kanyang rehimen.

Kahit walang saysay, sinubukan ni Arroyo ang iba pang paraan kabilang ang pagpapadala ng sugo para makipagnegosasyon at pag-alok ng $6 milyong suhol sa mga Iraqi na nakabihag kay dela Cruz para palayain siya kahit na hindi pauwiin ang mga tropa roon.

Sa harap ng malawakang kahilingan at paparaming protesta sa buong bansa, desperadong ipinatupad ni Arroyo ang paghihigpit sa midya at kamay-na-bakal laban sa mga demonstrasyon para patahimikin ang dumadagundong na sigaw ng bayan. Gumamit siya ng brutal at walang pakundangang pwersa upang buwagin ang demonstrasyon sa Plaza Miranda na sumusuporta kay dela Cruz at naggigiit ng pagpapauwi ng mga mersenaryong tropa.

Subalit ang lahat ng ito ay di nakapigil sa pagdaluyong ng malawakang protestang bayan na tiyak na makakukuha ng sapat na lawak at tindi para mapabagsak ang kanyang gumegewang na paghahari. Di naglaon ay napilitan siyang iatras ang mga mersenaryong tropang Pilipino sa Iraq. Sa katunayan, ang sarili at hindi talaga ang buhay ng Pilipinong bihag na si Angelo dela Cruz ang kanyang iniligtas.

Walang kahihiyang pinaplano ng kampo ni Arroyo na ipaghamboq sa darating na State of the Nation Address na ang pangulo ang nagligtas sa buhay ni Angelo dela Cruz. Malayo ito sa katotohanan. Unang-una, ang todo-largang pagsuporta ni Arroyo sa pananalakay at pananakop ng US sa Iraq ang nagsapanganib sa buhay ni Angelo dela Cruz at patuloy na nagsasapanganib sa buhay ng mga manggagawang Pilipino sa Iraq at sa buong Middle East. At higit sa anupaman, ang masigla, militante at malawakang paggigiit ng sambayanang Pilipino na iurong ang Philippine contingent sa Iraq ang aktwal na nagligtas sa buhay ng bihag.

Ang kagyat na pag-uurong ng tropang Pilipino sa Iraq ang iginigiit ng higit na nakararaming Pilipino. Hindi ito nababago ng mga pagsisinungaling na itinutulak ng US na hati sa gitna ang opinyong publiko hinggil sa pagpapalaya kay dela Cruz.

Ang mga lokal na papet ng US na laging mapagsinungaling ay naglalarawan ng madilim na senaryo ng "pag-asim ng relasyong US-RP," habang inuulit-ulit ang umano'y "espesyal na relasyon" sa pagitan ng imperyalismong US at neokolonyal na gubyerno ng Pilipinas. Ang mga sipsip na ito ay palaging umaasa na kaya nilang linlangin ang sambayanang Pilipino sa mga pangako ng dagdag na '"tulong" o gamiting pang-blackmail ang mga bantang "pagbawas ng mga ayuda ng US" upang pahinain ang loob ng malawak na oposisyon sa bulag na pagsuporta ni Arroyo sa gera ng US "laban sa terorismo."

Ang matatag at malawakang kahilingan ng pag-atras sa mga tropang Pilipino mula sa Iraq ay matatag na nakabatay sa pananaw na ang pananalakay at pananakop ng US sa Iraq ay di makatarungan, imoral at iligal at hindi sinasang-ayunan ng sambayanang Pilipino. Mayroon ding malawakang pananaw na ang pagsuporta sa pananalakay at pananakop ng US sa Iraq ay nagsasapanganib sa seguridad at kapakanan ng mga Pilipinong overseas contract worker sa Middle East.

Purong kasinungalingan at arogansya ng US at mga lokal na sipsip ang pagpapalitaw na ang pag-alis ng mga tropang Pilipino sa Iraq ay "magbibigay ng maling senyales sa mga terorista." Unang-una, ang walang humpay na pagkagahaman at pandarambong sa Iraq na walang habas na isinasagawa ng numero unong terorista sa mundo ang malinaw na nagturo sa sambayanang Iraqi na maglunsad ng masidhing paglaban sa pamamagitan ng lahat ng posibleng paraan. Ang sambayanang Iraqi ay lumalaban sa isang dayuhang mananakop na buong pagkaaroganteng lumapastangan sa kanilang pambansang soberanya at teritoryo at walang-awang pumaslang ng laksa-laksang Iraqi, puminsala sa daang-libo pa, sumira sa mga ari-ariang Iraqi at nagwasak sa imprastrukturang pang-ekonomya at panlipunan ng Iraq.

Ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa nakaraang dalawang linggo upang pauwiin ang mga tropang Pilipino at iligtas ang buhay ni Angelo dela Cruz ay nagpatampok sa pakikibaka upang wakasan ang bulag at lahatang-panig na pagsuporta ng rehimeng Arroyo sa di makatarungang pananalakay at pananakop ng US sa Iraq.

Ang pagpapauwi kay Angelo dela Cruz ay panimulang tagumpay laban sa pagsuporta ng rehimeng Arroyo sa mapagpanggap na "gera laban sa terorismo" sa Iraq. Ito ay ipagdiriwang di lamang ng kanyang pamilya at sambayanang Pilipino, kundi ng sambayanang Iraqi na kaisa natin sa mithiing wakasan ang hegemonya, pandarambong at pang-aapi ng US sa malalayang bansa at mamamayan. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.